Followers

CHAT BOX

Saturday, July 30, 2011

TRUE LOVE WAITS (A Time For Us) Chapter 23


"Ano 'tong papasukan natin?" tanong ni Juanita nang mapansin niyang papasok sila sa isang gate. Tingin niya sa papasukin nila ay napakalawak na lugar.


Hindi muna sumagot si Arman. Hinintay muna niyang maaprobahan ng guard in-charge ang kanilang pagpasok sa lugar na iyon. Nang magbigay na ang guard ng permisong makapasok ang sasakyan nila saka sumagot si Arman. "Alam kong dito natin makikita si Ramon. Madalas siyang maglaro ng golf kaya malamang narito siya ngayon. At sa oras na ito, malamang din na nasa food iyon ngayon."

"Kakausapin natin siya?"

"Hindi naman. Siguro ako. Pero ikaw, hindi ka muna magpapakita."

"Anong sasabihin mo. A-anong gagawin mo?"

"Hindi ko pa nga rin alam. Pero, malakas ang kutob kong may kinalaman siya sa pagkawala ng anak mo."

Natahimik si Juanita. Bumuntong hininga na lang siya. Minabuti na lang niyang magtiwala kay Arman. 

Halos hindi na matandaan ni Juanita kung saan sila pumasok. Bago kasi makarating sa dikit-dikit na maliliit na restaurant sa loob ng golf club maraming paliko-likong malalawak na daan muna sila nagsuot. Hanggang sa tumigil na nga ang kanilang sasakyan.

"Juanita, dito ka lang muna. Titignan ko sa restaurant na iyon si Ramon. Maghintay ka lang dito."

"Sige."

"Huwag kang lalabas kahit anong mangyari."

"Oo. Mag-iingat ka."

"Oo." Pagkatapos nun ay lumabas na si Arman.

Nakikita ni Juanita ang papaalis na si Arman papunta sa isang restaurant sa kabilang banda. Dahil puro salamin ang dingding ng restaurant na iyon, kahit papaano, nakikita niya ang mga galaw ni Arman sa loob niyon. Hindi nga naging lingid sa kanya ang makitang kausap ng ani Arman si Ramon sa loob ng restaurant na iyon. Para sa kanya hindi nga nagkamali si Arman na makikita si Ramon sa lugar na iyon.
-----

"Akala siguro ni Dad, nakalimutan ko na ang pangalan ng tunay kong ina na sinabi niya sa akin nung bata pa ako."

Ito ang naipahayag ni Arl sakay ng sarilig kotse. Kahapon pa siya nagsimulang hanapin ang kanyang tunay na pamilya. Hindi namna kasi sa kanya nagsinungaling ang tumatayong ama na si Arman sa tunay na pagkatao niya. Pero habang lumalaki siya hindi siya naghanap ng kalinga ng tunay na magulang. Kontento na siya sa pagmamahal na ibinibigay sa kanya ng ama-amahan.

Pero ang akala niyang hindi na niya gagawin ay dumating na. Ilang araw pa lang ang nakakalipas ng simulang guluhin ang kanyang isipan na hanapin ang tunay na ina. Simula nang makita niya ang kanyang tunay na ama kamakailan lang.

Hindi na niya kailangang hanapin ang kanyang tunay na ama. Dahil simula't sapul lagi na niya itong nababalitaan dahil kilalang tao ito. Pero hindi siya nakaramdam ng kasabikang makilala ito ng personal dahil sa alam niyang ginawa nito noong nasa sinapupunan pa siya ng kanyang ina. Maaring galit ang nasa puso niya hindi ang pagmamahal.

Ang gusto niya ngayong makita ang kanyang ina at kanyang kapatid. Ang kanyang kakambal. Sinabi sa kanya ng kanyang ama na babae ang naging kakambal niya.

"Alam ko nga ang pangalan ng aking ina, pero saan ko naman hahanapin?" Wala talaga siyang ideya. Hinahayaan lang niyang umandar ang kanyang sasakyan at kung saan makapunta ito. Minsan, nangingiti siya kapag napapatingin sa mga ibang kananayan at iisiping, "paano kaya kung ito pala ang aking tunay na ina? Nagkita na pala kami, tapos hindi ko man lang nakilala." pagkatapos ng ngiti mapapalitan ito ng lungkot. "Ano na kaya ang kalagayan ng aking ina? Ang kapatid ko kaya? Sigurado ako, magandang babae ang aking kapatid." Mapapa-buntong hininga na lang siya pagkatapos.
----

"Anong sabi?" tanong agad ni Juanita nang bumalik na si Arman sa kotse.

