Followers

CHAT BOX

Sunday, September 15, 2013

RICO (Mr. Never Give Up) Chapter 10




“Dalawang linggo na lang tapos bakasyon na naman.” Masayang paalala ni Robert sa klase sa bakante nilang oras hapon yun Marso. Sigawan ang lahat sa katuwaan. Nasa gilid lang sina Emman, Rico at Randy na nakikinig sa kanilang kaklaseng nagpapalitan ng kuro-kuro.


“Anong dalawa? Isang linggo na lang kamo, kasi pirmahan ng clearance yung pangalawang linggo.” Pagtatama ni Patricia.

“Sige isang linggo na lang.” sabay tawa ni Robert. “Sa bakasyon, ano ang gagawin nyo. May plano ba kayo? Matanong ko lang para naman hindi boring ang oras natin. Malay nyo baka makapag bigay ang bawat isa ng idea sa iba pa kung ano ang maari nating gawin ngayon na nalalapit na ang bakasyon natin. Sa susunod na pasukan, yes! Fourth year na tayo.”

Muling nagsigawan ang lahat.

“Ako na ang mauuna.” Si Patricia. “Pupunta ako sa ate sa Manila, doon muna ako. Siyempre susulitin ko ang pagpunta sa mga malalaking mall doon. Excited na ako.”

“Wow.” Sigaw ng karamihan kay Patricia.

“Ako naman, ako babawi talaga ako. Matutulog ako araw-araw ng 15 hours.” Sabi naman ni Sonny, ang antukin sa klase. 

Muling nagsigawan sa kantyaw ang lahat.

“Tama yan Sonny.” Biro ni Robert. Saka niya napansin sina Emman sa bandang likuran na tatawa-tawa. “Eh ikaw Emman, anong balak mo sa darating na bakasyon?”

Biglang natahimik si Emman. “A-ah… Hindi ko pa alam eh.” Wala naman talaga kasi siyang balak. Sa bahay lang naman siya naglalagi, natulong sa gawaing bahay. Minsan nasama sa kanyang ina kapag may kung ano-anong nilalako sa mga kapit-bahay.

“Sigurado ka Emman? Share mo naman sa amin.”

“Wala talaga, sa bahay lang ako.” 

“Ah, ako naman.” Sigaw ni Rico. “Nahihiya lang sabihin ni Emman na magkasama kaming gagala araw-araw sa bakasyon.” Inakbayan niya si Emman. Pinahiwatig niyang huwag ng magsalita.
“Wow, gala.” sigaw ng karamihan. 

“San naman kayo gagala?” tanong ni Robert.

“Kahit saan. Hindi ko pa kasi nalilibot ang buong Batangas at si Emman ang magiging tour guide ko.”

“Wow naman.” Mangha ni Robert habang matamang nakikinig ang lahat. 

“Oo, saka gusto ko rin bumisita sa Manila kung saan talaga ako nakatira, siyempre kasama ko ang best friend ko si Emman.”

Napanlakihan ng mga mata si Emman ng marinig pa ang mga huling sinabi ni Rico. Hiyawan na naman ang buong klase maliban kay Randy na seryosong nakikinig lang.

“Mayaman talaga si Rico.” Sigaw isang kaklase. 

“At maswerte si Emman, maraming best friend tulad ni Randy, mga bigatin.” Sigaw pa ng isang kaklase.

Napa-tingin si Emman kay Randy na tahimik lang ito. Nagtaka tuloy siya sa katahimikan nito.
-----

“Parang nagbago ka na Emman.” Si Randy nang makapag-solo sila sa loob ng klase.

“H-ha? Bakit mo nasabi?” 

“Best friend mo pa rin ba ako?”

May kung anong sumundot sa puso ni Emman. “O-oo naman. Wala naman nagbabago.”

“Masyado ka na kasing malapit kay Rico. Hindi naman na nagseselos ako pero lagi na siya ang kasama mo.”

“Ano ka ba? Ok lang yun. Siguro, naging busy ka lang saka di ba si Selena na lagi ang kasama mo, kaya hindi tuloy tayo laging nag-uusap. Pero walang nagbabago, bestfriend pa rin tayo. Tulad ng sinabi nung last mong sulat sa akin, bestfriend pa rin tayo ano man ang mangyari.”

“H-ha? Anong sulat?”

“Sulat. Yung mga sulat na binigay mo sa akin.” Napakunot noo si Emman.

“Sulat?”

