Followers

CHAT BOX

Tuesday, September 25, 2012

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 6




"Ang hirap din pala." Tipid ang ngiti ni Emman nang mamutawi ang mga salitang ito sa kanya. Naglalakad siya patungong paaralan, umaga iyon. Hindi kasi maalis sa isipan niya si Randy. "Akala ko, masabi ko lang kay Randy na mahal ko siya, masaya na ako. Hindi pala." Napa-tigil siya sa paglalakad nang natanaw na niya ang gate ng paaralan nila. "Akala ko walang katapusan ang kasiyahan ko, nang malaman kong mahal din ako ni Randy." Muli siyang napa-ngiti ng tipid, sa katotohanang may nararamdaman siyang kung anong simpleng kirot sa kanyang puso. "Masaya naman ako ah." Pagbibigay tatag niya sa sarili niya. "Mahirap lang talaga ang sitwasyon namin." Saka muling may umudyok sa kanyang isipan. "May dahilan naman di ba? Masyado ka kasing nagmamadali, Emman." Napa-singhap siya ng hangin saka inilabas din niya ito ng maigi. "Ang hirap kasing makita sina Randy at Selena na magkasama. Parang hindi ko makita ko sarili ko kay Randy."

"Nye-nye-nye!"

"Ay butiki!" Agad ang lingon ni Emman nang magulat. Alam niyang si Rico ang sumulpot bigla sa kanyang likuran. "Ikaw na naman." nang malingunan niya.

"Hanggang ngayon si Randy pa rin ang iniisip mo?" natatawang si Rico.

Mas kumunot-noo si Emman. "Ano na naman ang pakialam mo?" pagtataray niya.

"Naku! Huwag kang ganyan. Napapaghalataan kang bading." saka ang tawa ni Rico.

Umingos si Emman. "Tse." tinalikuran niya si Rico saka ipinagpatuloy ang paglalakad.

"Hoy!" habol ni Rico. "Baka nakakalimutan mong magkaibigan na tayo kaya dapat lang na may pakialam na ako sayo."

Napatigil si Emman. Tumitig. Para bang may binabasa sa mukha ni Rico. "Hindi pa rin."

"Hindi pa rin?" si Rico naman ang napa-kunot noo. "Anong ibig sabihin mo."

Hindi agad sumagot si Emman. Muli siyang naglakad. Saka niya inilabas ang ngiti sa mga labi niya. Dahil sa katotohanan, natuwa siya nang sabihin ni Rico na may pakialam na ito sa kanya dahil magkaibigan na sila. Ewan ba niya pero parang may kung anong saya sa kanya na pilit niyang itinatago kay Rico. Alam niyang nakasunod sa kanyang likuran si Rico. "Sigurado ka na kaibigan mo na ako?" Tanong niya nang hindi lumilingon.

Hindi agad sumagot si Rico. "Oo."

Muli ang ngiti ni Emman. "Siguro, hindi naman masama na mag-share ako kay Rico ng nararamdaman ko kay Randy. Tutal may alam naman siya sa nararamdaman ko sa bestfriend ko. Malamang makakagaan sa akin kapag may nababahagian ako ng nararamdaman ko. Tama!"

"Tama?"

Muli siyang humarap kay Rico. Ngunit sa puntong ito, hindi na niya tinatago ang mga ngiti sa kanyang mga labi. "Tama, magkaibigan na nga talaga tayo."

Napa-kunot noo si Rico sa hitsura ni Emman. "Huwag ka nga pa-cute, napaghahalataan kang bading."

Imbes na mapikon si Emman, natawa siya sa sinabi ni Rico. "Ganun ba?" 

"Pero Ok lang. Wag ka lang pahalata baka pati ako mapag-isipan."

Natawa si Emman. "Ikaw? Mapag-iispan? Parang imposible yata yun. Siga-siga ka kaya."

