Gusto kong malaman kung anong oras na. Ang cellphone ko ay nasa bag ko sa kabilang cottage. Naalala kong dala nga pala ni Arvin ang Cellphone niya. Nakita ko iyon sa may tagiliran niya. Kinuha ko iyon at pinindot. May mga mensahe sa cellphone niya. Hindi ko pa alam kung kanino. Ang gusto kong malaman ay ang oras.
Magse-seven na pala ng umaga. Napatingin ako sa paligid. Ilan-ilan palang ang mga naglalakad at ang iba ay mga nakahiga parin sa mga cottage.
Muli kong tinignan ang cellphone ni Arvin. Parang gusto kong basahin at kung sino ang nagpadala niyon. Kaya lang baka magalit si Arvin. Nakita kong nag-inat si Joshua. Akala ko magigising na siya pero hindi pala. Muli kong ibinalik ang cellphone ni Arvin sa tabi niya. Hindi ko na tinignan.
Hindi na ako nakatulog. Pero hindi ako gumalaw sa pagkakahiga ko. Hinintay ko silang magising bago ako kumilos. Naunang gumising si Mike.
"Good morning." bati niya agad sa'kin.
"Good morning din." ganti ko sa kanya.
Tumitig muna siya sa amin ni Arvin bago siya tuluyang tumayo. Napatingin din ako sa ayos namin ni Arvin. Napa-isip tuloy ako sa pagtitig sa amin ni Mike. May masagwa ba sa ayos namin? Malamang. Nakayakap kaya sa akin si Arvin.
Inalis ko ang kamay ni Arvin sa pagkakayakap sa akin. Nagising siya. Napatingin sa akin. Ngumiti lang ako sa kanya.
"Anong oras na." iinat-inat niyang tanong.
"Alas-siyete na."
Bumangon siya.
"Tingin mo anong oras tayo uuwi mamaya?" tanong ko sa kanya.
"Bago mag-tanghali siguro."
"Okey." sumang-ayon ako kahit hindi sigurado sa sagot.
Sumunod na gumising si Joshua tapos si Josek. Naka-sandal na ako sa poste ng cottage sa mga sandaling iyon. Si Mike ay pabalik na galing sa paghihilamos ngunit dumiretso papunta sa kabilang cottage. Sinundan ko siya ng tingin.
"Babangon na ba kayo?" tanong ni Arvin kala Joshua at Josek. "Liligpitin ko na 'tong mga kumot."
Hindi nag-salita ang dalawa pero hinila nila ang kumot palayo sa kanila. Natawa ako.
"Ang bilis sumunod sa tatay ah." biro ko kay Joshua at Josek.
Ngumiti lang sila sakin.
-----------
9 am kami umalis nang beach resort. Sa sasakyan, magkatabi kami ni Arvin. Ganoon parin ang ayos nagkapalit lang ang pwesto ni Arvin at Josek. Masaya ako dahil doon. Lalo pa't nahilig din sa aking balikat si Arvin. Ang sarap ng feeling. Kulang nalang at maghawakan kami ng kamay.
Wala pang isang oras nang dumating kami sa simbahan. Doon na kami maghihiwa-hiwalay.
"Kuya Ren, diretso ka na bang umuwi?" tanong sa akin ni Arvin.
"Oo." sagot ko ng matipid.
"Sige, ingat nalang ha. Hihintayin ko pa kasi sina Mama at Papa."
"Ok. Sige, kayo rin."
Siya ang unang tumalikod. Tinawag ko si Josek para sabay na kaming pumunta sa kanto para maka-sakay ng sasakyan pauwi.
Nakasakay na ako nang tignan ko ang cellphone ko. May mensahe mgunit nang pindutin ko saktong namatay. Lowbat. Hindi ko na pinag-aksayahang buhayin pang muli. Sa bahay ko nalang babasahin. Hindi ko nga pala na-charge bago ako umalis ng bahay.
--------
Sa bahay, kasalukuyan palang nagluluto ng ulam si mama.
"Kamusta?" bati niya sa akin nang makita ako.
"Masaya naman din po."
"Huwag ka nang magtagal sa taas, kakain na."
"Sige po."
Umakyat na ako sa taas. Cellphone ko agad ang inasikaso ko. Pagkatapos kong isaksak para i-charge, bumaba agad ako gaya ng bilin ni mama.
Naabutan kong naghahanda ng placemat si mama kaya tinulungan ko na. Feeling mabait ako sa pagtulong ko. Bumabawi.
"Siya nga pala. Tumawag uli ang tita mo. Nasabi ko na, na pupunta ka doon pag tapos ng pasok mo."
"Sige po."
"Tawagin mo na Papa mo sa labas."
"Hindi pumasok si Papa?" tanong ko agad. Nagtataka ako.
"Nag-inuman kagabi, hirap gisingin. Naku, wala akong ganang mamilit ng ayaw."
Natawa ako sa sinabi ni mama.
"Sige po tatawagin ko na."
Hindi naman galit si mama alam ko. Masaya ako at nagkaroon ako ng mga magulang na madaling magkaintindihan kapag nagkakaroon ng tampuhan.
Tatlo lang kaming kumakain sa hapag-kainan. Ang dalawa kong kapatid ay sa school na kumakain dahil nagbabaon. Masarap talagang kumain kapag kasama mo ang pamilya mo. (Ayts wala pala yung dalawa.)
------
Pagkatapos naming kumain, pinaghugas ako ni mama ng mga plato. Habang naghuhugas ako naalala kong may mensahe nga pala akong dapat basahin. Kaya nagmadali ako sa paghuhugas.
Napa-yes pa nga ako nang makatapos ako. At mabilis na umakyat sa taas.
