Followers

CHAT BOX

Saturday, August 27, 2011

TRUE LOVE WAITS (A Time For Us) 30


"Dalawang Linggo..." napa-buntong hininga si Jesse habang naka-upo sa harapan ng pinto. Katatapos lang niyang magwalis sa harapan Linggo nang umaga. "Ang tagal noon ah. Ano na kaya nangyari sa kanya? Hindi man lang ako ma-saglit kung anong meron kung bakit hindi na siya nagpapakita sa akin." isa pang buntong hininga. "Hindi naman siguro nagbago na ang ihip ng hangin para malaman niyang hindi pala talaga niya ako mahal. ay naku, ayoko ngang isipin ang ganun." Tumayo si Jesse para pumasok sa loob ng bahay.


Mahigit dalawang linggo na si Jonas na hindi na nagpapakita kay Jesse na ikinababahala nga ng huli. Ayaw sana niya mag-isip ng hindi maganda pero hindi niya maiwasang walang sumagi sa isip niya ng tulad ng ganoon. Nag-aalala siya pero saan naman niya hahanapin dahil hanggang sa puntong ito hindi pa rin niya alam kung saan ito nakatira o sa anong paraan niya ito makokontak. Panay na lang ang buntong hininga niya kapag sumasagi sa isip niya si Jonas.

"Siguro naman kapag naglaba ako, maabala ang utak ko at hindi ko siya maisip." nasabi ni Jesse.

"Malulungkot ako kapag hindi mo ako inisip." sagot ni Jonas.

"Ay gorilla." nasabi ni Jesse sa gulat. Napalingon agad siya nang marinig nang may magsalita sa kanyang likuran. "J-jonas?"

"Bakit kailangan mo akong hindi isipin?" tanong ni Jonas ng naka-ngiti.

Hindi sumagot si Jesse. Nananatili lang siyang natutulala at nakatitig sa mukha ni Jonas. Na-miss niya ang taong iyon.

"Ano?" giit ni Jonas. "Tulala ka na."

Hindi naiwasan ni Jesse na maipakita ng tuluyan ang saloobin. Mis ma mis na niya ang lalaki. Mabilis na kumabog ang kanyang dibdib at ang luhang hindi naman sinasadya. "Bakit ngayon ka lang?" parang batang tanong ni Jesse sa kaharap.

May halong lungkot ang ngayong ngiti ni Jonas. "Pero, bumalik ako."

"Bakit nga?"

"Malalaman mo rin."

"Ayan ka na naman. Malalaman ko rin o tapos kailan pa?"

Ngumiti ng maluwang si Jonas. "Ngayon, pag-uwi natin sa bahay natin."

"Ha?"

"Oo, iuuwi na kita sa bahay natin."

"Ha?"

"Uulitin ko pa ba?" natatawa si Jonas. "Sabi ko, iuuwi na kita sa bahay natin. Aalis ka na rito."

Napa-singkot si Jesse. "Ang gulo mo. Hindi kita maintindihan." tumalikod si Jesse.

"Jesse..." tawag ni Jonas. "Isasama na kita... sasamahan mo na ako, mamumuhay na tayong magkasama."

Muling humarap si Jesse. "Bakit naman kasi ang tagal mong hindi nagpakita. Tapos, bigla kang susulpot tapos, sasabihin mo iuuwi mo na ako."

Lumapit si Jonas. Balak sana niyang yakapin si Jesse pero umiwas ito. "Jesse..."

"Nag-alala ako sayo. Dalawang linggo akong naghihintay. Kahit man lang mapadaan ka sa trabaho ko, hindi ka man lang nagpakita. O kaya naman nagiwan ka ng sulat. Isiningit mo sana sa ilalim ng pinto. Ang hirap kayang mag-alala tapos, ngayon parang wala lang na sasabihin mo aalis na tayo."

"Im sorry. Marami lang ang nangyari."

Suminghap ng hangin si Jesse. "Sorry?"

"Oo."

Biglang tumalikod si Jesse. "Kumain ka na ba? Kakaluto ko lang ng almusal. Tamang-tama sabay na tayo."

