Followers

CHAT BOX

Friday, March 23, 2012

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 2




"Dito ka maupo." si Emman nang makalapit si Rico sa kanya. Napapagitnaan ni Rico at Randy si Emman.

Umupo lang ng tahimik at seryoso si Rico.

"Emman, dali akin na ang notebook. Kokopya na ako." atat si Randy na makuha ang hinihingi kay Emman.

Napa-tingin si Emman kay Rico. Nahiya siya sa sinabi ni Randy. Alam niyang kahit pabulong lang ang pagkakasabi ni Randy, siguradong maririnig pa rin ni Rico iyon. Pero nang tumingin nga siya napansin niyang seryoso si Rico habang nakatingin sa harapan kung nasaan ang kanilang titser na abala sa paglalagay ng tsart sa blackboard.

Nilingon ni Emman si Randy kasabay ang pag-abot ng notebook niya. "O. Bilisan mo, baka makita ka ni Ma'am. Nawili ka na naman sa kalalaro mo ng basketball kaya hindi ka na naman nakagawa ng assignment mo." Napakamot lang si Randy sa ulo. Muling tinignan ni Emman si Rico sa kung anong reaksyon nito sa sinabi niya kay Randy. Pero tulad ng una, nakatingin pa rin ito ng seryoso sa harapan. "Buti na lang walang pakialam 'tong bagong kaklase namin. Pero mukhang mahirap pakisamahan. Masyado yatang seryoso. Pero sa tingin ko, hmm sa una lang yan." napa-ngiti siya sa naisip.

"Class, kopyahin niyo muna 'to." Yung tsart na isinait ni Mrs. Dimagiba ang tinutukoy nito. "Babalik lang ako sa faculty." Saka tinungo ang pinto. "Saglit lang ako. Walang maingay. Walang magulo."

Nang nawala na ang kanilang adviser saka tumayo ang kaklase nilang babae na nakaupo sa harapan ni Rico.

"Ako nga pala si Mariel. Mabait ako. Sana maging close tayo."

Halata ni Rico ang pakikipag-flirt ng kaklase sa kanya. Hindi siya kumibo.

"Ah mabait naman talaga yan si Mariel, Rico. Best in class din yan." Singit ni Emman nang mapansin niyang walang reaksyon si Rico. Baka kasi mapahiya ang babae. "Pero may kaartehan nga lang." naisip niya. Pero wala pa ring reaksyon si Rico.

"Sige, mauupo na uli ako, baka dumating na si Maam. Nice to meet you." si Mariel.

Napa-titig lang si Emman kay Rico nang maupo na si Mariel. "Ano ba naman 'tong taong 'to. Bingi? Ang damot mamansin. Oo, may kaartehan si Mariel nang magpakilala pero sana naman kahit tango man lang. Naku."
-----

Pumasok si Emman sa loob ng C.R. nang tanghali, oras ng kanilang breaktime.

"Mahal na mahal kita Randy higit pa sa pagiging magkaibigan natin. Emman." ito ang maikling sulat na ginawa ni Emman sa isang kapirasong papel. Muli niya itong binasa na para bang naniniguradong tama ang ipinapahayag niya. Ang katotohanan, matagal-tagal na rin niya itong ginawa dahil hindi niya masabi ng personal kay Randy. Pero hindi rin naman niya magawang ihulog sa bag nito o iipit sa notebook o libro man lang dahil sa kaba at takot. Alam kasi niyang sa oras na gawin niya iyon posibleng masira ang pagiging magkaibigan nila.

Hindi alam ni Randy ang tungkol dito. Sa pagkakaroon niya ng pusong babae. Kahit naman sa buong eskwelahan sa mga nakakakilala kay Emman, wala naman nag-iisip na bading siya. Minsan nga lang may mga nagbibiro na kung sino ba ang bading sa kanilang dalawa ni Randy dahil sa closeness nila. Ang ikinatataba ng puso ni Emman, lagi siyang pinagtatanggol ni Randy.

Muli niyang binuklat ang papel saka binasa ang nilalaman noon. "Ito na. Ibibigay ko na ito sayo. Hindi na ako maglilihim. May lakas na ako ng loob." Sabi niya ng mahina kahit walang tao sa loob ng C.R. Huminga siya ng malalim saka pumikit. "Gagawin ko na talaga 'to. Walang urungan. Pramis." Nagulat siya nang maramdamang may kumuha ng sulat mula sa kanyang kamay. Agad siyang napalingon kung sino ang hindi niya namamalayang nakapasok dahil nakatalikod siya sa pinto. "Rico?"

"Ano 'to?"

"A-anong ginagawa mo rito?" tanong naman ni Emman imbes na sagutin ang tanong sa kanya.

"Ano bang lugar ito?" tanong naman ni Rico.