Nagkaroon ng malaking katanungan sa isip si Emman. “Sulat. Sabihin mo nga, sadya mo bang kinalimutan ang lahat o nag-maang-maangan ka lang?”

“H-ha? Teka nga, wala akong alam sa sinasabi mong sulat. Ano ba yun?” nagsisimulang mairita si Randy dahil wala siyang maintindihan tungkol sa sinasabi ni Emman na sulat. “Anong sulat?”
“W-wala ka ba talagang alam?”

“Emman.”

Napa-lingon si Emman sa may pintuan kung saan naroon si Rico na tumawag sa kanya.
“Tara, dali may papakita ako sayo.”

“Rico, sandali may pinag-uusapan lang kami ni Randy.” sabi ni Emman habang papalapit sa kanila ito.

“Randy pare, sandali lang, hiramin ko muna si bestfriend mo.” saka niya hinila patayo si Emman.
“Sandali.” awat ni Emman.

“Sige na, tayo na sa labas.”

Walang nagawa si Emman kundi ang sumunod na lang siya kay Rico. Naiwan si Randy na may malaking katanungan.
----

“Nasaan na yung papakita mo sa akin?”

Tumawa muna si Rico. “Wala, gusto lang kitang yayain kumain. Nagugutom ako eh.”

“Ganun? May pinag-uusapan kami ni Randy eh, akala ko naman mas importante pa doon ang ipapakita mo sa akin. Nagugutom ka lang pala.”

Nakaramdam ng pagka-pahiya si Rico sa sinabi ni Emman pero mas maigi na iyon kaysa malaman ni Emman walang alam si Randy sa mga sulat. “K-kasi, alam kong hindi ka sasama sa akin kapag sinabi kong kakain lang tayo dito sa canteen.”

“Hmmm…”

“Galit ka na ba nyan, Emman.”

“Hindi. Akala ko lang kasi…”
 
“Sorry na. Tara, kain tayo.”

“Ikaw na lang ang bahala.” sagot na lang ni Emman.

“Anong gusto mo?”

“Hindi naman kasi ako nagugutom. Ikaw na lang, sasamahan na lang kita.”

“Sige, hindi na lang din ako kakain. Tara, balik na tayo sa room.”

“Ano ka ba? Bumili ka na, sasamahan kita.”

“Nawalan na rin ako ng gana.” 

“Hmmm… tara kain tayo. Dali. Ano kaya yun nagmamadaling pumunta dito kasi gutom tapos biglang ayaw naman.”

“Para kasing na-badtrip kita eh. Ano ba kasi ang pinag-uusapan nyo ni Randy?” tanong niya. Kunyari wala siyang alam.

Napa-buntong hininga si Emman. “Dito muna ako uupo, sige na bumili ka na ng makakain mo. Saka ko na lang sasabihin sayo.”

“Ok.” tumalikod na si Rico para bumili ng makakain.
-----

Hindi nagkwento si Emman sa gustong malaman ni Rico. Hindi rin naman namilit ang huli dahil ayaw niyang tuluyan mawala sa mood si Emman ngayon pa na alam niyang marami ng katanungan ang umiikot sa isip nito.

“Emman, tamang-tama may teacher na tayo. Tara pasok na tayo sa room. Ah, gusto ko pala, making ka ng mabuti ha, kasi magpapaturo ako sayo after ng klase natin. Mabilis ka kasing maka-pick up sa lessons eh.”

“Ngek, eh wala na naman tayong pag-aaralan ah. Dapat nga wala na tayong klase.”

“Kahit na, basta focus ka kay Ma’am. Huwag ka mag-isip ng iba. Huwag ka muna mag-entertain ng mga questions ng iba. Focus lang. Ay, ako pala muna ang uupo sa pwesto mo. Palit muna tayo. Ok ba yun.”

Natatawa si Emman. “Ikaw ang tatanungin ko, Ok lang ba?”

“Yung tanong ko ang sagutin mo? Ok lang?”

“Ok.”
-----

“Emman, gusto kitang maka-usap.” habol ni Randy kay Emman sa labas ng room pagkatapos ng huli nilang subject sa araw na iyon.

“Gusto rin kitang maka-usap pero hindi muna ngayon, may gagawin kasi kami ni Rico eh. Naka-oo na ako sa kanya. Nagmamadali na nga siya eh.”

“Ah…” napatango na lang si Randy. “Sige next time na lang.”

