Followers

CHAT BOX

Friday, April 12, 2013

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 8



"Bakit kaya wala pa si Emman? Ngayon lang siya late at kung sakali first time nya hindi pumasok." Napapa-pitilk-pitik ang mga daliri ni Emman sa desk ng kanyang inuupuan habang naka-tingin sa may bintana at nagbabakasaling matatanaw na niya si Emman."Mukhang walang balak pumasok si Emman. Siguro, nabasa na niya ang sulat."





Ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang magsimula ang klase at kasalukuyang inaayos ng guro ang tsart na nasa blackboard.

"Rico, napansin mo ba si Emman kanina?" tanong ni Randy kay Rico. Isang armchair ang pagitan nila.

Nagbawi ng tingin si Rico mula sa bintana at hinarap ang nagtatanong na si Randy.  "Hindi." Simple niyang sagot.

"Ah..." tanging nasambit ni Randy.

Napa-buntong hininga si Rico pagkatapos noon. Muli niyang ibinalik ang tingin sa bintana. Pero agad naman kinuha ng kanilang guro ang kanilang atensyon.

"Class..." panimula ng unang guro. "Next week na ang Foundation Day. Kaya, dun sa officers natin, mag-meeting na kayo para magkaroon tayo ng activity sa araw na iyon. Umaasa akong magkakaroon tayo ng fund raising para makatulong sa bawat isa para sa nalalapit din nating Field Trip."

Hiyawan ang buong kaklase sa anunsyo ng kanilang guro. Pero nananatiling tahimik lang si Rico na ang iniisip ay si Emman. Habang tahimik din si Randy na ang iniisip naman ay ang inaasahang Sports Tournament sa ganun ding buwan.

"Ma'am, kelan po ba ang Field Trip?" tanong ni Lara, ang presidente ng klase. Nasa unahan siya nakaupo.

"October 27." sagot ng guro.

Muling nagsigawan ang buong klase.

"Mukhang hindi pa ako makakasama ah." bulong ni Randy.

Kahit pabulong narinig ni Rico ang sinabi ni Randy. Napasulyap lang siya sa kaklase at muling tinungo ng tanaw ang sa may bintana. Isang buntong hininga uli ang pinakawalan ni Rico. "Nag-aalala ako kay Emman." Biglang nanlaki ang kanyang mga mata. "Emman!" Mahina pero may diin ang pagkakabanggit niya nang matanaw niya sa bintana si Emman na naglalakad papasok sa pinto.

Ngiting-ngiti si Emman sa nang makapasok sa pinto. "Good morning Ma'am, good morning classmates, I'm sorry for being late." Pagkatapos noon ay dire-diretso siya sa kanyang pwesto. Nagulat siya sa tanong ni Randy. Nanatili siyang nakatayo.

"Ano ang nangyare bakit first time mong ma-late?" si Randy.

"Emman," agad na napatayo si Rico. Napansin kasi niyang nagbago ang hilatsa ng mukha ni Emman na mula sa pagkakangiti ay napalitan ng naniningkit na mga mata ng marinig ang tanong ni Randy. "Emman, mas gusto ko munang maupo dito sa pwesto mo."

Hindi pa man nakakasagot si Emman ay hinila na siya ni Rico sa upuan nito. Nagpalit sila ng pwesto.

Kunot-noo lang si Randy sa napansing reaksyon ni Emman sa tanong niya. Naisip niyang may problema na naman ang kaibigan sa bahay.

"Emman, pasensya na ha. Dyan ka muna tas dito muna ako."

"B-bakit?" nagtatakang tanong ni Emman. Pero thankful din siya dahil ayaw talaga din niya makatabi si Randy.

"Mmm mas gusto ko dito sa pwesto mo ngayon kasi... ah... basta maganda ang view dito." sabay ngisi. "Pansamantala lang naman."

"A-ah. Ok." tanging nasabi ni Emman.

"Wew." pasimpleng usal ni Rico. "Ang hirap naman ng pinasok ko." reklamo ni Rico sa sarili. Nagsisisi na talaga siya sa kanyang mga nagawa.
-----

"Kanina ka pa tahimik." Tanong ni Rico habang naka-higa sa damuhan ng grandstand at habang minamasdan si Emman na naka-upo sa tabi na bahagyang nakatalikod sa kanya. Alam niyang malayo ang iniisip ng kaibigan. "Hoy. Magkwento ka nga sa akin."

