Kunot-noong napa-tingin si Justin sa kanyang sekretarya. Nagtaka naman ang kanyang sekretarya sa hitsura ng mukha niya.
“Bukas na lang yan.” Maya-maya ay sagot ni Justin at ibinalik ang tuon sa ibang pinipirmahan na dokumento.
Nagmamadali ang napansin ng kanyang sekretarya.
“Eh sir, kayo nga po ang nagsabing kunin ko ito eh.” Giit ng kanyang sekretarya. “Kailangan na po ito bukas ng maaga sa board meeting.”
Muli siyang napa-tingin sa sekretarya. Nagmamadali na siyang matapos dahil gusto niyang habulin si Jonas para pigilan itong umalis.
“Ilang piraso ba yan?” naitanong na lang niya na may pagka-irita.
“Almost 30 copies , sir. Kasama na dito ang para sa mga investors na pupunta sa meeting.”
“Akin na bilis.”
Pagka-abot ng sekretrya ay agad niya itong pinag-pipirmahan kahit walang pagsusuri sa kung ano ang nilalaman ng mga papel na iyon. Tutal siya rin naman ang gumawa noon. Hindi na nga niya napansin ang kanyang sekretaryang todo ang yuko nang iniaabot ang mga papers mapansin lang niya ang cleavage nito.
Asar ang sekretaryang lumabas ng opisina ng boss dahil hindi nito napansin ang pagpapansin.
“Yaya, maraming salamat ha.” Si Jonas kausap ang pinaka-mamahal niyang si Aling Koring.
“Bakit naman kasi kailangan mo pang umalis?”
“Yaya?” saway ni Jonas. “Uulit na naman tayo niyan eh.” Hindi siya galit pero ayaw na niyang muling magpaliwanag.
Alam naman ni Jonas na maiintindihan iyon ngkanyang yaya.
“Sige na, tumuloy ka na sa pag-labas. Lahat ng gusto mong dalhin nasa sasakyan mo na.” naiiyak iyo. Hindi maitatanggi ang kalungkutan.
“Salamat po.”
Tumalikod si Jonas kay Aling Koring para tunguhin ang pinto. Nang maka-lagpas sa pintuan, muli siyang humarap kay Aling Koring na kasunod niya.
“Yaya, huwag ka nang sumunod sa akin sa sasakyan. Okey lang po ba?”
“Bakit naman?” nagtatakang tanong ng matanda.
“Ayoko kasing makita kayong iiyak pag-paalis na ako.” Pinipigil ni Jonas ang emosyon.
Napa-yuko si Aling Koring.
“Sige, tama ka. Sige na… basta lagi mong iingatan ang sarili mo ha?” iyon nalang sinabi ni Aling Koring.
Naka-titig siya sa kanyang yaya. Nahihirapan siya, dahil kailangan talaga niyang umalis. Hinalikan niya sa noo ang kanyang yaya.
“Sige po. Mahal ko kayo.” paalam niya.
“Oo, ako din.”
Pagkatapos noon ay naglakad na siya papunta sa kanyang sasakyan. Pinagbuksan siya ng gwardiya para maka-labas ang sasakyan. Pigil na pigil siya sa kanyang nararamdaman habang nililisan ang naging tirahan sa loob ng 20 taon. Itinigil lang niya ang sasakyan ng makaliko siya sa kabilang iskinita at doon ibinuhos ang sakit na kanyang nararamdaman bunga ng pag-iwan sa kanyang minamahal tulad ng kanyang yaya at siyempre sa kanyang kuya na laging nagtatanggol sa kanya.
Nang maging malinaw na ang kanyang paningin at wala nang luhang umaagos sa kanyang pisgi, muli na niyang pinaandar ang sasakyan. Pupunta na siya sa bago at sarili niyang buhay.