“Sige.”
-----

“Sino pa ang kulang sayo?” tanong ni Emman kay Rico.

“Adviser na lang, Emman. Di ba yun na lang din ang hindi napirma sayo?”

“Oo. Sabi kasi niya di ba huli siyang pipirma sa clearance natin?”

“Wala ka naman atraso siguro kay Maam?”

“Wala.” sagot agad ni Emman.

“Kapag napirmahan na ni Maam ang clearance natin, ano na ang plano mo?” tanong ni Rico.

“Di ba napag-usapan na natin yan kahapon?” paalala ni Emman.

“Gusto ko lang makasigurado. Siya nga pala gusto ko tumambay sa inyo, Emman. Gusto ko ulit maka-kwentuhan ang tatay mo.”

Natawa si Emman. “Buti talaga na hindi ka natatakot sa tatay ko no kahit lasing siya.”

“Eh wala naman kasi akong ginagawang masama di ba? Masarap din pala kasi kausap ang tatay mo lalo kapag lasing. Ang dami kasing alam.”

“Ang daming alam? Tulad ng mga kalokohan? Pansin ko nga tawa kayo ng tawa nung nakapag-kwentuhan kayo.”

“Mabait naman din kasi ang tatay mo Emman.”

“Oo naman tatay ko yun eh.” sabay tawa. “Teka, kelan mo ba gustong pumunta sa amin?”

“Ngayon na. Kaya pa-pirmahan na natin kay Ma’am ‘to?” 

“Sige.”
-----

“Ayan ka na naman.” napansin niya ang dala-dala ni Rico nang makalabas ito sa isang mini-mart malapit sa kanilang paaralan. “Kaya ayaw mo akong papasukin eh no.”

“Oo, kasi pipigilan mo na naman ako. Wala naman sigurong masama sa ginagawa ko, Emman.”

“Umaabuso na kasi kami sayo eh. Lagi na lang.”

“Yan ka na naman eh.”

Natahimik na lang si Emman.

“Tara na.” yaya ni Rico.
----

“Boy, ikaw na naman.” salubong ni Mang Andoy na halatang bagong inom ng alak kay Rico nang makita ito sa labas ng bahay nila. “At may dala ka pa.”

“A-ah opo, ako nga po uli saka pasalubong po.”

“Nora, lumabas ka nga dito at salubungin mo ang bisita.”

Agad-agad ang paglabas ni Nora. “Ay ikaw pala. Halika, pasok ka sa loob.”

“Oh ikaw Emmanuel, huwag kang tumunganga dyan, asikasuhin mo ang bisita mo.”

“Ah opo, opo. Tara Rico, sa loob muna tayo.”

“Sige. Ah Mang Andoy, doon muna po ako sa loob. Sige lang boy, tapos dumito ka at magkwentuhan tayo.”

“Ah sige po. Wala pong problema.”
-----

“Naku, Rico nag-abala ka na naman. Nakakahiya na sayo.” si Aling Nora nang mailapag nito sa lamesa ang mga dala ni Rico. “Hayaan mo kapag yumaman na yang si Emman ko, saka na kami babawi sayo ha.”

“Ay wala po yun. Hindi po ako humihingi ng kapalit. Masaya lang po ako na kaibigan ko si Emman at kaibigan ko rin po ang pamilya niya.”

“Oo nga gaya ng sabi mo nung una. Hay… basta maraming salamat ha?” saka nilingon ni Aling Nora ang anak. “Naka-gawa ka na ba ng maiinom ni Rico?”

“Ito po Inay.”

“Sige na, asikasuhin mo na siya, magluluto lang ako para may mapag saluhan tayo maya-maya.”

“Sige po Inay.” saka tumingin si Emman kay Rico. “Ok ka lang?”

Natawa si Rico. “Oo naman, feeling at home nga ako eh. Tulad ng dati.”

“Hmmm weh?”

“Oo nga. Huwag kang mataranta dyan. Ayos na ayos ako dito.”

Ngumiti ng maluwang si Emman. “Sabi mo yan.”
-----

“Alam mo, nararamdaman ko, maraming pangarap ang tatay mo sa inyo. Kaso, hindi nya magawa dahil nga sa…”

“Mahirap kami?” dugtong ni Emman.

“Hindi naman.”

Tumigil si Emman sa paglalakad. Hinahatid na kasi niya si Rico para makasakay ng jeep sa pag-uwi. “Alam mo Rico, hindi ko naman tinatanggi na mahirap lang kami.”