"Wala pa naman akong sinasabi tungkol sa iyo o tungkol sa nawawala mong anak." sagot agad ni Arman nang makaupo sa driuver's seat. Napansin ni Arman ang mukha ni Juanita na biglang nawalan ng pag-asa. "Pero ramdam ko sa kanyang may itinatago siya. Nakikita ko sa mga mata niyang may kung anong iniisip siya lalo na ng makita ako."

"Teka, paano pala kayo naging maayos ni Ramon? Di ba, alam niyang ikaw ang nagtakas sa akin kaya nabulilyaso ang plano niya na ilayo sa akin ang anak ko."

"Dahil sa tagal na ng panahon bago uli kami nagkita. Nabawasan na ang galit niya sa akin. Kaya nang nagpaliwanag ako sa muli naming pagkikita, hindi na siya nagreact pa tungkol doon."

"Bakit anong sinabi mo?" tanong agad ni Juanita.

"Sinabi kong, kinailangan kong dalhin ka sa ospital dahil sa maselang panganganak mo. Sinabi kong mamamatay ka kapag hindi kita dinala sa ospital. Hindi na siya sumagot. Alam ko kasing wala siyang pakialam sa sanggol na iluluwalm mo. Pero sayo..." binuhay muna ni Arman ang makina ng sasakyan. "... pero sayo meron."

Ang mga huling salitang sinabi ni Arman ay paulit-ulit na kumuliglig sa kanyang tenga. "Hindi na siya nagtanong sa bata?"

"Hindi na."
-----

"Kamusta?"

Muntikan nang mabilaukan si Jesse nang malingunan si Jonas sa likuran niya. Kasalukuyan siyang kumakain ng  tanghalian sa isang karenderyang malapit sa supermarket na pinagtatrabahuan niya.

"Bakit nandito ka? Wala kang pasok?" nanlalaki ang mga mata ni Jesse sa gulat. Hindi niya inaasahan.

"Nakakatakot ka naman. Ayaw mo akong makita?" si Jonas na nakatayo pa rin sa tabi ni Jesse.

"Umupo ka nga." alok ni Jesse at nang maka-upo na si Jonas, "nagulat lang kasi ako. Hindi ko inaasahan."

Bahagyang natawa si Jonas. "Gusto kitang makita eh."

"Kagabi lang magkasama tayo. Tapos, gusto mo na naman akong makita. Baka magsawa ka na sa akin niya." biro ni Jesse.

"Sinong magsasawa?"

Napa-ngiti si Jesse. "Siguro yung kapit-bahay namin. Magsasawa sayo kakadalaw." sabay tawa ng malakas. Napansin ni Jesse nag tiningan sa kanya ang ibang mga kumakain sa loob ng karendiryang iyon. Nakaramdam siya ng hiya.

"Hindi mo ako papakainin?" nakangiting tanong ni Jonas.

"Ay oo nga pala. Kain Jonas. Dali, ioorder kita."

"Ako na. Sandali." Tumayo si Jonas at pumunta sa estante ng naka-display na ulam.
-----

"Saan na tayo pupunta?" tanong ni Juanita nang tinatahak na nila ang palabas ng golf club na iyon.

"Uuwi muna tayo sa bahay ko. Mataas na ang araw. Sigurado akong nagugutom ka na. Saka gusto kong makilala mo si Arl, ang anak ko."

"H-ha? Dadalhin mo ako sa inyo? Baka kung anong isipin ng asawa mo?"

Natawa si Arman. "Wala na akong asawa, matagal na. Si Arl lang ang naroon kasama ang ilang mga kasambahay."

"Hindi ba nakakahiya?"

"Wala kang dapat ikahiya."
-----

"Susunduin kita mamaya." pahayag ni Jonas habang kumakain sila.

"Hindi pa nga tayo tapos kumain, naghahabilin ka na agad."

"Para hindi ko makalimutan."

"At sa bahay ka na naman matutulog?"

"Oo. Gusto ko na rin kasi sanang maka-usap si Marco."

