Tumingin ako kay Arvin pagkatapos. Simula ng dumating siya, hindi ko pa napansin na ngumiti siya kahit minsan lang.
"Pagod siguro." nabuo sa isip ko.
"Ren, dito tayo." yaya sa'kin ng choir directress.
Naka-ngiti akong sumunod sa kanya. Naupo kami sa may bintana.
"Ren, kilala mo ako. Mapagkakatiwalaan mo ako." simula niya.
Napakunot ang noo ko sa panimula niyang iyon. Hindi ko siya ma-get. Tumango ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya dahil totoo naman iyon.
"Kasi..." napa-tingin siya sa kabilang dako nang hindi maituloy ang sasabihin. Parang pinag-aaralan niya kung ano at paano magsasalita. "...tungkol sa inyo ni Arvin."
Parang sumabog ako sa pagkabigla nang banggitin niya ang pangalan ni Arvin. Naghihinala akong alam ko ang ibig niyang sabihin. May alam siya tungkol sa amin ni Arvin. Kinakausap niya ako tungkol sa amin.
Naramdaman ko ang simula ng panginginig ng aking kalamnan sa kaba, sa takot na marinig mula sa iba ang kinakatakutan ko.
"A-ano po bang tungkol doon?" tanong ko kapagdaka ng may alinlangan.
Bumuntong-hininga muna ito bago muling nag-salita. "May nakarating sa akin tungkol sa inyo ni Arvin."
Nanlaki ang mata ko sa narinig. Lalo akong nanginig sa takot. Para na akong pinag-papawisan. Nakadaragdag pa sa aking takot ang paunti-unti nitong paghahayag. Umiikot din sa aking isipan kung sino ang dahilan kung bakit nakarating sa aming choir directress ang tungkol sa amin ni Arvin.
"Alam na rin ba ito ni Arvin?" tanong ko sa aking isip.
"Magsabi ka ng totoo Ren." sabi niya nang mahinahon. Nararamdaman ko ang kanyang emphaty.
"N-na ano po?"
"May nakakita sa inyo ni Arvin na mag-kayap kagabi. Okey lang sana kung ganoon, eh kung talagang malamig. Ang kaso Ren, nakita pang nakahawak daw, daw ha? nakahawak ka pa daw sa ano... ni Arvin?" sunod-sunod niyang pahayag.
Lalo akong nagulantang sa narinig ko. Parang gustong kong mag-protesta pero hindi ako maka-galaw sa kinauupuan ko. Nakakaramdam ako ng pag-iinit sa aking mukha sa kahihiyan.
"Sino po ba ang may sabi? Kailan ba nangyari?" biglang pumasok sa isipan ko ang kagabi. Noong magkatabi kami ni Arvin. Nagising akong nakayakap at nakatanday ito sa akin. Pero wala akong maalala na nakahawak pa ako sa ari ni Arvin. Sigurado ako na nagising akong hindi nakahawak sa kanya.
Tumitig muna siya sa akin. Maya-maya ay tinawag niya sina Mike, Joshua at Josek galing sa labas. Gulong-gulo ang isip ko nang makita ko silang tinutungo ang aming kinalalagyan.
"Sila ang nag-kwento sa akin. Kaya bilang kaibigan at pinagkakatiwalaan mo Ren, kailangan natin itong ayusin."
Parang wala akong naririnig dahil gulong-gulo ang isip ko.
"Ano ang nakita ninyo?"
Ang nag-salita ay si Josek.
"Kasi Cher (cher kaputol ng salitang teacher. *info lang) nung natulog na kami, e di syempre dun kami matutulog sa kanila. Sama-sama kasi kami eh. Dahil ako yung tumabi kay Arvin, inangat ko yung kumot. Tapos..." ngumisi muna ito. Nag-iwas ako ng tingin sa hiya. "tapos, nakita kong nakahawak si Kuya Ren sa... ano ni Arvin. Yun."
"Nakita mo bang gising sila?" tanong ng choir directress kay Josek.
Umiling ito.
