Followers

CHAT BOX

Sunday, May 29, 2011

TRUE LOVE WAITS (Someday, I Will Understand) 8

Binabagtas na ni Jesse ang madilim na iskinita pauwi nang maalalang papasalubungan na lang niya si Marco. Nang mapa-tapat siya sa pintuan agad niyang napansin na naka-kandado ang pinto.

"Ibig sabihin umalis si Marco. Pero saan naman siya pumunta?" ang tanong niya sa kanyang sarili habang binubuksan ang pinto. "Baka pumasok. Pero nangako siyang hindi papasok sa trabaho?" naguguluhan talaga siya.

Madilim na paligid ang bumulaga sa kanya nang mabuksan ang pinto. Kinapa niya ang switch ng ilaw para magliwanag. Hinagis niya ang dalang bag sa kawayang sofa at umupo pasalampak dahil sa nararamdamang pagod. Inaantok na siya. Nagtanong sa kanyang isipan kung ano kaya ang nangyari kay Marco.

Nagtuloy siya sa sarili niyang kwarto para duon magpatuloy ng pagpapahinga. Naghubad siya ng kanyang uniporme at nagsuot ng sando.  Hinayaan na lang niyang walang suot pang ibaba maliban sa kanyang suot na brief.

Pagkahigang-pagkahiga, naalala ni Jesse ang hindi inaasahang pangyayari kanina sa isang restaurant sa harap ng kanyang pinag-tatrabahuan.

"Ang bait ni Jonas. Hindi ko talaga inaasahan ang kanina. Nagulat talaga ako nang makita ko siya. Akalain mo yun isang linggo na ang nakakalipas nang makisabay ako sa kotse niya dahil malakas ang ulan... tapos heto, muli kaming nagkita. Nakakatawa talaga. At hindi lang iyon, nakakahiyang ako pa ang inilibre sa halip ako ang gumanti ng aking pasasalamat. Kailan kaya kami muling magkikita?"

Naipikit ni Jesse ang kanyang mga mata pagkatapos noon. Hindi niya namalayang sa pagbabalik-tanaw niya ay naka-tulog na pala siya.
-----

Kanina pa laman ng isip ni Jonas si Jesse na bago niyang kaibigan. Sa daan pa lang, habang nagmamaneho siya ng kanyang sasakyan ay palagi na siyang nangi-ngiti habang inaalala ang hindi inaasahang pagkikita nilang dalawa. Natutuwa siya kay Jesse dahil habang kaharap at kausap niya ito kanina ay palaging natutulala ito.

Iyon ang pinagtataka niya kung ano ang iniisip ni Jesse habang naka-titig sa kanya. Hindi naman siya nakaramdam ng pagka-insulto o takot na baka nag-iisip na ito ng hindi maganda sa kanya. Natutuwa pa nga siya sa kakatwang ikinikilos ni Jesse.

Sa totoo lang nasasayahan siya kapag kausap niya si Jesse. Parang laging ang lalim ng iniisip. Kapag nagsalita naman, expected naman ang mga salitang binibitawan.

Pero ang higit sa lahat, ramdam niyang hindi masamang tao si Jesse. Kitang-kita kay Jesse ang pagiging mabait na tao. Kaya kahit sa saglit na pagkakakilanlan eh, nagawa niya agad magtiwala.

Naipasok na ni Jonas ang kanyang sasakyan at bumaba para muling isarado ang gate ng bahay pero ang ngiti kanina pa ay hindi nawawala.

Dire-diretso si Jonas sa kwarto at naghubad. Naka-sanayan na niyang kada-umuuwi ay naglilinis ng katawan. Pumasok siya sa banyo sa loob mismo ng kanyang kwarto. Sa labas niyon ay kitang-kita ng paligid ng kwarto si Jonas kung paano nagpakasaya sa buhos ng tubig sa kanyang katawan.
----

Palabas na si Jesse sa bahay para pumasok nang mabungaran niya si Marco sa harap ng pinto. Napansin niya ang pamumula nito. Halatang nakainom ngunit nasa katinuan pa.

