Followers

CHAT BOX

Saturday, March 31, 2012

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 5




"Napapansin ko lang, hindi na tayo nagsasabay sa pag-uwi." may halong pagtatampo ang tono ni Emman nang sinabi niya ito kay Randy habang hinihintay ang kanilang guro. Hindi pansin ni Emman na nanlaki ang mga mata ni Rico sa tanong niya kay Randy.

Agad ang pasok ni Rico sa usapan. "Emman, gusto ko sanang sumabay sayo sa pagkain mamayang lunch Ok lang ba?"

Napa-lingon si Emman kay Rico saka tumitig. "Tama ba ang narinig ko?" natanong niya sa sarili bago siya nagtanong ng kumpirmasyon. "Kumain ng tanghalian, kasabay ko?"

"Oo." Napa-ngiti si Rico. Pansamantala niyang naiiwas ang tanong kanina ni Emman kay Randy. Napa-tingin siya kay Randy na nakikinig sa kanilang dalawa. Tinanguan niya ito pero walang response. Papalit-palit lang ng tingin. "Naisip ko lang."

"Ikaw." sagot ni Emman saka tumango. "Sa canteen kami kumakain ni Randy." Tumingin siya kay Randy.

Akala ni Rico ay ibabalik ni Emman ang tanong nito kanina kaya mabilisan siyang naghanap ng masasabi. "A-ano..." agaw niya ng pansin. Bahagya pa niyang kinabig ang balikat ni Emman para sa kanya humarap.

"Oh?" balik atensyon ni Emman kay Rico.

"Malinis ba doon sa canteen?" tanong ni Rico. Napansin niyang umiling si Randy at tumingin sa harapan. Alam niya ang iniisip nito sa kanya. Kung hindi lang niya alam na walang gusto ito kay Emman ay iisipin niyang nagseselos ito. Pero sigurado siyang ang iniisip nito na maarte siya.

"Oo naman." sagot ni Emman.

"Sige, sasama ako sa'yo."

"So, tatlo tayong kakain ng sabay mamaya?" nangingiting tanong ni Emman. "Randy, Ok naman sayo yun di ba?"

"H-ha?" lingon agad ni Randy sa kanya. "Oo naman, kaya lang nagyaya si Selena na samahan ko siya sa labas mamaya eh. Kaya out muna ako ngayon. Next time na lang."

"Ano ba itong Randy? Nagseselos?" lihim na tanong ni Emman sa sarili. "Selos ba talaga yun?" kinilig siya sa naiisip. "Si Randy nagseselos kay Rico dahil lang sasabay sa pagkain?" 


"O sige, Randy Ok lang." si Rico. "Ako muna ang sasabay sa bestfriend mo."

"Sige lang Rico. Ingatan mo yang kaibigan ko, baka mabulunan." si Randy na may tipid na ngiti. Pero natawa si Rico.

Tinapik ni Emman si Randy. "Mabulunan?" Saka tumakbo ang isip. "Eee... nagseselos nga si Randy."


"Basta mamaya ah?" paninigurado ni Rico kay Emman. Saka ang pagdating ni Mrs. Limaso ng Geometry. "Yan seryoso na uli si Emman. Yes, nakalusot na naman." tumatawa ng lihim si Rico.

Pero sa kabilang banda, hindi maiwasan ni Emman na magselos. Araw-araw na magkasama sina Randy at Selena. Kung titignan lang ang dalawa, hindi iisiping ginagamit lang ni Randy ang babae. Pero dahil may sulat si Randy sa kanya, yun ang pinanghahawakan niya. Iniisip na lang niyang huwag siyang magmadali.
-----

"Alam mo nagtataka ako sayo." nasabi ni Emman habang naglalakad papunta sa canteen.

"Bakit naman?" naka-ngiting tanong ni Rico.

"Hindi ka pa ba talaga nakakapasok sa canteen?" Hinarap siya niya si Rico kaya napatigil ang kasabay.

"Oo." Kasinungalingan. "Hindi pa talaga." Napa-kunot noo si Emman sa kanya. "Oo nga. Sa labas kasi ako nakain."

"May baon ka?"

"Wala. Nabili lang."

"Ah..." muling naglakad si Emman. Sumunod si Rico. "Pero alam mo kung saan ang canteen?"

"Oo naman, siyempre madadaanan natin kapag pupunta tayo sa P.E. natin. Hindi nga lang ako napasok."

