Followers

CHAT BOX

Thursday, August 11, 2011

TRUE LOVE WAITS (A Time For Us) Chapter 27


"Tito Arman?..." humihingal si Jonas nang matawagan si Arman nang mahingi niya ang numero nito sa information station ng hospital. Kasalukuyan nang nasa emergency room si Arl.


"Yes, Sino 'to?"

"Tito Arman si Jonas po ito. Please, pumunta agad kayo dito sa hospital. Si Arl po, natamaan ng bala ng baril."
-----

"Bakit Arman?" takang tanong ni Juanita nang mapansing natigilan si Arman. Kasalukuyang naka-tambay ang sasakyan nila sa isang kalye. "Bakit?"

"S-si-" hindi maituloy ni Arman ang gustong sabihin. "Kailangan nating pumunta sa hospital..." 

"H-ha? Sige, ikaw ang bahala."

"S-si Arl."

Mas lalong kumunot ang noo ni Juanita sa pagtataka. Nakaramdam din siya ng biglaang kaba nang marinig ang pangalan ng anak niya. "B-bakit anong nangyari sa anak ko?"
-----

"Nasaan na si Arl?" tanong agad ni Arman nang makasalubong si Jonas sa loob ng hospital.

"Kasalukuyan na pong tinatanggal ang balang tumama sa kanya." sagot agad ni Jonas.

Hindi na nagtanong pa si Arman. Agad niyang tinakbo kung saan alam niyang naroon ang kanyang anak.

"Bakit, ano bang nangyari kay Arl? Bakit siya nabaril? Sinong may gawa?" sunod-sunod na tanong ni Juanita kay Jonas.

Parang napi-pipi si Jonas sa mga tanong ni Juanita. "S-si, si Tito Ramon po ang may gawa."

Naningkit ang mga matang lulumuha ni Juanita nang marinig ang pangalang Ramon. "Si Ramon?"

Nagulat si Jonas nang biglang tumalikod si Juanita. "Teka saan po kayo pupunta?" Mali sana ang iniisip niya.

"Gusto kong makita si Ramon at ako mismo ang papatay sa kanya."

Ramdam ni Jonas ang galit at poot ni Juanita. "Baka kung mapaano po kayo?" habol ni Jonas.

Parang walang narinig si Juanita. Dire-diretso lang siya sa paglabas ng hospital saka sumakay ng jeep na maghahatid sa kanya sa lugar ni Ramon.

Wala nang nagawa si Jonas kundi ang sumakay sa kotse ni Arl at sundan si Aling Juanita.
-----

"Aling Juanita, hindi ka papasukin dyan nang wala kang permiso." sigaw niya sa babae nang mapatapat sa gate ng exclusive village kung nakatirik ang bahay ni Ramon. "Sumakay kayo rito." Pinapasakay ni Jonas si Aling Juanita sa kotse.

Hindi na nagdalawang isip pa si Juanita. Galit na galit na siya. Gusto talaga niyang makaharap si Ramon kaya madali siyang sumakay sa kotse.

"Aling Juanita, sigurado po ba kayo sa gagawin niyo? Alalahanin niyo po muna si Arl." payo ni Jonas nang makasakay si Juanita sa kotse.

"Kung hindi mo ako ihahatid sa bahay ni Ramon, bababa na lang ako." Lumuluhang si Juanita. "Alam ko naman ang kalagayan ng anak ko, pero sa tindi ng galit ko, gusto kong makaharap si Ramon. Sobra na siya."

"Pwede naman po nating ipagpaliban muna. Ako pa mismo ang maghahatid sa inyo. Pero ngayon po kasi kailangan po kayo ni Arl."

Humagulgol na lang si Juanita sa walang maisagot. Tama ang binatang kasama niya, pero hanggat naiisip niya ang mukha ni Ramon naguumapaw ang kanyang poot sa taong iyon. Alam niyang kaya niyang makapatay sa oras na iyon. "Hindi mo ba talaga ako ihahatid?" Tinangka ni Juanitang bumama.

"Sandali po." Pinaandar ni Jonas ang sasakyan kaya hindi natuloy ang pagbaba ni Juanita. Pero imbes na ideretso papasok ng exclusive village na iyon, iniliko niya ang sasakyan at tinungo ang daan pabalik sa hospital. Napa-tingin si Jonas kay Aling Juanita. Alam niyang nagtataka ito sa ginawa niya. "Pasensya na po. Magalit na po kayo kung magagalit kayo. Ang mahalaga mailayo ko muna kayo sa panganib gaya ng nangyari kay Arl. Ako po kasi ang may kasalanan kung bakit nangyari yun kay Arl kaya ayoko naman pong may madamay pa. Pwede naman po tayong magplano."