Hindi pa rin makatulog si Jesse kahit nakaramdam siya ng pagod kanina. Maaga na nga siyang kumain para maagang makatulog ngunit ngayong naka-higa na siya para magpahinga, hindi parin siya dalawin ng antok. Buong-buo parin ang kanyang diwa na mag-isip ng kung ano-ano.
“Matutulungan ko na ang magulang ko. Sigurado. Pero syempre kailangan ko munang ibalik ang mga naitulong at maitutulong sa akin ni Marco. Ang swerte ko naman at may kaibigan akong katulad niya.”
Masayang-masaya siya habang nakatitig sa kisame.
“Bukas isang linggo na ako dito sa Maynila, hindi ko parin alam kung ano ang trabaho ni Marco.”
Naglaro sa kanyang isip kung ano kaya ang ginagawa ni Marco sa mga oras na iyon.
“Siguro, nagtatrabaho na iyon ngayon. Kanina pa kasi iyon umalis eh.” Kinakausap niya ang kanyang sarili sa kanyang isip. “Madali lang kaya ang trabaho niya? Kapag umuuwi naman siya, mukha naman siyang hindi pagod kaya lang laging amoy alak. Pero, hindi naman lasing. Pero nung isang araw dumating siya na pagod na pagod. Hindi naman lasing.” Bigla siyang naguluhan sa kanyang iniisip. “Ang gulo.”
Duon niya tinapos ang pag-iisip kay Marco. Hindi naman siya nag-iisip ng masama sa kung ano man ang trabaho nito at kung bakit hindi parin nito sinasabi kung anong klaseng trabaho ang pinapasukan nito.
Napapa-mura si Justin kapag humihinto ang kanyang sasakyan gawa ng traffic o di kaya ay may tatawid. Nagmamadali siyang habulin ang kanyang kapatid na aalis sa kanilang bahay ngayon. Ang hindi niya alam, halos kalahating oras na ang nakalipas pagkatapos umalis ng kanilang bahay si Jonas. Samakatuwid kahit anong gawin niyang pagmamadali hindi na niya ito maaabutan.
Napa-yes si Justin nang makaliko na ang kanyang sasakyan papasok sa gate ng isang executive village kung saan nakatayo ang kanilang bahay. Ilang iskinita na lang at matatanaw na niya ang kanyang tahanan for 27 years.
Nang nasa harap na siya ng kanyang bahay agad agad na binuksan ng gwardiya ang mataas na gate. Nang mabuksan ito, napa-tiim bagang siya nang hindi na makita ang sasakyan niJonas. Ang kanina niyang pagmamadali ay biglang naglaho at napalitan ng paglaylay ng balikat at biglaang nakaramdam ng pagod.
Sinalubong siya ni Aling Koring.
“Dumating ka na sir.” Bati ng kasam-bahay.
“Wala na si Jonas, nanaman.” iyon ang una niyang nasabi sa tono ng kalungkutan.
Napa-yuko si Aling Koring dahil nakaramdam siya ng kati sa kanyang mga mata. Nagbabadya ng pagluha. Ayaw na kasi niyang umiyak. Tapos na, ang pag-alis ni Jonas.
“Huwag kayo mag-alala Aling Koring, babalik din yun. Hindi yun makakatiis.” Sinabi niya iyon para hindi malungkot ang matanda. Para na din sa kanya kahit ang totoo, malabo sa kanya kung kailan magbabalik ang kanyang kapatid.
"Nahanda ko na ang lamesa. Alam ko darating ka na." pag-iiba ng usapan ni aling Koring.
"Ganun po ba?" kahit natutuwa siya sa sinabi ni aling Koring, pilit parin ang ngiti niya.
"Nagluto ako ng paborito mong ulam." hinihila na ni Aling Koring si Justin papunta sa dining table."Talaga po?"
"Kaya kumain ka na. Gusto ko uubusin mo ha?" naka-ngiti na ito sa kanya.
Natawa si Justin. "Grabe naman Aling Koring, kahit paborito ko ang niluto ninyo, eh kung isang kawali ang niluto ninyo hindi ko yun mauubos."
Napa-isip si Aling Koring at maya-maya naalala nito ang nasabi.
"Ay mali, kumain ka pala ng marami, hindi pala ubusin mo." natawa na rin si Aling Koring.
"Sumabay na po kayo sa akin."
"Sige. Pero huwag mo akong asahang kakain ng marami tulad mo ha? Mahina na ako kumain at mabagal pa."
Nagkatawanan sila.
Sa pagkakataong iyon, hindi niya hinayaang paghainan ni Aling Koring. Siya ang nag-sandok para sasarili at para sa matanda. Gusto niya kahit papaano maging maligaya ang yaya ni Jonas sa kabila ng kalungkutan nito.
Nakita kasi ni Justin kung paano minahal ni Aling Koring si Jonas tulad ng isang tunay na anak. Hindi na nga nakapag-asawa masigurado lang ng matanda na masusundan ang paglaki ni Jonas.
Kumain sila ng masagana. Pasamantalang inalis sa kanilang isipan ang pag-alis ni Jonas. Hindi man sabihin sa isa't isa dalangin nila na nasa magiging mabuting kalagayan si Jonas.
-----
Nasa harap na si Jonas sa bago niyang titirahan. Isang two story na bahay na tamang-tama sa tulad niyang gustong mapag-isa. Hindi alam ng kanyang kuya na sa kanyang palagiang pag-alis ay naka-tyempo siya ng isang bahay na gusto niyang mabili. Ito na nga ang nasa kanyang harapan.
Bumaba siya sa kanyang sasakyan para buksan ang gate ng kanyang bagong tirahan. Siyempre siya lamang ang magiging tao roon kaya wala siyang mauutusan magbukas ng gate. Iyon naman ang gusto niya, mag-solo. Nang maipasok na niya ang kanyang sasakyan, minabuti na niyang ipagpabukas nalang ang pag-pasok ng mga gamit sa loob ng sasakyan.
Gusto na muna niyang magpahinga. Hinanap niya ang susi na nakahalo sa susi ng sasakyan at iba pang susi ng buong bahay. Ipinasok niya ito sa seradura ng pinto nang makita niya. Nang mabuksan na niya, kadiliman ang tumambad sa kanya. Kinapa niya ang switch ng ilaw sa gilid ng pintuan at biglang nagliwanag ang paligid.
Nakita niya ang paligid. Kumpleto sa kagamitan. Hindi maiitangging inihanda ang lahat bago tirahan. Nagtuloy-tuloy siya at tumigil nang mapatapat siya sa hagdanan paakyat sa second floor ng bahay. Muli siyang lumingon para tanawin ang halos kabuuan ng pang-ibabang parte ng kanyang bahay.
“Ito na ang gusto kong mangyari.” Napa-ngiti siya sa naisip. Ngunit napalitan agad ng lungkot nang maalala ang kanyang yaya at kuya na siguradong nasa bahay na ngayon. Napa-buntong hininga nalang siya.
Nagpatuloy siya sa pag-akyat. Binuksan niya ang kanyang silid. Nang maka-pasok, isa-isa niyang tinanggal ang kanyang mga suot sa katawan. Balak niyang maglinis ng katawan. Lalo pa at naglalagkit ang kanyang mukha gawa ng luhang natuyo.
Nang mahubad ng lahat, nagtuloy-tuloy siya sa bathroom na salamin ang harapan. Pinasadya niya iyon bilang personal. Kung meron man na tao sa kama makikita niya ang kabuuan ng taong nasa loob ng bathroom at kung ano ang ginagawa nito doon. Maaari lamang tabingan ng curtain na plastic para magkaroon ng privacy.
Naligo siya ng mabilis maramdaman lang niya ang maginhawang pakiramdam at pagkatapos ay tutunguhin niya ang kitchen para maghanda ng kakainin.
-----
“Huwag ka nang tumulong sa pagligpit. Kami na ni Ising.” Sinasaway ni Aling Koring si Justin na tumulong sa pagliligpit ng kinainan nila. Ang tinutukoy niya kanina ay isa pang kasambahay.
“Sige na nga po.”
“Sige na umakyat ka na sa kwarto mo at magpalit ka na ng damit.” Pagtataboy ni Aling Koring.
“Sige na nga po.”
Natawa si Aling Koring dahil inulit na naman ni Justin ang kanina lang sinabi nito.
“Inulit mo lang.”
Napa-ngisi si Justin. “ Sige po aakyat na ako.” Pagkatapos ay nagpaalam na siya.
Kahit papaano nakakangiti na si Justin. Tinatahak niya ang hagdan paakyat nang maulinigan ang pagbukas ng main door. Napa-lingon siya doon. Iniluwa ang kanyang Dad.
“Dad, good evening.” Bati niya sa ama.
“What’s good in the evening?” tanong nito. Umupo ito sa sofa at inabot ang remote control ng t.v.
Hindi na maka-hanap si Justin ng sasabihin kaya minabuti na lang niyang magpaalam.
“Akyat na ‘ko Dad.” Paalam niya.
Hindi ito nagsalita.
Bago si Justin pumasok sa kanyang kwarto ay tumigil siya at nag-isip.
“Dapat ko pa bang sabihin kay Dad na wala na si Jonas? Huwag na lang.”
At pinihit na lang niya ang seradura at tuluyan ng pumasok sa kanyang kwarto. Sa loob ng kanyang kwarto, nilatag niya ang kanyang katawan. Hindi niya nagawang magpalit ng damit. Natatamad siya at ramdam niya ang pagod at antok. Hanggang sa makatulog na walang pagpapalit ng damit.
-----
“Kuya, tulong!” humihingi ng tulong sa kanya si Jonas.
Nakita niya sa isang sulok na umiiyak. Pinuntahan niya ito para alamin kung bakit ito humihingi ng tulong ngunit bago siya maka-lapit, bigla itong nawala. Hinanap niya kung saan napunta si Jonas ngunit hindi na niya makita. Lumingon siya sa kanyang likuran at nakita niyang nakalambitin si Jonas sa isang bangin at tanging baging lang ang kinakapitan nito.
Dali-dali niyang iniunat ang kanyang braso para maabot si Jonas ngunit ang layo ni Jonas para maabot niya. Napansin niyang may isang lalaki ang nasa likuran niya at gumaya sa pagkaka-ayos niya.
Iniaabot din nito ang kanyang kamay kay Jonas para tulungan. Nagulat siya nang makitang naabot ng lalaki ang kamay ni Jonas at naiahon sa bangin.
Gusto niyang kausapin si Jonas at ang lalaking tumulong dito ngunit nakita niyang padating ang kanyang ama. Alam niyang pipigilan siya ng kanyang ama na makalapit kay Jonas. Hanggang sa nagpipiglas na nga siya na makawala sa kanyang ama na unti-unting nagiging higante.
Hindi na niya magawa ang makalapit kay Jonas. Tinignan nalang niya si Jonas at ang lalaking tumulong dito. Nang matitigan niya ang mukha ng lalaking tumulong kay Jonas, parang nakikilala niya. Hindi lang niya matandaan kung saan, kailan at paano niya iyon nakikila.
Napa-sigaw siya sa pagtawag kay Jonas ng tumalikod ito kasama ang lalaking pilit niyang inaalala. Lumingon naman sa kanya si Jonas at naka-ngiti ito.
Nagising si Justin na humihingal mula sa pagkakatulog. Hindi lang isang pagkakatulog, binabangungot siya kanina.
2 comments:
wow ang dilim. hehehe
ayeeeeeeee.... akganda ng presentasyon ng event sa kwentong 2...kudos!
Post a Comment