"Ah..." sang-ayon ni Emman. "Pero teka, paano kapag break time natin? Imposibleng hindi ka kumakain? Ibig sabihin lumalabas ka pa?"

"Kumakain na lang ako ng marami sa tanghalian saka hapunan. Marami kasi ako kumain sa almusal kaya busog pa ako hanggang tanghalian." todong paliwanag ni Rico na dati naman ay hindi niya ginagawa.

"Ah, Ok."
-----

"Sige na umorder ka na, maghahanap lang ako ng pwesto natin." si Emman kay Rico nang makapasok sila sa loob ng canteen.

"Ikaw?"

"May baon ako."

"Sige." Tumalikod na si Rico kay Emman at tinungo ang stall kung saan may kain at ulam. Noon pa siya nakapasok doon, kaya lang masyado siyang naiingayan sa dami ng studyante sa loob ng canteen. Feeling niya madali siyang pagpapawisan sa loob. Malaki ang canteen. Maming stall ng pagkain ang ino-offer sa loob na iba't iba ang may-ari, kaya naman kahit hindi ka na lumabas halos nasa loob na ng canteen ang kung ano mang pagkaing meron din sa labas. 


Iyon nga lang may katagalan dahil mahaba ang pila.

Habang si Emman ay nakakita na ng mapu-pwestuhan. Agad niyang inayos ang sarili sa pagkaka-upo. Inalis niya ang bag sa kanyang likod at binuksan ito para ilabas ang kanyang baon para sa tanghalian saka inilapag sa lamesa at bag ay sa tabi niya.
-----

Naka-ngiwi nang maka-upo si Rico kasabay ang paglapag ng inorder niya. "Ang tagal." nasabi niya sa inis.

Natawa si Emman. "Galit ka na niyan?"

"Gusto ko nga sana sabihan yung lalaki na bilisan. Ang bagal."

"Hala, buti hindi mo ginawa."

"Pinakita ko na lang na naiinip ako."

"Loko ka talaga."

"Hayaan ko na." awat ni Rico. "Nagugutom na ako."

Napa-labi si Emman. "Loko talaga 'tong lalaking 'to. Wala yatang sasantuhin dito." Pero naisip naman niyang hindi naman gagawin iyon ni Rico kahit alam niyang nang-aaway ito ng mga kapwa estudyante. "Namimili naman din naman siguro 'to ng aawayin." Naisip niya. "Kain ka na." Napagmasdan niya ang inorder nito. "Menudo at dalawang kanin." Napa-ngiti siya.

"Oh ikaw? Asan ang pagkain mo?"

Napa-kunot noo si Emman. "Ito oh, hindi mo ba nakikita? Nasa harapan mo." ito sana ang gusto niyang sabihin. "Ito." Saka niya binuksan. Umalingasaw ang amoy ng dalawang isdang pinausukan. Nangingiti si Emman. "Ang bango." Saka siya tumingin kay Rico. Natawa siya sa hitsura ng mukha nito. "Bakit?" Alam niyang hindi inaasahan ni Rico baon niya.  "Malamang mahirap lang ako. Hindi ko kayang bumili katulad ng sayo, pero kuntento ako. Masarap kaya 'to." 


"B-bakit ganyan ang ulam mo?" Titig na titig si Rico sa dalawang isdang nakapatong sa kanin na alam niya kahit hindi niya hipuin ay malamig na. At ang dalawang isdang pinausukan.

"Tinapa." sagot ni Emman. "Bakit hindi ka ba nakain nito?" tanong niya. "Malamang sa reaksyon mong yan." Hindi naman siya naiinis. Sanay na siya.


"H-hindi." Saka napatingin si Rico kay Emman. "Mahirap ka lang?"

Napa-kunot noo si Emman pero pinilit agad niyang ngumiti. "Oo eh."

"Ah..."

"Sige kumain ka na." naka-ngiting si Emman. "Kumain ka na at huwag ka ng magtanong baka hindi ko na mapigilang mainis." takbo ng isip niya.

"S-sige kain na tayo." saka tumahimik si Rico at kumain.