“Oh galit ka na nyan?”

Napatigil saglit si Emman saka tumawa. “Tangek! Hindi ako galit. Nagpapaliwanag lang ako.”

“Huwag ka kasing seryoso para hindi kita napagkakamalang galit.” sabay tawa.

“Nakakaasar ka. Serious lang boy.” 

“Ah, marunong ka na rin mag-boy tulad ng tatay mo ha.”

“Eh wala naman akong ibang maintindihan sa kinukwento ni Itay sayo kundi Boy, boy, alam mo boy, ganito yan boy, kaya nga boy.” Nagkatawanan silang dalawa.”

“So, ano nga yung pinaglalaban mo kanina?” tanong ni Rico.

“Wala. Nakalimutan ko na- boy.”

Muli na naman silang nagkatawanan.

“Basta ang alam ko, yung tatay mo, mabait na tao yan. Dala lang talaga ng kahirapan kaya nagkakaganyan. Pero kung narinig mo lang kanina, kung paano ka niya ipagmalaki sa akin…”
“Oh ano?”

“Basta. Mahal ka ng tatay mo.”

Napa-singhap ng hangin si Emman. Ramdam niya ang namamasa niyang mga mata. Na-touch siya sa sinabi ni Rico. Nagulat siya nang akbayan siya ni Rico. “Salamat sa pag-unawa mo sa amin ha?”

Natawa si Rico habang naka-akbay sa balikat ni Emman. “Kaya nga bestfriend tayo eh. Kailangan ang unawaan. Ako din naman di ba uunawain mo rin kapag may mga nangyari sa atin?”

“Oo naman.”

“E di salamat din.” sabay tawa. “So sa kuhaan na lang card natin uli tayo magkikita di ba?”

“Mmm malamang. Sa biyernes di ba?”

“Oo, so… ahh… maghanda ka sa friday ha?”

“Ha? Bakit?” takang tanong ni Emman.

“Basta. Sige, sasakay na ako.”

“Hoy, ano na naman yun?”

“Sa biyernes na lang- boy.” sigaw ni Rico.

Naghiwalay silang nagtatawanan.
-----

Hinahanap ni Emman si Randy sa paligid. Inaasahan niyang makikita niya ito na kukuha din ng report card sa kanilang adviser pero walang Randy ang nasa paligid. Gusto na sana niyang maka-usap ito tungkol sa sulat at magkalinawan sa itinatanggi nitong kinalaman sa sulat na tinutukoy niya.

“Emman.”

“Rico.”

“Kanina ka pa ba?” 

“Hindi naman, eh ikaw?”

“Oo medyo kanina pa ako. Nasa covered court lang ako kanina maglalaro sana ako ng basketball kaso nag-start na yung mga naglalaro. Nanood na lang ako.”

“Ah.. nakita mo ba doon si Randy?”

“Oo.”

“Tara, samahan mo ako. Gusto ko kasi siyang maka-usap.”

“Aw, kanina pa natapos ang game. Umalis siya kasama niya si Selena.”

“Alam mo ba kung saan siya pumunta?”

“Hindi eh.” Nakita ni Rico ang lungkot sa mukha ni Emman. “Ok ka lang ba?”

“H-ha? Oo naman. Gusto ko lang kasi magkalinawan na kami ni Randy tungkol doon sa sulat. Wala daw kasi siyang alam sa sulat.”

“Ah ganoon ba?”

“Oh? Ano nga pala yung kailangan kong ipaghanda ngayon?” pag-iiba ni Emman ng topic.

“Bakit Mr. 1st Honor, nakuha mo na ba ang report card mo?”

“Hindi pa. Bakit?”

“Kunin na natin para maka-alis na tayo.”

“Teka, yung sayo nakuha mo na ba?”

“Oo, kanina pa.”

“Kamusta?”

“Matataas naman, pero hindi kasing taas ng sayo.”

Natawa si Emman. “Bakit ako ba ng ako?”

“Malamang kaya nga first honor.”

“E di ako na first honor, eh ikaw?”

“Nasa top ten lang ako.” 

“Patingin nga ng card mo, Rico.”

Dinukot ni Rico ang card niya sa loob ng kanyang bag. “Ito oh.”

Nanlaki ang mga mata ni Emman sa mga nakitang numbers. “Wow, puro bagsak. Congratulations.” 
sabay tawa. “Ang galing.”

“Pero mas matataas ang sayo.”

