Followers

CHAT BOX

Tuesday, August 23, 2011

TRUE LOVE WAITS (A Time For Us) Chapter 29


"J-juanita?" tawag atensyon ni Arman kay Juanita ng mapansing nakatingin lang ito sa labas ng bintana habang tinatahak nila ang daan pauwi. Lagpas na sa tanghali ang sandaling iyon.


"Mmm." ungol ni Juanita sa tawag ni Arman pero hindi siya tumingin nanatili lang siya dati.

"May gusto sana akong sabihin sayo. Ah... imungkahi."

Saka lang napatingin si Juanita kay Arman. "A-ano yun?"

"Kasi, alam naman nating mahirap na ang kalagayan mo sa lugar niyo. A-ang ibig kong sabihin kay Ramon. Hindi pa natin sigurado ang susunod niyang gagawin."

Napatango siya at muling tumingin sa labas ng bintana. "Dapat ko siyang harapin di ba?"

"Hindi Juanita. Sinabi na sa akin ni Arl na sa bahay ka na titira."

Napatingin bigla si Juanita kay Arman. "Sinabi niya iyon?"

"O-oo." sagot ni Arman kahit walang katotohanan. Sa katunayan siya lang mismo ang may gusto noon. "Gusto na kasi niyang magkasama kayo lagi. Lalo pa ngayon na mahirap nga ang kalagayan mo." Napansin niya ang buntong hininga ni Juanita.

"K-kung sakali ba..." tumingin si Juanita kay Arman at saka yumuko. "Welcome ba ako, sayo?"

Napa-ngiti ng maluwang si Arman. "Oo naman."

"Sige. Pero... gusto ko munang ayusin ang bahay ko. Kasi, naniniwala akong babalik si Jessica. Baka kung ano ang isipin niya kapag hindi niya ako doon naabutan."

"Oo siyempre naman. Magagawan natin ng paraan iyan. Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita lalo na ng anak mo, Juanita. Basta, dumoon ka na sa bahay namin. P-para maging... bahay mo na rin."

Napa-tingin si Juanita sa mga huling mga salitang binitiwan ni Arman. "Bahay ko na rin? Makikitira lang ako pansamantala Arman. Saka wala akong balak na... tutulong ako sa gawaing bahay. Marunong akong magluto, maglinis. Kahit pa sa paglalaba. Yun ang kapalit ng pagtira ko doon Arman."

"Sa tingin mo ba papayag si ang anak mo na ganoon ang gawin mo?"

Natigilan siya. "Pero, nakakahiya naman. Basta, hindi ako makakatiis na hindi tumulong."

"Ikaw ang bahala Juanita." Saglit na tumahimik si Arman. "K-kasi..."

Hindi inaasahan ni Juanita na may iba pang ibig sabihin si Arman. "Kasi?"

Bumuntong hininga si Arman. "Mamaya ko na lang sasabihin." natawa si Arman. Pilit na itinatago ang pamumula ng pisngi.

"Bakit, may problema ba?"

"Hindi wala. Huwag kang mag-alala hindi problema ang ibig kong sabihin sana sayo." saka siya nagsalita ng pabulong. "Kung problema nga..."

"H-ha? May sinasabi ka Arman.

Natawa si Arman. "W-wala." saka muling tumawa. "Sa bahay na nga lang."
-----

"Ok na po Sir ang pasyente. Maya-maya lang po ilalabas na siya sa operating room."

"Salamat sa Diyos." nausal ni Jonas habang nakatingala sa kisame. Pinasalamatan niya ng lubos ang Panginoon nang matiyak ang maayos nang kalagyan ng kanyang pasyente. "Salamat."

"Sige Sir."

Tumango siya sa doktor na alam niyang isa sa gumawa ng operasyon.
-----

"Ramon?" gulat na gulat si Arman dahil nang makababa siya sa kotse ay agad niyang nakita si Ramon malapit sa gate nila at masama ang tingin. Agad siyang lumingon kay Juanita na bubuksan pa lang ang pinto ng kotse. "Juanita, kahit anong mangyari huwag kang bababa. Huwag kang bababa."