Natawa si Jonas. Ang akala niya hindi tinanggap ni Jesse ang paghingi niya ng tawad. "Oo ba. Sabi ng mahal ko eh."

"Natawa ka dyan? Anong nakakatawa? Akala mo siguro pinatawad na kita. Hindi pa no. Niyaya lang kitang kumain."

"Aw!" napangisi na lang si Jonas.

"Dali, upo. Kung ayaw mong masakal." biro ni Jesse.

"Oo uupo na ako. Pero tanong ko lang, kailan ka pa naging bayolente?" natatawang tanong ni Jonas.

"Ngayon lang nang makita kita. Balak ko nga na ikadena ka na. Ay mali, bakit ko ba sinabi baka tumakas ka."

Muling natawa ng malakas si Jonas. "Ganun. Oo naman magpapatali ako. Walang problema."

Pinanatili ni Jesse ang pagiging siryoso. "Kaya lang ang itatali ko sayo ay yung bulb wire. Oo."

"Grabe ka naman." nabawasan ang tawa ni Jonas.

"Kumain ka na muna para hindi ka gutumin mamaya." siryoso pa rin ni Jesse.

"Hmmm... siryoso ka nga talaga."

Kumunot ang noo ni Jesse. "Natatakot ka?"

"H-hindi naman." muntikan ng mabulol si Jonas na ikinatawa ni Jesse.

"Natatakot ka nga."

Napa-ngiti si Jonas. "Nakita ko na rin ang mga ngiti mo at narinig ko na rin ang tawa mo sa wakas."

Agad nagbawi si Jesse. "Ewan. May paganyan-ganyan ka pa. Eh kung sana sumasaglit ka man lang o nagpasabi ka hindi mo ma-mimiss ang mga ngiti at tawa ko."

"Kahit naman palagi akong nasa tabi mo, at sa tuwing saglit na mawala ka sa paningin ko, pakiramdam ko parang napakahaba na nating hindi nagkita."

"Weh... kumain ka na nga dyan. Kung ano-ano ang sinasabi mo." pero ang totoo kinikilig si Jesse.

"Opo." maluwag ang ngiti ni Jonas habang sinusunod niya si Jesse.
-----

"Ano na ang plano mo?" ganito ang tanong ni Jonas nang pansamantalang mapalagay si Arl sa sakit na nararamdaman ng malamang wala na ang kanyang pinakamamahal na ama.

"Hindi ko alam pare. Ang alam ko lang ngayon ay sobrang galit, poot sa taong gumawa noon sa aking ama. Pagbabayaran niya ang ginawa niya. Isinusumpa ko." nagtatangis ang mga bagang ni Arl habang kuyom na kuyom ang mga kamao.

Bumuntong hininga muna si Jonas. "P-paano kung ang gumawa noon sa ama mo ay... patay na rin?"

Napa-lingon agad si Arl kay Jonas. "Ano?"

"Oo, Arl. Kaka-kuha ko lang ng balita na naaksidente si Tito Ramon."

"Pa-paano mo nalaman. Sino ang may sabi?" 

"Kakatawag ko lang sa bahay. Ibinalita sa akin ni yaya Koring na galing daw doon ang mga pulis para ipaalam na si Tito Ramon ay naaksidente at hindi na nakaligtas. Pumunta lang ako rito para ipaalam na aalis muna ako para saglitin ang bangkay ni Tito Ramon. Babalik din agad ako kasi alam kong kailangan ako ni Kuya."