Napa-ngiti si Rico. Sasagot sana siya nang biglang mag-ring ang bell ng paaralan. Hudyat para sa flag ceremony. Walang sabi-sabi agad silang napatakbo papasok sa paaralan.
-----

Napansin ni Emman ang nangingiting si Randy oras ng klase sa Geometry, ang huling subject bago magtanghalian. Napakunot noo siya sa pagtataka kung ano ang dahilan ng kinangingiti nito.

"Bakit?" bulong niya kay Randy. Lumingon sa kanya si Randy at nagtaas ng noo. Hindi nito naintindihan ang tanong niya. "Bakit nga?"

Napilitan magsalita si Randy. "Anong bakit? Bakit mo ako tinatanong?"

"Kasi nangingiti ka." sagot ni Emman. "Anong-" Hindi na naituloy ni Emman ang sasabihin nang bahagyang natawa si Randy.

"Naisip ko lang si Selena."

"Ha?" Gulat ni Emman. Hindi niya inaasahan ang ang sagot ni Randy "S-si Selena? Siya ang dahilan kung bakit na nangingiti dyan?"

"Oo. Oo nga." labas ang mga ngipin at namimikit na mga mata ang pagkakangiti ni Randy.

Napa-tingin si Emman kay Rico. Para bang naghahanap siya ng kakampi dahil sa biglang selos na naramdaman. Napansin niyang nanlalaki ang mga mata nito na para bang pareho silang nararamdaman sa puntong iyon. Muli siyang tumingin kay Randy na nangingilid ang mga luha sa mga mata. "B-bakit anong meron?"

Nakangiti pa rin si Randy pero nakatuon na ang atensyon nito sa harapan. "Kami na kasi."

"K-kayo na?" parang sumabog ang utak ni Emman sa narinig mula kay Randy. Hindi niya napigilan ang pagbagsak ng mga luha na kanina lang ay nangingilid. Hindi pansin ni Randy ang luhang iyon.

"Ma'am." tawag ni Rico sa harapan kasabay ng pagtaas ng kamay. Hinila niya kaagad si Emman sa braso patayo. Nagtinginan ang mga kaklase nila at ang kanilang guro sa kanila.

"Bakit?" tanong ng kanilang guro sa Geomety.

"Masakit po ang ulo ni Emman. Lalabas muna po kami." Saka hinila si Emman papalapit sa pinto kahit wala pang  pagsangayon ang kanilang guro.

"Sige." pagsangayon ng guro nang makita si Emman na lumuluha.

Dahil sa hindi maipaliwanag na sakit na nararamdaman ni Emman sa kanyang dibdib, na alam niyang ang dahilan ay nang malaman niya mula sa kaibigan ang estado ng relasyon nito mula kay Selena, ay nagpatinaod na rin siya sa paghila sa kanya ni Rico. Alam niyang tama ang ginawa niyang pagsunod kay Rico sa puntong iyon.
-----

"Bakit mo ako sinama?" Naiiyak na sabi ni Emman kay Rico habang naglalakad sila papuntang grandstand.

"Ayusin mo nga yang hitsura mo? Baka may makapansin sayo,mapag-isipan ka pang..."

"Bakit ba?" Hinanap ni Emman ang panyo sa kanyang bulsa. "Totoo naman na bading ako ah?" Saka niya pinunasan ang mukha.

Napa-buntong hininga si Rico. "Doon tayo." Nang makita nito ang isang bakanteng bench sa ilalim ng puno paharap sa grandstand. "O sige dito mo ibuhos yang iniiyak mo."

Nauna pang umupo si Emman. "Bakit kasi ganun?"

"Ano yun?" Maang-maangan ni Rico. "Bakit, anong meron?"

"Si Randy, sila na kasi ni Selena." diretsong at komportableng sagot niya kay Rico. Hindi niya iyon napapansin. "Akala ko kasi ako lang ang mahal ni Randy."

