"Mmm..." ungol ni Jesse.
"Ano ba oras ng pasok mo?" tanong ni Jonas.
"7 am. Pero madalas gumigising na ako ng 5..." sagot ni Jesse nang nakapikit at habang nakayakp kay Jonas.
"5:30 na."
Nang sabihin iyon ni Jonas ay biglang napadilat si Jesse. "5:30 na?"
"Oo. Ito ang evidence." nakangiting itinaas ni Jonas ang braso niya para makita ni Jesse ang relo niya.
"Patingin." iniangat na ni Jesse ang katawan niya. Saka tinignan ang relo ni Jonas. "Oo nga. Sandali tatayo na ako."
"Ang aga mo naman yata? Kung 7 pa ang pasok mo, isa't kalahing oras ka magpeprepare?"
"Ganun talaga ako Jonas. Masanay ka na sa akin." nakangiting paliwanag ni Jesse. "Sandali, titignan ko kung nasa kabilang kwarto na si Marco."
Nang marinig iyon ni Jonas ay bigla siyang napatayo sa pagkakahiga. "Teka, a-ano ang gagawin ko?" Nakaramdam ng kaba si Jonas.
Natawa si Jesse. Halata niya kasi sa mukha ni Jonas ang pag-aalala. "Wala."
"Wala?" Napa-kunot noo si Jonas. "Anong ibig mong sabihin? Ok lang na makita tayong magkasama dito?"
"Ano naman kasi na magkasama tayo rito?"
"B-baka kasi magtaka siya?"
Napa-isip doon si Jesse. Na-isip niyang tama si Jonas na maaring mag-isip ng iba si Marco kapag nakita silang dalawa sa iisang kwarto. "H-hindi naman siguro, Jonas. Pareho naman tayong lalaki at... sasabihin ko na lang na... ano..." parang hindi makahanap ng i-aalibi si Jesse. "Tama, sasabihin ko na lang na ginabi ka na sa pag-uwi tapos dito ka na natulog, tapos... dito ka sa kwarto ko natulog kasi baka dumating si Marco at gagamitin ang kwarto niya. Ganun..."
Natatawa si Jonas. "Bahala na, Jesse. Handa naman ako na magsabi ng totoo eh. Ikaw? Ok lang ba sayo na malaman ni M-marco ang totoo sa ating dalawa?"
"Sa-" hindi natuloy ang sasabihin sana ni Jesse sahalip ay iniba na lang niya. "huwag muna Jonas."
"Walang problema Jesse. Huwag kang mag-alala. Sinabi ko lang iyon kung sakali man. Papatunayan ko lang na handa talaga ako sa relasyon natin at sa kung anong mangyari." tumayo na si Jonas at humarap kay Jesse.
Naka-ngiti si Jesse sa harapan ni Jonas. Tuwang-tuwa ang puso niya ng marinig iyon mula kay Jonas. Damang-dama niya ang katotohanan ng sinasabi ni Jonas. Naniniwala siya, pero hindi muna ngayon. Hindi pa siya handa. Napa-titig siya kay Jonas nang hinarap siya nito. "Maraming salamat. Pinasasaya mo ako."
Humawak si Jonas sa magkabilang balikat ni Jesse. "Dahil pinasasaya mo rin ako."
Napayuko si Jesse. Hindi siya makatitig ngayon ng diretso sa mga mata ni Jonas. Inangat naman ni Jonas ang kanyang mukha at sinalubong ang mga labi ng kaharap. Pareho nilang pinagsaluhan ang tamis ng halik ng pag-ibig sa sandaling iyon.
-----
Diretso si Jesse sa kusina. Madadaanan niya iyon papuntang c.r. Nang matapos magtanggal ng likidong naipon sa kanyang puson, agad siyang bumalik sa kusina. Nagulat siya ng makita ang mga mga nakatakip na pagkain. Hindi niya napansin iyon kanina. Naisip kaagad niyang dumating na si Marco.
Nang matapos na niyang masilip ang mga pagkaing nasa lamesa ay agad siyang bumalik sa kwarto para asikasuhin si Jonas.
"Ok ka lang dyan?" tanong ni Jesse nang mabalikan si Jonas.
"Punta ako C.R."
"Sige."
Inihatid naman ni Jesse si Jonas sa C.R. Pagkatapos ay tinungo ni Jesse ang kwarto ni Marco para i-check kung naroon na nga ito. Nasilip niyang nakahigang patagilid ito. Patalikod sa kanya. Hindi nito namalayang nakasilip pala siya.
Hindi na inabala ni Jesse ang kaibigan. Iniisip kasi niyang nasa kasarapan ito ng pagtulog.
"Jesse." tawag ni Jonas na ikinalingon ni Jesse.
"Tapos ka na?" nakangiti niyang tanong.