Ayaw sana ni Emman makaramdam ng inis. Pero sa pananahimik ni Rico parang may nagtutulak sa kanyang mag-isip ng iba. "Siguro pagkatapos nito, hindi ako sasamahan nito kumain bukas. Halata naman sa hitsura niyang ayaw niya ang ganitong ulam. Ano bang masama sa tinapa? Bakit kanina nang maamoy niya parang gusto niyang masuka?" Sumimple siya sa pagsinghap ng hangin ayaw niyang mainis sa bagong kaibigan.
-----

May kalahating oras pa bago ang unang klase sa hapon. Minabuti ni Rico na tumambay muna sa grandstand. Sumang-ayon si Emman. Maganda ang araw. Kahit tirik ang araw, hindi naman masakit sa balat dahil sa patuloy na ihip ng banayad na hangin. Walang ulan na nagbabadya.

"Dito tayo." si Rico ang nagyayang umupo sila sa may gitna ng grandstand tulad ng ginagawa ng maraming estudyante na naka-standby din roon.

"Sigurado ka?" Hindi pa tuluyang umupo si Emman. Inilapag lang niya ang bag sa tabi ni Rico.

"H-ha? " naka-tingalang tanong ni Rico. "Bakit? Nakaupo na nga ako, tatanungin mo pa ako kung sigurado ako."

Natawa si Emman. "Baka kasi napipilitan ka lang. Malamang pagtayo mo, maaring marumihan ang pants mo."

Napa-tingin si Rico sa inuupuan niya. Ang napansin niya ay puro maliliit na damo. Hindi nga niya makita ang lupa dahil sa kapal ng damo. Hinimas niya ito. Alam niyang hindi iyon bermuda grass. "Puro damo naman 'to eh. Ok lang." Saka niya napansin na nakaupo na rin pala si Emman.

"Ok." saka tumakbo ang isip. "Baka kasi maarte ka din sa dumi tulad ng kaartehan mo nang makita mo ulam ko." 


"Masaya pala dito noh. Hindi boring."

"H-ha? Oo naman." Tumingin si Emman kung saan naka-tingin si Rico. Sa isang grupo ng mga babae na naka-pabilog at nagtatawanan. Naisip niyang maaring nagkukwentuhan ng mga nakakatuwang bagay o maaring mga crush nila. Muli siyang tumingin kay Rico at naabutan niyang tinuturo nito ang isa pang grupo sa medyo kalayuan.

"Tignan mo yung grupo na yun, may dala pang  gitara."

"Oo." Agad niyang binawi ng tingin mula sa grupong tinuro ni Rico at saka tumingin dito. Napansin niyang naka-ngiti ito. "Nakatagilid pa lang maganda na ngumiti, paano pa kung humarap yan." Hanga niya kay Rico. Agad siyang nagbaba ng tingin nang gumalaw ang mukha ni Rico.

"Emman."

"Oh." nag-angat siya ng tingin kay Rico.

"Gusto ko na nga dito sa school nyo." nangingiting si Rico.

Napa-ngiti siya. "Ano ka ba, school natin. Dito ka na rin nag-aaral at sana dito ka na rin magtapos. Teka, magsalita ka parang ayaw mo sa school mo dati. Di ba, private yun?"

"Oo. Kaso boring. Madali ka nga matuto, hindi ka naman makapag-cutting." sabay tawa ni Rico.

Hindi maitago ni Emman ang mga ngiti sa labi. Ngayon lang niya yata napansin ang tawa ni Rico nang hindi nang-iinsulto. Masarap pakinggan. "Mmm cutting talaga?"

"Biro lang. Hindi ko gawain yun."

"Marami kayang gustong makapag-aral sa private schools." Isa na si Emman doon. Pero napaka-imposible noon para sa kanya dahil sa uri ng pamumuhay nila. Hindi nga siya mabigyan ng magulang niya ng baon, tuition fee pa kaya sa private school? Pasalamat siya at lagi siyang first honor kaya nalilibre siya ng paaralan sa mga unang gastusin sa pag-eenrol. Masaya na siya doon. Kuntento.

"E di mag-aral sila doon." muling tumawa si Rico. "Wala naman problema kung gusto nilang mag-aral sa private school basta may pera sila."

"E bakit ikaw? Bakit ka lumipat dito sa public?" saka si Emman may naisip. "Imposible naman na naghirap 'tong taong 'to? Principal dito ang tita niya."


Tumitig si Rico kay Emman. "Nakick-out kasi ako." saka ang ngiting abot tenga. Napa-higa si Rico na parang nahiya sa sinabi.

