Followers

CHAT BOX

Friday, November 16, 2012

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 7

"Ito na ang huling sulat na ginawa ko. Pagkatapos nito, wala na. Hindi ko na lolokohin si Emman." May namumuong luha sa mga mata ni Rico habang iniipit niya ang sulat sa bag ni Emman.

Umaga iyon ng ika-3 ng Oktubre. Nasa grand stand ang lahat ng kaklase ni Rico, habang siya ay saglit na nagpaiwan. "Hindi naman siguro malalaman ni Emman na ako ang gumawa lahat ng sulat kung magka-bukingan."

Huminga si Rico ng malalim matapos niyang mailagay ang sulat sa loob ng bag ni Emman at saka tinungo ang pintuan para lumabas. "Basta, ang sisiguraduhin ko, babawi ako. Papasayahin ko siya."
-----


"Ang tagal mo ah?" Salubong ni Emman kay Rico.

"Tagal mo mukha mo." sabay tawa ni Rico.

Napa-ngiti ng maluwang si Emman. "Anong nakain mo at parang hindi ko mabasa kung Ok ka o badtrip ka? Ano, baka may gusto kang sabihin sa akin?"

"Gustong sabihin? Wala. At wala pa akong kinakain kaya sana maka-kain na tayo."

"Kain na naman? Kaya ka lumalaki ng ganyan eh. Magbawas ka naman ng timbang." binuntutan ni Emman ng malakas ng tawa.

"Magsipila kayo ng maayos." sigaw ng kanilang P.E. instructor. "Emmanuel, anong tinatawa-tawa mo dyan. Umayos ng pila."

"Opo, Sir!" Bahagyang pasigaw na sagot ni Emman. "Ikaw kasi eh." tukoy niya kay Rico.

Natawa si Rico. "Ako pa talaga ha?" Sumunod siya sa likuran ni Emman nang umayos ito sa pagkakapila. "Ako naman talaga eh."

Naka-ngiting napa-lingon si Emman kay Rico. "Oo, ikaw talaga ang may kasalanan ng lahat. Kung hindi mo kinakausap hindi sana ako tatawa." Sabay bungisngis.

"E di ako na nga." Hinintay ni Rico na tumalikod si Emman saka sinabing, "Ako na lang ang magpapasaya sayo."

"Ha?" Nakatalikod na unas ni Emman. "Pakiulit nga yung sinabi mo?"

"Wala."

"Isa."

"Wala nga."

"Dalawa, naglilihim ka na ah."

"Ang bingi mo kasi. Wala yun. Sabi ko, wag ka na muna magsalita baka mapansin ka na naman ni Sir Dumawa."

"Wala daw tas nagpaliwanag... Ewan ko sayo Rico."

"Galit?" tanong ni Rico.

"Inis lang."

Natawa si Rico, kaya kinalabit niya ang tagiliran ni Emman.

"Ay kambing." sigaw ni Emman sa gulat.

"Emmanuel!..." sigaw sa kanya ng instructor.

"Ang init ngayon ng ulo ni Sir." Takbo ng isip ni Emman. "Wala po Sir." Saka niya lihim na inapakan ang paa ni Rico.

Muntikan naman mapasigaw si Rico pero napigilan niya iyon.
-----

"Masaya ka ngayon ah." salubong ni Rico kay Emman. Nauna kasi si Rico sa canteen. Inaasahan kasi niyang mababasa na ni Emman ang sulat na inipit niya sa bag nito. Nakakapagtakang masaya pa rin ang mukha ng kaklase.

"Oo, nakatanggap na naman ako ng sulat kay Randy."

Napalunok si Rico. "O-oh, kamusta?"

"Hindi ko pa binabasa. Sa bahay ko na lang babasahin. Kain na tayo."

"Ah.." napa nganga na lang si Rico. "K-kain na tayo."

"Adobong manok ang ulam ko." Paalala agad ni Emman kahit hindi pa niya nailalabas ang baon. "Pakpak." sabay ngiti.

"Beef steak sa akin." naka-ngiti rin na sagot ni Rico.

"Kaya nga huwag mo na ako bigyan ng ulam mo ha? Baka kasi ipagpilitan mo na naman eh."

"Huh? Hindi." si Rico. "Hindi ako papayag, usapan natin yun ah, na share tayo sa ulam ko di ba."

"Masarap na ulam ko."

"Hmmm... marami kasi ang dinala ko, hindi ko 'to mauubos. Ganito na lang, kunyari may celebration Emman."

Natawa si Emman. "Ano naman ang ise-celebrate natin?"

"Mmm siguro yung natanggap mong sulat. Iselebreyt natin yun." nilakasan ni Rico ang tawa.

"Ang babaw. Pero sige. Ok lang."

