Followers

CHAT BOX

Saturday, July 16, 2011

TRUE LOVE WAITS (A Time For Us) Chapter 20


"Jessica, sandali..." habol ni Jesse nang mag-off sila sa trabaho. Nakatayo na si Jessica para pumara ng jeep. "Sandali..." saglit na tumigil si Jesse para makakuha ng hangin. "Halata ko naman na hindi mo ako pinapansin eh..."


"Oh, bakit mo pa ako kinakausap? Alam mo naman palang hindi kita pinapansin?" sarkastikong turan ni Jessica.

Natameme si Jesse sa sinabing iyon ni Jessica. "A-a... talagang... hindi mo talaga balak kausapin?"

"Bakit, Jesse?" umirap si Jessica at nagiba ng tingin. "Ano ba ang dapat kong sabihin sayo?" Naramdaman niya ang pangangati sa gilid ng mga mata.

Hindi naman alam ni Jesse kung ano na ang sasabihin. Napi-pipi siya ngayon.

Muling nagsalita si Jessica. "Huwag kang mag-alala Jesse, kung ano man ang nangyari... wala yun." sabay para sa jeep na padaan.

"P-pero..." hahabulin pa sana niya si Jessica pero agad itong sumakay sa jeep na pinara nito. Gusto sana niyang mapag-usapan nila at magkaayos. Pero parang hindi niya alam kung paano sisimulan at naduduwag siyang magsimula. Napa-buntong hininga na lang siya.
-----

"Mahal kita Jesse. Fuck you ka Jonas." paulit-ulit na binabanggit ni Jessica habang umiinom ng alak sa isang open resto/bar malapit sa kanila. Nakaka-dalawang bote na rin siya ng beer.

"Jessica, hinay-hinay lang. Tinatamaan ka na oh. Halata sayong broken hearted ka." sabi sa kanya ng isang kaibigang babae na nagtatrabaho doon bilang waitress sa gabi.

"Huwag mo akong pakialam muna, kaibigan. Masama lang talaga ang loob ko. Akala ko kasi, kahit makita ko siya Ok lang. Pero kanina nang makita ko uli siya, parang sasabog ang puso ko sa sobrang sakit. Ang hirap na hindi ikaw ang mahal ng mahal mo."

"Hay naku. Ngayon ka lang ba umibig ha?"

"Hindi.. pero iba 'to. Nakakasakit sa puso."

"O sige... pero tama na yan ha? Hindi na kita pa-oorderin pag naubos mo ang laman nyan. Ok?"

"Gusto ko pa. Magpapakalasing ako para makalimot ako."

"Jessica ano ka ba? Lalaki lang yan. Ang daming lalaki sa mundo."

"Oo nga eh. Ang daming lalaki sa mundo noh. Kaya mga lalaki na lang ang nagkaka-gustuhan." sabay tawa si Jessica pero sa puso niya nasasaktan siya sa katotohanan ng sinabi niya.

"Ano? Hindi kita maintindihan, frend."

"Wala!" sigaw niya sa kaibigang waitress. "Isa pang bote."

"Tama na yan. Ako ang susugurin dito ng inay mo."

Saka niya naalala ang kanyang ina. "Oo nga pala..." Minabuti na lang niyang tumayo. Ayaw niyang nag-aalala sa kanya ang kanyang ina. Pakiramdam niya umiikot ang paligid dala ng nainom niya. Hindi talaga siya pang matagalan sa inuman.
-----

"Ito na ang huli. Para sa sarili ko at sa pamilya ko." Pangako ni Marco sa sarili na kanina pa paulit-ulit na sinisigaw ng kanyang utak. "Mawawala na si Omar, magbabago na siya. May naipon na ako. Kasya na iyon para magbagong buhay kasama ng pamilya ko. Magpapakalayo kami. Sa hindi makikita ni Don Ramon."

Kanina pa madilim ang paligid. Ito na ang oras para gawin niya ang ipinag-uutos ni Don Ramon. Kailangan niyang mailigpit ang sinasabing anak ni Ramon sa labas, kay Juanita.

"Huli na talaga ito. Hindi na mauulit. Pangako ko ito sa sarili ko."

Sa isang madilim na lugar nakatago si Marco kasama ang isang lalaking utusan din ni Don Ramon. Ang lalaking kasama ni Marco ang lihim na nag-imbistiga sa sinasabing anak ni Don Ramon sa labas. Maliban nang makita ni Marco noon ang babae na nakatalikod ay hindi na niya ito nakita pa ng harapan. Kapag nakuha na nila ang babae saka pa lamang niya makikita ang mukha nito.