"San ka galing?" tanong agad ni Jesse.

"Ha? Sa trabaho. Tinawagan kasi ako." sagot nito.

"Ganoon ba?"

Tinangka na ni Marco na pumasok ngunit muntikan na itong mabuwal.

"Teka, aalalayan kita. Parang hindi mo kaya." salo ni Jesse sa kanya.

"Hindi. Medyo nagdilim lang ang paningin ko nang magbaba ako ng tingin." katwiran ni Marco.

"Bakit kasi dito pa tayo nag-uusap sa labas." sisi ni Jesse.

Natawa si Marco. "Ewan ko sayo. Nakaharang ka sa daan eh."

"Ayun na nga eh." natawa na rin siya.

Nang nasa sala na sila ay saka muling nagsalita si Marco.

"Sige na pumasok ka na, baka ma-late ka pa."

"Sigurado ka bang kaya mo?"

"Oo naman. Tsaka pasensya na."

"Wala yun." naintindihan ni Jesse kung bakit ito humingi ng pasensya. "Naiintindihan ko kaya lang nagtaka lang talaga ako kagabi."

"Pasensya na talaga hindi ko inaasahang tatawagan ako. Kailangan kasi ako ni Bossing."

"Next time na lang."

"Oo ba."

"Sige papasok na ako. May pagkain na doon. Kain ka na muna bago magpahinga."

Pagkatapos noon ay nagpaalam na si Jesse.

Naiwan si Marco na sumasakit ang ulo dahil sa nainom. Gusto niyang magtimpla ng kape.
-----

Nagmamadaling lumabas si Jonas ng bahay at dahil doon ng ilang beses na nahulog ang susi ng sasakyan. Pinaandar niya ang sasakyan. Bigla niyang naalalang sarado pa pala ang gate.

"Shit, ang tanga ko naman." pagalit niya sa sarili.

Dali- dali siyang bumaba para buksan iyon. Muli siyang sumakay sa kotse na patuloy ang makina sa pagtakbo. Nang mailabas ang sasakyan muling bumaba at isinara ang gate.

Muli na naman siyang sumakay sa kanyang kotse. Doon, saka niya lang naibulalas ang inis.
Ramdam niya ang hirap ng nag-iisa.


"Sa paglabas pa lang ng sasakyan hirap na ako. Paano na yan?"

Plano niyang magpunta sa opisina ng kanyang ninong. Binagtas niya ang daan patungo roon para humingi ng pabor.

Napa-tingala siya sa taas ng building kung saan naroon ang kanyang sadya. Idineretso na niya sa parking lot ang kanyang sasakyan. Sinimulan na niyang tunguhin ang opisina ng kanyang ninong.

Nasa elevator pa lang siya ay kung ano-ano na ang ini-expect niyang gustong mangyari. Hanggang sa magbukas ang pinto ng elevator sa 34th floor ng building, ay naka-silay na agad sa mga labi ang ngiti. Gusto niyang maganda ang dating niya pag nakita ng kanyang ninong.

Tinungo niya ang desk ng secretary sa labas ng office.

"Miss, si ninong busy?" tanong ni Jonas sa sekretaryang naka-yuko dahil abala sa harapan ng loptop nito.

"Sir Jonas?" paimpit na tili ng sekretarya. "Wala, walang ginagawa si Mr. Robledo."

"Ganun ba? So, maari na ba akong pumasok?"

"Wait lang Sir, ipapaalam ko lang sa kanya na narito kayo." tumalikod ang sekretaryang nagpapa-cute.

Lihim na natawa doon si Jonas. Mabilis lang rin naman ang pagbabalik nito. At tulad ng dati, nagpapa-cute parin ito.

"Okey na Sir Jonas."

"Salamat."

Pumasok na siya sa opisina ng kanyang ninong.

"Ninong." tawag niyang may kasabikan.

"Jonas. Kamusta ka na?"