Humahagulgol sa iyak si Juanita. Lalo na at hindi natuloy ang gusto niyang mangyari. Pero nanatili na lang siyang tahimik sa pag-iyak. Naiisip rin naman niya ang anak niyang nasa hospital. Hindi na rin niya pinakikinggan ang mga paliwanag ni Jonas.
-----

"Si Arl?" tanong agad ni Juanita nang makita si Arman sa lobby ng hospital.

"Saan kayo galing, hinahanap ko kayo?" tanong ni Arman imbes na sagutin si Juanita sa tanong nito.

Si Jonas ang sumagot. "K-kasi po Tito Arman, biglang nahilo si Aling Juanita kaya dinala ko muna sa labas para mahanginan dinala ko na rin sa canteen para makakain. Mukhang nagsasabay sabay na ang pagod, gutom...."

Bigla naman ang pag-aalala sa mukha ni Arman para kay Juanita. "Oo nga pala. Ano Ok ka na ba?"

"O-oo Arman. Kamusta na si Arl?"

"Halika na kayo, naroon na siya sa room niya. Tapos nang tanggalin ang bala sa balikat niya. Pero wala pa rin siyang malay ngayon."

Nakahinga ng maluwag si Juanita. Ganoon din si Jonas na kanina pa nakakaramdam ng pagkakonsensiya sa nangyari.
-----

"Ano? Ano sabi ni boss James?" tanong agad sa kanya ng katrabaho niya nang magkita sila sa karenderia.

"Wala naman." sagot ni Jesse habang umuupo sa isang silya paharap sa katrabaho niya.

"Akala ko mapo-promote ka na." sabay tawa ng malumanay.

"Promote? Di pa nga ako tumatagal. Si Jessica ang hinahanap."

"Ah... Bakit nga ba kasi hindi pa napasok si Jessica?"

Bumuntong hininga muna si Jesse. "Mahabang kwento. Siguro huwag na lang nating pag-usapan."

"Ikaw ang bahala." saka napatingin ang katrabaho ni Jesse sa may kalsada. "Si Sir James."

Nagulat si Jesse nang marinig ang pangalan ng boss nila. "Asan?"

"Dumaan lang. Wala na."

"Ang lakas mong manloko ah. Oorder na nga ako ng makakain ko." bahagyang napikon si Jesse.

"Totoo naman ang sinasabi ko eh." habol niya sa papaalis na si Jesse.

"Ano naman ang gagawin ng boss namin sa ganitong lugar? Imposible namang sa karenderia lang yun kumakain eh ang yaman-yaman noon. Imposible talaga." isa pang buntong hininga ang nagawa ni Jesse bago makarating sa harapan ng estante ng mga ulam.
-----

Madilim na ang kalangitan nang magkamalay na si Arl. Ngumiti ito nang makita ang mga taong nagmamahal sa kanya nang dumilat siya. Naroon si Arman, Juanita at Jonas na kapwa nagbabantay sa kanyang pag-gising. Dahil sa hindi pa magaang pakiramdam, muling pumikit si Arl.

"Hayaan na muna natin siya." sabi ni Arman sa lahat. "Hayaan na muna nating sulitin niya ang pagpapahinga. Alam kong hindi pa maganda ang pakiramdam niya. Ang mahalaga alam nating maayos na siya."

Hinawakan ni Juanita ang kamay ng anak. Natutuwa siyang makitang nagdilat na ang kanyang anak.

Tinuon ni Arman ang pansin kay Jonas. "Jonas, siguro sabayan mo na lang muna si Juanitang kumain sa labas."

"O-opo, sige po." sagot agad ni Jonas.

"Ay Arman, hindi pa naman ako nagugutom. Dito na lang muna ako." agad niyang tanggi. "Siguro, ikaw na muna ang magpahinga, kumain. Alam kong nagugutom ka na. Hindi ka pa kumakain simula kanina."

Gusto sanang tumutol ni Jonas sa mga sinabi ni Juanita na kumain na daw ito. Dahil alam niyang hindi totoo iyon. Kasinungalingan lang pagsasabi niya na kumain sila sa labas kanina. Pero hindi na niya ginawa dahil baka kung ano ang malaman ni Tito Arman tulad ng pagtatangkang pumunta sa bahay ni Tito Ramon niya.

"Sige. Lalabas na lang muna ako." sagot ni Arman. "Pero, pagbalik ko may dala akong pagkain sayo."

"Sige." sagot ni Juanita.

"Tayo na Jonas." yaya ni Arman.