Buong-buo ang loob ni Marco sa gagawin. Walang takot. Gusto na nga niyang matapos agad para makalayo-layo na.
-----

Nahihilo si Jessica habang binabagtas ang iskinita papauwi sa kanila. Medyo may kahabaan ang madilim na iskinita.Para bang nakapikit na siya habang naglalakad sa sobrang dilim at wala siyang makita. Ingat pa rin siya sa paghakbang. Isang bato ang naapakan niya, kaya bahagyang natalisod siya.

"'Tang ina. Ang sakit ah." reklamo ni Jessica. "Matagal nang pinalalagyan ng ilaw ang iskinitang ito pero hanggang ngayon, wala pa rin."

Muling naglakad si Jessica pero sa pagkakataong ito mas maingat na ang mga paghakbang niya. Napansin niyang may papalapit sa kanya. Napatingin siya sa gawi kung saan may lalaking papalapit sa kanya. Inaninag pa niya kung sino iyon. Nagulat na lang siya nang sa likuran pala niya ay may isang tao na bigla na lang siyang hinawakan. Sisigaw sana siya nang tapalan nito ang bibig at ilong niya ng isang panyong may kakaibang amoy.

Nagpupumiglas siya pero hindi niya kaya ang pagkakahawak sa kanya ng lalaking nasa harapan niya. Wala na siyang magawa kundi ang pagsigaw ng kanyang utak habang unti-unting nawawalan siya ng malay. Bago tuluyang pumikit ang kanyang mga mata, naaninag niya ang mukha ng lalaking kaharap niya.

"Kilala kita..." sigaw ng utak ni Jessica.
-----

Hawak-hawak ni Jesse ang isang baso, na sinalinan niya ng tubig para inumin. Kakatapos lang niyang kumain. Nang biglang wala sa sariling nabitawan niya ang baso at nabasag sa paanan niya. Agad siyang kinabahan hindi dahil sa muntikan na siyang tamaan ng bubog. Hindi niya alam kung saan, ano ang pinaghuhgutan ng kanyang kaba.

"B-bakit kaya?"
-----

"Aw ang sakit..." aray ni Juanita nang mahiwa ang kanyang hintuturo habang tinatabasan ng dahon ang isang gulay. Inaayos niya para sa pagtinda mamayang madaling araw.

"Lintik na kutsilyo ka..." sisi niya sa kutsilyong nakahiwa sa kanya. Nang pumasok sa isipan niya si Jessica, ang anak. "Jessica?" Bigla siyang kinabahan at agad napatingin sa orasan. "Alas-onse na nga pala. Wala pa rin ang anak ko." pag-aalala niya.

Animo'y nawala ang sakit ng iniinda niyang hiwa sa hintuturo nang tuamyo siya para lumabas at hanapin ang anak na hindi pa umuuwi. "Nagpapaalam ang anak ko... Bakit hindi pa siya umuuwi?"


Malikot ang mga mata ni Juanita habang binabagtas ang paglabas. Baka makita niya si Jessica na paprating o kaya naman ay nakatambay sa dilim. Pero naisip rin niyang imposibleng gawin ni Jessica ang huling naisip ng ina. Lubos talaga ang pag-aalala niya.

"Jessica?"
-----

Lumabas ng kwarto si Arl dahil sa pagkaktaon na namang ito hindi na naman siya makatulog. Nagsalubong ang kilay niya nang sa pagbukas ng pinto ng kwarto niya ay sumalubong sa kanya ang liwanag na nagmumula sa salas sa baba.

Pababa si Arl sa hagdan nang makita niya ang ama na nasa sala at nagbabasa.

"Dad?" tawag ni Arl nang makalapit.

"Ay anak, ikaw pala. Hindi ko napansin ang pagdating mo. Teka, napa-bangon ka?"

"Hindi po ako makatulog na naman Dad." Umupo si Arl sa sofa na kaharap ng sa ama niya. "Ikaw, Dad? Bakit dito ka nagbabasa, hindi sa kwarto mo?"

Natawa si Arman. "Wala lang. Gusto ko lang dito magpalipas ng oras."

Napa-tango na lang si Arl. "Ah Dad, kukuha ako ng maiinom, ano sayo?"

"Coffe na lang Arl."

"Sige po." Tatayo na sana si Arl nang biglang magsalita muli si Arman.