Nagtaka si Juanita kaya hindi niya pinagpatuloy ang pagbukas ng pinto ng kotse. Hindi na rin niya nagawang magtanong nang maisara na ni Arman ang pinto sa driver seat. Saka lang niya nalaman kung bakit. Nakita niya si Ramon sa tabi ng gate nila Arman. "Ramon?..." na-ibulong na lang niya.

"Bakit?" medyo pasigaw ang tanong ni Arman. "Ano ang nagdala sayo rito Ramon. Di ba dapat nasa hospital ka para kamustahin ang anak mong binaril ng tauhan mo?" nakangising tawa ni Arman.

Ngumisi si Ramon. "Ayaw mo na pala akong makita. Akala ko kasi gusto mong makipagpatayan sa akin."

"Alalahanin mo muna ang anak mo Ramon. Iyon ang mas mahalaga."

"Eh kung gusto kong ipagpatuloy."

Nagsalubong ang kilay ni Arman. Tinitigan niya ang mukha ni Ramon. Napapansin niya ang kakaiba nito sa pagsasalita. Naisip niyang parang nababaliw na si Ramon. "A-anong ibig mong sabihin."

Tumawa si Ramon. "Para patayin ka." Saka inilabas nito ang baril. Itinutok at saka kinalabit ang gatilyo.
-----

"Arman!...." sigaw ni Juanita kasabay ang pagsambulat ng kanyang luha. Agad siyang lumabas sa kotse. Napansin pa niya ang tumakbong si Ramon sa sarili nitong sasakyan. "Hayop ka talaga Ramon. Dimonyo ka."
Iniangat ni Juanita ang ulo ni Arman. "Arman..." iyak niya. Saka siya humingi ng tulong.

"J-juanita." pinilit ni Arman ang magsalita.

"Huwag ka ng magsalita. Dadalhin ka na namin sa hospital."

"M-masaya a-ko dahil nagkakilala na kayo n-ni Arl. Ng a-anak mo."

Tumango-tango si Juanita habang umiiyak Muli siyang lumingon kung may paparating na bang tulong. Napansin niya ang tumatakbong lalaki papunta sa kanila.

"J-juanita. S-siguro bayad na ako sa, kasalanan ko."

"Wala kang kasalan Arman. Ano ba?"

"Maam ako na po ang magbubuhat." alok ng lalaking handang tumulong.

"Sa kotse na lang niya. Bilisan mo ha." nagaalalang si Juanita.

"Opo." binuhat na ng lalaki si Arman saka isinakay sa kotse. "Nasaan po ang susi?"

Aligaga si Juanitang dukutin ang susi sa bulsa ni Arman. Agad naman niyang nakita. "Ito. Dali patakbuhin mo na. Dalhin natin sa malapit na hospital."

Habang tumatakbo ang kotse patuloy pa rin ang pag-usal ni Arman.

"J-juanita. N-noon pa man..."

"Huwag ka ng magsalita. Arman naman... Papunta na tayo sa hospital."

"N-noon pa kita mi-minahal." Saka pumikit si Arman.

Napatulala si Juanita sa sinabi ni Arman. Dinig na dinig niya iyon. Kahit hirap itong magsalita ay malinaw pa rin niya itong narinig. Pero saglit ang kanyang pagkatulala. "Arman, arman? Manong, paki-bilisan lang po."  napahagulgol ng todo si Juanita. "Arman, Arman dumilat ka?"
-----

Ang lakas ng tawa ni Ramon habang minamaneho ang sasakyan niya. Sa pagtawa niya pinagdiriwang ang ginawa niya kay Arman. Pero sa katotohanan, pasimpleng natatago ng halakhak ang takot niya sa nagawa.

Pinabilisan niya ang pagpapatakbo ng sasakyan. Naging palagay siya nang mapansing walang masyadong sasakyan sa kalsada kaya todo harurot siya sa pagpapatakbo. Kailangan niyang bilisan kahit hindi naman sakto sa kanyang isipan ang talagang tutunguhin niya.

"Putang ina mo!" usal niya nang maka-over take siya sa isang kotse. Saka siya muling humalakhak ng todo.