"Bakit? Hindi nga umuwi iyon kanina. Lagi na lang yun straight sa trabaho niya. Pero kung gusto mo talaga siyang maka-usap, try mo ngayon sa bahay baka naroon na iyon ngayon. Hindi lang siguro kami nagpangabot."

"Hindi. Gusto ko naroon ka."

"Ikaw na lang nga ang bahala."

May naiisip si Jonas. "Si Marco, hindi pa umuuwi. Siguro may pinatatrabaho naman si Tito Ramon sa kanya. Tsk Tsk Tsk... Kailangan ko na talagang ilayo si Jesse kay Marco. Baka dumating ang araw kasama na si Jesse sa mga pwedeng gamitin ni Tito laban kay Marco pag nagkataon."
-----


"Manang, si Arl?" tanong ni Arman sa kasambahay na may edad na nang makapasok sila sa bahay. Nasa likuran lang niya si Juanita.

"Umalis kanina pa, nang umalis kayo."

Nagkunot noo si Arman. "Hindi ba sinabi kung saan pupunta?"

"Wala. Pero sabi niya babalik din agad siya."

"Sige. May naluto na ba kayong maari nating pangtanghalian? May kasama kasi ako, si Juanita. Kaibigan ko."

"Magandang tanghali sayo, Ma'am." bati ng kasambahay kay Juanita.

Nailang naman si Juanita sa pagtawag sa kanya ng Ma'am. "Ganun din sayo."

Tumingin uli ang kasambahay kay Arman. "Nagluto lang ako ng para kay Arl. Hindi ko kasi naisip na darating pala kayo ngayong tanghali. Bibilisan ko na lang ang pagluluto."

"Sige. Makakapaghintay pa nama kami." sagot ni Arman. "Bigyan mo pala ng makakain muna si Juanita." habol niya sa papaalis na kasambahay.
-----

Minabuti na lang ni Arl na bumalik sa bahay. Nagugutom na rin kasi siya. Wala naman din kasing mangyayari sa ginagawa niya. Ayaw niyang magtanong-tanong. Papasok na siya sa pinto ng bahay nang salubungin siya ng kasambahay nila.

"May bisita ang Daddy mo. Kanina ka pa nga hinihintay. Naroon na sila sa dining area."

"Kanina pa sila?"

"Kanina pa sila pero hindi pa nagsisimulang kumain."

"Sige po." Pagkatapos ay iniwan na niya ang kasambahay. Dire-diretso siya sa dining area at agad niyang nakita ang kanyang ama. Pero ang sinasabi nitong kasama ay naka-upong patalikod sa kanya kaya hindi pa niya ito nakikita sa mukha.

"Arl, anak." nakangiting tawag ng ama nang makita siya.

"Dad. Narito ka pala."

"Oo anak Maupo ka na at sumabay ka na sa amin ni Juanita." tinitignan ni Arman kung ano ang magiging reaksyon ni Arl kapag nakita nito ang mukha ng ipinakilala niya.

Lihim na nagulat si Arl nang marinig ang pangalang Juanita. Agad niyang tinignan ang mukha nito nang maka-upo. "Magandang tanghali po." bati niya kay Juanita.

"Magandang tanghali din sayo. Sana welcome ako sayo dito." nahihiyang pahayag ni Juanita.

"Oo naman po. Wala sa akin yun. Kaibigan ka naman ni Dad."

"Oo Arl. Kaibigan ko si Juanita noon pa. Ngayon nga lang kami nagkita uli eh." singit ni Arman sa usapan.

"Ganun po ba Dad? Kamusta naman po ang muling pagkikita?"

"Ito ang daming kwento na dapat pag-usapan kaya nga dinala ko muna dito para makapagkwentuhan naman ng matagal tagal."

"Uhuh." saka kay Juanita tumingin si Arl. "Feel like at home lang po, T-tita Juanita."

Ngumiti lang si Juanita kay Arl bilang sagot. Nahihiya siya. Pero kanina pa niya tinititigan ang mukha nito. Nangingiti siya kapag naaalala ang mukha ng anak na si Jessica sa mukha nito. "Ang gwapong bata." paghanga niya kay Arl. "Kung hindi lang siguro maikli ang buhok ng batang 'to, tiyak na kamukha ito ni Jessica ko." bigla niyang namiss ang anak. Minabuti na lang niyang huwag muna iyong isipin. Tinigilan na niya ang pagtingin sa mukha ni Arl. Mas maiging ituon muna niya ang atensyon sa mag-ama.