Hindi na sumagot si Arl. Hindi rin alam ni Jonas kung ano ang iniisip nito. Tumayo siya para umalis. "Sige pare. Aalis na ako."
-----

Minabuti na ni Jonas na ipa-crimate ang labi ni Ramon dahil sa maselang tinamo ng mukha nito. Hindi na niya hinintay ang mga sasabihin ng mga kamag-anak nito galing abroad. Hindi naman siguro tama pang maghintay pa siya ng kung anong sasabihin ng mga iyon. At kung ang kuya naman niya ang tatanungin, hindi na rin niya inisip kung ano ang sasabihin nito. Ang mahalaga makapagpagaling ang kuya niya. Ang mahirap lang kung paano niya sasabihing wala na ang ama ng kuya niya kapag nagkamalay na ito.
-----

Nakalabas na si Arl sa hospital kinabukasan kasama ang labi ng kanyang ama. Ibinurol nila ang labi ng ama sa loob ng kanilang tahanan. Noong mga unang araw, sunod-sunod at walang hinto ang pagdalaw ng mga kakilala at nagmamahal sa burol ng ama ni Arl. Doon niya nakita kung gaano kamahal ng mga tao ang kanyang ama. Pero nang huling araw ng burol, mas pinili ni Arl na maging sarili nila at maging tahimik ang pagdadalamhati nila. 
-----

Nang makalabas si Justin sa hospital, saka lang niya nalaman ang nangyari sa kanyang ama. Natakot si Jonas sa naging reaksyon ng kanyang kuya. Dahil hindi matanggap ni Justin na sa kalagitnaan ng kanyang pagpapagaling ay wala na pala siyang amang maaabutan.

Alam ni Jonas na galit sa kanya ang kuya dahil naglihim siya rito. Hindi nga siya pinapansin nito habang naka-upo lang ito sa harapan ng isang jar kung saan naroon ang abong naiwan ng ama nito.

Naroon lang si Justin, patuloy na umiiyak. Walang sinasabi pero hindi maitatanggi ang wasak na puso sa pangungulila sa ama. Ilang araw ring nagmukmok sa ganoon si Justin hanggang tumayo na ito. Pero, hindi pa rin niya pinapansin ang kapatid na si Jonas.
-----

"Ma, siguro dapat muna tayong umalis dito pansamantala. Kailangan nating makabawi." si Arl sa ina.

"A-anong ibig mong sabihin anak?" tanong ni Juanita.

"Siguro mas mabuting pumunta muna tayo sa ibang bansa o kaya naman sa kung anong gusto mong lugar ma. Basta, maiwan muna natin ang lugar na ito pansamantala."

Pilit na ngumiti si Juanita. "Anak, kung ano ang makakapagpaligaya sayo, sige ikaw ang bahala pero may gusto muna akong ayusin. Babalik muna ako sa bahay para mag-iwan ng sulat. Umaasa akong babalik pa si Jessica." muling sumilay ang luha sa mga mata ni Juanita.

"Walang problema ma. Sasamahan kita. Ikaw rin kasi kailangan mo rin namang magbawi ng lakas, makalimot sa sakit na naranasan natin. Tignan mo, mas lalong lumalim ang mata mo."

Bahagyang natawa si Juanita. "Ganun ba?"

Niyakap ni Arl ang ina. "Ma, ikaw na lang ang pamilya ko. Kaya sana... huwag mo muna akong iiwan."

Tagos sa puso ang sinabi na iyon para kay Juanita. Hindi niya napigilan ang masaganang pagdaloy ng luha at ang mabilis na pagkabog sa kanyang dibdib. "Huwag kang mag-alala anak. Sisikapin kong matugunan ang pangungulila mo sa ama mo, anak. Aalagaan kita. Naandito lang ako. Huwag kang mag-alala, anak."
-----

"Kuya, aalis na ako." paalam ni Jonas isang araw kay Justin. "Sa tingin ko Ok ka na." Pinilit niyang ngumiti. Nilingon siya ng kanyang kuya at iyon ang una niyang nakita itong binigyan siya ng atensyon simula nang malaman nitong wala na itong ama.

"Dahil ba sa hindi kita pinapansin kaya ka aalis?"

Umiling si Jonas. "Hindi kuya. Di ba hindi na naman ako dito na nakatira. So ngayon na sa tingin ko Ok ka na kay aalis na ako."

"Hindi ako galit sayo Jonas, tandaan mo. Kahit kailan hindi ko magagawang magalit sa kaisa-isa kong kapatid."

"Alam ko yun kuya, na mahal na mahal mo ako, pero di ba napag-usapan na natin ito, noon pa?"