"Sige po."
-----

"Na-miss ko ang loko ah." nangingiting si Jesse habang nag-aabang ng sasakyan pauwi ng makalabas sa trabaho. Paparahin na sana niya ang jeep nang may tumawag sa kanya. Agad siyang napalingon. "Jonas?" Hinintay niyang makalapit sa kanyan si Jonas.

"Bakit? Ako nga. Kahapon lang ako nawala parang maka-Jonas ka..."

"Eheh... Nagulat lang po kasi ako. Iniisip ko kasing hindi ka ngayon magpapakita tapos bigla kang sumusulpot. Sorry lang."

Ngumiti ng maluwang si Jonas. "Nandito ako."

"Malamang." nakatayo ka sa harapan ko eh. "Sakay na tayo?"

"Sige para ka na ng jeep."

Napansin ni Jesse ang bahagyang pagiging matamlay ni Jonas. "B-bakit parang matamlay ka? Pagod ka na siguro?"

Ngumiti si Jonas. "Sa bahay na lang siguro ako magkukwento, Jesse." inakbayan niya si Jesse.

"Hmm siguraduhin mong hindi nakakalungkot yan ah? Ang mukha mo..."

Natawa si Jonas. "Huwag kang mag-alala hindi ako makikipag-break sayo. Pero medyo may nakakalungkot lang sigurong kwento. Ewan ko, kung malulungkot ka nga. Teka, bakit ba puro lungkot?" natawa si Jonas sa napansin niya.

"Sakay na tayo." nang makawayan ni Jesse ang jeep.
-----

"Oh nasaan si Jonas?" tanong ni Juanita kay Arman nang bumalik ito nang wala si Jonas. "At ang bilis mo naman yatang kumain?"

"Si Jonas, umuwi na lang. Babalik na lang siya. Inihatid na rin sa bahay ang sasakyan ni Arl. Yung kotse ko na lang ang gagamitin natin. Hindi pa naman ako kumakain. Mas gusto kong sabayan mo akong kumain. Heto, pangdalawa ang inorder kong pagkain. Naghanda na rin ako ng makakain ni Arl kapag nagising."

Napa-ngiti si Juanita sa pagiging maaalalahanin ni Arman. "Salamat."

"Pero matanong ko lang, may balak ka bang umuwi mamaya?"

"Hindi na. Bukas na lang siguro. Hihintayin ko munang magising si Arl para makausap ko naman."

"Ikaw ang bahala. Sige kain na tayo." yaya ni Arman.

Tumango si Juanita.
-----

"Alam mo Jonas, hindi na naman umuwi si Marco kanina." pahayag ni Jesse nang makapasok sila sa bahay.

"Huwag mo na munag asahang uuwi si Marco." sagot ni Jonas habang inihulog ang sarili sa mahabang sofa. "Napagod talaga ako, Jesse."

"S-si Marco nga ba ang tinutukoy mo?" paninigurado ni Jesse.

"Oo."

"Bakit? Paano mo nalaman?"

Suminghap ng napakaraming hangin si Jonas bago muling nagsalita. "Tumabi ka muna kay papa Jonas, dali para mabawasan ang pagod, dali." lambing ni Jonas kay Jesse na nakatayo sa harapan niya.

"Eh kung ihagis ko kaya sayo 'tong bag?" biro ni Jesse.

"Gagawin mo talaga?"

Natawa si Jesse. "Hindi." Saka siya tumabi kay Jonas sa pag-upo. "Ano ba iyon? Gusto ko nang malaman."

"Makinig kang mabuti, at huwag mabibigla sa mga malalaman mo. Ok."

Kunot-noong napa-tango si Jesse.

"Ganito kasi yun. Naalala mo si Aling Juanita, nanay ni Jessica?"

"Oo."

"Di ba nakita natin siya, isang gabi kasama si Tito Arman. Hinahanap niya si Jessica di ba?"

"Oo." matamang nakikinig si Jesse.

"Naging kabit iyon ng Tito Ramon ko."

"Teka, teka. Kailangan ko bang malaman pa yan? Parang... nakikichismis naman ako."

Natawa si Jonas. "Kailangan, saka... para malaman mo na rin ang ibang parte ng pagkatao ko. At dito ko sinisimulan dahil malaki ang kinalaman dito ni Jessica, at ng kaibigan mong si Marco."

Nanlaki ang mga mata ni Jesse. "Sige makikinig na lang ako." Nakaramdam siya ng kaba ng malamang may koneksyon si Marco sa ikukwento ni Jonas.