"Ah anak..."

"Po?"

"Naisip ko lang, paano kung-" hindi naituloy ni Arman ang gustong sabihin.

"Ang alin Dad?"

Saglit na natahimik si Arman. "Sige kuha ka muna ng kape."

Napa-kunot noo si Arl pero naka-ngiti. "Si Dad..."

Natawa si Arman.
-----

"Jessica?" naiiyak na si Juanita.

Nagtanong-tanong na si Juanita sa mga nadadaanang kapit-bahay kung napansin ba nila si Jessica na dumaan. Pero wala pang nakakapansin sa pag-uwi ng dalaga.

"Jessica." tuluyan nang naiyak si Juanita. Lubos na ang kanyang pag-aalala. "Jessica nasaan ka na ba? Pinag-aalala mo ako anak."

Nakarating na si Juanita sa pinaka-kanto ng kanilang baranggay kung saan doon nagdadaanan ang mga sasakyan. Nagtanong si Juanita sa mga tambay sa kanto pero walang nakapansin kay Jessica. Napagtanungan niya ang nag-iihaw-ihaw.

"Si Jessica?"

"Oo. Nakita mo na bang dumaan?"

"Oo, kanina pa. Ay hindi, kani-kanila lang yun wala pa sigurong kalahating oras."

"Sigurado ka?"

"Oo, aling Juanita. Napansin pa nga ng asawa ko, binulong sa akin na si Jessica daw parang naka-inom. Kasi pasuray-suray. Nahampas ko pa nga ang asawa ko dahil kung ano ano ang pinagpapansin. Ka-lalaking tao, tsismoso."

Sa narinig ni Juanita ay hindi na maawat ang luhang umaagos sa kanyang pisngi. "D-dumating na si Jessica pero wala pa sa bahay..." Patuloy ang pagluha, bumalik si Juanita sa pabalik sa kanilang bahay baka nagkasalisi lang sila. Umaasa si Juanita sa naisip. Pero napakalaki ng bahagi ng kanyang utak ang nagsasabing imposible dahil isang daan lang namana ng pwedeng daanan ni Jessica. Kung susuot si Jessica sa ibagn lugar mas lalong mapapalayo ang anak.
-----

"Pareng Omar, san natin 'to wawakasan?" tanong ng lalaking kasama ni Marco tungkol sa babaing katabi nitong walang malay.

"H-ha?" Si Marco ang nagda-drive ng kotse na ginamit sa pangingidnap. "I-ikaw na siguro ang bahala, Gary. S-siguro sa dati na lang uli."

"Bakit parang wala ka sa sarili dyan pre? Pero, doon ba uli? Eh mukhang mainit na tayo dun. Mag-iba kaya tayo ng ruta?"

"Ikaw ang bahala. Sabihin mo lang kung saan tayo."

Kung kanina, malakas ang loob ni Marco, ngayon, hindi niya pinapahalata ang sobra niyang pag-aalala. Hindi siya mapalagay. Lalo pa't ang kailangan pala nilang patayin ngayong gabi na sinasabing anak ni Don Ramon sa nagngangalang Juanita ay si Jessica. Si Jessica na kaibigan at ka-trabaho ni Jesse. Na minsang bumisita sa kanila. At ang higit doon, sa una nilang pagkikita, tila nabighani siya sa ganda ng dalaga. Na ngayon ay dapat nilang patayin gaya ng utos ng kanilang bossing.

"Ang hirap nito." bulong ni Marco.

"Ha? May sinasabi ka Pareng Omar?"

"W-wala, wala."

"Diretso mo lang muna. Tahakin natin ang kahaban ng kalsadang 'to saka ko sasabihin ang lilikuan natin kapag malapit na tayo."

"S-sige."
-----

Kanina pa sa pagkaka-upo si Arl nang maka-balik galing sa pagkuha ng isagn tasa ng kape para sa ama at jucie naman sa kanya. Lihim niyang pinagmamasdan ang ama habang ngumunguya ng piniraso niyang empanada.

Hindi napansin ni Arl na napansin pala ng ama ang ginagawa niyang pasulyap-sulyap sa ama. Tumikhim si Arman nang naka-ngiti. "Bakit Anak? May gusto ka bang itanong?"

"P-po?" gulat ni Arl sa tanong ng ama.

Natawa si Arman. "Alam mo anak, kahit sa libro ako naka-tingin, nahahalata kong tinititigan mo ako. May gumugulo ba sa isipan mo?"