"Uy," pigil sana ni Emman. Inalala niya ang polo nitong ubod ng puti. "Baka, marumihan ang polo mo."

"Ok lang ginagawa din naman ng iba."

Bumalik na lang si Emman sa usapan nila. "Na kick-out ka kasi mahilig kang mang-away."

"Oo."


"Proud pa siya." Hinila niya ang bag at ginawang unan. Pareho na silang nakahiga sa ilalim ng nakatirik na araw. "Medyo nakakasilaw." Kaya ipinatong niya ang braso sa kanyang noo para maharangan ang sikat ng araw. "Bakit ba kasi ang hilig mo mang-bully ng estudyante?" Hinintay niyang sumagot si Rico.

Walang balak sumagot si Rico sa tanong na iyon ni Emman. Dahil kahit siya, wala naman siyang alam na dahilan kung bakit niya talaga ginagawa iyon. "Dahil ba nasisiyahan ako? Siguro. Pero parang hindi rin. Basta gusto ko lang na may umiiyak sa harapan ko. Yun siguro ang sagot ko." Pero wala siyang balak isa tinig iyon. "Ang gusto ko ngayon, paglaruan kayo ni Randy, Emman. Kaya ako sumasama sayo, para masiguradong hindi nyo mabubuking ang isa't isa." napa-ngiti siya.

Tumagilid si Emman paharap kay Rico. Hindi kasi niya narinig ang sagot nito. Napansin niyan ngumiti ito. "Bakit na ngumingiti?"

"Wala naman."

"Ayaw mo sabihin sa akin kung bakit ang hilig mo mang-away."

"Hindi. Hindi iyon ang dahilan." naka-ngiti pa ring si Rico.

Napa-isip si Emman. "Eh ano? Huwag mong sabihing, pinagtatawanan mo ako?"

Napa-tingin si Rico kay Emman. "Bakit naman kita pagtatawanan?"

Tumitig si Emman kay Rico. Parang hindi siya kumbinsido sa sinabi nito. "Teka nga." Napansin niyang tumaas ang noo ni Rico. Naghihintay ng sasabihin niya. "D-di ba, alam mo na-" napalunok si Emman. "Na ako."

"Na bading?" diretsong tanong ni Rico.

Kinilabutan siya sa diretsahang tanong ni Rico. First time niya lang na magsabi sa kanya ng ganun. Parang hindi rin siya makapaniwala na bading siya. "Oo, ganoon na nga, may gusto kasi kay Randy eh." saka siya muling nagsalita. "Oo ganun na nga. Hindi ka ba naiilang sa akin. Parang-"

"Huwag kang mag-alala hindi naman halata na bakla ka." Diretsong sabi ni Rico. "Halika na. Balik na tayo sa room." yaya niya saka tumayo.

May kung anong sumundot na parang masakit sa dibdib ni Emman nang tukuyin ni Rico na bakla siya. Pero agad din namang nawala iyon nang inintindi niya ng lubos ang sinabi ni Rico. "Ok lang sa kanya. Ok lang sa kanya kahit b-" hindi niya nagawang ituloy ang tinutukoy ng isip sa halip "na ganito ako." napa-ngiti siya. "Tulad ni Randy, mahal ako ni Randy, tanggap niya ako kung ano ako." isa pang ngiti.

"Hoy, tumayo ka na dyan. Sun bathing?"

Napa-tayo agad si Emman. Nakalimutan na niyang babalik na sila sa kanilang room dahil sa mga naisip niya. Nakaramdam siya ng hiya kay Rico, sa sarili. Natawa na lang siya.
-----

Hindi pa si Emman nakakapasok sa loob ng room. Nauna na siya nang dumiretso si Rico sa C.R. Napasilip siya sa bintana, sa loob naroon na si Randy tumatawa. Pero hindi siya napangiti, kundi ang lukot sa mukha na tanda nang may hindi nagugustuhan ang kanyang paningin. Si Selena, kaharutan ni Randy. Tipong kikiligin ka sa biruan ng dalawa. Nagkikilitian.

Gusto niyang maiyak. "Bakit ganoon?" tanong niya sa sarili. Hindi niya maintidihan ang nangyayari. "Pinapakita lang ba ni Randy sa mga kaklase namin na may girlfriend siya para hindi isipin ng mga ito na may relasyon kami?" Kung iisipin ni Emman ang sinasabi ng mga sulat ni Randy, ganoon na nga ang gusto nito. Hindi nga yata niya mapipigilan ang nagbabadyang luha niya. Gusto niyang umurong, bumalik sa kung saan hindi niya makikita si Randy at Selena.