"Pero wala na si Dad, Di ba, siya lang naman ang dahilan ng pag-alis mo?"

"Hindi kuya. Nagkakamali ka. Sinabi ko sayo ang dahilan ng pag-alis ko dito. Gusto ko ng sariling buhay."

"Sariling buhay. Hindi mo ba magagawa dito yan Jonas? Ang laki ng bahay na ito. Pwede tayong maghide and seek kung gusto mo ng sariling buhay kaya bakit pa sa hindi kita nakikita?"

"Kuya..."

"Wala na si Dad. Tayo na lang. Iiwan mo pa ba ako."

Umiwas ng tingin si Jonas. "Kasi..."

"Bakit Jonas, may asawa ka na ba? E di dito mo siya itira. Walang problema sa akin yun. Mas maganda nga iyon para umingay naman ang bahay na ito."

"Kuya hindi mo ako mapipigilan. Noon ko pa nabuo ang desisyon kong ito."

Suminghap ng hangin si Justin. "Siguro Jonas, ako lang ang nagmamahal sa kapatid ko. Kaya kahit alam niyang nasa kalagitnaan ako ng galit, lungkot, nanghihingi ng kaunting awa, hindi pa ako mapagbigyan. Tama ba ako Jonas?"

"Patawarin mo ako kuya. Mahal kita. Pero, ito na ang gusto kong gawin. Hindi naman siguro doon masusukat ang pagmamahal ko sa kapatid ko."

Muling suminghap ng hangin si Justin. Kinokontrol niya ang emosyon. "Sige, ikaw ang bahala." Pagkatapos ay tumalikod na ito. 

"Kuya..." tawag ni Jonas pero hindi na siya pinakinggan nito. Nagtuloy-tuloy lang sa pagpanhik si Justin para tunguhin ang kwarto nito.
-----

Masakit para kay Jonas ang maghiwalay sila ng kanyang kapatid pero ang inaalala niya ay si Jesse. Nagsinungaling siya sa kuya niya. Mahal niya ang kuya niya pero hindi tulad ng pagmamahal na nararamdaman niya para kay Jesse at para ang huli ang piliin niya. Hindi na niya inisip kung papayag ba ang kuya niya kung sakaling malaman nitong kapwa lalaki ang iniibig niya. Ang mahalaga babalikan na niya si Jesse na hindi niya nakita ng dalawang linggo.

Miss na miss na niya si Jesse.
-----

"Basta, pagkatapos nating kumain, maghahanda ka na." paalala ni Jonas bago sumubo ng pagkain.

"Anong ihahanda ko?" maang ni Jesse.

"Gamit mo. Aalis na na tayo dito."

"Saan naman tayo pupunta?"

"Sa bahay ko. Teka nga, may balak ka bang sumama?"

"Wala." simpleng sagot ni Jesse.

"Ayoko na rin kumain. Aalis na ako." tatayo na si Jonas ng pigilan ni Jesse.

"Ito ang bilis magtampo. Nagpapapilit lang naman. Umupo ka nga dyan."

Muling umupo si Jonas. "Sabi mo yan ah."

"Anong sinabi ko?" nangingiting si Jesse.

"Nagpapapilit ka lang. Mamaya ako na ang magliligpit ng gamit mo." sabay tawa ni Jonas.

"Mas maigi."

"Talaga. Basta masigurado ko lang na maisasama kita sa pag-uwi ko." saka sumubo si Jonas.

Nakangiting nakatitig si Jesse kay Jonas.

"Bakit?" tanong ni Jonas.

"Hmmm parang kinakabahan ako, Jonas."

"Bakit naman?"

"Ewan ko. Pero huwag kang mag-alala masaya ako."

"Yun ang gusto kong marinig. Kain ka na lang." sabay tawa ni Jonas. Masaya na siyang marinig kay Jesse ang ganoon. Ibig sabihin lang na sasama sa kanya si Jesse ng sigurado.

Napalingon ang dalawa nang may kumatok sa pintuan.

"A-ako na Jonas."

"Ako na Jesse."

"Sige, susunod ako."