"Bakit kayo na ba?" Saka umupo si Rico. Hindi niya alam kung matutuwa siya dahil sa nakikita niyang nararanasan ni Emman gaya ng sa plano niya o maawa sa nararamdaman niyang konsensya. "K-kayo ba?"

"Oo." pasigaw na sagot ni Emman. Napansin niyang natahimik si Rico. Saka niya na-isip ang pagiging open sa kausap. Napa-tingin siya sa katabi.

"Ok lang. Di ba magkaibigan na tayo kaya Ok lang na sabihin mo sa akin kung ano ang nararamdaman mo ngayon. Share ka lang baka matulungan kita sa problema mo." si Rico nang mabasa niya sa mga mata ni Emman ang ibig sabihin nito.

Si Emman naman ang napabuntong hininga habang tinatanaw ang dulo ng grandstand.

"Anong iniisip mo?" tanong ni Rico.

"La." tipid na sagot ni Emman.

"Wala? Imposible."

"Wala nga."

"May iniisip ka Emman. Baka mabaliw ka nyan?"

Napa-kunot noo si Emman paharap kay Rico. "Mababaliw? Natutulala lang ako."

"Hindi ako naniniwala."

Muling napabuntong hininga si Emman. "Hindi ko kasi alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano ang totoo."

"P-paanong?"

"Kung mahal ba talaga ako ni Randy. Kasi bakit kailangan pa niyang sabihin sa akin kanina na sila na ni Selena na dapat alam niyang masasaktan ako." Hindi makapagsalita si Rico. "Parang gusto kong kausapin si Randy ng personal, ayoko na ng sulat-sulat."

"Ah..." hindi naman alam ni Rico kung ano ang sasabihin. "S-siguro, huwag mo na siyang kausapin ng personal."

"Bakit?" tanong agad ni Emman.

Napalunok si Rico sa tanong na iyon. Naiipit siya at kailangan agad niya ng paliwanag. " Huwag ka muna magpadalos-dalos. Hintayin mo muna ang magiging sagot niya sa sulat mo."

"Isusulat ko na naman?" umikot ang mga mata ni Emman. "Ano, tatanungin ko ba sa kanya kung ganoon ang pinarinig niya sa akin kanina?"

"O-oo."

Napa-buntong hininga si Emman. Sumang-ayon na lang siya kay Rico. Tumingin siya sa kalayuan at saka nagsalita. "Maraming salamat pala Rico. Gumaan naman ang pakiramdam ko eh. Pwede na siguro tayong bumalik. Baka may sumunod sa klinik tapos hindi tayo doon matagpuan, baka kung ano ang isipin."

"T-tama ka. Saka wala yun, magkaibigan tayo di ba?"

Ngumiti ng tipid si Emman kay Rico. "Oo naman."

"Tara na."
-----

"Nge." gulat ni Emman nang makasalubong ang mga kaklase sa bago pa sila ni Rico makaakyat sa hagdan. "Labasan na?"

"Hindi. Hindi pa. Lilipat lang kami ng kwarto." pagbibiro ni Patricia na kung tawagin ay Pat na komedyante at ang malakas mangbara sa klase.

"Saan?" tanong ni Rico.

Nagtawanan ang ilan. "Naniwala." si Pat. "Siyempre labasan na. Ayaw nyo kumain?" muli ang tawanan.

"Gusto mo makatikim ng suntok?" naiiritang isip ni Rico. "Halika, Emman kumain na tayo." Agad niyang hinila si Emman.

"Sandali." si Pat. Pero hindi tumigil sina Rico at Emman sa paglayo. "Ok ka na ba Emman?" sigaw niya. Hindi niya narinig ang sagot ni Emman.
-----

"Anong baon mo?" tanong ni Rico nang maka-upo sa harap ng lamesa. Kinukuha niya ang baon sa loob ng bag.