Naka-ngiting tango naman ang sagot ni Jonas. "Sinong sinisilip mo dyan?" tanong niya.
"Si Marco. Tinignan ko kung narito na nga. May pagkain kasi sa lamesa eh."
"Ah... So ano na ang gagawin mo?"
"Maliligo na ako para sa pagpasok."
"O sige, doon na lang ako maghihintay." Tinutukoy ni Jonas ay ang sala.
"Baka nagugutom ka na? Ipaghahain muna kita?" alok ni Jesse.
"Hindi." tanggi agad ni Jonas. "Hihintayin na lang siguro kita. Saka, nakakahiya naman sa kaibigan mo."
Natawa ng bahagya si Jesse. "Hindi no. Wala yun."
"Ok. Pero mamaya na, sabay na tayo."
"O sige."
Umupo si Jonas sa paborito niyang pwesto sa sala malapit sa pinto habang si Jesse ay abala sa paglilinis ng katawan. Hindi inaasahan ni Jonas na makikita niya sa pinto ng kwarto ang kaibigan ni Jesse. Nagkatitigan sila.
Kumunot ang noo ni Jonas habang kinikilala ang kaibigan ni Jesse. "Parang kilala ko 'to ah?" Saka siya tumayo.
------
Nang matitigan ni Marco ang mukha ni Jonas ay bigla siyang nakadama ng kaba at pamamawis ng noo. Nakikilala niya ang lalaking tumayo sa isang sopang gawa sa kawayan malapit sa pinto.
"Ako nga pala si Jonas, kaibigan ni Jesse." pakilala ni Jonas.
Lumapit si Marco kay Jonas nang mapansin nitong iniaabot ng nagpakilalang Jonas ang kamay nito para makipag-kamay. Pinilit ngumiti ni Marco sa kabila ng kaba na nararamdaman niya.
"A-ako naman si O- Marco." pakilala niya sa sarili nang magkaabutan ng kamay. Muntikan pa siyang mautal.
"Pasensiya na pare, dito na ako nakitulog kasi... inabot na ako ng ng hating-gabi sa pakikipagkwentuhan sa kaibigan mong si Jesse."
"Wa-wala yun. Sige na maupo ka na muna." Saka umupo rin si Marco sa kaharap na sofa.
"Mmm Marco, para kasing nagkita na tayo eh. Familiar kasi ang mukha mo." nakangiting pahayag ni Jonas.
"A-ako? Hindi pa naman siguro." sabay tawa si Marco.
Napa-ngiti rin ng maluwang si Jonas. "Pero..." isa pang titig uli sa mukha ni Marco ang ginawa ni Jonas.
Halata naman kay Marco ang pagiging conscious. "Pare, huwag naman ganyan. Nahihiya tuloy ako sayo." natatawang sabi ni Marco.
Natawa rin si Jonas. "Pasensiya na. Hindi ko talaga maalis sa isip ko na kilala kita. Pasensiya na. Teka, di ba pang-gabi ang pasok mo? So ibig sabihin nagpapahinga ka ngayon? Baka naabala namin ang pagpapahinga mo, Marco?"
"Hindi, hindi... Huwag kayong mag-alala. Hindi pa naman talaga ako nakakatulog. May iniisip kasi ako kaya..." hindi na itinuloy ni Marco ang sasabihin bagkus iniba nito ang sasabihin. "Narinig ko kasing parang may kausap si Jesse kaya... ayun." sabay tawa. "Akala ko nga si Jessica ang narito."
"Ah ganun ba? So, ibig sabihin, nakakadalaw na dito si Jessica?"
"Mmm isang beses pa lang naman."
"Ah..."
Ilang palitan pa ng mga salita ang namagitan sa kina Jonas at Marco. Hanggang sa lumabas na si Jesse mula sa banyo.
"Oh, magkausap na kayo dyan?" gulat ni Jesse nang mapansin ang dalawa sa sala. Papasok na sana siya sa kanyang kwarto.
"Oo Jesse." sagot ni Marco. "Ito nagkukwentuhan na kami."
"Tamang-tama para sabay-sabay tayong kakain mamaya." si Jesse.
"Ay oo nga pala..." saka tumingin si Marco kay Jonas. "Jonas, may nabili pala akong makakain natin. Napadaan kasi ako sa bukas na karenderia, eh... medyo maganda ang sahod ko ngayon eh." sabay tawa.
"Sige, makikisalo ako. Salamat at congrats pala." binuntutan din ni Jonas ng tawa.
"Sandali lang ha? Magbibihis lang ako. Ako na ang maghahanda ng lamesa. Walang gagalaw." biro ni Jesse.
"Huminga pwede?" tanong ni Jonas.
Natawa si Marco sa tanong ni Jonas habang napataas naman ang kilay ni Jesse.
"Ikaw kung gusto mo bang huwag huminga eh. Ok lang sa akin."