"Ito, nangangailangan na naman."

"Bakit ba kapag may kailangan ka ako lagi ang nakikita mo?" natatawang sabi ng kanyang ninong.

"Siyempre kayo na ang tinuturing kong Dad. Alam mo na naman yun eh."

"Oo naman, pero ano naman ang sadya mo ngayon?"

"Ninong baka pwede mo akong bigyan ng trabaho dito sa kumpanya mo?"

"Ano?" nagulat ang kanyang ninong sa sadya nito. "Bakit dito ka naghahanap ng trabaho? "

"Gusto ko kasing magkatrabaho." parang bata siyang humihingi ng pahintulot sa magulang.

"Anong trabaho? Wala namang hinahanap na bagong empleyado ang kumpanya."

"Kahit ano ninong. Okey lang sa akin."

"Hindi naman ata magandang tignan iyon Jonas? Kilala ka dito, ano na lang ang sasabihin ni Ramon niyan pag nalamang naandito ka at nagtatrabaho kasama ng ordinaryong empleyado."

"Ninong alam mo namang walang pakialam sa akin si Dad eh."

"Kahit na. Ako, ayokong makita kitang nagtatrabaho sa ganoon. Bakit ba kasi? Bakit hindi ka lang mag-tayo ng business mo? Im sure hindi mo naman naubos sa kaka-gala mo ang iniwan sayo ng iyong tunay na ama?"

"Yes ninong pero ang gusto simpleng trabaho. Ayoko magtayo ng business."

Natahimik ang ninong niya sa narinig mula sa kanya.

"Kung ganoon lang pala ang gusto mong mangyari sa buhay mo, bakit hindi ka sa kuya mo humingi ng trabaho? Kabi-kabila na ang pinatatayo."

"Hindi naman papayag yun."

"Jonas." parang hindi alam ng ninong niya kung paano pagpapaliwanagan siya. "Sa ngayon wala pa akong kailangang bagong empleyado." ang nasabi na lang.

"Ninong?" may katuwaan sa tono ng boses ni Jonas.

"Maghintay ka na lang."

Saglit na natahimik si Jonas at nag-isip.

"Sige pero bilisan mo. Baka hindi na ako makapaghintay." sabay tawa.

"Ang bata 'tong talaga. Alam na hindi ko siya matitiis."

"Alam na alam ko talaga iyon. Ninong huwag mong sasabihin kay kuya na pumunta ako dito at humihingi ng tulong."

"Oo na alam ko."

"Salamat." nayakap niya ang ninong niya dahil doon.

Bigla na lang may dinamdam ang kanyang ninong sa may dibdib.

"Jonas, iho. Paki-kuha mo nga muna yung gamot ko sa drawer."

"Sang drawer ninong?"

Itinuro ng ninong niya ang drawer sa kabilang side.

"Sige ninong." pina-upo muna niya sa swivel chair nito ang kanyang ninong.

Nang makuha na niya, iniabot niya ito sa matanda at kumuha ng tubig. Nang maka-inom ang matanda, maya-maya lamang ay nawala na ang iniinda nitong sakit.

"Ninong bakit nangyari iyon sa inyo? Anong sakit ninyo?"

"Ganoon lang talaga ang matatanda na Jonas." sabay tawa ito.

"Ninong?" ayaw ni Jonas ang sagot ng ninong niya.

"Huwag mo akong intindihin bata ka. Sige na, ano pa ba ang kailangan mo?"

"Wala na po."

"Kung ganoon, ipagpapatuloy ko nang ayusin yang mga papeles sa lamesa ko."

"Sigurado ba kayong okey na kayo?"

"Oo naman. Tatawagin ko naman ang sekretarya ko."

"Sige po. Aalis na ako. Basta ang promise ninong?" paalala ni Jonas.

"Hindi ako nag-promise." nagbibiro ang matanda.

Pero nagtuloy na sa pagtalikod si Jonas. Hinatid na lang siya ng matanda ng ngiti.

