Followers

CHAT BOX

Monday, February 20, 2012

TRUE LOVE WAITS (Last Crescent Moon) Chapter 13



May ngiti si Jesse nang magising nang umagang iyon. Nanatili siyang nakapikit habang hinihimas ang likuran ni Jonas na nakadapa ito sa pagtulog. Alam niyang may liwanag na kahit nananatiling nakapikit dahilan ang huni ng mga ibon sa paligid.

Lubos ang kanyang kaligayahan. Mas idinikit pa niya ang katawan sa katabi habang patuloy na naglalakbay ang kanyang palad sa likuran nito. "Parang kuntento na ako na ganito tayo..." sa isip ni Jesse. "magkasamang nakahiga, kahit hindi na siguro ako kumain basta huwag lang matapos ang mga sandaling ito. Ang sarap sa pakiramdam."

Saka siya napa-dilat. "Jonas." niyugyug niya ng bahagya ang katabi. "Naalala ko lang hindi ka pa nakain kagabi. Tatayo na ako ha?" Narinig lang niyang umungol ang nakadapang si Jonas. Naisip niyang sumang-ayon ito. "Sige bababa na ako."

Wala pakialam si Jesse kung hubod-hubad man siyang tumayo at tinungo ang kwarto nila ni Jonas. Kumuha lang siya ng sando at panibagong brief saka tuluyang bumaba ng bahay. Balak niyang magluto ng masarap na almusal.
-----

Hindi pa man nagtatagal nang mawala sa tabi ni Jonas si Jesse, tila may hinahanap ang mga palad ng una sa paligid ng kanyang hinihigaan. Hindi niya makapa ang kanyang gamot na inilagay niya sa isang tabi kagabi.
-----

Panay ang ngiti ni Jesse nang matapos sa pagluluto. Dali-dali siyang umakyat sa rooftop para sunduin si Jonas para kumain.  Pero nang nasa kalahati na siya ng hagdan paakyat saka niya naiisip na dadalahin na lang niya ang niluto niya sa taas para doon nila pagsaluhan ang ginawa niya.

"Tama." nasabi ni Jesse.

Agad siyang bumaba. Halos patakbo siyang bumalik sa kusina. Nagmamadali ngunit may pag-iingat niyang inilagay sa mga lalagyan ang mga niluto niya. Pagkatapos isang sulyap kung wala ba siyang nakalimutan. Gusto niyang dalahan na lang ang kanyang gagawin.

"Perfect." lubos ang kanyang ngiti.

Pagkatapos ay maingat niyang tinungo ang rooftop habang dala-dala ang malaking tray laman ang mga na prepare niya.

"Jonas, our breakfast is ready." natawa si Jesse sa sinabi. Hindi kasi siya sanay na mag-english ng diretso kaya medyo nautal siya sa pagsasalita. "Jonas, gising na." Inilapag niya ang tray sa isang lamesa saka sinulyapan si Jonas at nananatili itong nakadapa. "Jonas, alam ko gutom ka na."

Lumapit siya kay Jonas at pahiga siya nang yugyugin niya ito. "Jonas." Saka niya napansin ang botelyang alam niya kung para saan. Napakunot noo siya saka kinabahan. "Hindi kaya... Jonas???"
-----

Hindi maawat ang iyak at luha ni Jesse nang muli nilang binabagtas ang papuntang hospital sa malapit gamit ang sasakyan ni Jonas. Muli si Tamie na naman ang tinawag niya para mahingan ng tulong. Agad naman ang saklolo ni Tamie na parang nakaantabay lang at handang handa sa paghingi niya ng tulong.

"Hindi ko alam na may cancer pala si Jonas. Ang alam ko lang dinala natin siya sa hospital nakaraan dahil sa over fatigue. Nagulat talaga ako sa inamin mo." pahayag ni Tamie habang minamaneho ang sasakyan.

Sumagot ni Jesse nang umiiyak. "Naguguluhan ako. Pero kailangan kong magpakatibay. Maraming salamat talaga Tamie dahil lagi kang libre kapag kailangan ka namin."

"Naku wala yun. Ang mahalaga matulungan ko kayong mga kaibigan ko. Ayan malapit na tayo."

Hindi na kumibo si Jesse hanggang makarating sa hospital. Pero lubos ang paghingi niya ng awa sa maykapal para kay Jonas na walang malay hanggang ngayon.