Hindi pa siya nakuntento. Pinilit niyang maunahan ang mga ibang sasakyan saka sasabayan ng tawa kapag naabutan ang mga ito. Hanggang sa hindi niya napansin ang warning ng stoplight nang malapit na siya sa isang crossing, isang kotse ang naggaling sa kaliwa ang saktong bumulaga sa kanyang sasakyan.
-----

"J-juanita, alagaan mong mabuti si Arl. S-sana sa pagk-" nahihirapan na si Arman sa kanyang paghinga.

"Huwag ka na kasing magsalita." iyak ni Juanita.

"...pagkikita niyo ng a-anak mo, sana na-nakabayad na ako sa utang k-ko sa inyong mag-ina."

"Wala kang dapat pagbayaran Arman. Nagpapasalamat pa nga ako. Huwag ka ng mag-salita, pakiusap Arman. Manong malayo pa ba tayo?"

"Malapit na tayo Maam." sagot ng lalaking tumulong.

"J-juanita, h-hindi ko na kaya." tumigil muna si Arman para kumuha ng panibagong hangin.

"Hwag mong sabihin yan Arman. Alalahanin mo si Arl."

"Mahal kita Juanita. H-hindi mo alam, pero hinaha-hanap talaga kita. P-para sa a-anak mo at- sa akin."

"Ano ka ba Arman. Hinihintay ka ng anak mo. Huwag ka magsalita ng ganyan please."

"Maraming salamat."

"Arman?" pigil ang hininga ni Juanita nang pumikit si Arman. "Arman, Arman?" Tinapik niya ang mukha nito. "Arman..." hagulgol niya. "Arman, huwag mong gawin ito. Hinihintay ka ng anak mo sa hospital. Arman. Manong bilisan mo, Manong. Arman. Gumising ka." kulang na lang at maghisterikal si Juanita. Sumasakit ang puso niya sa tagpo. Parang nawawalan siya ng hininga. "Arman..."
-----

"Arl. Ok ka lang?" tanong ni agad ni Jonas nang makapasok sa kwarto ni Arl.

"Oo bakit?" nakangiting sagot ni Arl.

"Ah..." hindi alam ni Jonas kung paano at ano ang sasabihin. "Napadaan lang ako. Aalis din agad ako. Kinamusta lang kita."

"Pare, Ok lang. Huwag kang mag-alala naiintindihan ko. Alam ko ang nangyari. Sinabi sa akin kanina ni Dad."

"Ah.. alam mo pala Arl." nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata ni Jonas. "Pero, Ok na si kuya. Iniwan ko lang, par i check ka. Baka kasi, naiinip ka na dito."

Natawa si Arl. "Ikaw nga ang inaalala ko, Jonas. Sige na, balikan mo na si kuya."

Napa-tingin si Jonas kay Arl. Saka natawa. "Oo nga pala, kuya mo si kuya dahil magkapatid kayo sa ama."

"Sige na Jonas balik ka na kay kuya, hehe. Mas kailangan ka niya. At maraming salamat sayo ha. Dahil sa ginawa mo, walang nangyaring masama kay Dad at kay Mama."

"Wala yun."

"Maraming salamat talaga Jonas. Utang ko yun sayo na hanggang ngayon makakasama ko pa rin ang nanay ko at ang tatay ko. Kasi kung hindi mo yun ginawa, baka isa sa kanila nabaril na ng hayop na Ramon na yun."

Napa-buntong hininga si Jonas. "Basta wala sa akin yun. Pero sige tatanggapin ko na rin."

Nagkatawanan sila.
-----

"Paki-asikaso lang dalian ninyo." sigaw ni Juanita sa mga nurse at doktor na umaasiste sa pasyente.

"Si Dr. Sto. Domingo ito ah?" nang makilala ng unang nurse na sumalubong sa pasyente.

"Asikasuhin niyo na, huwag na kayong magsalita ng kung ano-ano." muling sigaw ni Juanita.

Saka sumingit ang isang doctor. May kung anong kinapa ito sa katawan ng pasyente ni Juanita saka nagpakita ng malungkot na mukha.

