Kakatok sana si Mico sa pintuan habang hawak ang tray, laman ang pinadalang miryenda ni Tita Divina nang makarinig siya ng tawanan sa loob ng kwarto ni Ivan. Mga naghaharutan. Sandali siyang nakinig. Hindi niya nagustuhan ang mga naririnig. "Anong ginagawa nila sa loob?" takang tanong ng kanyang isipan na may halong pagseselos. Biglang may kung anong nagtulak sa kanya para ibaba sa sahig ang hawak na tray at hawakan ang seradura at pabalya itong buksan na naglikha ng kalabog. Tumataas ang dugo niya.
Nang mabuksan ang pinto, kitang-kita ni Mico si Ivan na nakahiga sa kama habang nasa gilid nito si Angeline na tipong nakapatong kay Ivan. Mas lalong nanlaki ang mga mata niya sa nakikita habang ang dugo niya ay tuluyan nang nasa umakyat sa kanyang ulo.
"Anong ginagawa ninyo?" pasigaw niyang tanong.
Dahil sa gulat, hindi kaagad nakasagot sina Ivan at Angeline. Para bang mga napipi dahil nahuli sa aktong may ginagawang kababalaghan.
"Bakit ganyan ang ayos niyo?" wala sa sariling tanong ni Mico.
Saka naman nakabawi si Ivan sa pagkabigla. Kumilos siya palayo kay Angeline. Sa dulo siya ng kama umupo paharap kay Mico na nasa pintuan. "Bakit bigla bigla ka na lang nagbubukas ng pinto?" may tonong tanong ni Ivan kay Mico.
"Bakit ko nga pala ginawa yun?" tanong ni Mico sa sarili. Saka lang niya na-realize na nakakahiya ang ginawa nya.
"Tinatanong kita." nayayamot na tanong ni Ivan dahil sa hindi pagsagot ni Mico. "Ano?"
Naiiyak si Mico sa nararamdamang kahihiyan. "A-akala ko kasi-"
"Ano?" giit na tanong ni Ivan.
"Baka ang iniisip niya may ginagawa tayo ritong kakaiba?" singit ni Angeline na nakabawi na rin sa pagkabigla. Saka tumalikod paharap sa ginagawa kanina.
Dahil sa sinabing iyon ni Angeline lalong nakaramdam ng pagkapahiya si Mico. Para bang nahulaan ni Angeline ang dahilan kung bakit niya iyon ginawa. Muli siyang tumingin sa mga mata ni Ivan at matalim itong nakatingin sa kanya.
Walang sabi-sabi, tumakbo si Mico palayo.
"Mico." tawag ni Ivan.
Tumayo si Ivan para sundan si Mico.
"Hayaan mo na yun." pigil ni Angeline na ikinalingon ni Ivan.
Pero muling nagbawi si Ivan at ipinagpatuloy ang paglabas sa kwarto. Saka nya natagpuan ang isang tray sa lapag. Nalaman niyang magdadala dapat ng miryenda si Mico sa kanila.
Ipinagpatuloy niya ang pagbaba.
-----
"Mico bakit?" takang tanong ni Divina nang malingunang nagmamadali si Mico sa paglabas.
"Tita, babalik lang muna po ako sa bahay. Sige po."
Hindi na nakapagtanong pa si Divina nang mawala sa harapan ang kausap. Saka naman ang pagdating ni Ivan.
"Si Mico Ma?"
"Ha? K-kalabas lang." muling nagtatakang si Divina.
Pagkatapos marinig ang sinabi ng ina, tumuloy si Ivan sa paglabas.
"Ano ang nangyari sa mga yun?"
Ipinagpatuloy na lang niya ang panonood sa telebisyon.
"Tita si Ivan po?"
Nagulat pa si Divina sa nagtanong. Agad siyang napalingon. "Kalalabas lang. Sinundan yata si Mico. May nangyari ba?"
"Wala naman Tita." umupo si Angeline sa tabi ni Divina. "May kukunin lang po si Ivan kay Mico."
"Ah... Akala kung ano na, isa-isa kayong nagbabaan tapos naghahanapan." bahagyang nakangiti si Divina.
"Ganun po ba? Wala naman po iyon."
"Kamusta pala ang giangawa niyo?"
"Mmm ayun po tapos na rin po, nirerepaso lang po ang lahat."
"So hindi ka na makakapunta rito?"
Natawa si Angeline. "Kayo po tita kung gusto niyo po bang bumibisita ako rito, Ok lang po."
Saka ngumiti ng maluwang si Divina. "Yun nga ang gusto ko."
"Umasa po kayo tita."
-----
Kanina pa kumakatok si Ivan sa pintuan ng kwarto ni Mico. "Mico." tawag niya. Pero walang sumasagot. Sinubukan niyang buksan ang seradura ng pinto. "Hindi naman pala naka-lock." Agad-agad niyang tinulak ang pinto.
Ngunit walang Mico ang nasa loob ng kwarto. Dumiretso siya sa banyo ng kwarto. "Mico." tawag niya. Inulit-ulit niya ang pagtawag. Nang walang sumasagot, hinawakan niya ang seradura, saka lang rin niya nalamang bukas iyon. "Malamang wala sa loob si Mico." Gaya ng naisip, wala nga sa loob si Mico. "San nagpunta iyon."