"Yown. Kain."
-----

"Randy akala ko ba, may practice ka ngayon?" tanong ni Emman sa bestfriend niya.

"Hindi muna Emman, may pupuntahan muna ako ngayon. Nakapagpaalam na ako."

"Sayang manonood pa naman ako."

Natawa si Randy. "Ikaw talaga. Sobra talaga ang pagiging supportive mo sa akin." Tinapik-tapik ni Randy ang balikat ng bestfriend. "Kaya kita mahal eh, bestfriend." Ayaw ipahalata ni Emman ang kilig. "Gusto ko kasing bisitahin si Selena. Hindi kasi pumasok dahil may sakit daw."

"O-oh." Hindi alam ni Emman kung paano magre-react. "S-so, siya yung dahilan kung bakit.-"

"Oo Emman, dadalawin ko muna si Selena."

"O s-sige. 'Kaw ang bahala." pigil ang paghinga ng malalim ni Emman. Kagat labi.

"Sige Emman, mauuna na ako."

"Ok. I-ingat ka."

Tipid na ngiti ang pinakawalan ni Randy bago tumalikod at umalis.

Napansin ni Rico ang kuyom na mga palad ni Emman. Kanina pa niya minamatyagaan sina Emman at Randy habang nag-uusap. Agad siyang lumapit at hinawakan ang braso ni Emman hanggang sa dumapo iyon sa kamay nito. "Be happy." Pinapakalma niya si Emman.

"Be happy ka dyan."

"Yang ganyang mukha alam ko na yan, kaya wag mong ipagkaila sa akin."

Simpleng hampas ang iginawad ni Emman sa may siko ni Rico. "Ok lang ako."

"Hindi ka pa uuwi?" tanong ni Rico.

"Pauwi na rin. Akala ko lang makakapanood ako ng practice ni Randy."

"Ako na lang ang panoorin mo maglaro."

Napa-ismid si Emman kay Rico. "Ikaw papanoorin ko maglaro? Kailan ka pa naglaro?"

"Basta panoorin mo ako maglaro."

"Alin ba? Ng basketball? Hindi ka naman naglalaro nun ah?"

"Naglalaro din naman ako. Hindi lang halata." hinila na niya si Emman.

"Ano ba laro mo?"

"Magpapraktis lang ako."

"Ng ano nga.?" umiinit lalo ang ulo ni Emman.

"Basta."

"Anong basta? May surprise-surprise pa talaga?"

Natawa si Rico. "Hindi naman."

"Eh ano nga?" Bumitaw si Emman sa pagkakawak sa kanya ni Rico. "Kung hindi mo agad sasabihin uuwi na ako. Wala akong gana."

"O siya, maglalaro ako ng piko. Sali ka?"
-----

"Ang corny mo." sagot ni Emman matapos ang katahimikan.

Ang lakas naman ng tawa ni Rico sa reaksyon ni Emman ng magbiro siyang maglalaro siya ng piko. "At least ngumiti ka na."

"Ang corny mo talaga." hindi na naiwasan ni Emman na ngumiti ng tuluyan. "Bakit ang corny mo talaga?"

"Ewan ko din. Ang alam ko lang sa ka-kornihan ko eh may napapa-ngiti ako."

"Wow, at sino naman yun?"

"Yung kaibigan kong lagi daw broken hearted."

"Sabi niya?"

"Kahit hindi naman niya sabihin, halata naman sa mga mata niya."

"Weh?"

"Oo."

"Di nga?"

"Sigurado ako."

Nagbaba ng tingin si Emman. Kahit ganoon ang usapan alam niyang siya ang tinutukoy ni Rico. "Salamat."

"Wala yun."
-----

Hindi mabilang ni Emman ang tawa habang pinapanood ang kaibigang si Rico na kasalukuyang naglalaro ng basketball sa court ng kanilang paaralan. Marunong si Rico maglaro pero mapapansing hindi siya ganun kagaling sa loob ng court. Marami ang times na naagawan siya ng bola at palpak na paghagis ng bola sa kakampi at pag-shoot ng bola sa ring.

Ang nakakatawa doon ang nakakatuwang reaksyong ng mukha ni Rico kapag may nangyayaring kapalpakan. Alam ni  Emman na sinasadya ni Rico ang gawi na yun upang magpatawa na kinakagat naman ng mga manonood. Hanggang sa hindi na lang niya namalayang naging seryoso na ang laro. Doon talaga napansin ni Emman na may angking galing talaga si Rico sa paglalaro ng basketball dahil sa maingat na nitong nahahawakan ang bola maihatid lang sa ring. Maraming beses pa iyong nangyari bago tuluyang natapos ang laro. Nakagawa si Rico ng pitong puntos sa huling minuto na nakapagtala para sa panalo ng grupo nito.