Sa paglabas ni Jonas pinaalalahanan niya ang sekretaryang magbantay sa karamdaman ng boss niya.

Lumabas si Jonas sa building na iyon na nag-aalala para sa kanyang ninong. Ngayon nya lang ito nakitang nag-inda ng sakit. Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Kinabahan siya ng wala sa oras. Alam niyang hindi iyon para sa kanyang ninong kundi sa ibang bagay.

Naisipan niyang magpunta sa isang kilalang drug store. Bibili siya ng gamot.
-----

"Jesse." tawag ni Jessica nang magtanghali.

Lumingon si Jesse kung saan nagmula ang pagtawag sa kanyang pangalan.

"Bakit?" tanong ni Jesse nang makita si Jessica.

"San ka kakain?"

"Sa karenderia diyan malapit."

"Pa-sabay ako."

"Wala kang baon?"

"Oo. Tinanghali kasi ako ng gising eh."

"First time mong sumabay sa akin ha." natuwa doon si Jesse.

"Oo nga eh."

"Tara."


"Alam mo masarap ang pagkain dito. Sigurado ako mawiwili kang kumain dito." sabi ni Jesse nang mapatapat na sila sa karendiriang tinutukoy niya kanina.

"Talaga?"

"Oo. Ikaw kasi. Ayaw mong sumabay. Eh ano naman kung hindi ka bibili."

"Nahihiya kasi akong maki-sabay sa  inyo tapos ang ulam ko minsan tinapa."

"Masarap kaya yun. May tinda rin namang tinapa diyan. Malay ba nila kung saan mo binili yun."

"Sige try ko ng sumabay sayo sa tanghalian."

"Yun. Nakaka-boring kasi pag nag-iisa ka lang kumakain."

"Ganoon? Kaya pala nung una pilit mo akong niyayaya ha?" tumawa itong parang nanunuya.

"Hindi naman."

"Eh bakit hindi ka maki-sabay sa iba?"

"Wala lang."

"Tignan mo 'to. Ako halos hilahin mo noong nakaraang linggo tapos sa iba pala ayaw maki-sabay."

Natawa lang si Jesse.

Natigil ang usapan nila nang pumupili na sila ng ulam. Nang makapili na sila, sinabihan ni Jesse si Jessica na mauna sa table kung saan sila pupwesto para hindi sila maubusan dahil sunod-sunod na ang pagpasok ng mga tao para kumain.

"Halika kain na tayo." bungad ni Jesse nang makarating sa pwesto nila.

"Sige." tinulungan ni Jessica si Jesse sa paglipat ng laman ng tray sa lamesa. "Share tayo sa ulam ko ha?"

"Sige."

"Alam mo Jesse. Nagyon lang uli tayo nag-usap no? Pagkatapos nang pilitin mo akong sumabay sa yo sa pag-kain hindi na tayo madalas makapag-usap."

"Ganoon ba?" at inalala ni Jesse ang nakaraan. "Oo, isang sobra na sa isang Linggo."

Sinimulan na nila ang pagsubo.

"Masaya ka sa trabaho natin?" maya-maya ay tanong ni Jessica.

"Oo naman. Bakit mo naitanong?" nagtaka si Jesse.

"Kasi. Sa totoo lang snob yung mga ibang babae sa akin. Ramdam ko."

"Wag mo silang intindihin. Hindi naman sila ang magbibigay ng sweldo mo."

Natawa si Jessica sa sinabing iyon ni Jesse. Tumahimik na lang siya at nagpatuloy sa pagkain.
-----

Pagkatapos bumili ng gamot ni Jonas sa kilalang drug store, ay nagpa-ikot-ikot ito sa isang mall na malapit lang sa kumpanya ng ninong niya. Gusto niyang magpalipas ng oras. Wala naman siyang matipuhan bilhin kaya nag-gala lang siya doon. Doon na rin siya inabot ng gustom.