"Ganun po ba? Pasensiya na Dad. Mmm may naiisip lang ako lately."

"Kaya ka siguro hindi makatulog, tama?"

"P-po?" saglit na natigilan si Arl. "Ganun na nga po siguro."

"Tungkol kay Mr. Jimenez?" diretsong tanong ni Arman sa anak.

"B-bakit naman po siya ang naisip niyo?" Hindi makatingin ng diretso si Arl sa mga mata ng ama. Tama ang hula nito na si Mr. Jimenez nga ang nasa isipan niya simula nang magkita sila sa hopistal. "Wala po akong pakialam sa kanya Dad."

Natawa si Arman. "Arl, may tiwala ako sayo. Hindi ako magagalit. Kung ano ang nasa isip mo, o kung ano ang balak mong gawin, ikaw ang bahala. Ang sa akin lang, huwag kang maglihim sa akin. Para alam ko kung paano kita susuportahan at mapapangaralan."

"O-opo."

"Sige aakyat na ako. Nakaramdam na ako ng antok." paalam ni Arman sa anak.

"Sige Dad. Uubusin ko lang 'tong empanada, aakyat na rin ako."

"Ok."

"Salamat Dad." Habol ni Arl nang makatalikod ang ama.

"Dahil mahal kita anak." sagot ni Arman habang binabagtas ang hagdan paakyat.

Napa-buntong hininga si Arl. Saka itinapat ang nguso ng sa labi.

"Tama ba na gawin ko ang naiisip ko? Makikita ko pa ba siya? At tama bang, bawiin ko ang dapat na ay akin? Tama... karapatan ko yun na ipinagkait sa akin. Magkikita tayong muli!" tinapos ni Arl ang iniisip sa isang matatag at buong plano na may halong poot.
-----

Bumuntong-hininga muna si Jesse bago ipinikit ang mga mata nang mahiga sa kanyang higaan. Iniisip niya ang maaring dahilan kung bakit bigla siyang kinabahan kanina na naging sanhi pa para mabitawan niya ang isang basong hawak.

"Sinabi sa akin ni Jonas na mag-iingat siya. Kaya umaasa akong mabuti ang kalagayan niya. Wala naman sanang problema sina Inay at Itay. Si Marco kaya? Wala naman sanang nangyaring masama sa kanya." muli siyang bumuntong hininga at tumagilid sa pagkakahiga. Saka niya naisip si Jessica.

Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang maalala si Jessica. Bigla siyang napabalikwas sa pagkakahiga. "Si Jessica?" tulad ng pagkakabanggit niya ng may pag-aalala patuloy ding sumisigaw ang utak niya sa pangalan nito.

"Diyos ko po, wala naman po sanang nangyaring hindi maganda sa kaibigan ko. Ingatan niyo po siya at gabayan saan man po naroon ngayon. Patawarin mo po kami sa aming nagawa." Ito ang sunod-sunod niyang nasambit sa pag-aalala sa kaibigan.
-----

"Pareng Omar, dito na siguro tayo. Malayo na 'to. Ihinto muna sa maganda-gandang pwesto."

"Sige." sunod ni Marco sa kasama na katabi ni Jessicang walang malay hanggang ngayon.

Huminto ang sasakyan. Tinignan ni Marco ang kasama sa kung ano ang susunog nitong galaw. Nakita nga niyang hinawakan kaagad nito ang baril bago inalalayan ang babae palabas.

"P-pare." tawag ni Marco sa kasama nang makababa na sila.

"Bakit?" tanong ng kasama.

Pero sumagot si Marco. Hindi niya alam kung paano sasabihin ang gusto niyang mangyari. Alam kasi niyang maaring magduda ang kasama niya. "Sige na. Dalhin natin malayo, bago pa man magising yan." Nasabi na lang niya. Hindi niya pinahahalata ang namumuong pawis sa kanyang noo. At ang hindi niya mapalagay.

Hila-hila ng lalaki ang babae. Sa malayo o masukal na parte ng gubat na iyon nila papatayin ang pinaghihinalaang anak ni Don Ramon.

Naawa si Marco sa hitsura ni Jessica habang akay-akay ng kasama. Bahagya kasing nakakaladkad kasi si Jessica. "Pare, pagod ka na ata, ako na lang ang magbubuhat dyan kay-" bigla siyang natigilan. "Sa babae." agad niyang babae. Muntikan na siyang madulas na kilala niya ang babae.

"O sige." sagot ng lalaki.