Saka pumasok sa isipan ni Emman na C.R. nga pala iyon kaya kahit sino ay maaring pumasok. "B-bakit hindi ka man lang kumatok?" tanong pa rin niya.

"Kailangan ba?"

Napipi si Emman. "Hindi nga naman kailangan pang kumatok." huminga siya ng malalim. "Akin na yan."

"Babasahin ko muna."

"Ano?" namula ang mukha ni Emman. "Hindi pwede, sa akin yan. Sikreto ko yan." Huli na nang ma-realize niya ang sinabi.

"Ah. Sikreto pala 'to." napa-ngisi si Rico.

"Akin na sabi yan eh." sigaw niya. Tinangka niyang agawin ang sulat niya. Pero agad naka-ilag si Rico. Itinaas nito ang kamay. Malaki si Rico at may katangkaran. "Ibigay mo sa akin yan." nagsimulang kabahan si Emman dahil nakikita niya sa mga mata ni Rico na wala itong balak ibalik sa kanya ang sulat.

"Gusto ko munang mabasa."

"Hindi nga pwede. Hindi naman sayo yan ah."

"Eh ano?"

"Isusumbong kita."

"Kanino?"

Nanlaki ang mga mata ni Emman. "Hindi talaga yata natatakot itong taong ito. Paano na yan? Ano?"

"Anong ano?"

"Akin na yan." muli niyang tinangkang agawin ang sulat. Hindi pa rin niya nakuha at sa pagkakataong iyon mas itinaas ni Rico ang sulat saka patingalang  binasa ang nilalaman niyon. "Huwag!" sigaw niya.
-----

Napatitig sa kanya si Rico nang mabasa ang sulat.

"Akin na nga yan." namumula ang pisngi ni Emman. "Ano? Bakit ganyan ka maka-titig?" Gusto niyang maiyak.

Saka napa-ngisi si Rico. "Hindi nga?"

"Wala kang pakialam. Akin na yan."

Natawa si Rico. "B-bading ka?"

"Hindi."

"Eh ano 'to?"

"Papel na may sulat." 

Muling natawa si Rico. "Oo. Sulat. Bakit ka gumawa nito?"

"Anong pakialam mo? Bakit ba masyado kang pakialamero. Hindi naman sayo yan eh."

"Ayaw mong sabihin? Sige ako na lang ang magbibigay kay-" muling tinignan ni Rico ang sulat para masigurado kung para kanino iyon. "Kay  Randy." sabay tawa. 

"Huwag." sigaw ni Emman. "Isa." binilangan ni Emman si Rico. "Dalawa."

"Tatlo. Bakit? Anong gagawin mo? Ha?" muling inilapit ni Rico ang mukha niya kay Emman.

"I-isusumbong kita." muntikan ng pumiyok ni Emman.

Isa pang tawa ang pinakawalan ni Rico. "Halika ka na nga."

"H-ha?"

"Ha? Anong Ha? Sasamahan kita kay Randy."

"Ano?" parang umakyat ang dugo ni Emman sa kanyang ulo. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Oh, nagagalit na siya. Kutusan pa kita dyan eh. O sige, sumbong mo na lang ako kay Maam. Ano samahan  pa kita?"

Napa-singhap ng hangin si Emman. Buti na lang na malinis ang C.R. walang mabahong amoy. "Huwag kang magpapakita sa akin." banta ni Emman. "Kundi-"

"Kundi?" Ang hindi natatakot na si Rico. "Alam mo, walang mangyayari. Naalala mo yung nakaharap ko kaninang umaga?

Pumasok sa isipan ni Emman ang kaninang umaga. "Oo nga pala, niligtas ako nito kanina sa mga 4th year. O ano ngayon?"

"Kahit magsama-sama pa kayo, sama mo na rin si Randy." sabay tawa. "Pagbubuhol-buholin ko kayo."

"Ang sama mo."

"Matagal na. Kaya nga ako na kick-out sa dati kong eskwelahan. Buti na lang principal dito ang tita ko kaya ayun makakatapos pa rin ng 3rd year. Pero hindi ibig sabihin noon eh, titigil na ako. Gustong gusto ko kayang may nakukutusan araw-araw. Gusto mo mauna?" sabay tawa.

Naniniwala si Emman sa sinabi nito. "Hindi halata sa hitsura pero kapani-paniwala naman. Ano ba yan. Tapos na yata ang buhay ko nito. Paano na 'to. " iyak ng kanyang isipan.
-----

Nasa panghapon silang klase. Hindi maiwasan ni Emman na kabahan sa dahil panay ang ngisi ni Rico.Alam niya ang nasa isip nito. "Paano kung bigla niyang iabot ngayon ang sulat kay Randy?" tumaas ang balahibo niya sa naisip. Tumingin siya kay Rico. Sa unang pagkakataon, nawala ang atensyon niya ng matagal sa kanilang guro habang nagtuturo. Napansin niya si Rico na sumulyap sa kanya. Napa buntong hininga siya. Hindi naman niya makompronta dahil nasa kalagitnaan sila ng klase. Hindi niya gawain ang mag-ingay at mang-agaw ng atensyon.

