"Dad, si Tita Juanita ba ang tunay kong ina?" tanong kaagad ni Arl sa ama nang dumating. Hinintay talaga niyang dumating ang ama nang ihatid nito si Juanita. Nang magkita kasi sila kanina, hindi na niya maitanggi ang tuwang nararamdaman. Ang kasabikang magkaroon ng ina sa katauhan ni Juanita. At nang umalis nga ito, hindi na niya maiwaglit sa kanyang isipang, si Juanita nga ang kanyang tunay na ina.
Hindi na nagulat si Arman sa tanong ni Arl. Hindi lang niya inaasahang ngayon siya tatanungin ni Arl patungkol doon. "Oo, Arl." saka dumiretso ng lakad si Arman, diretso sa living room at umupo sa isang sofa. Hinintay niyang maupo sa harapan niya ang anak-anakan.
"B-bakit, hindi mo sa akin pinaalam agad Dad?" Hindi maintindihan ni Arl kung matutuwa o maiinis sa sagot ng ama. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Bumuntong-hininga muna si Arman. "Gusto ko lang munang masiguradong Ok ang pagkikita ninyo ng iyon ina Arl. Patawad."
Napa-yuko si Arl at pilit itinatago ang kasiyahan ng puso pero maitago sa kanyang mga ngiti. "Kung ganoon, natagpuan ko na ang aking ina, Dad?"
"Oo Arl."
Biglang tumayo si Arl at mabilis na lumapit sa nakaupong ama. Paluhod na niyakap niya ang dalawampu't dalawang taon niyang naging ama. "Dad, maraming salamat po. Hindi kayo naging maramot sa akin kahit kailan." hindi na niya napigilan ang mapaiyak sa sobrang kasiyahan.
Tulad ni Arl, napa-iyak na rin si Arman. "D-dahil, naging sakim ako sa magulang mo nang napaka-habang panahon Arl. Inangkin kita bilang tunay na anak. Pero, sinikap kong huwag maging sinungaling sayo. Sinabi ko sayo ang totoo kung sino ka talaga. Kahit na natatakot ako sa araw-araw na iwanan mo ako kapag nakaharap mo ang tunay mong mga magulang. Pero nagpapasalamat din ako sa Panginoon nang lumaki kang may pagalang sa akin sa gitna ng lahat."
"Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo Dad. Kung hindi dahil sa inyo, maaaring wala ako sa mundong ito. Kung nabubuhay man ako, lumaki siguro akong puno ng galit sa puso ko. Maraming salamat po, dahil kahit wala akong tunay na ama at ina, pinagsikapan ninyong maging sapat na magulang sa akin."
"Dahil mahal kita anak."
"Ako din Dad, mahal na mahal kita. Hindi kita ipagpapalit."
"Salamat Arl, anak ko."
"Gusto ko pong makita si T-ti..." sisigok-sigok si Arl nang natawa. Hindi niya alam kung ano ngayon ang itatawag kay Juanita na kanyang ina. "Si Mama."
"Bukas na anak. Nagpapahinga na yun ngayon. Magpahinga ka na at bukas malaya mo siyang makikita."
"Salamat Dad. Pero, kilala na po ba niya ako?"
"Hindi pa. Tulad ng pagkakaalam niyang isa lang ang kanyang anak. Hindi ka pa niya kilala."
-----
"Jonas?" nagtataka si Jesse kung bakit tumayo si Jonas at tipong lalabas ito ng kwarto. Napa-tingin siya sa dingding kung saan naroon ang wall clock. "alas-tres ng madaling araw." Napa-ngiti na lang siya sa naisip. "Baka iihi lang." Naghintay na lang siya. Saka muling ipinikit ang mga mata.
-----
Excited si Arl na makita ang ina bukas. Kakatapos lang nilang magkwentuhan ng ama. May gustong sabihin ang ama na kailangan daw niyang malaman pero mas maiging sa ina na lang niya iyon manggaling. Hindi niya alam kung bad news o good news iyon. Ang mas mabuti raw ay magpahinga muna daw siya.