Kahit nakakain na, hindi pa rin alam ni Jonas ang gustong gawin. Nababagot talaga siya. Nagpunta siya sa movie theatre pero wala naman siyang magustuhang bagong pelikula para doon mag-aksaya ng oras. Minabuti nalang niyang magbalik sa sasakyan.

Sa loob ng sasakyan, hindi naman niya mapaandar ito. May kung anong pumupigil sa kanyang katawan para paandarin ang makina nito. Parang meron siyang gustong gawin na hindi niya matumbok kung ano iyon.

Naisip niyang umuwi na lang pero hindi naman sumasang-ayon ang katawan niya.

Maya-maya ay napa-andar na rin niya ang  kanyang sasakyan.

Nasa daan na siya. Ma-traffic na naman. Bigla niyang napansin ang iskinitang pinasukan niya dati. Kung saan hindi inaasahang nakita niya ang isang lalaking basang-basa na sa ulan dahil walang masakyan. Si Jesse ang tinutukoy niya. Ang bago niyang kaibigan.

Napa-ngiti siya nang maalala iyon.

"Akalain mo nga naman." ang tinutukoy niya ang pagkikita nila ni Jesse.

Hindi niya napapansin na binabagtas na niya ang daan kung saan sila muling nagkita ni Jesse. Sa isang restaurant malapit sa pinag-tatrabahuan ni Jesse. Nang mapatapat ang sasakyan niya sa restaurant na iyon ay tinanaw niya iyon na para bang makikita niya ang bagong kaibigan doon sa loob.

Parang nakaramdam siya ng lungkot nang makalagpas na ng tuluyan ang kanyang sasakyan na walang Jesse siyang nakita.
-----

Tapos na si Jesse at Jessica sa kanilang panang-halian. Palabas sila ng karendirya ng may napansin si Jesse.

"Parang kotse iyon ni Jonas." namutawi sa bibig ni Jesse nang mapansin ang sasakyang dumaan sa kanilang harapan.

"Ha? Anong sabi mo?" tanong sa kanya ni Jessica na hindi naintindihan ang sinabi nito.

"Wala." pagkukunwari ni Jesse.

Habang naglalakad pabalik sa pinag-tatrabahuan, gumagana ang isip ni Jesse sa napansin kanina.

"Parang sasakyan talaga ni Jonas iyon. Baka kapareho lang." 

Pagkatapos noon ay sinuway niya ang kanyang sarili na huwag ng isipin pa iyon.

"Jesse, salamat ha? Nagustuhan ko talaga doon. Tama ka. Hayaan mo sasabay na ako sa yo lagi." pagkatapos sabihin iyon ni Jessica ay tumalikod na ito at pumunta sa locker room para magre-touch.

Sasagot pa sana noon ni Jesse ngunit mabilis na itong nawala sa kanyang paningin.
-----

Nasa bahay na si Jonas. Nakahiga sa kanyang kama. Patuloy pa rin sa kanyang isipan ang pangalang Jesse. Balak niyang puntahan si Jesse sa pinapasukan nito. Pero pilit na tumatanggi ang ibang bahagi ng kanyang isip.

"Pero ang aga pa para pumunta doon. Siguradong kasalukuyan itong nasa oras ng paggawa." parang bumagsak ang kung ano sa kanya nang maisip na hindi maaring magtungo siya roon sa ganitong oras.

"Mamaya. Tama, mamaya na lang. Pupuntahan ko siya mamaya."

4 comments:

android said...

and here comes the feeling :)))

hahaha ... cute ng love story nitong dalawang ito XDD

next chapter na po :))

Anonymous said...

ang cute nga hehehe. parang gusto mo laging mabasa ang kasunod. kakatuwa ang 2 bida. nice one bro. keep it up



jack21

Anonymous said...

ehehehehe kakakilig, kakaexcite... post n ung chapter 9 pls... araw araw sana lagi ang post... para mabilis ang upadate... nice :)

aR said...

yan ang tinantawag na love sickXD

patay can't get over about him na si Jonas