Followers

CHAT BOX

Thursday, January 27, 2011

Flickering Light- Chapter 7


Naabutan namin ni Arvin doon ang tropa na nagkakainan. Saka ko lang nalamang ang snacks ko pala ang tinitira nang makalapit kami roon. Wala akong reklamo, para sa lahat naman iyon at saka sa kanila din naman ako kumakain.

"San kayo galing?" si Josek ang unang bumati.

"Tingin mo?" balik na tanong ni Arvin. Hindi siya galit ngunit may pagka-siryoso.

"Nagtatanong lang naman ih." talagang pinagkadiinan ni Josek ang huling salita na para bang bata.

Natawa ako sa tinuran na iyon ni Josek.Umupo ako sa tabi ni Josek dahil iyon ang bakante. Si Arvin ay sa tabi ni Mike na habang kumakain ay nakapatong ang babasa lamesa.

"Bakit?" tanong ko kay Mike.

Umiling lana ito. Siguro napagod lang.

"Sigurado ka? Baka hindi ka na abutin ng gabi niyan?" biro ko sa kanya.

Napangiti lang siya sa sinabi ko.

"Grabe naman ito." si Josek. "Ikaw nga diyan ang yari mamayang gabi."

Natawa ako sa dipensa ni Josek para kay Mike.

"Teka, nagbanlaw na ba kayo ni Arvin?"

Napatingin ako kay Arvin. Hindi ito kumikibo pero nakatingin sa akin. Nagbawi ako ng tingin at sumagot kay Josek.

"Oo, kukuha na nga ako ng damit ko pamalit eh."

"Bakit hindi ka pa nagdala?"

Parang hindi ako makasagot. Parang ang tanong ay magdadala sa akin sa kapahamakan. Muli akong napatingin kay Arvin.

"Akala ko kasi, na... mag, sasamahan  ko lang si Arvin sa palikuran. Dumiretso na ako sa shower room."

Pagkatapos noon ay tinungo ko ang aking bag. Kumuha ako ng damit pamalit. At nagpaalam na magbibihis lang. Pagtalikod ko, narinig ko pang nagtanong si Josek kay Arvin kung magpapalit na rin ba siya. Pero hindi ko narinig na sumagot si Arvin.

Sa daan ay nagtataka ako sa sarili bakit bigla nalang akong nakaramdam ng biglaang takot. Wala naman sa tono ni Josek ang nanghuhuli o kung ano pa man na maari kong ikabahala. Sa nakikita ko kay Arvin parang wala siyang pakialam. Hindi ba siya natatakot o sadya lang na magaling siyang magtago.

Nagpalit ako ng damit pero nagpatagal ako. Ayokong bumalik ng madali para kasing ako ang pinaguusapan parin nila. "Hindi kaya may alam sila? Hindi naman siguro." Binalikan ko ang mga eksena kung nasaan sila nang may nangyayari sa amin ni Arvin. Wala naman akong nakikitang kakaiba sa ikinikilos nila.

Bumalik na ako sa cottage. Naandoon parin sila pero mga nakasalampak ang mukha sa lamesa maliban kay Joshua na nakandal sa haligi.

"Ang tagal mo naman?" si Joshua.

"Wala lang. Bakit?"

"Halos ubusin na namin ang pagkain mo hindi ka pa nadating."

"Okey lang yon." sabi ko.

"Hindi ka na maliligo mamaya?"

"Malamang." sagot ko. Sinadya kong lagyan sarkasmo ang sagot ko. Maitago ko lang ang gumugulo sa isip ko.

"Sabi ko nga."

Hindi ko naman siya naramdamang nainis sa sagot ko.
----

4pm, mainit pa rin pero nakikita ko na ang karamihan sa gilid ng dagat na naglalakad, nagtatampisaw at ang mangilan-ngilan na naliligo. Sigurado ako pagtuntong ng ala-singko, dagsaan na naman ang tao sa dagat.
Pero kaming tropa ay nagkakasya parin sa cottage mga nagpapahinga.

Pinagmasdan ko si Arvin. Hindi ko nakikita ang kanyang mukha dahil nakayuko nga ito sa lamesa. Kasabay ng aking pagmamasid ay pagalaala sa nakaraan namin.