"Yun na nga. Naging kabit ni Tito Ramon ko, ang nanay ni Jessica. Ang relasyong iyon ang naging dahilan kung bakit nangaliwa rin ang nanay ko. Saka ako nabuo."

Pigil ang hininga ni Jesse sa nalalaman. Napapatango na lang siya.

"Anak ako sa ibang lalaki, pero lumaki ako sa poder ng ama-amahan kong si Tito Ramon." nagpatuloy si Jonas. "Nabuntis ni Tito Ramon si Juanita, ang anak ay si, Jessica."

Gulat na gulat si Jesse sa narinig. Hindi niya na-get kanina na maaaring may koneksyon nga si Jessica kay Jonas. "Pero hindi kayo magkapatid?"

"Hindi. At may kakambal pala si Jessica na nagngangalang Arl, na ngayon lang nalaman ni Aling Juanita."

"H-ha?" lalong nangunot ang noo ni Jesse. "Hindi ko makuha."

"Kambal ang anak ni Aling Juanita, pero hindi niya alam. Kinuha ni Tito Arman ang isa nang hindi nalalaman ng ina. Ngayon lang sinabi ni Tito Arman ang katotohanan. At si Marco-"

"P-paano si Marco nasali?"

"Walang sinasabi sayo si Marco kung ano ang trabaho niya dahil ayaw niyang malaman mo ang uri ng trabaho niya. Tauhan siya ni Tito Ramon na nakilala ko noon sa pangalang Omar. Sinusunod niya ang mga utos ni tito Ramon, sa ganoong paraan siya kumikita, Jesse."

"A-anong inuutos? Papaano?" naguguluhang si Jesse.

"Ang pumatay, Jesse. Kaya nga gusto na kitang mailayo kay Marco dahil baka dumating ang araw na madamay ka pa. Kung sa akin ka sasama Jesse, sisiguraduhin kong ligtas ka. Pangako, wala akong kinalaman sa masamang gawain ni Tito Ramon. Hiwalay na ako sa kanya."

Natahimik si Jesse. Nanginginig siya. Nakakaramdam siya ng takot. Bigla niyang naiisip na nalalagay siya sa panganib.

Nagpatuloy si Jonas. "At ang huling trabahong ginawa niya ang patayin si Jessica."

Kung gaano nagimbal si Jesse sa unang mga narinig niya ay mas lalo ang naramdaman niya nang marinig iyon kay Jonas. "S-sigurado ka ba sa sinasabi mo, Jonas?"

"Oo, Jesse."

"S-si Jessica? Huwag  mong sabihing..." hindi namalayan ni Jesse ang tumulong luha.

Inalo ni Jonas si Jesse. Hinimas niya ang likod nito. "Sa ngayon wala pang balita kung nagawa nga ni Marco ang patayin si Jessica, dahil pareho silang hindi pa bumabalik. Di ba magka-kilala na sila ni Jessica?"

Tumango si Jesse. Saka niya naalalang minsan ay nasabi ni Marco na kung maari ba niyang ligawan ang babae dahil nagandahan siya rito kahit sa una palang nilang pagkikita.
-----

Kinabukasan, hindi na napigilan ni Arman ang sarili pagkatapos niyang masiguradong ayos na si Arl. Pinuntahan niya si Ramon kung saan alam niyang naroon ito. Sa bahay mismo nito.

"Ramon, lumabas ka diyan?" sigaw ni Arman sa labas ng gate.

"Sir, wala po si Sir Ramon dito." sabi ng kasambahay na nakasilip sa siwang ng gate dahil sa takot kay Arman.

"Alam kong nandyan siya. Idedemanda ko ang amo kapag hindi siya lumabas."

Mas lalong natakot ang kasambahay kaya sinarado nito ang gate at muling pumasok sa loob.
-----

"Si Tito Arman po?" tanong ni Jonas nang makabalik siya sa hospital kinabukasan.

Napa-tingin si Juanita kay Arl.

"Kamusta ka na pala Arl?" masayang bati ni Jonas nang mapansing gising na si Arl.

"Ok na ako pare." sagot ni Arl.

Halata pa rin ni Jonas na hindi pa lubusang nakakabawi ng lakas si Arl.

"Ah... Jonas pwede ka bang maka-usap sandali?" si Juanita. "Doon muna tayo."

"S-sige po. Arl sandali lang ah, kakausapin daw ako ng mama mo."

"Sige lang pare." sagot ni Arl.

"Anak saglit lang ha?" si Juanita kay Arl.

"Opo Ma."
-----

"Gusto kong puntahan si Arman."

"So... ano po ang maitutulong ko?" tanong ni Jonas.

"Hinahanap niya ngayon si Ramon. Baka may mangyaring masama sa kanya."

