Followers

CHAT BOX

Thursday, March 22, 2012

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 1










"Mr. Miranda, alam niyo naman na hindi ito ang una." muling paalala ng principal. "Noong una, tinanggap namin ang pakiusap dahil marunong na estudyante ang bata. Nagdadalawang isip nga ako na ginawa talaga iyon ng anak ninyo sa kapwa niya estudyante. Ang manapak ng walang dahilan."

"Ako na po ang humihingi ng paumanhin." sabi ni Mr. Miranda sa principal habang naka-tingin kay Rico na nakaupo sa harapan niya.

"Pero, Mr. Miranda. Hindi na namin ito mapapalampas. Pangatlong beses na ang ganitong pangyayari. Galit na galit na ang magulang ng batang sinaktan ng anak ninyo. Kailangan na naming aksyunan ito. Paumanhin po, pero nararapat lang na mabigyan ng mahabang suspensyon ang anak ninyo. Pinag-aaralan rin namin kung nararapat bang ipalipat ng school na lang si Rico."

"Mmm baka po may iba pang paraan..."

"Mr. Miranda, nato-trauma na daw yung bata sabi ng magulang. Kaya siguro mas maiging lumipat na lang ng eskwelahan si Rico. Ayaw rin naming mabakante ang oras niya sa pag-aaral dahil marunong siyang bata pero kasabay ng matino niyang pag-aaral ang mang-bully ng mga estudyante. At kung sino ang mga lalampa-lampa ay iyon pa ang natyempuhan ng anak ninyo."

Muling napa-tingin si Mr. Miranda sa anak. Ngunit sa pagkakataong iyon, matalim na ang kanyang tingin sa anak niyang tahimik at parang walang malay sa mga nangyayari. "Mababatukan ko talaga 'to sa pag-uwi eh. Ginagalit ako ng sobra."
-----


Papasok na ng bahay si Rico at pangiti-ngiti. Hindi siya ganoong nag-aalala dahil alam niyang ang ama naman niya ang gagawa ng paraan para sa kanya. Didiretso sana siya sa kanyang kwarto ng tawagin siya ng kanyang ama.

"Rico, maupo ka muna sa sofa at kakausapin kita." halata ang ka-pormalan sa tono ni Mr. Miranda.

"Dad, may gagawin pa po ako. Pwede po bang after dinner na lang?"

"Ang sabi ko maupo ka at kakausapin kita." bahagyang tumaas ang tono ng ama.

Napa-ngiwi si Rico at sumunod na lang sa ama. "Bakit po ba?"

"Hindi ko na alam ang gagawin ko sayo bata ka." reklamo ni Mr. Miranda sa anak. "Ano bang nakakain mo at ang hilig hilig mong mang-bully ng mga kaklase mo. Ang laki-laki mong bata tapos pinapatulan mo yung mga kaklase mong kalahati lang ang laki sayo. Ano bang problema mo Rico?"

Hindi umimik si Rico.

"Ano?" naririndi si Mr. Miranda sa katahimikan ng anak. Parang wala itong naririnig. Bumuntong hininga muna siya bago muling nagsalita. "Alam ko na ang gagawin ko sayo..."

Napa-tingin si Rico sa ama nang naka-kunot ang noo.

"Doon ka na lang mag-aaral sa probinsya."

"Dad?" gulat ni Rico.

"Oo, doon ka mag-aaral sa eskwelahang ang tiyahin mo ang principal. Siguro doon titino ka."

"Ayoko Dad. Sobrang sungit nung matandang iyon."

"Rico, gumalang ka. Ayokong tinatawag ang tiyahin mo ng matanda."

"Dad naman kasi, ayoko po. Saan naman ako titira?"

"Sa kanya rin."

"Dad?"

"Oo."

"Ayoko!"

"Iyon ang desisyon ko."