"Gusto mo?" nakangising tanong ni Jonas.
"Ewan." saka pumasok si Jesse sa kwarto ng tumatawa.
Muling naiwan sina Jonas at Marco sa sala.
"P-paano pala kayo ni Jesse nagkakilala?" tanong ni Marco.
Saglit na lumabi si Jonas. "Minsan kasing walang masakyan si Jesse at malakas na ang ulan. Nagkataong ako ang napadaan sa kanya at nag-alok."
"Ah... pero ang alam ko, maraming maaring masakyan sa tapat ng 3J supermarket ah?"
Sa ipinahayag na iyon ni Marco, biglang may pumasok sa isipan ni Jonas. Hindi pinahalata ng huli ang pagtiim-bagang. "Ewan ko ba sa kaibigan mo Marco. Kung saan-saan napupunta..." sabay tawa maitago lang ang tunay na saloobin.
"Kung saan-saan?" takang tanong ni Marco.
"Oo... tanungin mo na lang si Jesse kung bakit siya napunta doon sa napakadilim na iskinita na wala namang dumadaang sasakyan. Kung saan-saan nagsusuot."
Bigla naman ang pasok ni Jesse. "Ako ang pinag-uusapan?"
"Kung saan-saan ka daw sumusuot."
"Kung saan-saan sumusuot?" magkasalubong ang kilay pero nakangiting pag-uulit ni Jesse.
"Naaalala mo pa nung una tayong magkita?" sabay tawa si Jonas. "Tama naman, kung saan-saan ka sumusuot. Inabutan ka tuloy ng ulan."
"O siya, oo na." nakangiting sagot ni Jesse. "Ihahanda ko na ang lamesa muna."
Umalis si Jesse sa harapan ng dalawa para magprepara ng kakaining almusal. Natahmik na naman ang dalawa.
Natahimik si Jonas dahil bumalik sa kanyang isipan si Marco. Nakikilala niya ang lalaki dahil ngayon nasisigurado na niyang nakita na niya ito noon. "Mamaya ko na lang siya kakausapin..."
Maya-maya pa ay tinawag na ni Jesse sina Marco at Jonas para dumulog sa hapag-kainan.
-----
"Mauna ka ng sumakay Jesse, mag-iiba ako ng daan. May pupuntahan ako."
"Ha?" napatingin si Jesse kay Jonas. Nakatayo sila sa kanto habang naghihintay ng masasakyan. "S-saan ka pupunta?"
"May naisip lang akong puntahan ngayon, importante. Ayoko na sana ipagpaliban." sagot ni Jonas.
"Importante ba talaga? Wala ka bang pasok? Maganda sana magpahinga ka na naman muna sa bahay niyo." sunod-sunod na sabi ni Jesse.
Ngumiti si Jonas. "Huwag kang mag-alala sa akin. Ok lang ako." Kinawayan ni Jonas ang jeep na dadaan sa pinagtatrabahuan ni Jesse. "Sakay ka na."
"I-ikaw?"
"Tatawid ako sa kabila, magkaiba kasi tayo ng daan. Sakay ka na."
"Ok ka lang ha?"
"Oo, I love you sakay na."
"I love you too, mag-ingat ka."
"Opo."
Hinintay ni Jonas na makasakay si Jesse sa jeep hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin. Saka tumalikod at muling tinahak ang lugar kung saan nakatirik ang tinutuluyan nila Jesse at Marco.
-----
"Jonas, napabalik ka?" nagulat talaga si Marco nang makita si Jonas nang mapagbuksan ito ng pinto.
"Marco, may gusto lang sana akong linawin sayo. Maari ka bang maka-usap?" naka-ngiting tanong ni Jonas.
"H-ha? Importante ba yan?"
"Sa akin importante, at para kay Jesse... sa makakabuti sa kanya? Oo, importante rin..."
Sa sagot na iyon ni Jonas, alam na ni Marco ang tinutukoy ni Jonas. Pinatuloy na lang niya si Jonas. "Tuloy ka."
Nang maka-upo na ang dalawa saka bumuka ang bibig ni Jonas. "Marco, saka ko lang naalala na talagang kilala kita. Huwag ka na sana magsinungaling."
Napa-nganga si Marco sa diretsong pahayag ni Jonas. Buking na siya. Napa-buntong hininga na lang siya.
"Ikaw ang alalay ni Tito Ramon, na nagngangalang Omar. Na minsan ko ng nakita sa aming bahay nang minsang isinama ka niya."
Bahagyang napa-tango si Marco.
Nagpatuloy si Jonas. "Alam ko ang ginagawa ninyo ni Tito Ramon at kung ano ang tungkulin mo sa kanya."
Napa-tiimbangang si Marco saka tumango. Naging sunod-sunod ang pagtulo ng kanyang pawis.