Minabuti nalang niyang bumaba.
"Si Mico po?" tanong ni Ivan nang mababaan si Saneng.
"H-ha, si Mico? Mmm di ko yata na pansin. Wala ba sa kwarto niya?"
"Wala po." Pero parang ayaw niyang maniwala kay Saneng. "Sige po aalis po ako." medyo nilakasan niya ang pagsasalita.
"Sige."
-----
"Umalis na?" tanong ni Mico kay Saneng pagkaraan ng ilang sandali.
"Oo, lumabas na."
"Sigurado ka?"
"Lumabas na nga. Bakit ba?"
"Wala iyon. Gusto ko lang magtago."
"Sige na, pupunta na ako sa kwarto ko." paalam ni Saneng.
"Sige po."
Tinungo na rin ni Mico ang hagdan para umakyat sa kanyang kwarto. Patalikod na sana siya para tunguhin ang hagdan sa pagakyat nang makita si Ivan na nakatayo sa pinto.
-----
"Kakausapin lang kita."
"Bakit?" nahihintakutan si Mico. Nagulat talaga siya ng makita si Ivan sa pinto.
"Gusto kitang kausapin."
"S-saka na lang. May ginagawa ka pa. T-tapusin mo na lang kaya muna yung- yung project niyo."
"Tapos na 'yun."
"Ah, tapos na pala. Kaya pala iba na ang ginagawa ninyo." gusto sanang maisatinig ni Mico. Pero alam niyang wala siyang karapatang ipakita ang kanyang pagseselos. "Ano bang gusto mong sabihin? Bukas na lang siguro kasi gabi na. Aakyat na ako. Sige." Hindi na niya hinintay ang sasabihin ni Ivan at agad siyang tumakbo paakyat.
"Mico." tawag ni Ivan.
-----
"Ihahatid na kita."
"Ha?" nagulat si Angeline nang sabihin iyon ni Ivan sa kanya.
"Ma. Mawalang galang na po. Kailangan na po niyang umuwi."
"Anong oras na ba?" Napa-tingin silang lahat sa orasan na nasa dingding. "Maaga pa."
"San ka ba galing, Ivan?" si Angeline.
Hindi sumagot si Ivan.
"nagkukwentuhan pa kami ni Angeline." si Divina.
Saglit na nagisip si ivan. "Sige kayo po ang bahala. Sa taas na po muna ako."
"Teka Ivan, paano yung ginagawa natin?" si Angeline.
"Ako na."
"Ikaw ang bahala." Pero may katanungan sa isipan ni Angeline.
-----
Tiim-bagang na pumasok si Ivan sa loob ng kwarto niya. Nang maupo sa kama, saka niya napansin ang tray na kaninang dala ni Mico. Muli niyang naalala ang nangyari kanina. "Akala siguro ni Mico na may ginagawa kaming iba ni angeline. Mali, hindi ganun yun." Napahiga siya sa kama sa inis.
Hihintayin niyang makauwi si Angeline para muling balikan si Mico at kausapin. Ayaw niyang palampasin ang gabing iyon nang hindi nakakausap si Mico. May gusto siyang sabihin.
-----
Kanina pa paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isipan ang eksenang nangyari kanina. Hiyang-hiya talaga siya sa nagawa niya. Napapahampas siya sa kawalan kapag naaalala iyon. Pero may ikinatutuwa naman siya. "Atleast, napigilan ko ang gagawin sana nila.
"Sabi ko na nga ba. Aakitin ng babaeng iyon si Ivan ko. Nakakainis talaga. Kaya ayokong silang dalawa lang eh." naihagis niya ang unan sa sahig. "Pero paano yan ngayon baka kung anong isipin nila sa ginawa ko kanina.
-----
Nagmamadali si Ivan na makabalik nang maihatid niya si Angeline. Halos isang oras pa ang hinintay niya bago nagdesisyong umuwi na si Angeline. Nakaramdam siguro ang babae sa kanya nang paulit-ulit siyang bumaba para i-check ang kwentuhan nila.
Gusto niyang magpaliwanag kay Mico. Gusto niyang malinis sa isipan ni Mico na wala silang ibang ginagawa ni Angeline nagkataon lang na sa ganoong tagpo lang sila nakita ni Mico. Ayaw niyang matapos ang gabing ito na hindi maniniwala sa kanya si Mico.
Napa-tigil siya sa harapan ng gate nila Mico nang maisip na kailangan ba talaga niyang gawin iyon? Ang magpaliwanag. Bakit?"
-----
8 comments:
i think yung susunod na chapter ang exciting. hehehe
Gaga talaga yang angeline na yan ba!
-1011001
ay bitin... pero kaganda p rin.
kakaloka...
exciting ang susunod na chapter.
sulit din pala ang pahihintay
bitin na nmn...waaaah
niCE :) i like it ,,, :)
and the moment of truth may be in the next chapter ...
so so so excited for the next chapter ... hope you could update it immediately :)
gusto ko ung kwento hehheeh sana ung susunod eh gagnda pa. workworm
Post a Comment