"Ano?" Umayos ng pagkakaupo si Emman paharap kay Rico. "Ano naman ang iku-kwento ko?"

"Ang lalim ng iniisip mo. Ano ba yun? Tungkol ba saan yun?"

"Hmmm... wala naman ah. Mukha ba akong may malalim na iniisip?"

"Wag ka nga magsinungaling. Halata ko. Ano ba ang problema mo?"

"Problema? Naka-ngiti naman ako ah." Niluwagan pa ni Emman ang pagkaka-ngiti.

"Kahit ngumiti ka pa hanggang abot tenga, kung ang mga mata mo naman ay parang kumikinang na parang luluha ka na eh. Oh tignan mo. Mamaya lang mamumuo yan tapos magiging muta."

Biglang natawa si Emman. "Ano?" Pero totoo ang sinabi ni Emman. Nagtataka siya na ganun pala kadaling mapansin ang dinaramdam niya. Kahit pilitin at panatilihin niya ang pagkakangiti ay mapapansin at mapapansin na meron siyang dinadala. Napa-buntong hininga siya. "Dapat ko bang sabihin kay Rico?"

"Hoy, nanahimik ka na naman. Ano ba kasi yang iniisip mo? Tatawa ng malakas tapos tatahimik. Nakakatakot yan." Bumangon si Rico sa pagkakahiga sa damuhan pagkatapos ay nagpagpag ng sarili at tumabi kay Emman. Inakbayan niya ito ng tulad ng isang kaibigan na nagpapahiwatig na maaasahan ni Emman siya ano mang oras. "Kaibigan, dito lang ako."

Hindi alam ni Emman kung anong meron sa braso ni Rico nang lumapag sa kanyang balikat at bigla siyang naluha. Tila, isang komportableng pagkakataon na maari niyang masandalan ngayon. Mahinang hikbi ang naipamalas niya.

"Sabi na nga ba, may problema ka. Sabihin mo lang sa akin baka makatulong ako."

"Si Randy kasi."

"Oh anong meron kay Randy?" Tanong niyang nagmamaang-maangan. "Bakit? Mami-miss mo ba dahil nalalapit na ang pag-alis nya dahil sa palaro?"

"Hindi yun."

"Eh ano?"

Isang buntong hininga muna ang ginawa ni Emman bago isiniwalat ang buong kwento. "Ayaw na niya sa akin. Mas gusto na daw niya si Selena."

"Ah... Ganun ba?"

"Alam mo naman na may gusto ako kay Randy at alam mo bang nagpapadala rin siya sa akin ng sulat? Typewritten na sulat na sinasabi niyang may gusto din daw siya sa akin pero hindi muna daw namin pwede ipagsaibi. Yun pala mauuwi rin sa wala ang usapan namin. Kaya ako ngayon nagkakaganito. Pero pinipilitin ko naman ngumiti saka inaalis ko talaga sa aking isipan yun. Alam ko naman din kasi na imposible. Hindi ko lang talaga siguro naiwasang umasa."

"Ah.."

"Oo. Gusto ko sana siyang iwasan pero hindi pwede. Di nga dapat ako papasok para maka-iwas pero napag-isip isip ko na mas mahalaga ang pag-aaral. Kaya ayun. pero nang makita ko siya kanina, bumalik yung sakit. Buti na lang... Uy, salamat pala dahil nandun ka kanina ah. Dahil sayo, naka-iwas ako sa kanya. Parang sinasadya ng panahon yung pagkakataon."

"Ah... Wala yun." Napakamot sa batok si Rico. "Ah... Emman, hayaan mo tutulungan na lang kitang makalimutan siya."

Napatitig si Emman kay Rico sa sinabi nito. "Paano mo nga ba ako matutulungan?" takbo ng isip niya. "Salamat. Alam mo, hindi ko talaga inaasahan na magiging kaibigan kita. Yung ganito." sabay tawa si Emman kahit halata sa mga mata niya ang iniiwasang sakit. "Nung mga nakaraang linggo, binu-bully mo ko."