"Bakit Dok?" natutulalang tanong ni Juanita. Pero hindi na siya nasagot ng doktor na iyon nang mabilis na itinakbo ang pasyente sa operating room. "A-ano ang ibig niyang sabihin?..."
-----

"Kuya dapat pagbayaran ito ng Tito Ramon. Siya ang may kagagawan nito sayo." Umiiyak si Jonas habang kinakausap niya ang kuyang mahimbing na natutulog habang hawak-hawak niya ang kamay nito. "Kuya, magpagaling ka agad ha?"
-----

"Ano bang nangyayari sa kanila?" bulong ng isang nurse sa kapwa nurse.

"Oo nga eh, una yung anak. Buti na lang, sa balikat tinamaan. Pero yung ama?"

"Naawa ako kay Doc."

"Oo talaga naman, pero ang mas nakakaawa ngayon ang anak. Malamang hindi pa niya alam."

"Oo nga eh."

Ito ang narinig ni Jonas habang nasa information siya. Gusto niyang makontak ang mga kasambahay sa bahay ng kanyang kuya. Nakakapagtaka para sa kanya ang kwentuhan ng dalawang nurse pero isinasantabi niya ito.

"Ay teka, di ba yan yung kasama ni Dok?" bulong ng isang nurse sa kapwa nurse.

"Oo. Siya kaya, alam na niya?"

"Di ba, may pasyente rin siyang pinasok dito?"

Napa-tingin na si Jonas sa dalawang nurse kasabay ang kanyang kunot-noo. Nakita niyang nag-ngitian ang mga nurse. Kaya napilitan siyang magtanong.

"M-may problema ba?" kaswal na tanong ni Jonas sa dalawa.

"Ah, eh..." hindi alam kung paano sasagot.

Mas lalong napa-kunot noo si Jonas. "Ano nga? Para kasing ako na ang pinagkukwentuha niyo dyan sa reaksyon niyo. Mali ba ako?"

Naglakas ng magtanong ang isang nurse. "Eh kasi Sir, alam niyo na po bang s-si..."

Napa-nga nga si Jonas nang mabitin sa gustong itanong ng kausap. "S-sino, ano?"

"S-si Dr. Sto. Domingo kasi... dead on arrival. Kanina lang po."

Ang bilis ng panghihina ng katawan ni Jonas. Tila babagsak siya sa sahig sa panlalambot ng kanyang tuhod. Isang nakakagimbal na balita para sa kanya. Tila umiikot ang paligid niya.

"T-totoo ba ang si-sinabi mo? S-si Tito Arman?"

"Opo, Sir. Ayun nga po yung kasama niya oh, kanina pa tulala."

Hindi alam ni Jonas kung paano pa siya naka-kuha ng lakas para lumingon sa kung saan ang pagkakaturo ng nursena nagbalita sa kanya. Nakita niya doon si aling Juanita na tulala ngunit patuloy na umaagos ang luha sa mga mata. Tahimik itong umiiyak. Sa kalagayan ni Aling Juanita, nagsasabi lang ng katotohanang may nangyaring masama nga kay Tito Arman. "P-paanong nangyari yun?" naibulong niya.
-----

"Sigurado sa paglabas ko dito, makakasama ko na si Mama sa iisang bahay. Maraming salamat talaga Dad. Lagi mo talaga akong pinapasaya. Pagnakita talaga kita. Yayakapin kita ng mahigpit." hindi na naiwasan ni Arl na mapaluha. "Gusto na kitang makita Dad." napa-ngiti siya. "Iisipin ko kung ano ang maari kong i-gift sayo. Hay, nasaan na kaya sina Mama at Dad. Sana si Mama nagpapahinga na. Tapos si Dad, pabalik na rito."

Pinili na lang muna niyang pumikit.
-----

"A-aling Juanita?" Pagkalapit ni Jonas.

Hindi tumingin si Juanita. Nanatili lang itong nakatulala habang patuloy na lumuluha.

"Aling Juanita, ano po ang nangyari? Bakit ganun?"

Kahit sa ikalawang pagkakataon, hindi pa rin nagsasalita si Juanita.

"Alam na po ba ito ni Arl?"

Saka napatingin si Juanita. "K-kamusta siya?"

"Ok lang po siya." sagot ni Jonas.