"Gulay, kanin." Nagmamasid na sagot ni Emman. Hindi pa niya hinahanda ang baon. "Huwag kang mag-alala, hindi ako nagbaon ng tinapa."

Imbes na sanggahin ang sinabi ni Emman, iniba ni Rico ang usapan. "Sabi ko hahatian kita ng baon ko." Saka binuksan ni Rico ang baon.

"Ay wag na. Ok na ako sa ulam ko."

"Patingin nga? Ayaw mo ba nito. Menudo, marami 'to. Si Tita nagluto nito. Si Madam principal."

"Nakakahiya. Salamat na lang. Masarap naman itong ulam ko eh."

"Patingin nga kasi. Ilabas mo na yan."

Inilabas ni Emman ang baon. Nangamoy ang toyong may kalamansing sawsawan. "Ito."

"Ano yan?" kunot-noong tanong ni Rico.

"Ito?" tinuturo ni Emman ang gulay. "Okra yan."

"Eee. Yan yung malaway di ba?"

"Hindi ka nakain nito?"

"Hindi ako nakain ng gulay." Kinikilabutang sagot ni Rico.

"Grabe ka naman. Hindi nga? Eh ano yan, patatas, karot saka..." sinisipat ni Emman ang sangkap na gulay sa menudo ni Rico. "Gulay naman yan ah?"

"Yan lang. Pero yang ganyan sayo, hindi ako nakain yan."

"Masarap kaya 'to." pagmamalaki ni Emman. "Tapos isasawsaw dito sa toyo na may kalamansi."

"Ayoko talaga nyan. Oh, hahatian kita ng ulam ko."

"Ayoko nga." tanggi ni Emman. "Salamat na lang at masaya na ako dito."

"Isa?"

"Sige, hihingi ako nyan pero kakain ka ng okra?" natawa si Emman sa biglang naisip. "Game."

"Sige, pero hindi ko kakainin." natawa rin si Rico.

"'Wag na."

"Kasi sigurado akong masusuka ako kapag kinain ko yan eh. Hitsura pa lang madulas na." muling tumaas ang balikat ni Rico dahil sa kaligkig.

"Wala rin akong ganang kainin yan minudong ginawa ng tita mong principal hehe."

Kahit alam ni Rico na biro lang ni Emman ang sinabi nito, nakaramdam siya ng pagkapahiya. "Sige, hihingi ako ng okra mo."

"Hala." natawang muli si Emman. "Seryoso ka? Kakainin mo?"

"Oo. Pero huwag tayo dito."
-----

"Sabi sayo. Hindi ko talaga gusto yan eh." Nagkanduwal-duwal si Rico sa damuhan nang sinubukan niyang kagatin ang isang okra. "Kadiri talaga. Kaya nga gusto ko dito sa grandstand kumain eh. Siguradong masusuka ako."

"Aha, para walang makahalata."

"Oo."

Saka ang malakas na tawa ni Emman. "Hmmm... Ok lang yan, naiintindihan kita. Hindi ka kasi sanay kumain ng gulay."

"Ang pangit kasi ng lasa." Pinupusan na ni Rico ang labi niya.

"Ganyan talaga, kasi nga hindi ka sanay. Pero kapag paulit-ulit mo nang kinakain masasanay ka rin sa lasa. Saka bakit mo iisipin na pangit ang lasa eh kung mas mainam nga ang gulay sa katawan kesa naman dyan sa puro karne, karne ka ng karne dyan." sunod sunod na litanya ni Emman.

"May potatoes naman." katwiran ni Rico.

"Kinakain mo ba?"

"Oo. Saka carrots"

"Kinakain mo din ba?"

"Oo naman. Ito oh..." pinakita ni Rico ang ulam na menudo. "Meron pang raisins, tapos yan, bell pepper yan." pinagmamalaki ni Rico.

"Kinakain mo?"

"Oo nga." natatawa si Rico.

"Sige nga, kainin mo."