Naunang tumayo si Jonas saka sumunod si Jesse.

"Sino na yan?" tanong ni Jonas nang nasa harap na sya ng pintuan sarado. Naka-kapit sa braso niya si Jesse.

"May ihahatid lang po akong sulat. Napag-utusan lang po."

Saka binuksan ni Jonas ang pinto.

"Akala ko kung ano na." nabanggit ni Jesse nang binubuksan na ni Jonas ang pinto.

"Sira." sabay tawa. "Anong sulat po?" tanong ni Jonas sa lalaking matanda na. Tipong hindi na makakagawa ng kung ano mang kasamaan o krimen.

"Pinaabot lang isang lalaki kanina. Ibigay ko daw dito. Ito oh." sabi ng lalaking istranghero.

Inabot ni Jonas ang isang papel na nakatupi. "Wala na pong ibang binilin?" tanong niya.

"Wala na. Basta sabi niya siguraduhin ko daw na maibibigay ko kay Jesse."

"Ako po yun." sagot agad ni Jesse.

"Ganu ba?" sabi ng lalaki. "O kaya naman daw ay kay Jonas." patuloy ng lalaki.

"Ako naman po yun." pakilala ni Jonas.

"Sige, aalis na ako. Yun lang naman." paalam ng lalaki.

Si Jesse na ang sumagot. "Maraming salamat po. Mag-ingat na lang po kayo."
-----

"Kanino galing?" tanong ni Jesse nang mabuksan na ni Jonas ang papel na nakatupi.

"Kay Marco, Jesse."

"Anong sabi?"

"Naka-pangalan sayo Jesse. Kaya siguro ikaw na lang ang magbasa."

Tinitigan ni Jesse si Jonas. "I-ikaw ang bahala." Kinuha ni Jesse ang papel nang iabot ni Jonas.

Jesse,

Umaasa akong nasa mabuti kang kalagayan, mahal kong kaibigan. Ito ang sulat na ito ang patunay na nasa mabuti rin akong kalagayan. Huwag ka sanang mag-alala sa akin na gaya ng pagkakilala ko sayo na maaalalahanin sa kaibigan. Nasa mabuti ako, gaya ng sinabi ko.

Jesse, nasabi sa akin noon ni Jonas na gusto ka niyang isama sa kanila. Dati pa ako pumayag dahil alam kong may mangyayari at para sa kabutihan mo na rin. Pero alam ko hindi rin naman ako ang magdedesisyon para sa sarili mo. Alam ko lang rin na iisipin mo ako sa desisyon na iyon. Kaya ako na mismo ang nagsasabi Jesse, sumama ka na lang kay Jonas. Kilala ko siyang mabuting tao, noon pa.

Ingatan mo sana ang sarili mo Jesse. Ito lang naman ang gusto kong sabihin. Maraming salamat. Umaasa akong magkikita pa rin naman tayo sa lalong madaling panahon pero hindi muna ngayon.

Maraming salamat sayo.

Marco.
-----

Hindi na napigilan ni Jesse ang mapaluha nang wala nang karugtong ang sulat na pinadala ng kaibigan si Marco. Sobrang na-miss niya ang kaibigan. Pero masaya siyang malaman na nasa mabuti nga itong kalagayan. Naramdaman na lang niya ang kamay ni Jonas na humihimas sa kanyang likod. Sa ganoon, nakaramdam siya ng kahinahunan.

"Pero, wala siyang nabanggit tungkol kay Jessica." nasabi ni Jesse.

Wala namang na-isagot si Jonas dahil kahit siya ay wala ring alam. "Ang mahalaga Jesse, alam na nating nasa mabuting kalagayan si Marco."

"Oo tama ka Jonas. Pero sana kasama na rin niya si Jessica."

"Sana nga."
-----

Na-miss din ni Juanita ang kanyang bahay. Hindi niya napigilan ang maluha nang mabuksan ang pinto ng kanyang bahay. Ito ang nagsilbing silungan niya nang mamuhay sila ni Jessica ng mahabang panahon. Dito na siya tumanda. Dito na lumaki si Jessica, nagdalaga.