Si Tamie ang unang bumaba para humingi ng emergency. Bumukas na lang ang magkabilang pinto ng kotse nang may mga sumaklolo nang mga nurse. Agad dinala si Jonas sa emergency room.
------

Hindi mapakali si Jesse kanina pa. Kasabay noon ay ang walang awat na pagluha dala ng kanyang pag-aalala. Kanina pa niya napapansin na may kausap ito sa cellphone pero hindi niya tinatanong kung sino o ano ang tinatawagan ni Tamie. Maya-maya ay umupo na rin siya sa isang bench malapit sa pinto ng emergency room. Napansin niyang papalapit si Tamie. Tapos na itong tumawag sa cellphone nito.

"Bakit ang tagal nila sa loob?" takang tanong ni Jesse kay Tamie nang makaupo ito sa tabi niya. "Inooperahan ba si Jonas?"

"Sigurado akong hindi pa Jesse. Imposibleng operahan ni Jonas kung walang pahintulot ng pamilya."

Biglang naisip ni Jesse ang kapatid ni Jonas na si James, ang kanyang boss sa pinagta-trabahuan niya. Napa-buntong hininga siya. "Eh bakit ang tagal."

"Siguro ineeksamin si Jo-" hindi natuloy ang sasabihin ni Tamie nang mapansin nitong may lumabas na doktor sa pinto ng emergency room. "Yan na ang doktor ni Jonas, Jesse."

Agad napalingon si Jesse saka tumayo. "Dok, kamusta si Jonas?"

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa." unang sabi ng doktor.

Napakunot noo si Jesse. "Po?"

"Kung gusto niyo pang humaba ang buhay ng pasyente kailangan na niyang ma-operahan sa lalong madaling panahon. Kung kinakailangan bukas i-undergo na siya sa operasyon. Kailangan namin ng consent ng pamilya."

Napa-kagat labi si Jesse. Hindi siya maka-react dahil alam na niyang wala siyang karapatan magbigay ng pahintulot para sa operasyon ni Jonas. Napa-tingin siya kay Tamie na lumuluha. 

"Jesse, kailangan mo nang sabihin sa kapatid niya ang kalagayan ni Jonas." si Tamie.

Napa-kunot noo muli si Jesse. "A-alam mong may kapatid si Jonas?"

"Ay hindi, nagbabakasali lang ako." biglang paliwanag ni Tamie. "Sandali, uupo muna ako."

Tumikhim ang doktor. "Hindi na maganda ang kalagayan ng pasyente kaya huwag na kayong mag-aksaya ng panahon." Pagkatapos ay tumalikod na ang doktor.
-----

Naka-upo si Jesse gulong-gulo ang isip habang hinihintay na mailipat si Jonas pribadong kwarto.

"Ikaw ba si Jesse?"

Napaangat ang mukha ni Jesse nang may magtanong sa kanya. Hindi niya napansin na may nakalapit na pala sa kinauupuan niya. Wala si Tamie, sasaglit lang daw sa labas.

"O-oo ako nga. Bakit?" Saka siya napatitig sa mukha nang kaharap niya.

"Ako nga pala si Arl, kaibigan ni Jonas." pakilala niya. Saka umupo sa tabi ni Jesse.

"A-ah." hindi alam ni Jesse kung paano sasagot. Pero sa pagkaka titig niya parang may namumukhaan siya. "P-paano mo, nalaman ang pangalan ko at si-"

"Narinig ko na ang pangalan mo minsan nang banggitin ni Jonas."

"Oh pero alam mong nandito si Jonas?" takang tanong ni Jesse.

"Oo."

"Paano? Kanino mo nalaman?"

Napangiti si Arl. "May kailangan kasi ako dito sa hospital, dahil dito dati nagtatrabaho ang nasira kong Dad. Tapos, sabi nung nurse na nakakakilala kay Jonas na narito nga raw siya. So, narito ako para tignan siya at magbigay ng tulong kung kinakailangan."

"S-salamat. Ganun ba?" Napabuntong hininga si Jesse. Saka muling nanilay ang mga luha sa mga mata. "Ililipat na uli siya ng kwarto. Yun nga ang hinihintay ko eh."

"Kamusta daw siya."

Lumabi muna si Jesse bago sumagot. "K-kailangan na daw siyang operahan."

"Oh bakit hindi pa?"

Napatitig si Jesse kay Arl. Hindi niya masabi ang dahilan. Napayuko siya. "Gusto ko na nga na maoperahan siya."

"Eh bakit hindi pa? Teka, alam na ba ito ni Justin?"

Muling napatingin si Jesse kay Arl. "S-sinong Justin?"