“May itataas pa ba dito sa Math-91, English-92, Science-91, eh line of nine eh.”

“Eh syempre matalino din naman ako Emman, pero mas matalino ka lang talaga.” sabay tawa.

“Niloloko mo na ako, Rico.”

“Ah basta, tara na kasi, kunin na natin ung report card mo.”
-----

Nagulat si Emman nang makita ang karamihan ng mga kaklase na naka-abang sa faculty ng Science Department. 

“Naghihintay din kayo ng card nyo?”

“Hindi Emman. Nakuha na namin ang sa amin.” si Lorraine na may hawak-hawak na naka-gift wrapper.

“Wow, Lorraine may gift ka.”

“Oo Emman, 3rd honor kasi ako eh.”

“H-ha?” napa-tingin si Emman kay Rico. “Anong ibig sabihin ni Lorraine, Rico?”

“Kunin mo na kasi yung card mo para malaman mo.”

Dumiretso na nga si Emman sa loob ng faculty hanggang sa desk ng kanyang adviser. “Ma’am, kukunin ko na po yung card ko.”

“Ay ikaw pala, Emman.” naka-ngiting si Mrs. Dimagiba. “Sa pangununa ni Rico, kinausap ako para malaman kung sino-sino ang mga best at honorable sa ating klase. Nais niyang bigyan ng gift ang mga nangunguna sa klase. At ikaw, bilang nangunguna sa klase ito ang para sayo.”

Napa-nganga si Emman sa inabot sa kanya ni Mrs. Dimagiba. “M-ma’am, maraming salamat po.”

“Walang anuman, ngunit dapat mo rin pasalamatan ang mga kaklase mo na may kinalaman dito lalo na kay Rico. At umaasa akong mas gagalingan mo pa sa susunod na taon, Emmanuel mayroon o wala man na matatanggap.”

“Opo Ma’am, opo.”

“Oh, ito nga pala ang card mo. Maari mo nang makita.”

“Salamat po uli.”
-----

“Rico, ibang klase ka talaga. Lagi mo na lang akong sinu-sorpresa.” Sabi niya sa kaibigan nang makapag pasalamat sa iba pa niyang kaklase. 

“Hindi lang naman ako ang may alam dyan eh. Ang mga talagang may kinalaman dyan, yung mga kaklase nating tinutulungan mo sa mga projects at mga assignments nila.”

“Pero maraming salamat pa rin. Kasi malamang ikaw talaga ang may pakana nito. Grabe. Simula nang dumating ka dito, ang dami kong natatanggap.”

“Kasi, magaling ka naman talaga eh. Oh, patingin na ako ng card mo. Gusto ko makita yung pagkaka-iba ng mga grades natin.” sabay tawa.

“Ay, oo nga pala. Hindi ko pa nga rin nakikita. Tara.”

“Patingin, ako na ang hahawak. Ah, English-94, Math-93, Science-92, Makabayan-94, Filipino-96, naks naman talaga oh.”

“Alam mo, dikit-dikit lang naman ang mga grades natin eh. Ibig sabihin yung mga 2nd and 3rd halos magkakapareho lang kami. Hmmm saan kaya naging lamang sa kanila?”

“Hayaan mo na sila basta ang mahalaga ikaw ang pinaka magaling sa klase natin.” 

“Pero kailangan din pala mas galingan ko pa sa susunod na taon.”

“Siguro? Pero mas naniniwala akong makakaya mo yan sila.”

“Ikaw Rico ha, todo ka sa papuri sa akin. Eh ikaw nga to na dapat nasa pwesto ko eh.”

“Hindi rin, Emman.” sabay tawa.

“Anong hindi? Eh kung hindi kalokohan ang inuna mo noong una, e di sana nakahabol ka ngayon.”

“Para sayo talaga kasi ang first honor. Hayaan mo next school year ako na ang 2nd honor.” sabay tawa.

Natawa si Emman, “talagang 2nd honor lang ang goal.” Saka siya tumitig sa mukha ni Rico na nakangiti sa kanya. “Maraming salamat ha?” 

Ngiti ang tugon ni Rico. “Basta maging masaya ka lang Emman, masaya na din ako.”
-----




3 comments:

Jasper Paulito said...

hahaha.... lagot ka Rico. lagot ka.

App Developers Gurgaon said...

I really appreciate your professional approach. These are pieces of very useful information that will be of great use for me in future.

Unknown said...

Nice presentation