"Paano ninyo naman nalaman?" ang tinutukoy ay sina Joshua at Mike.
"Eh, pinakita sa'min ni Josek , cher." si Mike ang sumagot.
Lumingon sa akin ang choir directress.
"Ren... ginawa mo ba talaga yon?"
"C-cher? Hindi ko alam yun cher." hindi na ako makatingin.
"Anong ibig mong sabihin? Tulog ka? Ano yun, nananaginip ka?" parang pasarkastikong tanong sa akin.
"Wala talaga akong alam cher." naluluha na ako.
"Tapos nakayakap pa sa iyo si Arvin? Pakitawag nga si Arvin sa labas."
Lumabas si Mike para tawagin si Arvin. Napa-tingin ako kay Arvin nang mapansin kong iniluwa siya ng pinto papasok. Hindi ito tumitingin sa akin at siryosong naglalakad papunta sa amin.
"Vin, ano ba ang nangyayari sa inyo?" tanong ng choir directress nang makalapit si Arvin.
Umupo si Arvin sa may likuran ko. Hindi sumagot si Arvin sa tanong.
"Gising ka ba nung hawak ni Ren ang... sayo?"
Hindi uli sumagot si Arvin. Pero parang umiling siya.
"Eh bakit nakayakap ka pa sa kanya?"
"Hindi ko alam cher." sagot ni Arvin sa unang pagkakataon.
Muling nabaling sa akin ang atensyon ng choir directress.
"Magsabi kayo ng totoo. Para malaman natin at magawan natin ng paraan. Nagulat nalang ako kanina nang may magsabi sa akin. Akala ko biro lang. Nang maka-usap ko sila Josek nagsasabi daw ng totoo. Maaaring kumalat ito."
Muli kong naalala ang nangyaring tawanan kanina nila Mike at Josek habang nagpa-practice kami. Kinilabutan akong ako pala ang dahilan kung bakit sila nagtatawanan. Naalala ko rin nang magsalita ako ng "give me another chance " muli silang nagtawanan at inulit pa iyon Joshua. Bigla akong nakaramdam ng pagka-insulto at pagkapahiya. Ngayon ko lang naramdaman.
Lalo akong sumabog nang maalala ko ang anak ng pastor kanina nang makasalubong ko. Sinabihan ako nitong tumataba ako at parang hiyang ako sa kung ano. Naluha ako. Kaya pala ganun nalang ang pagkakasabi niya sa akin ay dahil may alam siya. Para akong nahulog sa bangin sa pagkaka-upo ko. Pinag-uusapan nila ako. Sino-sino na ba ang nakaka-alam?
Bigla akong nakaramdam ng galit. Hindi naman mangyayari ang ganito kung hindi ipinagkalat ng tatlo. Sila ang may dahilan, alam ko.
"Ano Ren?" tanong muli sa akin.
"Hindi ko alam ang nangyari. Nananaginip lang siguro ako. Wala talaga akong alam. Ang alam ko lang nagising akong nakayakap sa akin si Arvin. Gusto ko nang umuwi, cher." sunod-sunod sinabi.
Napansin kong gumalaw si Arvin sa kina-uupuan niya dahil sa sinabi ko.
"Wala rin ho akong alam dun. Ano naman kung nakayakap ako sa kanya." depensa niya para sa sarili.
Napa-buntong hininga ang choir directress.
"Masisigurado ninyo bang hindi na mauulit ang nangyari?" tanong sa amin.
Hindi ako sumagot. Nakikiramdam ako kay Arvin. Hindi rin ito nagsasalita.
"Ano?" giit ng choir directress.
"Opo." napilitan kong sagot.
Hindi ko alam kung sumagot din si Arvin. Hindi ko siya narinig. Napatingin ako sa labas sa may bintana. Madilim na pala sa labas.
"Cher, gusto ko nang umuwi." sabi ko.
Sumang-ayon ito.