"Binu-bully? Parang hindi naman."

"Hindi ba? Pero, hindi ko talaga inaasahang magkakasundo tayo at ngayon, tignan mo, ikaw pa ang sinasabihan ko ng tungkol sa nararamdaman ko sa bestfriend ko."

"Ok lang yun."

"Thank you talaga."

"Mabait ka kasi Emman kaya nagkasundo tayo. Thank you din."

Tawa ang unang sagot ni Emman sa mga sinabi ni Rico. "Walang anuman."

"Weee. Totoong tawa ba yan?"

Muli pang tawa ang ipinamalas ni Emman.
-----

Talagang sinikap ni Rico na magbigay atensyon kay Emman sa mga dumating na araw. Hindi niya hinahayaang mag-usap sina Emman at Randy. Hindi lang dahil ayaw niyang magkabukingan, kundi parang nararamdaman din niya ang pagiging broken-hearted ni Emman sa tuwing magkakasalubong ang dalawa. Nakikita kasi niya sa mga mata at kilos at galaw ni Emman ang sakit na nararamdaman nito. "Naawa ako kay Emman. Sana hindi ko na lang kasi ginawa yun. Mabait na tao Emman pero siya ang napili kong gawan ng pambu-bully. Nakokonsensya talaga ako. Hindi na talaga mauulit. Magkaibigan na kami ni Emman. Sisiguraduhin kong magiging maayos ang lahat. Pangako ko yan." 

"Anong iniisip mo Rico?" tanong ni Emman habang naglalakad sila palabas ng gate.

"H-ha?"

"Anong iniisip mo, sabi ko. Natahimik ka kasi at parang ang lalim ng iniisip mo."

"Ah wala. Wala."

"Wala daw. Alam mo, hindi mo malilihim sa akin yan. Naranasan ko na yan di ba? Natatahimik kasi may iniisip na sobrang lalim." binuntutan ni Emman ng malakas na tawa.

Biglang singit naman ni Patricia na nasa likuran lang pala nila. "Hoy, mag-BF. Kayo na naman ang magkasama ha? Kahit anong oras hindi ko kayo makitang hindi magkadikit. Pati sa pag-uwi kayo pa rin. E di kayo na ang magbestfriend. Pambihira."

Natatawa si Emman. "Maka-react ka dyan. Seryoso ka Pat?"

Biglang tawa si Patricia. "Hindi naman. Naiinggit lang ako sa inyo. Kasi si Danica, ang bestfriend ko, absent di ba? So, wala tuloy akong maka-usap na matino."

"Oo nga pala, bakit absent si Danica?" si Rico ang nagtanong.

"May sakit nga. Hindi mo ba ako narinig kanina nung sinabi ko kay Miss Dimagiba?"

Napangiti si Rico. "Hindi eh. Ah atleast ngayon alam ko na kung bakit." sabay tawa.

"Pupunta nga ako dun eh. Muntikan daw kasi na isugod sa ospital si Danica. Sama kayo?"

Napa-tingin si Emman kay Rico. "Sasama tayo?" Makikita sa mga mata ni Emman ang kagustuhan.

"Saglit lang tayo?" tanong ni Rico.

"Ok lang." si Patricia. "Kahit silip lang kayo tapos uwi din agad kayo. Pero ako doon na ako matutulog." sabay tawa ng matabang si Patricia.

"Sige." sang-ayon ni Rico at nakita niyang napa-ngiti si Emman.
-----

"Thank you ha?" si Emman kay Rico. Naglalakad naman sila pauwi sa kani-kanilang tahanan.

"Bakit?"

"Mmm sa totoo lang kasi, ngayon lang  uli ako naka-gala. Alam mo naman na dumi-deretso ako ng uwi kapag tapos na ang klase."

"Ah, ganun ba yun?" napa-ngiti si Rico. "Buti na lang pala sumang-ayon ako. Mmm pero kung di ako sumama, sasama ka ba?"

"Hindi." mabilis na sagot ni Emman.

"Oh bakit?"

"Ayoko pumunta na walang kasama."

 "Ah..."

"Teka, ano nga pala yung iniisip mo kanina? Yung tinatanong ko sayo nung palabas tayo ng gate ng school?"