Nagulat si Jonas. "Kailangan ko palang sundan si Tito Ramon."

"Hindi, ako ang susunod. Gusto ko ring makaharap si Ramon. Pakiusap. Ikaw muna ang magbantay kay Arl. Aliwin mo siya. Kailangan hindi isiping hinaharap namin ng tatay niya si Ramon."

"P-pero Aling Juanita."

"Huwag mo na akong tutulan, pakiusap."

Saglit pang kumbinsihan, napagawa na lang si Jonas ng isang letter na para makapasok si Juanita sa loob ng exclusive subdivision. "Ito po ang ipakita ninyo sa guard. Kayo na lang po ang mag-alibi kung ano ang kailangan niyo sa address na iyan. Sige po, mag-ingat po kayo."

"Salamat Jonas. Ikaw muna ang bahala kay Arl ha?"

"Opo, makakaasa po kayo."
-----

"Si Mama?" tanong ni Arl nang makabalik si Jonas.

"Hindi na siya nakapag-paalam sa iyo. Babalik daw agad siya, umuwi lang sa bahay niya saglit."

"Ah.. Ok lang. Kanina ko pa nga pinauuwi. Sabi ko OK lang ako na maiwan muna."

"So narito na ako, kaya pwede na nga siyang umalis muna." sinundan ng tawa ni Jonas ang sinabi.

"Mabuti nga iyon. Nag-aalala nga rin ako sa kanya."

"Pero kamusta na ang pakiramdam mo? Nag-alala talaga ako sayo. Maraming salamat at utang ko sayo ang pangyayari." siryosong pahayag ni Jonas.

Napa-ngiti si Arl. "Wala yun pare, alam ko naman na kung ako ang nasa katayuan mo, ganun din ang gagawin mo. Ang hindi lang inaasahan dun huli na ang paghila ko sayo, kaya minalasmalas." sabay tawa. "Pero wala na iyon."

"Maraming salamat talaga."

"Sige na nga tatanggapin ko na pasasalamat mo, para hindi ka na uli mag-thank you."

Natawa si Jonas. "Sige."
-----

"Ramon, lumabas ka dyan. Hayop ka, gusto mong patayin ang anak ko. Ikaw ang papatayin ko." Kumuha ng malaking bato si Arman at hinagis iyon sa kabilang pader. Narinig pa niya ang kalabog sa likod ng pader na iyon nang bumagsak ang bato. Kumuha uli siya ng bato at saktong ihahagis na sana niya ang pagdungaw ng kasambahay na halatang nag-iingat at takot na takot.

"Sir, nakakabulahaw na po kayo. Tatawag na po kami ng security kapag hindi kayo tumigil."

Parang asong galit na galit si Arman. "Wala akong pakialam. Ang amo mo ang idedemanda ko kapag hindi lumabas."

Muling isinara ang gate. Saka inihagis ni Arman ang hawak niyang bato. Narinig pa niyang magkasabay ang kalampog ng bato at ang sigaw ng kasambahay. Hindi pa nakuntento si Arman naghanap uli siya ng bato maihahagis sa kabilang pader. "Walang akong pakialam sabihan man akong walang pinag-aralan masigurado ko lang mapapatay ko lang ang hayop na yun."

Naka-porma na si Arman para ibato ang hawak nang maluwang na bumukas ang gate.
-----


www.facebook.com/BGOLDtm



7 comments:

Anonymous said...

nice,,,, kaya lang bitin much,ayaw pa kcng sumama kay jonas c jesse eh, cno kayang lumabas,,,,,,,,,,,,,jack21

Shigyou said...

super complicated ung details sa story kaya hindi ka agad makakapag conclude ung ano ung ibang mangyayare .. Hahahaha nice one kuya !

wastedpup said...

Looking forward sa nxt chapter. Galing ng pagkakadugtong dugtong at pagakaka tagpi tagpi ng mga detalye. Keep it up ash. Ingatz!

ram said...

walang gaanong kaganapan. next na uli.
hehehe

mat_dxb said...

parang teleserye! daming plot at twist:) d nkakabagot basahin. request ko lang more of jonas-jesse scenes:) pero mukhang matagal tagal pa bago matapos itong series:) I must say isa ito sa mga fave ko. keep it up!

mat_dxb

RJ said...

wow sir!!! mukhang malapit na talaga ang "the end". :D exciting na ang lahat.

keep it up sir! :)

Anonymous said...

nice one Tito Arman.. hehehe

kumusta nman kaya sina Jessica at Marco?? hmmm..

superb!!

God bless.. -- Roan ^^,