Lumabas ako nang simbahan at nakita ko ang ibang young people na naghihintay sa labas. Gabi na hindi pa sila umuuwi. Naghihintay siguro sila ng bagong balita sa isip-isip ko. Diretso ang lakad ko. Parang pinag-uusapan nila ako. Parang pinag-tatawan nila ako.
Nakasalubong ko ang isang young people na nasa mid-twenties. Nagparinig.
"Ang dumi mo! Kahit malinis kang tignan at maligo ka ng ilang beses, ang dumi mo pa rin."
Dire-diretso ang lakad ko. Tinamaan ako sa narinig kong iyon. Naluha ako nang maisip kong ganun na ba kabilis kumalat ng balita? Ibig ba sabihin nun alam na rin ni pastor? Nakahiya. Nakakatakot. Gusto ko nang makalayo.
Pero naisip ko rin na buti nalang at iba ang nakita sa amin ni Arvin. Hindi ang mas malala pa roon. Pero hindi ko talaga alam na nakahawak ako sa ari ni Arvin. Natanong ko ang sarili ko kung nakapasok ba sa loob ng shorts ni Arvin ang kamay ko. Malamang nanaginip ako kung totoo talaga ang binibintang nila Josek. Gumagalaw ba kaya ang kamay ko? Kinikilabutan ako sa kahihiyan.
--------
Hindi ako sumakay. Gusto kong mag-lakad at mag-isip. Hindi ko inaasahang may tatawag sa akin. Ang kapatid ni Arvin na babae.
"Kuya Ren, uuwi ka na ba?" sigaw ni Ana Grace.
Tumigil ako at nilingon ko siya. Tumango ako ng pagsang-ayon.
"Maglalakad ka lang ba?" tanong niya sa akin nang halos isang dipa nalang ang layo niya.
"Gusto ko munang mag-lakad ngayon."
"Pasabay."
"Ano?" gulat ko. "Bakit? wala ka bang pamasahe?" tanong ko sa kanya. Bibigyan ko siya kung ganun.
"Hindi, gusto ko lang talaga maglakad din."
"Baka magalit ang kuya mo?"
"Ano ka ba kuya Ren. Hindi nga ako pinapansin nun eh. Papagalitan ka diyan."
Bigla niya akong hinila para magsimulang mag-lakad.
"Teka, sandali." pigil ko. "Sigurado ka ba?"
"Oo nga."
Nauna na siya sa akin ng ilang hakbang kaya napadali ako ng paglalakad para makasabay.
"Bakit gusto mong maglakad?" tanong ko.
"Para may kausap ka."
"Ngek." natawa ako. "Bakit mo naman naisip yun?"
"Alam ko kasi yung nangyari kanina kaya nang makita kitang naglalakad naisip kong problemado ka."
Nabigla ako sa narinig ko sa kanya. Ibig sabihin may alam din siya. Talaga nga palang kalat na kalat na ang balita. Pero thankful parin ako dahil hindi grabe ang alam nila kaysa sa tunay na nangyayari.
"So, kailangan kong mag thank you sa'yo?" natatawa ako sa kabila ng nangingilid na mga luha.
"Hindi noh. Ano ka ba? Siyempre, kaibigan ka ni kuya mmm parang naiisip ko lang kung paano pag-usapan."
Bigla akong napasagot. "Pinag-uusapan ako? Nino?" gusto kong malaman agad ang sagot.
"ahm... halos lahat kuya Ren."
"T-talaga?" para akong nawawalan ng panimbang.
"Pero wag ka mag-alala. Naiintindihan kita."
Naguluhan ako sa kanya. Paanong akong naiintindihan niya?
"Sabi ko nga sa kanila baka nananaginip ka lang." pagpapatuloy niya.
"Wala talaga akong alam."
"Ibig sabihin ba talaga kuya Ren na hindi mo alam na hinahawakan mo ang..." hindi niya masabi. "Yung ano ni Kuya."
"Paanong hinahawakan? As in gumagalaw ang kamay ko?" tanong ko nang madiin.
"Parang ganun na nga."
"Ay..." napa-tingala ako sa kadiliman ng langit sabay buntong hininga. "Ayun ba ang kumakalat?"