"Hala, naalala mo pa yun?"

"Oo, naku-curious kasi ako sayo."

"Ah basta, wala yun. Saka mo na lang siguro malalaman kung totoo yung narara- naiisip ko pala." Napa-singhap ng hangin si Rico.

"Lihim pa talaga. At kelan naman yung saka na yun?"

"Basta wag ka na lang mangulit."

"Ah... ok. Sabi mo eh." Saka lang napansin ni Emman ang daan. "Sakto, dito na pala tayo." Ang tinutukoy ni Emman ay ang daan na maghihiwalay sa kanila. Mauuna kasing lumiko si Rico habang diretso naman ang daan ni Emman.

"Oo nga eh." tipid na ngiti ni Rico.

"O tignan mo, parang may kaka-iba talaga sayo." usisa ni Emman.

"Ah pwede bang sumabay muna ako sa inyo?" tanong ni Rico.

Nanlaki ang mga mata ni Emman. "Anong oras na?" Bigla niyang hinatak ang kaliwang braso ni Rico para tignan ang  relo na nasa braso nito. "Oh, 5:47pm na."

"Ok lang. Sige na."

Tinitigan muna ni Emman si Rico kung sasama ba talaga ito. "Ok, ikaw ang bahala."

Napa-ngiti ng maluwang si Rico. "Ayun. Tara."
-----

"Nakakahiya naman, ang dami mong binili na pagkain sa tindahan."

"Ok lang yan Emman para may makakain tayo habang nakatambay ako sa inyo saka pasalubong din natin yan sa magulang mo."

"Ay! Wow naman. Maraming salamat ah. Naku, matutuwa nyan si Inay. Pero di ko lang alam kung kakain ba nyan si Itay kasi di ba nasabi ko na sayo na alak ang gusto nun." sabay tawa.

"Eh kung bumili din tayo ng alak?"

"Wag! Di tama yun. Huwag na. Saka dami mo na bili oh. Biskwet, malalaking chichiria, tas itong mga softdrinks oh. Ito pa oh. Grabe. Ikaw na nga ang mayaman. Salamat talaga. Oh, dito na pala tayo."

"Oo nga dito na tayo. Pero wala yun ah. Para talaga sayo yan kasi mabait ka sa akin."

"Wow ha?" napa-ngiti si Emman. Ramdam nya rin na napamulahan siya ng mga pisngi. "At ang sobra naman ang binibigay mo na kabaitan sa akin."

"Hindi. Bumabawi lang ako sayo." paninigurado ni Rico. "Basta."

"Ok. Tara sa loob." Naunang pumasok sa pinto si Emman at agad na tinawag ang kanyang ina.

Lumabas ang kanyang ina mula sa kusina. May kadiliman sa loob ng bahay dahil walang ilaw. Wala kasi silang kuryente. Mapapansin lang liwanag na mula sa apoy sa kusina na natatabingan ng manipis na kumot na nagsisilbing dingding sa pagitan ng kusina at lamesa ng kainan. Malamang kapag wala ng niluluto, wala na ring apoy at wala na rin liwanag.

"Oh Emmanuel, dyan ka na pala. Pakibili mo nga muna ako ng gaas para sa gasera natin mamaya, magdidilim na." Saka lang napa-tingin ang nanay ni Emman sa may pinto kung saan naroon si Rico. "May kasama ka pala."

"M-magandang hapon po." Bati ni Rico sa nanay ni Emman.

"Magandang hapon din sayo." Saka hinarap ni Aling Nora ang anak. "Ako na lang ang bibili ng gas bantayan mo na lang yung sinasaing ko."

"Inay si Rico po pala, kaklase ko. Nagpunta na yan dati dito kaya wala kayo nun eh."

"Ok lang. Ah, Rico, totoy ay hindi pala ang laki mong bata. Rico sige maupo ka na muna at si Emman na ang mag-aasikaso sayo ha? Bibili lang ako ng gas pagpasensyahan mo na ang bahay namin ah."

"Ah wala po yun. Wala po sa akin yun."

"Ako na po ang bibili ng gas, Inay." singit ni Emman.

"Hindi na ako na, may bibilhin pa kasi ako kaya ako na lang lalabas."