Agad ang tayo ni Emman sabay ang palakpak sa pagiging proud niya sa kaibigan. Hindi niya naiwasang sumigaw. "Kaibigan ko yan! Kaibigan ko yan!... Wooo!"

Naka-ngiting napakamot si Rico sa ulo papalapit sa kinatatayuan ni Emman. "Oo naman kaibigan mo ako." sabay tawa. "Kailangan pa ba talagang ipagsigawan ha, Emman na kaibigan kita."

Natawa si Emman sa sinabi ni Rico. "Eh totoo naman na magkaibigan tayo. Saka, sino ang hindi magiging proud na magkaroon ng kaibigan na marunong palang magpatawa eh, magaling din pala sa basketball. Ang dami ko pa talagang hindi alam sayo."

"Ganun? Ano ba yan, papuri? Kung ganun eh. Maraming salamat."

"Wala yun. Ah... mmm ako nga dapat ang magpasalamat kasi, ang bilis mong nabago ang mood ko. Ang galing. Nakakagaan ng pakiramdam yung mga nakita ko kanina." Napa-tapik siya sa balikat ni Rico.

Natawa si Rico. "Parang gusto mo pang umiyak Emman ah. Natuwa ka lang sa pinanood mong poging naglalaro ng basketball, para ka ng nakakita ng anghel."

"Hitsura mo anghel." sabay tawa ni Emman. "Natatawa ako kasi hindi ko naisip na yang taba mong yan eh nakakapaglaro ng basketball."

"Mataba ba talaga ako?"

"Chubby."

"Pero alam mo kanina, hinihingal talaga ako." sabay tawa ni Rico.

"Pansin ko nga eh. Wala pa nga isang minuto nung nag umpisa, pawisan agad. Wooo."

"Nilalait mo na ako."

"Hindi." Sabay akbay ni Emman sa balikat ni Rico. "Ano ka ba. Concern pa nga ako eh. Kasi baka mabawasan ang taba mo." sabay tawa.

"Aw, ang lakas mo mang-lait ngayon ah." si Rico na natatawa.

"Hindi. Concern nga ako. Ahaha. Halika na, magpalit ka na ng damit mo. Nangangamoy ka na."
-----

"Maraming salamat talaga Rico kanina ah. Sobrang gaan talaga ng pakiramdam ko. Hindi na ako naglilihim sayo. Alam mo naman kung bakit ako nagkakaganito."

"Basta, kung magkaroon ka ng problema o kaya bigla ka malungkot, hanapin mo agad ako ah. Bukas uli. Siguraduhin mong lalapitan mo ako ha."

"Oo naman, parang sinabi mong may mangyayari bukas ah." naka-ngiti si Emman na bahagyang tumalikod na kay Rico para harapin ang sarili niyang daan pauwi. "Bukas uli."

"Oo, mag-ingat ka."

"Ikaw din Rico."

"Kwentuhan mo ako sa sulat ni Randy ah. Ako muna agad ang hanapin mo."

Natawa si Emman. "Sige."

"Sigurado?"

"Oo. Sige na. Bukas na uli."

"Ingat ka Emman."

"Ok. Ikaw din uli. Ahaha paulit-ulit ka."

Napakamot si Rico. "Nakalimutan ko lang."

"Ok."
------

Emman,

Bes, maraming salamat sa lahat. Mananatili kang bestfriend ko. Hindi na magbabago yun. Pero gusto ko sanang malaman mo na hindi na tayo tulad ng inaasahan natin. Dahil natutunan ko ng mahalin si Selena. 

Mahal kita bilang bestfriend ko. Pero si Selena ang mahal ko ng totoo, dito sa puso ko. Sana maintindihan mo bes. At yung lihim natin ay panatilihin na lang nating lihim. 

Umaasa akong pakikinggan mo ako at iintindihin bes.

Randy.


 

4 comments:

Jasper Paulito said...

tuwang tuwa ako sa wakas ay nagkaroon ng kasunod ang kuwenton ito. ang ganda kasi kay nakakapanghinayan kung di masundan. author, alam kong busy ka.... kahit matagal ang update, okay lang. panatilihin mo lang yong ganda ng bawat chapter.

ZROM60 said...

AT LAST NATAUAHAN NA DIN C RICO SA PANGGAGAGO KAY EMMEN. SANA CLANG DALAWA NLANG MAGKATULUYAN OR MAS MAGING MAG BESTFREND! GANDA NG KWENTO MO HOPE MAGTULOY TULOY NA ANG UPDATES. TNX!

Unknown said...

nice nice...im back....ash....wish ko lang magtuloy tuloy na tong series na to....

next chap agad...plz....!!!!! nice nice....

Darkboy13 said...

Maganda sana yung kewnto kayalang indi kana ng uup date kong indina talaga kaya sana taposan mona sa part 8...