"Pero Dad ayoko talaga. Mas gusto ko rito. O sige, hindi na ako mananakit ng mga kaklaseng payatot, lalampa-lampa basta hindi na ako aalis dito sa Manila. Kahit saang ibang school dito basta huwag sa probinsya. Dad, ang lungkot doon. Ngayon pa lang kinikilabutan na ako. Ayoko ng maraming puno. Gusto ko nakikita ko maraming buildings. Dad..." Napansin ni Rico na hindi na siya pinakikinggan ng ama. "Dad..."

"Sabi ko iyon na ang desisyon ko."

"Basta ayoko."
-----

"Badtrip, wala akong magawa. Nakakainis talaga. Sigurado ako, ito na ang katapusan ng kaligayan ko. Ako na mag-aaral sa school na hindi man lang madapuan ng technology, tapos mga classmates na di maka-uso, sabayan pa ng guidance ng principal na masungit take note, tiyahin ko pa. Ang higit sa lahat sa kanila pa ako titira!" wala talagang magawa si Rico kundi ang sumang-ayon lang kahit ang kalooban niya ay tutol na tutol. "Badtrip!" bulong niya.

"May sinasabi ka Rico?" tanong ng ama na kakapasok pa lang sa kotse para ipagdrayb siya patungong kalapit probinsya kung saan siya ihahatid ngayon.

"Wala po Dad."
-----

Wala pang tanghali, nakarating na sila ng ama sa tungo nila. Kanina pa napahiya si Rico sa sarili. Ang iniisip niya na pupuntahan nilang lugar ay masukal, mapuno at yung tipong wala ilan lang ang mikikita niya ang tao sa paligid at tipong huni lang mga ibon o anu mang hayop ang maririnig niya. Pero hindi pala ganoon gaya ng inaasahan niya.

Ngayon pa na ang pinasok nilang lugar ay isang subdivision at kung hindi siya nagkakamali, batay na sa mga nakikita niyang porma ng mga bahay na nakatayo ay maiihalintulad niya sa mga exclusive villages.

"M-meron pala dito. Hmmm." sabi niya sa sarili.

"Dito na tayo anak. Yan ang bahay ng tita mo. Baba na tayo."

Nanlaki ang mga mata ni Rico. "Y-yan ang bahay ni tita Mariella?"

"Oo anak. Bakit? Ang akala mo na naman isang kubo na nakatirik sa isang bukid? At napapalibutan ng mga puno habang may mga hayop na pagala-gala sa paligid?" sabay tawa ng ama. "Huwag kang mag-alala anak, wala kang makikitang ahas dito."

Napa-ngiwi si Rico. Napahiya siya sa sinabi ng ama niya at ganoon na rin sa kanyang sarili sa katotohanan ng sinabi ng ama. Muling napa-tingin si Rico sa bahay. "Hindi naman masama. Siguro yung nakatira sa loob." pilyong bulong niya.

"Halika na Rico."

"Opo."
-----

"Ito na pala si Rico, ang laking bata." magiliw na salubong ni Mariella sa pamangkin. "3 years old ka pa lang nang huli kitang makita."

Sa magiliw na sa salubong na iyon, nagkaroon ng lakas ng loob si Rico na magtanong. "Bakit po, saan po kayo nagpunta?"

"Nag-aral kasi ako sa Amerika kaya nalayo ako. Tapos naging busy sa pagiging principal sa eskwelang papasukan mo."

"Ah Mariella," singit ng ama ni Rico. "Sayo ko na ihahabilin muna si Rico."

"Ikaw naman Nauricio, hindi pa nga tayo nakaka-upo parang gusto mo nang magpaalam kaagad."

Natawa si Nauricio "Ganun na nga siguro."

"Kakain muna tayo. Tamang-tama nga dating ninyo. Halika na kayo sa lamesa." yaya ni Mariella.

Nauna na si Mariella para maihatid sila sa dining area. Dahil sa pagkakahuli, nagkaroon ng pagkakataon si Rico na magtanong sa ama ng pabulong.

"Dad, akala ko ba masungit yang si Tita Mariella, mukha namang mabait eh."

Natawa si Nauricio. "Mali ba ako? Dati kasi yang tita mo, snabera.. mataray."