Napa-yuko siya sa lapag nang mapansing may isang papel na nakatupi sa kanyang paanan nang mabuksan niya ang pinto. Alam niyang sinuksok iyon sa ilalim ng pinto. Agad niyang kinuha at binuksan.

Ma,

Si Jessica po ito. Alam kong sobrang nag-aalala ka sa akin. Pero Ma, nasa maayos na ako ngayon. Babalik ako, pero hindi pa ngayon. Huwag po kayong mag-alala. Hindi muna ako magpapakita. Saka na lang ako magkukwento kapag nagkita na uli tayo. Alam ko na rin po ang nangyari kay Ramon, ang tunay kong ama. Tama lang sa kanya iyon.

Ma, maayos po ako ngayon. Kaya sana huwag ninyong pabayaan ang sarili ninyo. Mahal na mahal ko po kayo. Gusto ko munang makalimot. Babalik po ako. 

Nagmamahal ang nangungulila,

Jessica.
------

"Ma, bakit?" tanong ni Arl sa ina nang maulinigan niyang umiiyak ito. Galing kasi siya sa sasakyan kaya siya nahuli.

"Si Jessica Arl. Ang kapatid mo, sumulat." iyak ni Juanita sa anak.

Kinuha ni Arl ang sulat sa kamay ng ina. Saka niya ito binasa. "Ngayon Ma alam na natin na ang kapatid ko ay wala sa masamang kalagayan. Tama ang kapatid ko Ma. Kailagan isipin mo muna ang sarili mo. Magpakalakas ka Ma. Hihintayin natin ang pagbabalik niya."

"Oo anak. Gagawin ko ang gusto ni Jessica." Niyakap niya ang anak. "Sige, magliligpit lang ako ng mga gamit. Aayusin ko para kung sakaling bumalik si Jessica dito, maayos siyang makakatulog. Mag-iiwan na rin ako ng sulat para alam niya kung niya tayo hahanapin."

"Opo Ma. Tutulungan ko kayo."
-----

"Dali, gabi na." angal ni Jonas.

"Grabe ka naman, sino ba ang naghihintay sa atin doon?"

"Wala."

"Yun naman pala eh, makareklamo ka dyan parang maiiwanan tayo ng eroplano."

Natawa si Jonas. "Gusto ko lang na matulog na tayo sa tunay nating higaan."

"Hmmm parang hindi ko gusto ang ibig mong sabihin?"

"Bakit, para nga tayong bagong kasal eh. Tama?" Kinikilig si Jonas sa sarili niyang imahinasyon. Sabay tawa.

"Ikaw kung ano-anong iniisip mo dyan. Tumigil ka nga. Alam mo kahit anong oras pwede akong magback out."

"Huwag ka namang magbiro ng ganyan. Nakaka-kaba."

Natawa si Jesse. "Talaga naman si Jonas. Hindi na mabiro."

"Siyempre, ayaw kong mawala ka sa akin piling..."

"Kumakanta ka?" bara ni Jesse.

"Oo kanta ng puso ko para sayo."

"Corny." sabay tawa ni Jesse. "Ayan, tapos na."

"Mabuti naman. Sige lalabas muna ako para i-check yung sasakkyan ko."

"Ha? Maghapon ka dito, hindi mo man lang sinabi na nasa labas pala sasakyan mo." salubong ang kilay ni Jesse.

"O, o... huwag sabihing dahil lang sa sasakyan, mauunsiyame ang pag-alis natin. Alalahanin hindi ka na makakatakas sa akin." sabay tawa ni Jonas. "Oo kanina pa naroon sa kanto yung sasakyan, pero pinabantayan ko. Binigyan ko ng dalawang ube yung tatlong bata. Sabi ko dadagdagan ko pa kapag aalis na tayo. Kaya sigurado ko, bantay na bantay ang sasakyan."

"Tse," pero nakangiti si Jesse. "At talagang dadagdagan mo pa ha? Hirap kayang kitain ng halagang binigay mo, dadagdagan mo pa talaga ha?"