Ito nga siya at kakapatong palang sa kanyang kama. Alam niyang hindi pa siya makakatulog lalo na't napansin niyang mag-aalas dose pa lang ng hating gabi. Napa-ngiti siya sa iniisip. "Ano ako, nagpapraktis para sa sasabihin ko bukas?" natawa siya sa naisip. "Oo nga, baka mautal ako. Hindi ko nga alam ang sasabihin ko. Pero, mas maganda na iyong galit sa puso ang sasabihin ko." Hindi talaga niya mapigilan ang mapa-ngiti sa naiisip.
-----
Muling naalimpungatan si Jesse. Kasabay ng pamumungay ng mga mata ang pagkapa sa katabi. Bigla siyang napadilat ng maigi nang hindi niya makapa si Jonas sa tabi niya. Tumingin siya sa orasan at alas-kwatro na ng madaling araw. "Isang oras nang hindi bumabalik si Jonas?" Agad napa-balikwas si Jesse sa higaan. Kinakabahan siya nang tunguhin ang labas ng kwarto.
Agad niyang tinignan ang c.r. pero wala doon si Jonas. Kinabahan siya. "Baka sa sofa natulog? Pero bakit hindi ko napansin sa pagdaan ko?" Agad siyang pumunta sa salas. Pero walang Jonas ang naroon. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya at nagsimulang bumagsak ang mga luha niya. "Nasaan si Jonas?"
Saka niya narinig ang iyak sa labas ng pinto. Naka-sarado ang pinto kaya't hindi niya kaagad ang taong nasa likod niyon. Naririnig niya ang iyak at ungol na para bang batang naghihintay sa inang hindi pa dumarating. Agad niyang binuksan ang pinto.
Nakita nga niya si Jonas doon na nakaupong yayakap ng mga braso ang mga tuhod nito habang umiiyak. "Bakit? Anong nangyari Jonas?" Nag-aalala siyang tumabi dito.
Humarap sa kanya si Jonas. "Ang sabi ko sayo, huwag kang iiyak di ba? Ayokong makikita kang lumuluha. Gusto ko maging matatag ka Jesse."
Nagtataka si Jesse kung kailan ba sinabi iyon ni Jonas sa kanya pero madali niyang pinunasan ang mga luha sa pisngi. "Oh ayan. Hindi na ako iiyak. Doon na tayo sa loob. Malamig dito. Ano ka ba?" Saka niya napansin ang pamumutla nito. "B-bakit parang, namumutla ka? May sakit ka ba?" Hinipo niya ang noo at leeg nito. "Parang hindi naman. Pero... Teka, ano ba ang nararamdaman mo? P-pati ang ilalim ng mata mo nangingitim. Hindi ka nakakatulog ng maayos yata eh. Bakit ba ngayon ko lang napapansin. Halika na nga, pumasok na tayo sa loob." Hinila niya si Jonas para maka-tayo.
Tumayo si Jonas pero ang ipinagtataka ni Jesse ay ang marahan nitong pagpiglas at humarap sa kanya.
"Sandali..." malumanay na sabi ni Jonas.
Pinagmasdan lang ni Jesse si Jonas sa gagawin nito. Lumayo ito palabas ng bahay saka humarap sa kanya. Lumuluha. "Oh? Ano na? Tatayo ka lang ba dyan? Bakit ba?" Pero hindi sumasagot si Jonas. Nanatili lang itong nakaharap sa kanya sa di kalayuan habang lumuluha. Tatangkain sana ni Jesse na lumapit nang bigla nitong itaas ang kamay para babalang huwag siyang lalapit. Saka niya napansin ang isang lalaking lumapit dito at isinama siya sa kawalan. "Jonas!...." sigaw niya.
-----
"Jesse, jesse, jesse..." halos ilang beses pa inulit ni Jonas ang pagtawag kay Jesse para magising. Tinapik-tapik niya ito para magising at muntikan na ngang masampal. Buti na lang at nagising na ito mula sa bagungot.
Hingal at pinagpapawisang nagising si Jesse. At nang makita sa tabi si Jonas ay agad niya itong niyakap. "Jonas..."