Nanlaki ang mga mata ni Emman nang mapansing itinaas ni Rico nang bahagya ang kamay habang hawak-hawak ang maliit na papel. Kinabahan siya. Natakot. Pasimple niyang hinampas si Rico.

"Isa?" babala ni Rico. Mahinang seryoso.

Napa-singhap ng hangin si Emman. "Please." Pasimple.

"Don't worry, tinatakot lang kita."

Nag-tangis ang bagang ni Emman. "Ok, tinatakot lang ako. Relax Emman, hindi niya iyon ibibigay kay Randy. Maniwala ka na lang. Focus sa dini-discuss ni Maam." sabi niya sa sarili niya.
-----

Kalalabas lang ni Emman sa room niya para umuwi. Hindi na niya hinintay si Randy hindi tulad dati na lagi niya itong inaabangan matapos sa pagpa-practice ng basketball. Varsity player na kasi Randy ng school. Magaling din naman talaga kasi. Hindi na niya ito hinintay dahil sa nahihiya kahit alam niyang wala pang alam ito sa tunay niyang nararamdaman. Pangalawa, ayaw na muna niyang makita si Rico dahil hindi lang siya natatakot kundi galit na galit siya rito baka makagawa lang siya ng hindi maganda at ma-guidance ng wala sa oras.

Hindi pa siya nakakalabas ng gate nang mapansin sa isang gilid ng two storey building si Rico. Alam niyang si Rico iyon kahit nakatalikod at alam niyang may kausap ito. Hindi niya masyadong makita ang nasa harapan ni Rico dahil maliit at payat kumpara kay Rico. Malamang nasa unang taon pa lang ang kaharap ni Rico. Narinig niyang nagsasalita si Rico.

"Bakit mo nga ako tinitignan? Tatamaan ka talaga sa akin." akmang hahampasin ni Rico ang kausap.

"Huwag po." iyak ng lalaki.

"Ano nga?" sigaw ni Rico.

"K-kasi?"

"Kasi ano? Ayoko ng pinaghihintay ako. Bilis."

"K-kasi nakita ko ang I.D. mo, pula."

Mas lalong nainis si Rico. "Yun lang?" inambaan niya ito. "Malamang hindi kasi ako first year tulad mo kaya green ang kulay ng I.D. mo. Niloloko mo yata ako eh."

"Ay kuya." Ilag ng lalaki. "K-kasi, naisip kong parang hindi ka third year eh. Paran ka kasing 4th year na. Masyado kang malaki. Ay hindi pala, para kang college na."

Saka umagaw ng pansin si Emman. "Hoy." Napa-lingon ang dalawa. "Rico." tawag niya sa kaklase. "Hindi ka lang mayabang, pakialamero pa. Ngayon, babaw mo naman. Parang tinitignan ka lang, ano naman ang masama?" Hindi alam ni Emman kung saan niya nakukuha ang lakas ng loob. Alam alam niya kanina lang ay natatakot siya kay Rico.

"Ikaw pala. Napa-ngisi si Rico." tumingin siya sa lalaki. "Hoy ikaw, umalis ka na sa harapan ko kung ayaw mong tumama sayo ang kamay ko."

"Opo. Opo."

"At siguraduhin mong magsusumbong ka ha? Ha? Para sama-sama ko kayong gugulpihin. Bilis takbo." Agad ding tumakbo ang lalaki sa takot. Saka tumingin kay Emman. "Oh, anong problema mo?"

"Wala akong problema. Ikaw ang masyadong maproblema. Pati first year pinapatulan mo."

Natawa si Rico. "O siya ikaw na lang ang gugulpihin ko."

Napa-urong si Emman. Iniwas niya ang tingin sa kausap. "Aalis na ako."

"Oh bakit? Natatakot ka?" Hindi siya pinansin ni Emman. "Wag kang mag-alala hindi naman kita susuntukin. May naisip akong iba."

Napa-lingon si Emman. "At ano naman yun."

"Mmm tingin ko bukas wag ka nang pumasok." sabay tawa.

Kunot-noo si Emman. "B-bakit?"

"Ibibigay ko na kay Randy ang sulat."

Nan-laki ang mga mata ni Emman. Halo-halong emosyon. "Ang sama mo!" Sigaw niya.
------

http://facebook.com/BGOLDtm

3 comments:

Gerald said...

Waaahhh... Nabuhay si Rico Praise the Lord!

Anonymous said...

ang cute.. hehehe


frenso

ZROM60 said...

notaliw tallywahmmmm, i think sya ang magiging ktapat ni rico. he he he