"Ayan na ang pagkain. Kumain na muna tayo." yaya ni Arman sa dalawa.

"Kain lang po ng mabuti, Tita." sabi ni Arl sa kaibigan ng Dad niya.

May kasiyahang nararamdaman ngayon si Arl nang makita si Juanita. Siguro dahil sa ngayon lang nagdala ng babae ang kanyang ama sa kanilang bahay. Binata ang kanyang ama at wala na raw balak pang mag-asawa. Tama na siya na lang ang kasama nito sa buhay hanggang sa mamatay daw ito.

Pero may isa pa siyang dahilan. Dahil kapangalan ni Juanita ang pangalan na sinabi ng kanyang ama noon ng kanyang tunay na ina. "Umaasa ba akong siya ang tunay kong ina? Bakit parang wala akong maramdaman kay Dad na si Tita Juanita ang maari ko ngang ina. Kapangalan lang siguro."
----- 

"Teka, hindi ko pa nga pala nasasabing hindi pumasok si Jessica, pangalawang araw na niya ngayon." balita ni Jesse kay Jonas nang nag-aabang na sila ng jeep, gabi para maka-uwi.

"Kaya pala hindi ko napapansin." sagot ni Jonas.

"Oo. Nagtataka nga ako eh. Hindi rin ako pinapansin noon noong huli kaming magkita. Iniisip ko ngang ako ang dahilan kung hindi yun pumasok."

"Hindi naman siguro Jesse."

"Kung alam mo lang kasi Jonas ang nangyari noong nag-outing tayo." Hindi iyon isinatinig ni Jesse kay Jonas. Nagulat si Jesse nang biglang may lumapit kay Jonas na isang babaeng may edad na.

"Di ba, ikaw si Jonas?" tanong agad ni Juanita nang makalapit kay Jonas.

"Opo. At kayo naman ang nanay ni Jessica." Kilala niya ang nanay ni Jessica nang sunduin ni Jonas si Jessica noon para sa outing nila. Ipinagpaalam pa kasi niya ang dalaga sa ina.

Hindi na napigilan ni Juanita ang maiyak. "Hindi pa kasi nauwi si Jessica pangatlong gabi na ngayon. Baka alam niyo kung nasaan ang anak ko."

"S-si Jessica po?" singit ni Jesse. "Hindi umuuwi?"

Napa-tingin si Juanita kay Jesse. "Ikaw ba si Jesse ang kaibigan din ni Jessica?"

"Opo." sagot ni Jesse.

"Wala po akong alam, Aling Juanita." singit naman si Jonas. "Sa totoo nga lang po, ngayon ko lang nalaman na , hindi pala pumapasok si Jessica."

"At ngayon ko lang rin pong hindi pa nauwi si Jessica." sabi naman ni Jesse.

"Hindi ko alam kung nasaan ang anak ko. Nung isang gabi ko pa siya hinahanap. Wala ba kayong alam kung bakit siya hindi umuuwi. Wala naman sanang masamang nangyari sa kanya.

"Wala po." halos sabay pang sagot ng dalawa.

Napakunot noo si Jonas nang mapansin ang papalapit na lalaki. "Tito Arman?"

Nagulat din si Arman nang mapag-sino ang tumawag sa kanyang pangalan. "Jonas? A-anong ginagawa mo dito?" saka napa-tingin si Arman sa paligid. "Ay alam ko na kung bakit." napangiti siya. "Ako pala ang dapat mong tinatanong kung bakit ako ang naririto."

Natawa si Jonas habang si Jesse ay naguguluhan sa usapan ng dalawa. "Magkakilala sila." Sabi ng utak ni Jesse.

"Oo nga po, tito Arman, ano po ang nagdala sa inyo dito?" tanong ni Jonas.

"Sinasamahan ko si Juanita. Hinahanap namin ang anak niya."

"Magkakilala pala kayo ni Aling Juanita." pahayag ni Jonas habang mataman lang nakikinig si Jesse.

"Oo Jonas. Noon pa. Noong..." tumingin muna si Arman kay Juanita. "Noong sila pa ng Dad mo."