"Baka naman Dad kapag iniwan niyo na ako dito biglang magbago ang ugali niya."

"E di mas mabuti para naman tumino-tino ka Rico."

"Dad, ayaw ko dito."

"Huwag mo nang suwayin ang gusto ng Daddy mo."

Napa-ngiwi na lang ang matabang nagbibinatang si Rico sa ama.
-----
"


Unang araw ni Rico sa eskwelahang ng San Simon High School- Main kung saan ang kanyang tita ang principal. Hindi na malalaman ng school ang kanyang record. Ang tita na niyang principal ang umayos nang lahat. Natutuwa naman si Rico dahil sa mabuting ipinapakita sa kanya ng kanyang tiyahing nung una ay inakala niyang masungit. Pero nagkamali siya. Minsan nararamdaman niyang itinuturing siyang anak nito lalo na at wala pa itong anak. Ang alam niya wala pa itong asawa. At hindi pa niya naiitatanong kung may boyfriend na ito.

Ngayon ang pasok ni Rico sa eskwelahan. Patapos na ang second quarter ng klase para sa ikatlong taon niya sa high school. Alam niyang kaya niyang sabayan ang mga estudyante ng San Nicolas kahit transferee lang siya. Nanggaling yata si sa private school at ngayon ay public.

Alam na niya ang room niya. Dahil noong biyernes pa lang ay isinama na siya ng kanyang tiyahin para makita ang kanyang room. Hindi nga lang niya nakita ang kanyang magiging classmates dahil nasa field daw ang mga ito para sa subject na P.E. At ang maganda roon, nasa star section pa rin siya o tinatawag na Special Science Class o SSC-A. Isang section na mas binibigyan ng atensyon.
-----

"Inay aalis na po ako." paalam ni Emman nang maibalot na niya ang kanyang baon na pagkain para sa tanghalian. Tulad ng dati, bagong saing na kanin at dalawang piraso ng tuyo. Swerte na lang niya ngayon na may isa pa siyang bilog ng kamatis.

Hindi narinig ni Emman ang tugon sa kanya ng ina.

"Bwisit, ang aga-aga." sigaw ng tatay niya na alam niyang galing sa labas ng bahay kahit nakatalikod siya rito.

"Tay, luto na yung sinaing, pwede na po kayong mag-almusal." alok ni Emman.

"Gago. Huwag mo akong utusan. Kakain ako kung kailan ko gusto."

Napa-ngiwi na lang si Emman. Nasaktan siya pero natitiis na niya ang ganoon sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos. "Sige po, papasok na po ako."

Saka naman ang dating nanay ni Emman. Galing rin ito sa labas na akala niya ay nasa kwarto lang nito. Kaya pala hindi ito sumagot kanina.

"Punyeta kang Andoy ka. Ang aga-aga maglalasing ka na naman? Ni hindi pa nga nalalamnan yang sikmura mo, tatagay ka na naman?" sigaw ng kanyang nanay sa kanyang tatay.

"Pakialam mo? Ikaw ba iinom? Ikaw ba ang malalasing?"

"Gago ka pa lang lalaki ka eh. Eh kung naghahanap ka ng trabaho at para may malamon naman tayong maayos, e di sana natutuwa pa ako."

"Naghahanap naman ako ng trabaho ah?"

"Gago! Inuman ang hinahanap mo."

Sumingit na si Emman. "Aalis na po ako."

Magsasalita pa sana ang nanay niya para kanyang tatay nang huminga na lang ito nang malalim at tumuon sa kanya. "Sige na Emman, pumasok ka na."

"Opo Inay. Itay alis na po ako." Pero hindi siya pinansin ng tatay niya.