"Ang kuya niya."

"P-pero di ba-"

"Justin James Jimenez kasi ang tunay na pangalan ng nag-iisa niyang kuya."

Takang taka si Jesse sa nalaman. Hindi lang dahil sa iba pang pangalan ni James na kuya ni Jonas pati na rin ang mga biglang sagot ni Arl na parang alam nito ang mga ibig niyang sabihin kahit hindi pa niya nasasabi.

Nabasa naman ni Arl ang pagkakakunot ng noo ni Jesse. "Pasensya ka na ah. Medyo nabasa ko na kasi na ang tinutukoy mo eh ang pangalan na ginagamit ng kuya niya. Alam ko kasing James lang ang ginagamit ng kuya niya sa pinagtatrabahuan mo. Kaya yun alam kong nagulat ka nang banggitin ko sayo ang pangalang Justin."

"A-alam mo rin kung saan ako nagtatrabaho?"

"Oo naman. Gaya nga ng sabi ko. Minsan nang nasabi sa akin ni Jonas. Naipakilala ka na niya sa akin hindi man sa personal."

Napalanghap ng hangin si Jesse sa mga nalaman. "G-ganun ba?"

"Pero Jesse, kailangan mo nang sabihin sa kuya niya ang kalagayan ni Jonas. Mas magandang ikaw na mismo ang magsadya sa kuya niya kaysa hintayin mo pa si Jonas."

"A-ang alam ko alam na ng kuya niya."

"Mmm nararamdaman ko, ayaw ni Jonas magpaopera." hula ni Arl.

"Hindi, balak niyang magpa-opera."

"Oh bakit ang tagal niyang sumailalim sa operasyon?"

Hindi masabi ni Jesse ang dahilan. Nahihiya siyang amining siya ang dahilan at hinihintay ni Jonas na bago magpaopera ang huli. Gusto kasi ng huli na makasama si Jesse kapag magpapaopera na ito sa ibang bansa.

"Jesse, kung ako sayo. Hahayaan ko na ang kuya niya ang magasikaso kay Jonas. Kasi yun, kahit anong sabi lang nun magagawa agad nun. Kaya niyang mapadali ang lahat. Hindi ko naman sinasabing wala kang magagawa no. Pero kung mahal mo talaga si Jonas hindi mo na siya hahayaang magtiis na maghintay kung kailan mangyayari ang gusto niyang mangyari bago siya magpa-opera. Sigurado ako, sinabi na ng doktor na kailangan na siyang magpa-opera sa lalong madaling panahon. Hahayaan mo pa bang patagalin pa? Baka pag gising ni Jonas, umuwi na naman iyon ng bahay niya na walang siguradong desisyon kung kailan magpapaopera."

Panay ang buntong hininga ni Jesse. May punto si Arl. Napalunok siya bago sumagot. "Pero-"

"Jesse," napatingin si Arl sa relo nito. "Kailangan ko na pa lang umalis. May naghihintay na sa akin sa labas. Ito ang calling card ko. Kung kailangan mo ng tulong, I'm sure siguradong kailangan niyo ni Jonas ng tulong madali lang akong lapitan lalo na si Jonas. Mahal ko yang kaibigan ko. Sige mauuna na ako."

Wala nang naisagot si Jesse hanggang sa maka-alis si Arl.
-----

"Jonas!" biglang naisigaw Jesse. "Umuulit na naman tayo eh. Jonas, ano ba?"

"Uuwi na tayo." 

"Oo uuwi na tayo pero gusto ko munang magdesisyon tayo ngayon. Gusto kong magtiwala at sumunod sa mga gusto mong mangyari pero nahihirapan naman ako na nakikita kang ganyan. Pakiusap, Jonas. Ayokong may mangyaring masama sayo na wala akong nagagawa. Ang hirap ng naghihintay lang ako at unti-unti ka naman nanghihina."

"Ano bang mga sinasabi mo?"

"Gusto kong umuwi ka na sa kuya mo. Alam kong mas matutulungan ka niya." diretsong pahayag ni Jesse.

Natigagal si Jonas sa sinabi ni Jesse. "A-ano? P-paano mo nalaman ang tungkol kay kuya? Na may kuya pa ako?"

"Hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga matulungan ka niyang magpaopera. Jonas, hindi na natin masisigurado kung hanggang saan pa aabutin ang lakas mo. Sinabi na ng doktor na hindi na biro ang kalagayan mo. Kaya pakiusap."