Na-intindihan ni Emman ang ibig sabihin ng nanay niya. Dadaan ito sa tindahan kung saan makakabili ng maayos na ulam para sa kanilang bisita.

"Ah Aling Nora, para po sa inyo. Pasensya na po dito." Inabot ni Rico ang dalawang supot ng pagkain.

"Naku, salamat. Sige, akin na at mailagay ko muna sa lamesa. Maraming salamat ha. Ang dami nito. Baka wala ka ng pera?"

"Ah hindi po. Ok lang po." nahihiyang nangingiting sagot ni Rico.

"Sige at lalabas muna ako."

"Sige po." sagot ni Rico.
-----

Siguradong na-enjoy ni Rico ang kaunting oras na nilagi niya sa bahay nila Emman. Kahit hindi tulad na mayroon siya sa kanilang bahay masasabi ni Rico na mahusay mag-entertain ng bisita ang mag-nanay kahit alam niyang kapos ito sa pera. Hindi pa niya nakikita ang tatay ni Emman. Ang alam lang niya ay siguradong hating gabi na iyon uuwi galing sa inuman kaya huwag na niyang asahan na makikita ito.

"Ang dami kong tawa Emman."

"Ows talaga?" ngiting ngiting si Emman.

"Oo. Lalo na nung kumakain tayo, parang sobrang sarap tuloy nung ulam kasi ang daming kwento ng nanay mo. Mabait siya."

"Ikaw kaya ang maraming kwento sa nanay ko. Pero alam mo, kanina ko lang uli nakitang tumawa ng malakas ang nanay ko. Parang dalaga kung maka-tawa palibhasa, hindi naalala ang mga problema."

"Ah, e di lagi na ako dadalaw dito para laging may kakwentuhan ang nanay mo?" biro ni Rico.

Natawa si Emman. "Bakit hindi pero parang nakaka-hiya naman."

"Ah alam ko na dahil, pumunta ako dito sa inyo, dapat sa  bahay bibisita ka rin para naman may bisita rin ako sa bahay."

"Ay naku, wag. Nakakahiya. Di ako sanay. Hala wag na lang."

"Sige na. Ah ipapaalam kita sa nanay mo."

"Hala."

"Sige na. Basta pag pumayag bukas ha? Pag-uwi natin galing school. Ok?"

Hindi na kumibo si Emman.

Kinausap na nga ni Rico si Aling Nora tungkol sa gusto nitong bumisita naman si Emman sa bahay nila.

"Pumayag na."

"Aw."

Natawa si Rico. "Basta pumayag na. Sige uuwi na ako dahil excited naman ako makita ka sa bahay namin. Ah, makikita mo dun si Madam pricipal." sabay tawa.

"Kaya ayaw kong pumunta doon eh. Nakakahiya talaga."

"Naku hindi yan. Mababait kami. Mga aso lang namin ang hindi mababait. Nangangagat ng bagong pasok." sabay tawa.

"Ah ganun. E di walang dadalaw na Emman sa bahay nyo bukas. Takutin pa talaga ako ha. Sige tawa pa."

"Parang nagbibiro lang eh. O siya uuwi na ako ha." Kinuha na ni Emman ang bag at inayos ang sarili. "Siya nga pala magbaon ka ng extra mong school uniform. "

"Bakit?"

"Basta. Paki sabi na lang kay Aling Nora na umuwi na ako. Gabi na kasi eh."

"Oo sige kapag dumating."

"Maraming salamat. Emman."

"Aw, wala yun. Maraming salamat din."

Sa ngayon, isa lang ang tiyak ni Rico, masayang-masaya siya. Nabawasan ang isa sa mga iniisip niya.
-----






3 comments:

JR said...

wow grabeeee.... nasundan din!!!!
thank you author ha. kilig na kilig na ako sa mga susunod na mangyayari.
thumbs up...

Jace said...

Ay merön na, nice

robert_mendoza94@yahoo.com said...

nkakaguilty nga aman un ginawa ni rico kay emman, panu na kaya pag nagkabukuhan, baka mabalewal ang na establish na friendship nilang dalawa! sana aminin na at magpakatotoo na agad c rico ng maaga. hopefully ay magtuloy tuloy na ang pag aupdate ni MR. AUTHOR