Lumabas siya ng bahay kaunti na lang ay pwede na rin niyang sabihing tagpi-tagping bahay. Lumabas siyang panay ang buntong hininga. "Lagi  naman eh." naibulong niya sa sarili. Hindi pa siya nakakalayo nang marinig na naman niya ang boses ng ina. Hindi pa tapos ang sermon sa loob ng bahay nila.
-----

Naglalakad siya sa hallway. Kahit maaga pa siya ng kalahating oras para sa unang klase ay nagmamadali na siya. May proyekto ng kaklase kasi niya ang kailangan niyang gawin. Pero hindi pa man siya nakakatapak sa hagdan para sa ikalwang palapag kung saan naroon ang kanyang room ay may nag-aabang nang mga seniors sa kanya.

"Bwisit panira ng araw." bulong ni Emman.

"Emman, ang aga mo ngayon ah. Akala namin mapuputi kami ang mga mata namin sa kahihintay sayo." sabi ng isang lalaking nagmamayabang ang tono.

"Oh anong problema?" matapang na tanong ni Emman.

"Aba, tumatapang. Dahil sa classmate mong pogi daw.." sabay tawa. "na handang ipagtanggol ka. Gaya ng ginawa sa akin nung isang araw. Akala mo ba kakalimutan ko na lang yung ginawa na niyang pagsapak sa mukha ko?"

"Sino ba kasi may kasalanan? Kayo ang nagsimula ng gulo. Tahimik kami pero pinapakilaman niyo kami. Tapos kapag hindi kayo napapansin, umiinit ang ulo niyo. Kulang lang talaga kayo sa pansin."

"Aba, tol may sinasabi ito..." sabi ng isang matangkad na lalaki sa kausap ni Emman. Lumapit ito kay Emman. "Eh kung gulpihin kaya kita ngayon?"

Ipinapakita ni Emman na matapang siya kahit ang tuhod niya ay kanina pa nangangatog. Isa lang siya habang tatlo ang kalaban niya. Naisip tuloy niya sa Randy ang classmate at bestfriend niya. Alam niya na late na iyon darating. "Subukan mo lang na makanti ako, lalabanan kita."

"Aba-aba..." sabay ng matangkad na lalaki.

Nakita ni Emman na umangat ang kamay nito. Alam niyang papadapuin iyon sa kanya. Halata niyang sa paraan ng pagkotong. Napa-pikit siya sa inaasahan niyang mangyayari.

"At sino naman 'to?" tanong ng isang lalaki.

Napa-dilat si Emman sa pagtataka kung bakit nagsalita ng ganoon ang kaharap niya. Ang akala niya ay kokotongan na siya ng lalaking iyon. Saka lang niya napansin ang kamay ng kaharap niyang matangkad na lalaki ay hawak hawak ng isang lalaking bago sa paningin niya.

"Bakit mo balak kotongan ito?" sigang tanong ni Rico sa lalaking medyo matangkad sa kanya ng kaunti. "Tinatanong kita?"

"Pakialam mo ba? At sino ka ba?"

"Baka gusto mong upakan kita, ikaw ang tinatanong ko." sigang-siga talaga ang dating ni Rico.

"Ang tapang nito ah." sabi ng unang lalaki kanina.

"Bakit naliliitan ka sa akin?" tanong naman ni Rico sa isa.

Biglang sumulpot ang isang guro paakyat sa ikalawang palapag. "Anong meron dito?" tanong ng guro saka nakilala si Rico. "Ay, ikaw ang pamangkin ng ating principal tama?"

"Opo ako nga po." nakangiting sagot ni Rico.

Nanlaki ang mga mata ng tatlong lalaki. Napansin ni Emman na nagbulong-bulungan ang mga ito. Pero pati siya ay nagulat din.

"Rico ang pangalan mo di ba? So, Rico sana maging masaya ka dito sa bago mong paaralan. Sige mauna na ako sa inyo mga binata."

"Sige po maam." paalam ng lahat.

"Ano?" muling tanong ni Rico sa tatlo. Saka napalingon si Rico nang maramdamang may tao sa kanyang likuran.

"Anong kaguluhan 'to. Emman? Inaano ka na naman ng mga 4th year na yan?" si Randy, ang bestfriend ni Emman.

Sabay takbuhan ang tatlong 4th year.

"Tignan mo ang mga yun, nakita lang ako nagtakbuhan na." sabi ni Randy. "Halika na Emman akyat na tayo sa taas."