"Maanghang eh." sagot agad ni Rico.

Napa-kunot noo si Emman. "Ang alin? Yang pula na yan? Bell pepper na yan?"

"Oo."

"E di yung patatas na lang o kaya yung karots"

"Sigurado ka?" tanong ni Rico.

Natawa si Emman. "Anong sigurado ako? Bakit ganyan ang tanong mo, kakasabi mo lang kumakain ka nyan. Dali na, kainin mo na."

"Hmmm..."

"Ano?" Muling tawa ni Emman. Na intindihan na niya ang ngiti Rico. "Nagsisinungaling ka sa akin." Napakamot si Rico sa ulo. "Hindi nga?"

"Hindi ka na mabiro." sabay tawa.

"Aha, hindi ka talaga kumakain ng gulay. Grabe ka naman Rico."

"Kumakain nga, patatas lang." sabay tawa. Pinakita ni Rico na kumakain siya ng patatas. Kinutsara niya iyon at saka sinubo at pagmamalaking nginuya ito sa harapan ni Emman.

"Lunukin mo." paninigurado ni Emman.
-----

"Salamat sa ulam ah..."

Natawa muna si Rico bago sumagot. "Wala yun. Basta kapag may ulam ako, share tayo."

"Ok." tipid na sagot ni Emman. Napansin kasi sa di kalayuan si Randy. "Si Randy, kausap na naman si Selena."

Agad ang tingin ni Rico sa direksyon kung saan nakatingin si Emman. "Dito muna tayo." Hinila nita si Emman sa isang espasyo.

"Bulaga!" sigaw ng mga kaklase nila.

Nagulat ang dalawa nang malingunan sina Patricia at ang iba pa nilang kaklase na doon pala nakatambay. Hindi nila napansin kanina nang dumaan sila.

"Dito pala kayo naka-tambay?" tanong agad ni Emman nang masino ang nanggulat.

"Hindi hindi. Sobrang hindi. Kanina pa nga kami sutsut ng sutsut. Hindi kayo namamansin. Ano ba ang pinaguusapan nyo at masyado kayong seryoso?"

Bahagyang napatalikod si Rico. Si Emman ang sumagot. "Sorry hindi namin napansin."

"Ok lang. Pero ang lapit lang namin ah, hindi nyo talaga narinig. Sus, kayo na. Kayo na mga bingi." sabay tawa ni Patricia. Napapangiti si Rico pero hindi nagpapahalata. "Kayo na ba?"

Biglang may kung anong bumara sa lalamunan ni Rico. Hindi niya inaasahan ang tanong ni Patricia. Agad siyang napalingon sa kaklaseng biniyayaan ng maraming cholesterol sa katawan.

"Joke yan, Patricia." natatawang si Emman pero nakaramdam siya ng kaunting kaba. Nabigla din siya sa tanong ni Patricia.

"Ikaw Emman, kung gusto mo seryosohin ang tanong, pwede rin. Ano ba?"

"Kung kami ba, anong mangyayari?" tanong ni Rico.

Natahimik ang lahat kasabay ng magaang hampas sa balikat ni Emman kay Rico. "Ano 'yun?" Ilang saglit pa ang katahimikan ng grupo ni Patricia at ni Emman habang titig na titig sa mga mata ni Emman, nagtatanong. Ingay lang ng mga ibang naglalakad at tawanan ng mga ibang estudyante sa paligid ang maririnig sa kapaligiran ng lugar na iyon.

"Sagot?" si Rico kay Patricia.

Nagulat si Emman sa biglang sigaw ni Patricia. "Siyempre, kailangan ng blow-out." kasunod ang malakas na tawa.

"Wui." saway ni Emman. "Ano ba yang pinagsasabi nyo?" nagsimula nang mang-asar ang mga kaklase. "Tigilan mo nga yang biro ni Rico. Baka kung ano ang isipin sa atin."