"Dad ko?" nakangiting tanong ni Jonas.

"Si Ramon."

Natawa si Jonas. "Hindi ko siya ama, tito Arman, remember?"

"Sabi ko nga Jonas. So ano, may alam ba kayo tungkol kay Jessica?"

"Wala po Tito Arman." sagot ni Jonas.

Kay Juanita nagsalita si Arman. "Kung wala talaga silang alam, maaring ang iniisip ko ang posibleng nangyari Juanita."

Walang masabi si Juanita. Patuloy lang itong tahimik na umiiyak. Si Jonas naman ay napakunot-noo sa hindi maitindihang ibig sabihin ni Arman. Habang gulong-gulo si Jesse sa mga naririnig sa usapan ng dalawang lalaki.  Nahihiwagaan siya sa pagkatao ni Jonas.

"Saan kayo papunta?" tanong ni Arman.

"Pauwi na nga po sana." sagot ni Jonas. "Ay siya nga po pala, Tito Arman si Jesse. Jesse si Tito Arman."

"Ikinagagalak ko po kayong makilala." bati ni Jesse saka iniabot ang kamay.

"Ako rin sayo." iniabot ni Arman ang kamay  nito. "Sige, ihahatid ko muna si Juanita sa bahay nila. Kayo saan ang daan niyo?"

"Mukhang makikisabay na kami, tito Arman." natatawang si Jonas.

"Sige. Maganda nga yun."
-----

"Teka lang Jonas, matanong nga kita." may naisip na itanong si Arman kay Jonas habang nasa sasakyan sila.

"Ano po iyon."

"Kamusta pala ang kuya Justin mo?"

"Ayun po, tutok sa pagpapatakbo ng business nila." Biglang napa-tingin si Jonas kay Jesse na naka-kunot ang noo sa kanya.

"Nagkita ba kayo kanina?"

"P-po?" biglang nautal si Jonas sa tanong. "H-hind po."

"Hindi? Bakit naroon ka?"

Natawa si Jonas. Pinagpapawisan siya. "Wala lang po."

Natawa si Arman sa sagot ni Jonas. "Mina-manage mo rin ba ang business ng pamilya mo? Ni Ramon?"

"Hindi po."

"Hmmm ano ang pinagkaka-abalahan mo ngayon?"

"A-h..." napatingin uli siya kay Jesse. Pero sa pagkakataon iyon sa iba na nakatingin si Jesse. Naka tingin na ito sa labas ng bintana. "Nagtatrabaho po ako ngayon sa bangko ni Ninong."

"Ninong?... Si Mr. Robledo?"

"Opo."

"Di ba, may share ang tunay mong ama doon? Wala na kasi akong balita sa ama mo simula noong..."

"Ok lang po yun Tito Arman. Opo may share of stock ang ama ko sa kumpanya." Napa-tingin si Jonas kay Jesse nang maramdamang napa-tingin ito sa kanya. Nagbawi din agad ng tingin si Jesse ng pairap.

"Eh si Tito Ramon mo, kamusta na? Gusto ko sanang makibalita." tanong uli ni Arman.

"Ay matagal na po akong wala sa bahay. Hindi na po ako doon tumitira tito."

"Ah ganun ba? Minsan pala dumalaw ka sa bahay, maka-usap mo naman si Arl."

"Oo nga pala. Kamusta na si Arl. Wala na akong balita kanya."

"Ayun graduate na. Ayaw sundan ang karera ko. Mas gusto ang business tulad ng..." biglang natahimik si Arman muntikan na siyang madulas. Napa-tingin siya kay Juanita na nakatingin sa bintana.

"Tulad po ng?"

"Wala Jonas. Huwag mo nang isipin yun." sabay tawa.

"Tito Arman, sa kanto na lang po."

"Ah sige. Basta ang bilin ko sayo ha. Dumalaw ka sa bahay para makapagkwentuhan naman kayo ni Arl."

"Opo."
-----

Tahimik lang si Jesse simula ng makababa sila sa sinakyan nilang kotse. Hanggang sa maka-pasok sila sa tinitirahan niya.

Ramdam ni Jonas ang pananahimik ni Jesse. "Jesse, sorry."

"Bakit?"

"Sa mga narinig mo kanina."