"Wala sa akin yun. Ang mahalaga, ikaw. Masigurado ko lang na sa akin ka. Sasama ka sa akin. Walang aberya. Walang pipigil. Walang kahit ano mang hahadlang basta sa akin ka lang."

"Anong kanta na naman yan?"

"Kanta pa rin ng puso ko. Hindi ko pinag-isipan basta sinabi ko lang." sabay tawa.

"Basta sinabi ko lang... Dali labas na, bilisan mo baka hindi mo ako maabutan dito." sabay tawa rin ni Jesse. Biro niya.

"Bakit saan ka pupunta?" takang tanong ni Jonas.

"Baka lang unahan na kita sa pagsakay sa kotse mo." sabay tawa uli. "Excited kaya ako."

Napa-ngiti ng maluwang si Jonas. "Ok. Lilipad ako."

Ang lakas ng tawa ni Jesse nang biglang talunin ni Jonas ang pinto palabas.
-----

"Ito pala ang bahay mo Jonas?" nangingislap ang mga mata ni Jesse habang nakatingin sa kabuuan ng bahay ni Jonas nang nasa harapan na sila ng gate.

"Oo, Jesse. Bahay mo na rin." sagot ni Jonas. "Dyan natin ipagpapatuloy ang pagmamahalan natin, Jesse. Ikaw at ako. Tayong dalawa Jesse."

"Oo Jonas. Sasamahan kita tulad ng pagmamahal ko sayo."

"Masaya akong marinig yan sayo." saka ngumisi si Jonas na nakakaloko. "Hmmm pasok na tayo, kasi... gusto ko nang ah.... masimulan ang bagong kabanata ng ating pag-iibigan eh..."

Natawa si Jesse. "Sigurado bang, magiging masaya ang mga susunod natin? Sagot agad, aba ayokong iiyak ako." 

"Sisikapin kong magiging masaya ka Jesse, sa piling ko." Pinilit ni Jonas na ngumiti ng kaswal. Tinamaan siya sa sinabi ni Jesse na kung magiging masaya ba ito sa piling niya. "Ang sigurado ko, ibibigay ko ang lahat ng kaligayahang dapat mong maranasan." sabay tawa. "Kaya pasok na tayo, dali para masimulan na natin."

"Suntukin kita." biro ni Jesse sabay tawa.

"Nagbinayolente ka na naman."

Tawa na lang ang isinagot ni Jesse.
-----

TRUE LOVE WAITS (Last Crescent Moon) BOOK 3- ABANGAN!



Maraming maraming salamat po sa lahat ng sumuporta, nagbasa ng kwentong ito. Taos puso po akong nagpapasalamat sa inyo sa pagbibigay ninyo ng inyong oras sa kwentong ito. Ang aking pasasalamat ay ilalapat ko na lang sa mga susunod kong mga kwento, ang papatuloy na pagpapaganda ng mga istorya.

Muli, maraming maraming salamat po sa inyong lahat. 
-(ash) erwanreid

RICO (Mr. Never Give Up) SUSUNOD na!!!!

6 comments:

Anonymous said...

yan lahat ng character present na,as ussual binitin na nmn po,dipa rin nasagot katanungan ko, hehehe, .excited na ako sa book 3,nice chapter bro,,,,jack21

wastedpup said...

Super excited sa book 3. Salamat Ash for sharing this wonderful story. Ingatz lagi.

R. J. said...

awts! o_O kala ko tapos na dito :( pero may aabangan pa rin haha! gusto ko pa man din malaman kung ano yung sakit ni jonas. grabe sirrrrr! sana saglit lang book 3 na :D

Pink 5ive said...

Hi author ngayon ko lang nasimulan ung TRUE LOVE WAITS (oo, mula someday i will understand hanggang chapter 30 sa isang upuan!) and shit nabitin ako! will look foward sa crescent moon. galing galing.

Anonymous said...

i love your story very much ..
kaso bbitin ako hehe . good luck s next syory :)
cEdie17

Anonymous said...

happy happy.....

looking forward sa book 3 at xempre kay Rico.. hehe

God bless.. -- Roan ^^,