"Hindi pa full-charged ang battery ng cellphone ko pero kinalikot ko na agad mabasa ko lamang ang mensahe. Baka kasi kay Arvin galing. Kung ganoon laking tuwa ko.
Excited akong mabasa. At tama nga ako na kay Arvin nga galing ang mensahe.
"Ingat." ang laman ng mensahe.
Nag-isip muna ako bago mag-reply. Nag-desisyon akong sagutin ang txt niya. Kaya lang nang magtipa na ako ng mga letra bigla ko ring binura. Parang hindi maganda yung sasabihin ko kaya iibahin ko nalang.
Muli akong nagtipa pero hindi parin ako kumbinsido sa ire-reply ko. Hanggang sa matanong ko ang sarili kong dapat pa ba akong mag-reply? Eh, ingat lang naman ang txt. Walang tanong na dapat kong sagutin.
Ganyan ang nasa isip ko nang mapahiga ako sa kama nang dismayado. Tanging ang isipin ko na lamang siya ang magagawa ko at alalahanin ang mga sandaling napagsaluhan namin. Wala akong lakas nang loob na mag-txt sa kanya para makapag-bukas ng mapag-uusapan namin. Puro buntong hininga na lang ang naririnig ko sa apat na sulok ng kwarto ko. Nang may bigla akong naalala.
"Friday nga pala ngayon. Mamayang hapon may practice ng choir. So." nagagalak ako sa tuwa sa naalala ko. "Magkikita kami mamaya. Ayos." napasigaw talaga ako sa huli kong salita. Sabay tawa.
------
Excited akong makarating sa simbahan nang hapon na iyon. Halos napapa-padyak ang paa ko kapag tumitigil ang jeep para magsakay at magbaba ng pasahero. Hindi lang pala dun kapag nata-traffic. Ipinapakita ko talaga sa driver na naka-simangot ako. Kasi naman, mag-aabang pa ng pasahero. Buti nalang tamang-tama na may nag-aabang na mga pasahero kaya't hindi na naghintay pa ang jeep.
"Ayon." nasabi ko nang mahina nang tumigil na ang jeep nang pumara ako.
Lakad-patakbo ako nang tunguhin ko ang simbahan. Muli, napatigil ako sa may gate bago pumasok. Sumilip pero wala namang bumulaga katulad ng una. Tuloy-tuloy ako sa loob ng simbahan.
"Wala pa po ba ang iba?" tanong ko sa choir directress namin sa loob ng simbahan.
"Oo nga Ren eh, mga pagod siguro."
"Kaunti lang naman ang sumama na young people sa outing. Halos yung ibang sumama hindi naman kasali sa choir." parang ako pa ang nadidismaya sa hindi pa makapag-simula.
Ako ang unang tinuruan. Para hindi masayang ang sandali. Alam ko naman ang tono ko dahil isang buwan na namin pina-practice at sa Linggo na namin kakantahin. Maya-maya lang ay isa-isa na rin nagdadatingan ang mga miyembro.
Kada may pumapasok, kanda-haba ang tingin ko kung sino. Baka kasi si Arvin na. Pero late na nakarating si Arvin. Naka-pwesto na kami sa harapan nang dumating siya. Nasa bass ang pwesto ni Arvin. Ako sa tenor. Nasa kabilang linya sila paharap sa amin. Sa gitna naman ang alto at suprano. Naka-pusisyon kaming pa-curve.
Nagkaka-tinginan kami ni Arvin pero ang atensyon namin ay nasa inaawit. Saka ko lang napansing tinitignan din ako ni Mike at Josek na katabi ni Arvin at nagngi-ngitian silang dalawa. Tinitignan ko si Arvin pero wala naman itong reaksyon. Nawala ako sa tono kaya't hindi na ako nakasabay. Nagtataka talaga ako.
"Ren, hindi ka kumakanta." sabi ng choir directress nang matapos ang awitin.
"Nawala po kasi ako sa tono." alibi ko. Totoo naman kaya lang, hindi ko sinabi kung ano ang dahilan. "Give me another chance." pagbibiro ko.
Nagkatawanan sila. Lalo na sina Mike, Josek at ang katabi kong si Joshua.
"Cher , give another chance daw oh." si Joshua habang tumatawa.
Natawa na rin ako.
"Sige, break muna. Saglit lang ha?"
Dumiretso muna ako sa c.r. sa likuran para umihi. Nang bumalik na ako, nakasalubong ko ang anak na lalaki ng pastor.
"Ren, tumataba ka ngayon ah?"
"Ngek." tanging nasabi ko.
"Parang hiyang ka siguro sa..." hindi na niya itinuloy ang sasabihin.
"Saan naman." gustong malaman ang kasunod ng sasabihin niya.
Pero tumawa nalang ito at dumiretso sa paglakad palayo sa akin. Hindi ko na hinabol pa. Parang nagbibiro lang. Dumiretso naman ako sa loob ng simbahan at naghintay. Hinanap ko si Arvin at nakita ko itong kausap sina Mike, Joshua, Josek at ang choir directress namin. Parang seryoso yata sila kung mag-usap.
Maya-maya lang ay ipinag-patuloy na ang practice.
"Oh, bukas na ang last practice natin at sa Sunday na natin 'to kakantahin. Arvin, mag-pray ka na." ito ang mga huling sinabi ng choir directress nang matapos ang pratice.
Pagkatapos ni Arvin mag-pray, hindi ko inaasahang tatawagin ako ng aming choir directress.
"Ren, wag ka munang umuwi. May itatanong lang ako sa'yo."
1 comment:
Inaabangan ko tlga to... Brilliant!!!
---> dj
Post a Comment