"Sige." Gusto pa sana niyang magpasalamat kay Rico pero, hndi na niya nagawa dahil bigla siyang hinila ni Randy.

Naiwan si Rico na nakapamulsa.
-----

Tahimik si Emman habang ginagawa ang project ng kaklase. Pero nasa isip niya ang pamangkin ng principal na tumulong sa kanya kanina. Gusto sana kasi niya magpasalamat pero hindi na niya nagawa.

"Ayan, tapos ko na." saka niya iniabot sa kanyang kaklase.

"Maraming salamat ha? Kapag break na natin saka ibibigay yung bayad ko." sabi ng kaklase niyang nagpagawa ng proyekto sa kanya.

"Naku, huwag mong isipin iyon."

"Basta mamaya na lang ha, sige punta na ako sa unahan."

Nakangiti si Emman habang sinusundan ng tingin ang kaklase niya papunta sa bandang harapan kung saan malapit sa pinto ng kwarto nila. Nanlaki ang mga mata niya ng makitang nakatayo roon ang lalaking tumulong sa kanya kanina. "Sinundan yata ako." bulong niya.

Tatayo sana siya para puntahan ito sa may pinto nang biglang pumasok ang kanyang adviser na si Mrs. Dimagiba, nagtayuan ang lahat.

"Section A, may ipapakilala ako sa inyo. Ang bago ninyong kaklase, galing siya sa private school pero pinili niyang mag-aral dito sa public. Siya si Rico Miranda ang pamangkin ng ating butihing principal."

Marami ang nagulat, nagbulong-bulungan at ang iba naman ay tahmik. Si Emman ay natulala lang. Ang iniisip niya ay nasa huling taon na ito dahil sa tangkad at pangangatawan nitong hindi naman ganoon kataba pero hindi naman payat. Chubby ang nasa isip niya.

"Rico, sila ang magiging kaklase mo." pakilala ng guro sa kanya.

Ngumiti si Rico saka yumuko. Hndi siya nahihiya. Sinadya lang niyang yumuko pagkatapos.

"Ok lang ba sayo Rico na sa likuran ka maupo, kasi yun lang may bakanteng upuan."

"Walang pong problema maam."

"Sige." saka tumingin ang adviser nila sa likuran kung saan naroon si Emman. "Emman, sa tabi mo mauupo si Rico. Paki-guide naman siya."

"Sige po Maam."
-----

www.facebook.com/BGOLDtm
fan page

13 comments:

mcfrancis said...

aba kakaiba ito!!! pamagat pa lang kakaiba na!!!

JoMsKi said...

Wow! Kapanapanabik tong storya na toh! eto diba si rico at emman sa story na IVan: my love, my enemy...

Anonymous said...

wow!very promising ang storya nito,c rico sa ivan at rico d2 ay iisa ba?bale kwento nila rico at emman ito.may aabangan na nmn kami,,,,,,,,,,,jack21

Jay! :) said...

Another promising new story unfolds.

From the initial chapter only, you can already tell that the story's next events are to be much awaited with twists unlike the usual.

Can't wait for the next chapter.
Go! lang Go! Mr. Author / ash

- Jay! :)

mat_dxb said...

aun... it's rico's time to shine! let's get it on!

mat_dxb

RJ said...

di ko pa alam kung ano ie-expect. :D pero nice start sir :)

Anonymous said...

sana may updates na...

:-)

ram said...

isa na namang pakakaabangan. sana lng hindi masyadong busy si author para mabilis ang updates hehehe

Anonymous said...

di na nasundan 'to. :( sayang. ganda pa naman.

Anonymous said...

waw unang chapter palang grabe na agad.... maganda at nakakagigil

ramy from qatar

Anonymous said...

OMg C1 plng yan wal n iban? hmp bitin tuloy ako

Anonymous said...

mukhang masususndan na.. ni re post..

NoTe said...

sequel lang...haixst nakaka miss na sila ivan....kailan kaya ulit sila magpapakita..???