"Pupuntahan ko siya." Mabilis na tumayo si Juanita.
-----

Pero nang makarating si Juanita sa harapan ng pinto ng kwarto ni Arl ay bigla siyang nawalan ng panimbang. Bahagya siyang nahilo kaya napakapit siya pader. Naroon naman si Jonas sa likod na mabilis na umalalay.

"P-parang hindi ko kayang sabihin kay Arl ang nangyari." bulong ni Juanita na nagsisimula na namang umiyak.

"P-pero kailangan niyang malaman Aling Juanita."

"Baka kung anong gawin niya sa sarili niya Jonas. Nararamdaman ko kung gaano niya kamahal ang kinagisnan niyang ama.Ang alam niya ay hinatid lang ako sa bahay nila para makapag-pahinga. Natatakot ako sa kung anong gawin ni Arl. Jonas anong gagawin ko. Hindi ko na alam kung ganito ang nangyayari sa amin..."

Hindi na naiwasan ni Jonas na aluin si Juanita. Hinimas na lang niya ang likod nito para magkaroon kahinahunan. "Tutulungan ko po kayong magsabi. Malakas na si Arl maliban sa sariwa pa ang sugat niya sa balikat. Ano po sa tingni ninyo?"

"Hindi ko alam Jonas, hindi ko alam."

Napasinghap na lang si Jonas ng hangin.
-----

"Bakit?" takang tanong ni Arl sa dalawang taong nakatayo sa kanyang harapan. "Jonas? Bakit, namamga ang mga mata ni Mama sa kaiiyak? Ma, si Dad nasaan po. Ano ba sumagot naman kayo." Pinilit ni Arl na tumayo sa pagkakahiga.

"A-arl." napa-lapit si Jonas kay Arl nang tangkain nitong tumayo.

Napahagulgol naman ng mabuti si Juanita.

"Ano bang problema? Bakit ayaw niyo kasing magsabi?" nag-simula nang mangamba si Arl. "Nasaan si Dad Jonas? Bakit naiyak si Mama?" Nakikiusap ang mga matang nagtatanong ni Arl.

Napa singhap ng hangin si Jonas hindi niya alam kung paano magsisimula. "K-kasi..."

"Ano?" saka sa ina tumuon. "Ma, ano ba ang ibig sabihin nito?..."

Sa wakas ay may lumabas na rin sa bibig ni Juanita sa gita ng paghagulgol. "Arl, ang Dad mo..."

Parang may kung anong bumundol sa dibdib ni Arl sa unang pahayag na iyon ng kanyang ina. "A-anong nangyari kay D-dad?"

"S-si Arman... anak..."

"A-anong nangyari?" hindi na napigilan ni Arl ang mapasigaw.

"Wala na si Arman. Wala na ang Dad mo anak. Patawarin mo ako..."

Hindi makapaniwala si Arl. Parang napapatid ang hininga niya dahil nagsisimulang magsikip ang kanyang dibdin. Ramdam niya ang kakaibang kirot sa dibdib na nagiging sanhi para manlabo ang kanyang mga mata na ngayon ay natatabunan ng namumuong luha. "H-hindi m-maari..." saka napasigaw muli si Arl. "Hindi ako naniniwala."

Agad tumayo si Arl sa higaan niya, itinulak niya si Jonas nagtakang pigilan siya. Gusto niyang makita ang ama. Gusto niyang salubungin ito. Alam niyang naghihintay lang ito sa kanya sa labas. Nakikita niya sa kanyang isipan ang mga ngiti nito na kanina lang niya nakita. "Imposible! Hindi ako naniniwala."

"Arl..." si Jonas.

"Huwag mo akong hahawakan." natuluyan na nga ang paghihisterikal ni Arl

"Arl, hindi pa magaling ang sugat mo."

"Wala akong pakialam." Tutunguhin ni Arl ang pinto.

Walang magawa si Juanita kundi ang maupos na para bang kandila sa sahig. "Arl... anak ko." tawag niyang umiiyak sa anak.

Napa-lingon si Arl sa tawag ng ina. Nakita niya ang kaawa-awang kalagayan ng ina sa sahig. "M-ma..." iyak ni Arl. Agad siyang lumapit sa ina. "Ma, sabihin niyo sa akin na hindi totoo ang lahat. Nagbibiro lang kayo."