"Dahil doon, gusto ko sanang..."
Napa-angat ng mukha si Marco at tumingin ng diretso kay Jonas. "Ang ano..."
"...ilipat si Jesse ng ibang tinitirahan."
Nanlaki ang mga mata ni Marco. "I-ikaw... Alam na ba ito ni Jesse?"
"Walang alam si Jesse na kahit ano. Marco, gusto ko lang na maprotektahan ang kaibigan ko. Kilala ko si Tito Ramon, at alam mong nalalagay sa panganib ang buhay ng mga kapamilya mo."
"M-matagal ko nang gustong umalis sa pagiging utusan ni Don Ramon." simula ni Marco. "Kaya lang sa tuwing tatangkain kong umalis saka ako nakakatanggap ng problema galing sa pamilya ko. Kailangan ko ng pagsuporta sa pamilya ko. Kaya hindi ko maiwan-iwanan. Pangalawa, una pa man binalaan na ako ni Don Ramon na huwag akong magkakamali dahil idadamay daw niya ang aking pamilya. Malaking tao si Don Ramon, marami siyang mauutusan maliban sa akin."
"Bilang kaibigan ni Jesse, maari kitang tulungan. Umalis ka lang kay Tito Ramon. May pera ako, kaya kitang bigyan para makalayo kasama ang pamilya mo."
"Maraming salamat. Pero ako na ang bahala sa sarili ko. Wala akong magagawa kung magdesisyon si Jesse na sumama sayo. Mabuting kaibigan si Jesse kaya ayoko rin siyang madamay. Kaya walang problema sa akin ang gusto mo. Sige lang."
"Maraming salamat Marco. Pero tandaan mo, sabihin mo lang ang pag-alis mo kay Tito Ramon at tutulungan kita. Huwag kang mag-alala."
-----
"Sinong may sabi sa inyong maari kayong umabsent nang hindi man lang kayo nagpapaabiso?" nanlalaki ang mga mata at butas ng ilong ng mataray na matandang empleyada ng opisina ng supermarket.
Mukha pa lang ay naririndi na si Jessica. Paano pa kaya ang mga pananalita nito.
"At sabay pa talaga kayo nawala. Date? Lunes na lunes wala kayo. Ang daming tao kahapon at sinakto niyo pa sa init ng ulo ni Sir James."
"Paumanhin po." si Jesse.
"Wala nang magagawa yang paumanhin mo. Sige, balik sa trabaho."
Pagkatalikod na pagkatalikod pa lang ni Jessica ay umikot na ang mga mata nito sa katarayan ng matanda. "Hmmmpt... kung hindi ka lang matanda..."
"Jessica, may mali tayo. Huwag kang mag-init ng ulo." biro ni Jesse habang tinutungo ang pwesto.
"Ewan." Inirapan ni Jessica si Jesse.
Tumakbo ang oras. Naging busy ang dalawa sa mga ginagawa. Halos hindi na nga magkatinginan man lang. Pero alam ni Jesse na sinasadya ni Jessica ang hindi mapatingin sa kanya.
-----
"Hindi ka sasabay sa akin kumain?" tanong ni Jesse nang oras na nilang maglunch.
Hindi sumagot si Jessica at patuloy lang itong naglakad papalayo.
Napa-ngiwi na lang si Jesse at lumabas ng locker room. Pagkalabas na paglabas niya doon ay muntikan na niyang mabunggo ang lalaking naka-suot pormal. "Sorry Sir." agad siyang napa-tingin sa mukha nito. Saka niya naisip na ang muntikan na niyang makabungo ay ang kanilang boss sa pinagtatrabahuan.
Bahagyang naningkit ang mga mata ni James sa lalaking kaharap. "Ok na. Umalis ka na lang sa daan."
"Sorry Sir uli." Nakadama ng panliliit at hiya si Jesse. Saka tinanaw ang kanyang boss papasakay sa magarang sasakyan nito. "Mula buhok hanggang dulo ng sapatos, grabe. Wala kang maipipintas. Ang swerte mong tao boss, gwapo na mayaman pa. Tsk tsk tsk." Natuptop niya ang bibig ng kamay. "Bakit nga ba ako nakakapag-isip ng ganoon? Gutom na ako." bigla niyang naisatinig.
-----
Please LIKE this fanpage
www.facebook.com/BGOLDtm
4 comments:
Like !!! :) Simula na ng pagsiwalat ng katotohanan .. xD
thank goodness nagkakilala na rin sina James at Jesse.. wonder what will happen?? or better yet will something happen?? hehehe
great work..!!
God bless.. -- Roan ^^,
sino kaya si james? magiging karibal ni jonas?
WoW! Sobrang nakaka suspense na ang mga pangyayari. Cant wait for the nxt update.
Sana naging ok ang biyahe nyo po sir author!
Ingatz!!!
Post a Comment