"San ka pupunta?"

Napa-titig si Emman kay Rico na nasa likod na pala niya. "G-gusto kong mag C.R. muna." alibi niya.

"Hindi ka naiihi." siryosong si Rico. "Pumasok ka na." Inakbayan niya ito hanggang sa makapasok sila sa loob room at hanggang sa maka-upo.

Naguluhan si Emman sa ginawang iyon ni Rico sa kanyan. Ang pag-akbay. Ano? Ang isip o ang puso. May kung anong kapalagayan ang nadama ni Emman.

"Emman." nakangiting bati ni Randy. Saka lang nito napansin ang kaibigan dahil wiling-wili sa pakikipagharutan kay Selena.  "Narito ka na pala."

"Oo." tipid at siryosong si Emman.

"Ah, sige babalik na ako sa room ko." paalam ni Selena.

"Mabuti naman. Ipapahalata ko nga dapat sayo eh." takbo ng isip ni Emman para kay Selena. "Magkasama pala kayo rito?" tanong ni Emman kay Randy na hanggang ngayon ay ngiting-ngiti pa rin kahit wala  na si Selena.

"Alam mo naman kung bakit, bestfriend."

"Alam ko naman, OO, kung bakit. Pero bestfriend? Malamang Emman na bestfriend ang itawag sayo ni Randy dahil maraming kaklaseng nakapalibot sa inyo. Nasa tabi mo rin si Rico. Ano gusto mong magpatawag ng mahal? Syota? boyfriend? Girlfriend?" napa-singhap ng hangin si Emman. "Oo, alam ko kung bakit." nasabi na lang niya.

Tinapik ni Randy ang balikat ni Emman. "Malapit na, Emman." at ngiti nito.

"Malapit na? Malapit nating ipaalam sa kanila?" Gustong ngumiti ni Emman sa naisip niya pero nakatago iyon sa mga labi niya. Napa-tingin siya kay Rico. Gusto niyang malaman ang reaksyon nito sa mga naririnig nito, kung may nababasa ba ito sa mga usapan nila ni Randy. Napansin lang niya ang pag-iwas nito ng tingin at siryosong tumingin sa harapan. Bumuntong hininga siya.
-----

"Si Selena na naman ang kasama mo sa pag-uwi?" kunot noong tanong ni Emman kay Randy.

"Si bestfriend naman, nagseselos na kay Selena. Hayaan mo, babawi ako sayo."

"Ok." Ayaw rin naman ni Emman na magkagalit sila ni Randy dahil lang sa katatanong niya. Pero hindi niya maiwasan ang magselos. "Para kasing hindi tayo eh."  Gusto sanang itanong ni Emman kay Randy.

"Sige na, mauna ka ng umuwi. Mag-ingat ka bes." Tumalikod na si Randy para tunguhin ang room ni Selena.

"Emman."

Nagulat si Emman sa pagtawag ni Rico na nasa likod pala niya. "Ang hilig mong manggulat."

"Ako nanggugulat? Magugulatin ka kasi. Huwag kasing masyadong malalim ang iniisip. Magugulat ka talaga niyan." siryosong pahayag ni Rico.

"Oh bakit ba kasi?"

"Gusto ko lang ipaalala sayong sasabay akong kumain uli sayo."

"Bukas?"

"Hindi. Mamaya."

Napa-ngiti si Emman. "Nambabara ka rin pala."

"Uuwi na ako." Hindi na dinugtungan ni Rico ang sinabi ni Emman. "Bakit ba bigla akong naawa kay Emman. Dapat nga matuwa pa ako sa nakikita ko." takno ng isip niya habang naglalakad palayo kay Emman.
------



4 comments:

Anonymous said...

Ohhh! The story is progressing. Thank you for the fast posting.

Anonymous said...

Mr. Writer, where are you now? Are you going to continue this story or are you dropping it? :(

robert_mendoza94@yahoo.com said...

mr. author, hindi muna ba tatapusin ito? sayang aman, maganda pa naman ung daloy ng story. haizt!mag 3 months na po.

mncantila said...

author.. im so bitin.. wala po bang update? kinikilig na ako.. :(