Mga bata palang kami, magkakilala na kami ni Arvin. Inaanak ni papa si Arvin. Sa simbahan kami laging nagkikita. Lalo na nang mag preparatory siya sa school ng simbahan at kinder naman ako. Hindi ko na matandaan ang buong detalye noong mga ganong edad palang kami pero masasabi kong noon palang ay magkalaro na kami. Siguro nasa elementary na kami, mga grade 3 and 2, ang napakarami naming kakulitan ni Arvin. Katulad ng pagtapak sa mga plant-box kahit maluwag ang daan. Pag-akyat sa puno ng duhat o sa bubong ng simbahan na dati ay maliit palang kaya kayang akyatin kahit bata, makasungkit lang santol at mangga. Hilahin pababa ang mga sanga ng guyabano at pitasin ang mga bulaklak ng orchids. Diyan kami madalas mapagilan ng asawa ng pastor namin. Lagi kaming pina-memorize ng mga talata sa Bible na ang haba-haba. Hindi pwedeng umuwi hanggat hindi tapos.

Hindi lang iyon, madalas nauuna pa kaming kumain ng sopas, lugaw o champorado sa kitchen kahit hindi pa tapos ang sundays school. Ang mama kasi ni Arvin ang cook pa noon. Nagawa rin namin ang pagiging mapanira ng gamit. Mga visual aides ng mga guro ng academy ng church kung saan kami nag-aaral. Mang-bully ng kapwa estudyante. Kaya lagi kaming nasa guidance noong mga araw na iyon. Kaya si Arvin ang partners in crime ko noon.

Bestfriend kami ni Arvin kahit hindi na sabihin pa. Kaya lang ng mag-hayskul siya ay lumipat siya sa public. Hindi ko na masyadong nasusundan ang mga gusto niyang gawin na dati rati ay ako ang laging kasama. Pero kahit ganoon pag araw ng linggo ay lagi parin kaming magkasama.

Nang taong iyon ay bumuo ang simbahan ng choir group na kami ang kasali. Juniors choir iyon na nasa edad 15 pababa. Duon namin naging close sila Mike at Joshua kahit laking simbahan din sila. Dumating din ang time na nakilala ko si Josek dahil sa isang evangelism sa barangay nila at nadala ko siya sa simbahan. Hanggang sa ngayon kami na ang magkakasama.

Natatawa ako sa mga naalala ko. Hanggang sa muling sumagi sa aking isipan ang nangyayari  naman sa amin ni Arvin. Hindi ko matandaan kung paano, kailan umusbong ang ganoong gawain sa amin ni Arvin. Dati pa ba na may pagtingin sa akin si Arvin? Imposible. Wala akong nakikitang ganoon kay Arvin dati. Sadya lang sigurong kati ng katawan. Pero paano niya naisip na gugustuhin ko rin ang ganoon o bakit ako ang napili niya? Parang may sagot ako ngunit hindi ako sigurado. Muli na namang naliligalig ang aking isipan.

Natigil ako sa pag-alaala sa nakaraan ng iniangat ni Josek ang kanyang ulo sa pagkakayuko sa lamesa.

"Nakatulog ka?" tanong ko.

"Oo, ang sakit sa ulo matulog nang nagpapatuyo." reklamo ni Josek.

"Hindi kaya." biro ko sa kanya.

"Hindi ka umidlip"

"Hindi. Ayoko. Nakatulog na naman ako kanina."

"Ah... tulog uli ako."

"Sige lang."

Muli nga nitong pinatong sa lamesa ang kanyang ulo para muling umidlip. Napangiti nalang ako.
-----

Naiwan ako sa cottage mga bandang ala-singko y medya. Tulad ng inaasahan, halos ang lahat ay nasa dalampasigan na naman. Naiwan akong nagmamasid. Lalo sa grupo ni Arvin na nagtatampisaw, naghahabulan at nagkakatuwaan. Napapangiti ako sa mga nangyayari sa kanila. Maya-maya ay nagbago sila ng laro. Nagluksong-baka sila at si Joshua ang unang taya. Nakita kong yumuko si Joshua patuwad bilang taya at lulukso doon sina Arvin. Nang nagluksuhan ang lahat natuwa ako dahil walang nataya. Walang sumabit sa katawan ni Joshua. Ngunit sa paulit-ulit na paglukso natural na tumataas din ang dapat luksuhin ng mga hindi taya.

Unang lumukso si Arvin. Hindi ko inaasahang matataya siya sa puntong iyon. Natawa ako sa naging sa pagkakasubsod ni Joshua at Arvin sa tubig. Tawanan ang lahat ganun din ang mga iba pang nanonood sa kanila.