Iyak lang ang naisagot ni Juanita. Nahihirapan siyang sumagot ng tuwid sa anak. Hindi niya magawa dahil pati mismo siya ay hindi makapaniwala sa mga nangyari at ngayo'y nangungulila rin tulad ng anak.
-----

"Grabe, basag ng mukha ng lalaki." sambit nang imbestigador nang makatalikod sa aksidenteng kakaganap lang. "Sino ang nakakita sa pangyayari, meron ba dito?"

"Ako po. Sir, ako po." sigaw ng isang lalaki sa likuran.

"Paano nangyari?" tanong ng imbestigador.

"Kasi sir. Ang bilis magtakbo sa kotseng yan. Hindi yata napansin ang stoplight, ewan ko baka talagang sinadya niyang huwag pansinin. Eh ang nangyari sir hindi rin niya napansin na may sasalubong pala sa kanyang kote. Dyan sir," tinuro ng lalaki ang gawing kanan. "Nagkasalubong sila. Gulat na gulat nga ako ng ilang beses na bumaliktad ang sasakyan na yan sir. Hindi ako makapaniwala parang sa pelikula."

Napa-tsk ang imbestigador. "Oh ano pa?"

"Basta sir ang may kasalanan talaga yang kotse na yan. Ang bilis kasing magtakbo tapos hindi pinansin ang warning light."

Biglang may naglapitang ibang mga pulis sa imbestigador. "Sir, tapos na po bang imbestigahan?"

"Oo. Yung nakaligtas na lang ang tatanungin ko. Yang bangkay, pwede niyo nang pakuha ang bangkay."

"Sige Sir."

Nag-alisan ang mga pulis na naka-usap ng imbestigador.
-----

Lulugo-lugo si Jonas nang lumabas sa kwarto ni Arl. Pati siya hindi na makapaniwala sa mga nangyayari. Una si Arl. Pangalawa ang kuya niya. Laking pasalamat niyang naka-survive ang kuya niya. Pero itong huli, si Tito Arman.

Nakarating siya sa information ng hospital. Yun talaga ang tungo niya. Itutuloy na niya ang pagtawag sa bahay ng kuya niya para magpa-abisong hindi pa sila makakauwi. Pero naisip niyang kailangan pa ba niyang tumawag kay Tito Ramon gayong alam niyang ito ang may kagagawan ng lahat. Pero kahit nagdalwang isip, nakita niya ang sariling dumadayal sa telepono.

"Aling Koring si Tito Ramon?... Teka, bakit parang umiiyak ka yata?" si Jonas habang kausap ang kasambahay sa kabilang linya.

"Jonas, si Don Ramon, naaksidente. Patay na daw siya..."

Nagpatuloy pa sa pagsasalita ang kasambahay pero parang wala nang naririnig si Jonas. Gimbal na gimbal siya sa nalaman.
-----

abangan ang huling kabanata ng TRUE LOVE WAITS (A Time For Us)- Susunod na!


www.facebook.com/BGOLDtm
fan page

5 comments:

Anonymous said...

nakakaiyak nmn po ang chapter na ito, napa emote tuloy ako hehehe.sayang bait pa nmn ni arman,ngayong wala na ramon,magkakasama na kaya ang mga magkakapatid? asan na c jesse, di kaya nagkatuluyan na c jesica at omar? nice chapter,,,,, ang ganda kahit nakakaiyak cya........jack21

Anonymous said...

that was fast..!!

nakakalungkot naman ang nangyari kay Arman..

great work..!!

God bless.. -- Roan ^^,

wastedpup said...

Ramon paid his dues at the expense of Arman. Anu mangyayari sa kanila ni Jesse at Jonas? Si Jessica? Kelan xa makakauwi at magkakakilala pa kaya sila ni Arl? Nakaka bitin much Ash. Ang galing mo. I'll patiently wait for the finale. Ingatz! :)

R. J. said...

Grabe. Heavy tong chapter na to sir ah! Kawawa naman si Arl. Pero sayang at namatay rin si Ramon. Mas gusto ko sana kung hinuli na lang siya ng mga pulis. ^_^

Keep it up sir! Ingat :)

ram said...

aw huling kabanata na pala. namiss ko na si jesse