"Oo, kaya nga hindi sila naniniwalang tulog ka eh. Tapos si kuya nakayakap pa sayo."
"Teka, eh kung gising ako dapat tinigil ko kasi di ba nandoon sina Josek. Sila ang nakakakita eh." depensa ko.
"Yun na nga rin ang sabi ko sa kanila. Eh di sana tinigil mo yun kung gising ka. Pero alam mo kuya Ren, kahit si kuya naliligalig dahil biglang kumalat. Kaya pala hindi yun makatulog kagabi."
Bigla kong naisip si Arvin. Ibig sabihin pala na wala siyang kinalaman sa pagkalat ng balita. Naglaro tuloy sa isip ko kung paanong naliligalig si Arvin. Bigla akong nakaramdam ng awa para sa kanya.
"Ibig sabihin, kahapon pa kumalat yun?" tanong ko kapagdaka.
"Oo, si Joshua daw ang nagkwento bago daw nag-uwian. Ako nga nalaman ko nalang dahil sa txt eh."
"Grabe na yata 'to. Parang wala na akong maihaharap sa kanila." hiyang-hiya na ako.
Muli kong naisip si Arvin, kaya pala siryoso at late pa kung dumating kanina. Parang akong tanga na halos nagmamadali pang makapunta sa simbahan tapos ganun lang pala ang mangyayari. Muli akong kinilabutan.
"Kuya Ren, sandali." pigil niya sa akin.
Napatapat kami sa isang bakery.
"Bibili ako tinapay." tumawa ito. "yung ipapamasahe ko dapat, ibibili ko na lang ng tinapay."
Namili siya ng tinapay. Sa likuran niya, nadukot ako sa bulsa ng pera. Naka-kuha akong twenty peso bill. Ako ang nagbayad.
"Ikaw kuya Ren, ayaw mo?" alok niya sa akin.
"Ayoko. Nawawalan ako ng gana." nakangiti ako sa kanya nang sabihin ko iyon.
"Hala. E di, sayo na 'tong bayad ko." pinipilit niya akong kunin ang dapat na pamasahe niya.
Todo tanggi naman ako at hindi niya ako napilit.
"Sige na nga." nasabi na lang niya.
"Balik tayo dun sa isyu. Tingin mo alam na din ba nila pastor?" nangangamba ako sa isasagot ni Ana.
Nanguya ito. "Mmm malamang kuya Ren. Alam ng anak eh, malamang."
Buntong hininga. Nag-ngangalit ang mga bagang ko.
"Si tatay Nim alam kaya niya?" natatakot din akong malaman ni tatay Nim dahil napaka-istrikto nito sa simbahan. Daig pa ang pastor sa pagiging istrikto.
"Si papa? Ewan ko? Parang hindi pa."
Kahit ganoon, patuloy parin akong nangangamba. Posible kasing makarating.
Tahimik na ako hanggang sa mapatapat kami sa iskinita nila Ana.
"Ana, hindi na ako di-diretso sa inyo. Hanggang dito nalang kita hahatid ah."
"Okey lang kuya Ren, malapit na naman na eh."
"Salamat ah."
"Wala yun."
"Sige." paalam ko sa kanya.
Ngumiti lang ito at tumalikod na. Hindi pa ako nakaka-alis nang bigla itong lumingon at kumaway paalam. Ngumiti lang ako at tumango.
Sa patuloy kong paglalakad, nakaramdam ako ng kahit papaano nn hinahon sa aking dibdib. Thankful ako kay Ana sa ginawa niyang pag-sabay sa akin. Kahit masakit marinig ang mga nalaman ko, kahit papaano nalaman kong may nakaka-intindi o umuunawa ng pangyayari.
Pero saglit lang pala iyon, dahil sa muli kong pagtanaw sa mga pangyayari, nabubuo ang galit ko sa mga nagkalat ng isyu. Muling akong kinikilabutan sa sobrang kahihiyan. Parang ayaw ko ng magpakita sa lahat ng nakakaalam... kahit kailan.