Hinihintay kong yumuko na rin si Arvin bilang bagong taya sa laro. Ngunit hindi siya yumuyuko kundi patuloy na tumatawa. Pinipilit siya ni Joshua na gawin iyon ngunit nagpapahila siya. Nakakunot ang noo ni Joshua na halatang nadidismaya dahil hindi pa makaganti. Pero patuloy si Arvin. Ayaw niyang maging taya.

Kahit malayo sila. Alam kong nagkakantyawan ang lahat kay Arvin at sinasabihan ng madaya. Natatawa naman ang ilan sa pagsadya ni Arvin na inisin si Joshua. Ang nangyari pa, nagpahabol si Arvin kay Joshua.

Tumakbo si Arvin palayo sa dagat sa direksyon kung saan naroon ako. Pero sa ginawa niyang iyon iba ang tumakbo sa aking isipan. Imbes na ang katuwaan na nagpapahabol si Arvin kay Joshua ay ang katangian nito ang umiikot sa aking utak.

Hindi naman ako dati mapagmatyag sa pisikal na katangian ni Arvin pero habang tumatakbo siya papalapit sa akin ay ang katawan nito ang napapansin ko. Para sa akin, kay kisig ni Arvin habang tumatakbo palapit sa sakin. Kahit naka-tshirt ito ay para bang hubad na nag-aanyaya.

Saglit na napatigil ako nang sa tabi ko dumiretso si Arvin.

"Kuya Ren oh, si Joshua ayaw patalo." kumapit pa sa akin si Arvin.

"Sandali basa ka. Wag mo akong kapitan." inilayo ko ang katawan ko sa kanya.

Parang hindi nito narinig ang sinabi ko,

"Ang daya mo, balik ka ron. Taya ka eh." si Joshua.

"Ha? Ayoko na. Napagod na ako." nang-aasar pa si Arvin  habang nagsasalita.

"Ano? Ang daya naman talaga oh." hinihila niya si Arvin.

"Kuya Ren oh, ang kulit."

Muli nanamang kakapit sa akin si Arvin.

"Ano ba. Basa ka nga eh." saway ko.

Ngumiti lang ito. Parang inaasar din ako. Maya-maya ay binitiwan na ni Joshua si Arvin. Tumalikod na ito pabalik sa dagat.

"Joshua." tawag ni Arvin, "Galit ka?" para bang nang-aasar pa si Arvin kay Josek.

Lumingon si Josek ngunit nang marinig ang mga huling salita ay muli itong naglakad palayo sa amin.

"Nagalit ata yon." sabi ko kay Arvin.

"Hayaan mo siya."

"Para kang sira."

"Talaga?" nakatingin ito sa akin. Bahagyang nakangiti.

Nagulat sa ako sa reaksyon niyang iyon. Parang may ibang ibig sabihin sa kanya.

"Bakit?" tanong ko. "Bakit ganyan ang reaksyon mo?"

Tumawa lang ito at bumalik sa dagat kung saan naroon sila Joshua.

Naguluhan ako sa inasta na iyon ni Arvin. Sa pagkakatingin niya sa akin kanina ay nakaramdam ako ng kabog sa aking dibdib. Kahit wala na siya sa aking harapan ay mukha nito ang nasa aking isipan.

"Gwapo pala si Arvin." parang nagulat ako sa naisip kong iyon. "Kailan pa ako naging attracted sa lalaki. Hindi, napansin ko lang. Pero bakit ngayon ko lang iyon naisip, eh ang tagal na naming magkakilala?"

Para akong sira sa pagtatanong sa aking sarili. Pero totoong ngayon ko lang talaga napansin. Bigla akong kinilig nang maalalang lumapit siya sa akin kanina na para bang naglalambing at humihingi ng saklolo laban kay Joshua. At muling ibinalik sa aking isipan ang pagkakatitig niya sa akin bago siya umalis.

Gusto ko siyang magbalik sa aking tabi at muling makita siya ng malapitan. Gusto kong makita muli ang kanyang mga mata na tumititig sa akin. Ngunit hindi ko na iyon magagawa dahil muli na silang naglalaro ng luksong baka. Hindi naman pwedeng ipagsigawan kong lumapit siya dito at tumabi sa akin o lumapit sa kanya at ibulong o hilahin pabalik sa tabi ko.

No comments: