“Dyan ba yung sinasabi mong aaplayan ko?” tanong ni Jesse kay Marco nang makababa sila ng jeep na sinakyan.
“Oo, diyan nga.”
“Marco, ang laking groceries store niyan.” manghang pagpapahayag ni Jesse nang makita ang 3J Supermarket.
“Supermarket na nga tawag diyan eh.” Pagtatama nito.
“Parang kasing laki ng SM supermarket.”
“Parang ganun na nga siguro.”
“Sigurado ka Marco na pwede ako dito?”
“Oo naman. Sigurado ako.” Tiwala ni Marco. “Alam mo bang marami na yang branch dito sa Metro Manila? Ang bilis niyan umunlad.” Patuloy na pagpapahayag nito.
Lumapit sila ng maigi sa 3J supermarket. Dalawang palapag iyon. Ang baba ay supermarket at ang taas ay opisina dahil iyon ay main branch. Marami na iyong branches sa Metro Manila. At kasalukuyang ng itinatayo ang 3J supermarket- Cavite. Kasalukuyan din ang bidding para sa Cebu at Davao.
Nasa gilid sila ng gusali. Doon sila tumayo nang makita nila ang mga nag-uumpukang mga kapwa mag-aaplay. Napansin ni Jesse ang mga manggagawa sa loob ng supermarket.
“Pareng Marco, tignan mo naman ang nasa loob ang puputi nila. Parang mapuputi lang ang tinatanggap diyan ah.” Ang tinutukoy ni Jesse ang mga saleslady, diser. “Kahit gwardiya oh, ang puti rin.” Para siyang napang-hihinaan ng loob.
“Huwag mo ngang isipin yun. Maputi ka rin naman ah.”
“Ito ba ang maputi?” itinaas pa ni Jesse ang kanyang braso.
“Maputi na rin yan. Tignan mo nga kulay ko kaysa sayo.” Pinaghambing ni Marco ang kanyang kulay kay Jesse.
“Mukha lang akong maputi dahil katabi kita.” Sabay tawa.
“Ang sama mo.” Natawa din ito. “Pero kahit na. May pinag-aralan ka naman eh. Tsaka tiwala talaga ako sayo. Kaya mo yan.”
Maya-maya ay may lumabas na isang may katandaan na at naka-pormal ang suot na damit. Parang may posisyon sa opisina ang dating. Nagsalita ito.
“Pumila na angmga mag-aaplay.” Sabi ng babae.
Parang nagkagulo, nag-unahan sa pila. Dahil hindi masyadong nakapagmadali sina Jesse at Marco medyo nasa hulihan sila napunta.
“Sampu-sampu lang ang makakapasok para makapag-exam. Pagkatapos mag-exam, susunod uli ang sampu. Ok?” muling pahayag ng babae.
May lumapit na gwardiya. Sinabi nito sa karamihan na magdalawang pila dahil mukhang aabot sa kalsada ang haba ng pila. Sumunod ang mga nasa likod kasama sina Jesse. Napunta sila malapit sa harapan.
May isang babae na nasa likuran nila Jesse ang naglakas-loob magtanong sa mukhang mataray na matandang babae.
“Maam, may tanong po ako.”
“Sige ano yun?” sagot ng babae.
“Ngayon din po ba ang result ng exam.”
Natawa ang matandang babae parang nakaka-insulto. “Ang bilis mo naman miss hindi ka pa nga nakakapag-exam. Pero oo, ngayon din ang result. O sige para malaman na ninyo na kung sino ang makakapasa sa exam ay babalik ng ala-una para sa kanilang interview. Nagmamadali kasi kaming maghanap ngayon ng mga empleyado.”
Marami ang nag-bulong-bulungan. May mga natuwa na para bang sigurado na sila na matatanggap.
Muling nagsalita ang babae. “Kaya lang mahirap ang exam.” Ngumisi ito. “Sumunod sa akin ang unang sampu.”
Binilang ng gwardiya ang unang sampu. Kaya bahagyang umusad ang pila. Napatingin si Jesse kay Marco.
“Mukhang mamaya pa ako nito makakapag-exam, pre.” Si Jesse na bahagyang lukot ang mukha.
“Okey lang yan.” Nakangiti ito.
“Paano yan, maghihintay ka pa ba?” inaalala ni Jesse si Marco, dahil hindi naman ito talaga mag-aaplay. Sinamahan lang siya ng kaibigan dahil hindi pa niya alam ang pagpunta roon.
Galing trabaho pa si Marco. Night shift kasi siya at malamang na hindi pa nakakatulog.
“Oo nga pala.” Natawa ito dahil hindi niya naalalang kailangan din pala niyang matulog. “Na-excite din kasi ako sayong makapag-aplay eh.”
“Kung gusto mo pwede ka nang umuwi para makatulog ka na. Alam ko naman na ang pauwi.”
Tumingin-tingin muna si Marco sa paligid.
“Mukha ngang matatagalan ka pa. Sng haba pa ng pila eh. Sige uuwi na ako.” Pagkatapos ay dumukot ito ng isang-daan sa pitaka. “Oh ayan, okey na ba yan?”
“Ang laki na nito, pre. Pamasahe lang pauwi.” Nanlaki ang mata ni Jesse sa isang-daan.
“Ang haba ng pila. Baka abutin ka na ng tanghalian. Para lang sigurado ka. Mamaya maisipan mong maghintay ng ala-una. Ano?”
“Sige na nga.” Tinanggap na ni Jesse ang isang-daan.
Pagkatapos magsabi ni Marco ng pampa-lakas loob at nagpaalam na ito.
Sa pagkakatayo ni Jesse nagpapasalamat siya at nagkaroon siya ng kaibigan na katulad ni Marco. Dati nag-aaral siya ng kursong business administration, naka-two years siya kaya lang pagkatapos nagsabi na ang kanyang magulang na nahihirapan na silang suportahan siya. Kaya kung pwede munang tumigil at makapag-ipon muli.
Tinanggap niya iyon ng maluwag sa kanyang dibdib dahil alam niya ang hirap ng kanyang magulang. Nauunawaan niya ang sitwasyon kaya lihim siyang nagbabalak na magtrabaho kahit nagsabi ang magulang na huwag muna siyang mag-trabaho bilang pahinga.
Hindi inaasahang magbabalik si Marco sa kanilang lugar galing Maynila. Parang sagot sa dalangin ni Jesse si Marco dahil nag-alok itong sumama sa kanya sa Maynila at doon maghanap ng trabaho. Tutulungan naman siya ni Marco.
Hiningi ni Jesse ang permiso sa magulang niya at dahil sa tulong ni Marco na makumbinsi ay pinayagan si Jesse na maka-alis. Nagka-iyakan pa nga noong araw ng alis nila Jesse at Marco.
Pina-baunan si Jesse ng kaunting salapi ng magulang. Kaya lang binigay niya iyon kay Marco para ito ang mag-buget para sa kanya. Tutal si Marco naman ang nagsabing gagastos sa paghahanap ng trabaho niya. Ilang araw bago naihatid ni Marco si Jesse sa ipinangakong aaplayan dahil lagging pagod ito galing trabaho. Nagtanong pa nga si Jesse kung anong trabaho ni Marco pero hindi ito nagsabi. At heto na nga siya. Nasa harapan ng malaking gusali kumpara sa ibang supermarket tulad ng Puregold.
Alas-nwebe na nang kasama na siya sa maaring mag-exam. iniabot niya ang dala niyang bio-data sa gwardiya bago pumasok sa loob. Namangha siya sa ganda ng opisina sa taas dahil sa 2ng floor pala sila mag-eexam. May isang kwarto na lugar kung saan sila mag-eexam. Bigla siyang nan-lamig sa lakas ng aircon.
“Ang yaman naman talaga ng may-ari nito. Parang hindi nagtitipid sa kuryente.” Nasabi niya sa kanyang sarili.
Nang maka-upo na sila ay nilapag na ng babae kanina ang examination paper. Medyo malayo ang agwat ng ibang examinee sa bawat examinee para hindi makapag-kopyahan.
“Siguro naman walang magko-kopyahan?” paalala ng babae.
Hindi sumagot ang lahat. Nagpatuloy lang ang mga ito sa pagsuri sa examination paper habang hindi pa nagbibigay ng hudyat para magsimula.
“Maari na kayong magsimula.” Hudyat ng babae.
Narinig ni Jesse ang kaluskos ng mga papel sa mga desk ng bangko sa pagmamadali. Nagbigay kasi ang babae ng oras sa pag-eexam.
Sinagutan ni Jesse ng mabuti ang kanyang exam. Napansin niyang may kahirapan nga ang mga tanong. Inintindi talaga niya ang mga tanong bago sagutan. Para sa kanya mas mas magandang masagutan ng tama kahit abutin ng oras bastat masigurado niyang wasto ang kanyang isasagot. Bahala kung hindi talaga niya alam ang tanong.
Bumalik ang babae at nag-paalalang limang minuto nalang ang natitira. Tamang-tama lang pala ang bilis ng pagsagot niya. Maipapasa niya ang kanyang papel nang tama sa oras.
Muling nagpaalala ang babae na kukunn na niya ang mga examination paper.
“Malalaman ninyo kung naka-pasa kayo mamaya. Maaari na kayong makababa.” Paalala ng babae habang kinokolekta ang mga papel.
Bumaba si Jesse nang kinakabahan dahil sa excitement kung makakapasa ba siya at matatawag mamaya.
“Sana makapasa ako.” Bulong niya sa kanyang sarili.
Halos isang oras din siyang naghintay sa resulta ng examination. Tinapos pa kasi ang huling tatlong batch na mga examinee. Nang Makita nila ang babaeng parating ay agad nagtayuan ang lahat dahil inaasahang magbibigay na ito ng resulta ng examination.
Nakita ni Jesse ang babae na nag-abot ng papel sa gwardiya. Nakita rin niyang pinagmasdan ng gwardiya ang papel bago ito bumigkas ng may kalakasan.
“Ito na ang mga nakapasa, at babalik mamayang ala-una ng hapon para sa interview.”
May mga nagpalakpakan. Naisip ni Jesse na siguro ang mga pumalakpak ay ang mga naunang nakapag-exam. Napa-palakpak sila dahil sa tagal nang hinintay.
“Sherly Abrahano.” Unang nakapasa na binanggit ng gwardiya.
Nagsigawan sa tuwa ang grupo ng unang nabanggit.
“Ma. Bianca Esguerra.” Pagpapatuloy ng gwardiya.
Nagsimula nang kabahan si Jesse.
“Susan Espina. Je-jessica Ramos.”
Sa huling pangalan na binanggit ng gwardiya, akala ni Jesse ay siya na iyon dahil sa hindi sinasadyang pagkautal ng gwardiya sa pagbigkas. Nabitin ang dapat na pagsasabi niya ng yehey.
Muling nagpatuloy ang gwardiya. Halos sampu pa ang binanggit nitong pangalan. Ngunit walang Jesse na nabanggit ang gwardiya. Para siyang nawawalan ng kalakasan.
Pagkatapos ng huling pangalan, kaagad-agad ay muling nagsalita ang gwardiya.
“Ito naman ang mga naka-pasa sa mga lalaki.” Sigaw ng gwardiya.
Biglang nabuhay ang dugo niya sa narinig.
“Ano ba yan, bakit hindi ko naisip na puro babae lang pala ang babanggitin kanina?” pagalit niya sa sarili. Pero sa kabila niyon ang ngiti ng umaasa.
“Jesse Ramires.”
“Yes!” sigaw ni Jesse sa katuwaan.
Dahil doon napukaw ang atensyon ng gwardiya sa kanya. Hindi agad nito na-itinuloy ang pagbanggit sa mga pangalan ng mga naka-pasa.
Nang mapansin iyon ni Jesse ay naramdaman niyang namula ang kanyang mukha. Napatingin siya sa paligid. Ang iba’y naka-tingin sa kanya na naka-ngiti at ang iba’y nainis sa ginawa niyang paglabas ng katuwaan.
“Nakakahiya ba ang inasal ko?” tanong niya sa kanyang sarili nang mapansin ang nagawa niyang pag-antala. Nanahimik na lang siya at sinarili ang kasiyahan. “Sigurado matutuwa si Marco kapag nalaman niyang naka-pasa ako. Pero teka, may interview pa pala mamayang ala-una. May bumabagsak ba doon?” tuwa at tanong sa kanyang isip.
First time kasi ni Jesse ang ganitong pag-aaplay kaya wala siyang alam kung paano ang proseso kung paano matanggap sa isang trabaho.
“Teka, ano nga pala ang aaplayan kong trabaho? Nge.” Nanlaki ang mga mata niya sa naisip. “Oo nga pala. Naku naman. Hindi naman siguro sila mag-bibigay ng trabahong mabigat.”
Tumingin siya sa paligid, may katabi pala siyang babae. Ang alam niya hindi niya ito katabi kanina. Pero parang namumukhaan niya ito.
“Tama, si Jessica na akala ko ako na ang babanggit kanina.”
Naisipan niyang kausapin ang babae.
“Miss pwede ba magtanong?” ang una niyang sinabi sa katabing babae. “Ako si Jesse, dib a nakapasa ka rin?”
Humarap ito sa kanya at ngumiti. Nagandahan si Jesse sa babae sa ginawa nitong pag-ngiti.
“Ang ganda naman niya.” Nasa isip niya habang nakatitig.
“Oo, natatandaan ko ang pangalan mo. Ikaw yung napa-sigaw sa tuwa kanina diba. J-jessy?” nilagyan niya ng diin ang huling syllable ng pangalan niya. Nakangiti ito sa kanya.
Sa pagsagot ng babae parang nahimasmasan si Jesse sa dagliang pagkahimatay. Nagandahan lang talaga siya sa babae.
“O-oo. Ako ng iyon.” At natawa si Jesse.
“Ano yung tanong mo?”
“Ano ang aaplayan mo dito?”
“Ako? Saleslady, sana.” Napatanaw ito sa loob ng supermarket kung saan makikita ang ilang saleslady pagkatapos ay ngumiti ito. “Pero kung anong bakanteng posisyon, iga-grab ko na. Basta pambabae ah, yung kayak o.” nauwi siya sa tawa.
Nakisabay si Jesse tawa ng kausap.
“Ikaw, anong ina-aplayan mo?” tanong naman ng babae sa kanya.
Para siyang nahihiyang sagutin ang tanong dahil iyon nga ang hindi niya alam. Kung ano ba ang inaaplayan niya.
“Ano eh…” saglit siyang natigil. “Sa totoo lang hindi ko alam.” Sabay tawa.
“Ganun.” Parang nanlaki ang mata ng babae.
“Oo. First time ko kasi ‘to kaya hindi ko alam. Mmm hinatid lang ako ng kaibigan ko dito kanina.”
“Alam mo, minsan may mga aplikanteng hindi nakakapasa dahil diyan.” Pagbibigay nito ng impormasyon.
Bahagyang nagulat si Jesse sa sinabi ng kausap.
“Oo. Sa interview tinatanong yan. Kung ano ang gusto mong aplyan, tapos ang sasabihin mo hindi mo alam. Hala.” Para pang nanakot ang babae.
“Sa interview? Ibig sabihin maaaring hindi pa ako makapasa sa interview?” paniniguro ni Jesse.
“Oo naman.”
“Ganun ba?”
“Kaya dapat may confidence kang sumagot sa mga tanong hindi yung para kang nagbibilang bigas bago matapos.” Natawa ito sa binigay na halimbawa. “Pero huwag naman ma-angas na pag-sagot ah. Baka ma-over ka naman.’ Dagdag nito.
“Ah.. okey.” Kahit papaano nagkaroon siya ng ideya sa interview.
Tumagal ang kanilang pag-uusap dahil nalaman ni Jesse na maghihintay ito ng ala-una para sa interview kaya hindi narin siyang nag-abalang umuwi at ipaalam kay Marco na naka-pasa siya. Mamaya nalang pag-uwi niya. Para malaman narin niya kung makakapasa siya sa interview.
4 comments:
syempre estalsh muna mga main character para makilala very promising story congrats mr writer im gonna love this,,,,,,,,,,,next chapter pls.... rate ko ng 8 simula palang yan ha baka sunod 10 na yan keep it up dude
new story! :))
ready to read na!
wow heto na yun ash. i like it. hhahah. sana fast forward na ang posting kc nabasa ko na ang mga naunang chapter nito hanggang dun sa lumalabas na si jessie at jonas (tama ba).
thank goodness mababasa ko na rin story na to.. tagal ko rin tong hinintay.. hehehe
God bless.. -- Roan ^^,
Post a Comment