"Bakit? Binabangungot ka."
"Oo. Ang sama ng panaginip ko Jonas. Iiwan mo daw ako."
"Hindi, hindi mangyayari yun. Sandali kukuha lang kita ng maiinom."
Pero hindi bumitaw si Jesse sa pagkakayakap kay Jonas. "Ayoko, baka hindi ka na bumalik tulad ng sa panaginip ko."
"Babalik ako. Kailangan mong uminom ng tubig. Oh kung gusto mo sumama ka na lang sa akin?"
Bumitaw na lang si Jesse kay Jonas. "Bilisan mo ha..."
"Oo." sagot ni Jonas at saka ginulo ang buhok ni Jesse bago tumayo. "Saglit lang ako."
"Panaginip lang iyon. Hindi dapat ako matakot." pinalalakas ni Jesse ang sarili. Agad naman nagbalik si Jonas.
"Oh ito na. Sabi sayo babalik ako eh."
"Salamat." nang abutin ni Jesse ang isang baso ng tubig.
"Ok ka na?" tanong ni Jonas nang maka-inom na si Jesse.
"Oo."
"O siya babantayan kita hanggang sa makatulog ka." Hinila niya si Jesse sa kanyang dibdib. At naging ganoon ang ayos nila hanggang sa pareho silang maka-tulog.
-----
"Ano bang oras ang dating ni Marco, galing trabaho?" tanong ni Jonas habang nagkakape sa lamesa. Pinapanood niya si Jesse sa pagsasandok nito ng kanin mula sa kaldero.
"Ngayon-ngayon dapat narito na yun. Bago kasi umalis ng bahay, nasisilip ko muna yang nakahiga na sa kwarto niya. Katulad ngayon hinahanda ko na ang maari niyang makain para sa paggising niya. Pero, wala pa nga... Nung isang araw pa yan hindi nauwi."
"Ang dami naman." sabi ni Jonas nang iabot sa kanya ang platong may kanin.
"Magpaka-busog ka. Hindi ka kumain kagabi."
"Ang sweet. Ramdam ko na ang magkaroon ng asawa."
"Adik." natawa si Jesse.
"Ayaw mo? Gusto ko na nga maka-usap si Marco para maiuwi na kita."
"Heh. Tigilan mo ako."
"So ayaw mo nga?"
"Hindi naman. Ikaw kasi masyado kang nagmamadali. Huwag kang atat kaya... yan tignan mo, hindi na umuuwi si Marco. Excited ka kasi eh." pambibiro ni Jesse.
"Basta kapag nakausap ko na si Marco, ako na magbabalot ng gamit mo." sabay tawa si Jonas.
"Oo na. Kainin mo muna yan. Eto oh..." nilagyan ni Jesse ng nilutong tocino ang plato ni Jonas. "Gusto mo ba ng catchup para sa itlog?"
"Sige."
"Sandali. Kukuha ako." Tumayo si Jesse para kumuha.
Naiwan si Jonas na nag-iisip sa kalagayan ngayon ni Marco. "Ano kaya ang ipinagawa sa kanya ni Tito Ramon at kung bakit hindi pa siya umuuwi?"
-----
"Dad, ready ka na? Lahat po ng dadalhin natin kay Mama, nasa sasakyan na po."
Naka-ngiti ng maluwang si Arman. "Ikaw ang tatanungin ko kung ready ka na. Kasi kahit wala akong dalhin Ok lang. Basta dala ko ang wallet ko."
"Sabi ko nga po. Opo, ready na ako Dad. Pero kinakabahan po ako."
"O siya, tayo na. Ikaw ang magda-drive."
"Opo Dad."
-----
Naka-sakay na sa jeep sina Jesse at Jonas para sa pagpasok sa trabaho nung una.
"Teka, kamusta pala ang trabaho mo Jesse?"
"Ok naman. Hindi ganoon kahirap. Bakit?"
"Wala lang." sabay ngiti ng maluwang. "Gusto ko lang may mapag-usapan."
"Ah..." napa-tango si Jesse. "Basta, maayos ako sa trabaho."