Sasagot sana si Rico naunahan ito ni Patricia. "Ano naman ang masama."

"Oo nga." si Rico.

Napa-labi si Emman habang titig na titig kay Rico. "Balik na tayo sa classroom." Tinangka niyang tumalikod pero saka niya napansin na hawak na pala ni Rico ang kamay niya. Alam niyang hindi siya makakaalis sa pagkakahawak sa kanya ni Rico. "Bakit."

"Dito lang muna tayo."

Sigawan ang mga kaklase. Si Patricia ang bumanat. "Hindi naman kayo nagpapakilig nyan noh?"

"Si Emman kasi, hindi marunong sumakay sa biro. Laging seryoso." sabay tawa ni Rico.

Suminghap ng hangin si Emman. "Hindi lang kasi ako sanay." Ngumiti siya ng tipid.

"O sige na nga. Balik na tayo sa room." yaya ni Rico. Hinila niya si Emman na agad naman sumunod sa kanya. Sigawan pa rin ang mga kaklase na dahilan para makuha nila ang mga atensyon ng kapaligiran.

"Parang sila noh?" hirit agad ng isang kaklase nang makalayo sina Emman at Rico.

"Yuck!" si Patricia. "No way! Lalaki sa lalaki?"

"Bakit?"

"Maka-bakit ka pa. Mandiri ka nga." sagot ni Patricia habang nakataas ang kilay at nakapamaywang.

"Nandidiri ka sa relasyong lalaki sa lalaki pero kanina pinapakita mong gustong gusto mo silang dalawa."

"Ano ka ba, siyempre joke lang yun noh."
-----

"Para kang sira kanina."

"Bakit?" napatigil si Rico sa sinabi na iyon ni Emman. "Saan?"

"Na sumakay ka dun sa biro."

Natawa si Rico. "Biro nga lang eh. Hindi totoo."

"Kahit na. Alam mo naman na..." natigilan si Emman.

"Sorry." hingi agad ng pasensya ni Rico.

"Ok."

"Ok ka lang?"

"Oo ok lang ako. May kailangan pala akong gawin. Hindi ko natapos yung assignment natin sa Science nawalan ng ilaw yung gasera kasi kagabi."

"Tutulungan na kita."

Napa-ngiti si Emman. "Ok."
-----

"Mamaya kapag uwian na, lilibre kita." si Randy kay Emman habang gumagawa sila ng assignment ni Rico.

"B-bakit mo naman ako ililibre."

"Mmm siyempre ikaw ang bestfriend ko kaya treat kita dahil kami na ni Selena."

Napa-lunok si Emman. Napansin iyon ni Rico. "Emman, paano nga ito. Saan ito ginagamit? Hindi ko alam kung paano ito nagfa-function eh."

Agad tumingin si Emman sa tinutukoy ni Rico. Nagsimulang ipaliwanag ni Emman kay Rico ang gusto nitong malaman.

"Ah, Randy. Baka pwede mamaya sabay na ako sa inyo ni Emman kapag ililibre mo na siya. Hwag kang mag-alala, hindi ako magpapalibre, gusto ko lang sumama para makapagmeryenda mamayang uwian."

"Oo ba." sagot agad ni Randy. "Ano, Emman?" kinalabit pa niya si Emman sa tagiliran.

"Oh, Oo sige lang. Mamaya." sagot niya kay Randy saka muling tinuon ang sarili sa assignments. "Rico, makinig ka nga sa akin."

"Ay, Opo Sir." natatawang sagot ni Rico. "Yun, naitawid ko na naman ang mga kunyari." tuwa ng kanyang isipan.
-----

"Mayaman ba yan si Randy?" tanong ni Rico kay Emman nang iwan sila ni Randy. "Kasi pati ako nilibre kahit hindi naman ako nagpapalibre."

"Mmm oo, kasi tatay nyan Brgy. Chairman."