"Wala naman yun..." pa sarkastikong sagot ni Jesse. "Yung mga narinig kong... kamusta na ang kapatid mong si Justin. Ayun tutok sa pagpapatakbo ng business. Isama mo na rin yung ano... yung pa share-share na kung ano man yun sa bangko. At Ok lang naman sa akin na para bang tanga na nag-iisip ng family tree mo kanina na kesyo may tito Ramon ka na hindi mo naman ama, na namatay ang tatay mo... Alam mo Jonas, kanina, para akong nalulunod sa kawalan ng alam sa pagkatao mo..."

"Kaya nga nagso-sorry ako."

"Wala nga yun Jonas." Ewan ba ni Jesse na kung bakit bigla na lang siyang napaluha. "Sinabi ko naman sayo na magtitiwala ako sayo. Ok lang kahit hindi mo muna sabihin ang tunay mong pagkatao. Kahit ganoon minahal kita, nagtitiwala ako. OK lang, mahal kita eh. Kaya lang para sa akin nagmumukha akong tanga kanina. Sana naman nag-ingat ka sa mga sinasabi mo. Masyado mo akong nagimbal Jonas. A-ang akala ko, nagtatrabaho ka bilang janitor. Alam mo bang yun ang iniisip ko." natawa si Jesse na pilit. "Kahit na may kotse ka. Iniisip ko na lang na hiniram mo lang iyon. Na kagaya lang kitang isang kahig isang tuka. Pero kahit ganoon, mahal kita.

Pero nang marinig kong, mayaman ka pala..." saglit na natahimik si Jesse. "Bigla akong nanliit, Jonas. Ang layo mo pala sa akin. Isa ka pala sa mga taong mataas na mahirap abutin. Parang... parang, hindi kita kilala."

"Jesse..." hindi alam ni Jonas kung paano magpapaliwanag. "S-sige... isara mo na lang ng maigi ang pinto. I-lock mo ha.." malungkot na paalala ni Jonas kay Jesse saka tumalikod.

"Oh san ka pupunta?" tanong agad ni Jesse.

"Masama kasi loob mo eh. Hahayaan mo na sana kitang mag-isip. Baka lalo ka lang mainis sa akin kaya aalis muna ako. Babalik na lang ako bukas."

"Bakit pinapaalis ba kita?"

"K-kasi..."

"Ano?"

"Ok." Umupo si Jonas sa sofa. "Sige dito na lang ako matutulog. Pahiram na lang ng unan."

"Sino na naman may sabi?"

Napa-titig si Jonas kay Jesse at siryosong nagsalita. "Baka kasi manakit ka mamaya sa galit. Kaya dito muna ako matutulog?"

Dahil sa sinabing iyon ni Jonas napabunghalit ng tawa si Jesse. "Adik ka. Ikaw ang nananakit dyan." Napa-ngiti na rin si Jonas. Tumayo para tunguhin ang kwarto ni Jesse. "Oh san ka naman pupunta?" tanong uli ni Jesse nang malagpasan ni Jonas.

"Sa kwarto mo. Matutulog na."

"Hindi ka na kakain?"

"Hindi na. Ikaw ang gusto kong kainin." At tuluyan nang naglaho si Jonas papasok sa kwarto ni Jesse.

Naiwan si Jesse na nakangiti. "Kapag pinakikinggan ko ang sinasabi ng puso ko, sinasabi nitong kahit maging sino ka pa, mamahalin kita. Ok lang, kahit malabo ang pagkatao sa ngayon. Ang mahalaga mas naguumapaw ang pagmamahal ko sayo. Hoy, kumain ka muna kaya?" bigla niyang naisigaw.

Pero walang sumagot mula sa kwarto niya. "Tulog agad?"
-----

www.facebook.com/BGOLDtm

4 comments:

mcfrancis said...

wow ang galing naman at magkakalaman na ng mga pagkatao... interesting talaga...

RJ said...

haha ang kulet ni Jesse, naniwala talagang janitor si Jonas. :D nice one sir! :)

Anonymous said...

nice chapter...... nagkakaalaman na ng sikreto hmmm kambal pala anak ni juanita, next chapter na po. hehehe demanding pa eh.....jack21

Wastedpup said...

Ang sarap ng kulitan nina jesse at jonas. Da best ka ash.