Lihim na napa-buntong hininga si Marco. Sa sagot ng kanyang kasama, siguradong hindi ito naghihinala. Kinuha ni Marco si Jessica sa kasama. At maingat niya itong binuhat. Hanggang sa maaari, pinag-iingatan niya si Jessica.

"Marco, malayo na siguro ito. Dito na lang natin patayin yan?" mungkahi ng lalaki.

"H-ha?" Bigla ang kaba ni Marco. "Sandali, kaunti pa. Lakad pa tayo ng kaunti. Para hindi madaling makita ang bangkay."

"O sige."

Maya-maya lang ay naramdaman ni Marco na nagigising na si Jessica.
-----

Agad nagpupumiglas si Jessica nang magbalik ang katinuan. Hindi kinaya ni Marco ang nagwawalang si Jessica kaya minabuti niyang ibaba ito mula sa pagkakasampay sa kanyang balikat.

Sunod-sunod na mura ang pinakawalan ni Jessica habang umiiyak. "Anong kasalanan ko sa inyo?"

Tawa ang isinagot ng lalaki. "Sa amin wala pero sa bossing namin meron." Muli pa ang nakaka-insultong tawa.

"Mga gago, sinong bang bossing ang sinasabi mo? Wala akong ginagawang masama sa kung sino man. Wala akong kasalanan." saka tumingin si Jessica kay Marco. "At ikaw?" sinok-sinok niyang turan kay Marco. "Ikaw ang kaibigan ni Jesse di ba? Hindi ako nagkakamali? Sabihin mo, sino ang nag-utos na inyo nito? Kanino ako nagkasala? Bakit? Marco? Sabihin mo..."

Hindi makapagsalita si Marco sa mga tanong ni Jessica. Napi-pipi siya.

Ang kasama naman niya ay gulat na gulat sa mga narinig mula kay Jessica. "Magkakakilala kayo?" saka tumingin kay Marco.  "Pareng Omar naman, magkakakilala pala kayo, hindi mo man lang sinasabi?"

"H-ha, k-kanina ko lang nalaman na kakilala ko pala siya, Gary."

"So paano yan ngayon Omar? Alam mo naman kay Boss na walang pamilya-pamilya. Kailangan nating iligpit 'to." Saka ikinasa ng lalaki ang hawak-hawak nitong baril saka itinutok kay Jessica.

"Kuya, maawa ka?" nagmamakaawang si Jessica. Nawala ang kaninang kaunting tapang. Napalitan ng sobrang takot. "Kuya..."

"Pareng Gary. Sandali lang..." awat ni Marco.

Na-badtrip ang lalaki sa ginawa ni Marco. "Anong ibig mong sabihin Omar?"

"Kakausapin ko lang si Jessica."

"Gago ka ba? Papatayin mo na nga yan, mangungumpisal ka pa?"

"Ako mismo ang papatay sa kanya, Gary. Huwag kang mag-alala. Hindi ako umuurong sa utos ni Bossing."

Naisip ni Gary na tama si Marco. Wala pang trabahong hinawakan si Marco na nabulilyaso. Lahat ay ikinatuwa ng kanilang amo. "Sige, saglit lang. Pero kapag hindi na ako nakapaghintay, walang sabi-sabi babarilin ko agad yang babaeng yan."

"Sige." sagot agad ni Marco.

Tumalikod ang lalaki. Hinarap ni Marco si Jessica. "Jessica, patawarin mo ako. Hindi ko alam. Kanina ko lang nalaman na ikaw pala ang dapat naming patayin."

"Sabihin mo sa akin, Marco, bakit ako? Anong nagawa kong kasalanan? Bakit niyo ako kailangang patayin?" mahilo-hilong tanong ni Jessica sa sobrang pag-iyak niya.

Itinapat ni Marco ang hintuturo niya sa kanyang labi. "Hssss..."

Sunod-sunod na hikbi ang naging tugon ni Jessica.

"O ano, hindi pa ba kayo tapos dyan magkumpisalan? O maglambingan sa huling pagkakataon."

Kasunod ang isang umaalingawngaw ng tunog ng baril ang pumailanlang sa kadiliman at katahimikan ng kagubatang iyon.
-----

PLEASE LIKE this. The OFFICIAL fan page of THIS BLOG!

2 comments:

wastedpup said...

Ayun. Pinatay na ni marco si gary. Ayus ah.

Anonymous said...

syempre sapul si Gary sa ulo.. hahahaha

God bless.. -- Roan ^^,