"Ah..." Inakbayan ni Rico si Emman. "Alam mo 'tol. Kung ako sayo, kalimutan mo na lang yan si Randy."

"Ha?"

"Oo, mahirap yung ganyan. Kunyarian." nilagyan ni Rico ng tawa. "Ikaw lang ang nasasaktan, yun ang nakikita ko." Tinignan ni Rico kung anong reaksyon mayroon si Emman. Napansin niyang tahimik lang ito at alam niyang pinagiisapan nito ang mga sinasabi niya. "Mmm hayaan mo na lang siguro sila ni Selena. Mukhang masaya naman sila."

"Eh paano yung relasyon namin?" tanong ni Emman.

"Wala naman kasi nangyayari."

"Kasi nga sabi niya lihim lang muna namin."

"Kahit na."

"Kahit na?"

"Oo, Emman. Huwag mo na isipin na may relasyon kayo. Kapag iisipin na meron kayong relasyon tapos nakikita mo sila na laging magkasama lagi ka lang masasaktan."

"Hmmm..."

"Pero ikaw. Ah... gusto kong malaman kung saan ang bahay mo, pwede bang ihatid kita?"
-----

"Pasensiya na ha? Mahirap lang talaga kasi kami." nakangiwing sabi ni Emman kay Rico nang makarating sila  sa bahay niya. "Papasok ka pa ba?"

"Hindi ba pwede?"

"Huwag na siguro, nakakahiya eh."

Natawa si Rico. Sa totoo lang, hindi niya inaasahan na sa ganoon niya makikita ang bahay ni Emman. Pero wala siyang ibang ibig sabihin. Masaya siyang malaman kung saan nakita ang kaklase. "Ok lang ano ka ba?"

"Wala ka kasing mapapala sa loob ng bahay namin eh."

"Bakit may hinihingi ba ako? Saka kumain na tayo di ba? Busog ako, hwag kang mag-alala. Sige na samahan mo ako sa loob ng bahay mo."

Napa-buntong hininga si Emman. "Sige na nga."
-----

"Ayoko na. Hindi ko na uulitin. Last na 'to. Ang sama ko. Hindi ko naiisip kung nasasaktan ko ang mga kaibigan ko basta maging masaya lang ako sa ginagawa ko." Kusang umagos ang luha sa mga mata ni Rico nang gawing iyon. Muli niyang ginagamit ang kanyang type writer para sa isang sulat na ibibigay niya kay Emman.


http://www.facebook.com/BGOLDTM




8 comments:

Jasper Paulito said...

yehey... nammiss ko ang kwento ni Rico at Emman. kala ko wala nang kasunod. Namiss ko rin sina Ivan at Mico. Musta na kaya sila?

Erwan, salamat ha. May karugtong na ang Rico (Mr Never Give Up). Ingat po palagi and God bless..

ramy from qatar said...

sa wakas may karugtong din.... ang tagal bago masundan...sobrang misss talaga ang buhay ni rico at emmman.... tyak magkaroon ng lamat kapag nalaman ni emman ang mga ginawa ni rico at malamang masasaktan lang si emman lalo na nag assume na mahal sya ni randy.... kawawang emman... lagot talaga si rico....ha ha ha ha

ramy from qatar

robert_mendoza94@yahoo.com said...

yes! at last , nagka update na din. .. tagal kong hinintay e2. he he he. mukhang maiinlove c rico kay emman. laking gulo pag nakkabukuhan na sa mga pinag gagawa ni rico kay emman at randy. hmmm. tnx , hope magtuloy tuloy na sa pag update.

Anonymous said...

naudlot na naman ang mga updates....

Jasper Paulito said...

4tagal pa ba ang kasunod?

Jasper said...

tagal naman ng kasunod nito

Anonymous said...

next na po ang ganda nito hihih

Christian Erandio said...

nice nice...im back....ash....wish ko lang magtuloy tuloy na tong series na to....