"So, walang naiinggit. O kaya naman ah... mabait ang boss mo. Teka, nakita mo na ba ang boss mo dyan?"
"Oo naman. Nakabanggaan ko pa nga." pigil ang tawa ni Jesse.
"Talaga? Oh kamusta naman ang pakikipagbanggaan?"
"Pakikipagbanggaan talaga? Nabangga ko lang naman. Hindi ko sinasadya. Teka, nagse-" Hindi naituloy ni Jesse ang gustong tukuyin nang mapatingin sa mga nakasakay din sa jeep. Napansin niyang pinagtitinginan nga silang dalawa. Nagbawi siya ng tingin.
"Nagseselos?" nilakasan ni Jonas ang boses. Pasimpleng siniko siya ni Jesse. "Bakit ako magseselos eh sigurado akong matanda na yung boss mo at ubod ng panget."
Imbes na mahiya si Jesse sa pananadya ni Jonas na lakasan ang boses nito ay natawa pa siya. "Panget pala ang boss ko ah. Mas gwapo pa nga sayo yata yun." sabay tawa. Hindi na niya inintindi ang mga kasabayan sa jeep.
"Mas pogi sa akin? So dapat nga akong magselos?" naka-ngiting si Jonas.
"Hindi at hindi"
"Ok." ngiti-ngiting si Jonas.
-----
"Oh, Arman? Wala naman tayong napag-usapang magkikita tayo ngayon ah. Masyado na akong nakaka-abala sayo. Baka marami kang pasyenteng dapat asikasuhin sa hospital."
"Importante ang sadya ko ngayon sayo Juanita. May dapat ka kasing malaman. Kaya sana bukas ngayon ang tahanan mo para patuluyin ako..."
"Oo naman. Sige halika pasok ka pasen-"
"At si Arl pala."
"H-ha?" Ewan ba ni Juanita nang marinig niya ang pangalan ni Arl ay may kung anong tuwa sa kanyang puso. "K-kasama mo si Arl?"
"Oo. Nasa kotse pa siya." Kumaway si Arman sa kotse at agad na lumabas si Arl sa kotse. "Patuluyin mo kami at may sasabihin kami sayo."
"Gaya nga ng sabi ko, pero pagpasensiyahan mo na ang loob ng bahay ko ah. Walang wala sa bahay mo."
Saka ang paglapit ni Arl. "M-magandang araw po." Nangingilid ang mga luha sa mga mata ni Arl.
Pansin iyon ni Juanita kaya bahagyang kunot ang noo niya sa pagtataka. "Magandang araw din sayo. Tayo na sa loob para malaman ko na ang inyong sadya."
"Arl, kunin mo muna ang mga pasalubong natin para sa... Nanay mo." utos ni Arman sa anak.
"Sige po Dad."
Pagkatalikod ni Arl ay agad ang tanong ni Juanita. "A-anong nanay naman ang pinasasabi mo, Arman? Naguguluhan ako."
Ngumiti lang ng maluwang si Arman. "Patuluyin mo muna ako."
"Sige pasok ka na. Hihintayin ko lang ang anak mo."
Pumasok na nga si Arman pero may iniwan itong anak. "Anak ko?"
Na ipinagtaka naman talaga ni Juanita. "Ano bang ibig ninyong sabihin?" Hindi na niya maintindihan ang mga ibig tukuyin ng bisita at lalo na ang kanyang nararamdaman ngayon.
-----
BGOLDtm (link to fan page)
4 comments:
hayan na nareveal na. hehehe. next na agad ash..
yes! ambilis ng posting hehe :D tingin ko talaga e may sakit yun si jonas, di ko lang alam kung malubha pero meron un hehe kahit na parang sa panaginip lang kinonfirm. :) keep it up sir!
wheww nadala ako sa kwento,,,ang ganda kumakaba dibdib ko habang nagbabasa, makapigil hininga ang pagtatagpo ng mag ina, galing mo binitin mo pa kaming readers mo hehehe,,,, next chapter pls....
jak21
Revelation after revelation... Da best pa din ash... Ingatz!
Post a Comment