"Naloloko ka na yata Jesse? May desisyon na tayong nagawa. Yun ang susundin natin. Uuwi na tayo."

"Jonas."

Hinila ni Jonas si Jesse. Mahigpit. 

"Jonas." Nasaktan si Jesse sa mahigpit na kapit ni Jonas pero hindi siya nagbigay ng reakyon dito. "Jonas." muli niya tawag. Gusto niyang magbago ang isip ni Jonas.

Tumingin ng matalim si Jonas kay Jesse. "Hindi na magbabago ang isip ko Jesse. Gusto kitang makasama. Pakiusap. Huwag mo akong biguin."

"Pwede naman akong sumunod na lang sayo. Mauna ka na lang."

"Hindi. Hindi. Sabay tayong aalis. Kaya umuwi na tayo. Bukas na bukas aayusin natin ang passport mo."

Hindi na kumibo si Jesse dahil napansin niyang nagbabago ang pananalita ni Jonas. Mas nagagalit ang tono nito sa pagsasalita sa tuwing ipipilit niya ang suggestion niya. Napatunayan talaga niya sa puntong iyon na wala siyang magawa kapag si Jonas ang nagsalita.
-----

"I'm sorry." Hingi agad ng tawad ni Jonas nang maka-uwi sila ng bahay.

Parang nakikipag-usap ang mga mata ni Jesse nang tumitig siya kay Jonas. "Hindi mo naman kailangan humingi ng sorry, Jonas. Lagi naman kitang iniintindi."

"Alam ko, pero alam kong nahihirapan ka."

Tumalikod si Jesse. Papunta siya sa kusina. "Kakayanin ko Jonas. Yan ang gusto mo eh. Susunod ako, kasi mahal kita." Muli siyang humarap kay Jonas bago pumasok sa kusina. "Hindi mo ako pinipilit. Kusa kong ibinibigay sayo ang pagsunod. Kasi mahal kita. Pero gusto ko rin malaman mo..." nagsimula muling umagos ang luha ni Jesse. "...uulitin ko, nahihirapan ako kapag nakikita kitang unti-unting nawawala sa akin. Ang hirap Jonas. Ngayon pa lang, pero ang sakit, mas masakit kaysa noong itakwil ako ng magulang ko." Pinunasan niya ang pisngi sa pamamagitan ng kanyang kamay. "Wala akong sinisisi. Gusto ko lang malaman mo ang nararamdaman ko." ngumiti siya ng tipid. "Iinitin ko lang siguro ang pagkain. Kahapon ka pa hindi kumakain." pagkatapos ay tumalikod na siya. Pero nagpahabol pa siya ng mga salita kahit alam niyang hindi na siya nakikita ni Jonas na nasa sala. "Mahal na mahal kita Jonas. Kasama mo ako, dito lang ako."

Hindi magawang mag-react ni Jonas sa mga sinabi ni Jesse. Na sapo na lang ng magkabila niyang kamay ang kanyang ulo at pabagsak niyang inilatag ang sarili sa mahabang sofa. Nakakaramdam siya ng guilt sa mga sinabi ni Jesse.
-----

Sa sala si Jonas at Jesse kumain gaya ng sabi ng una. Ayaw daw ni Jonas na masyadong seryoso sa pagkain. Gusto niyang kumakain sila habang nanonood. 

Naisip ni Jesse na paraan lang iyon ni Jonas para hindi maging tahimik ang pag kain nila. Dahil maaring mapag-usapan lang uli nila ang isyu nila kanina.

Tulad nga ng naisip ni Jesse, naging maingay sila at pansamantalang nawala sa kanilang isipan ang mga alalahanin. 

"Grabe ka naman tumawa." pansin ni Jesse kay Jonas habang hindi mapunit ang ngiti sa labi.

"Parang hindi ka natatawa."

"Oo natatawa ako, pero ikaw grabe ka humalakhak, parang walang bu-" hindi naituloy ni Jesse ang sasabihin nang maisip-isip ang posibleng mangyari. Natahimik siya.

Hinila ni Jonas si Jesse palapit sa kanya. "Kung ano ano na naman ang iniisip mo." Ginulo niya ang buhok ni Jesse.

"Sandali, may hawak akong plato, mabitawan ko 'to." Inilapag ni Jesse ang hawak. "Wala akong sinasabi ah." nang makabawi. "Ano bang iniisip ko." sabay tawa.

Ang nangyari, para silang nilalamig habang nanonood ng t.v. dahil sa ayos nilang nakapulupot sa isa't isa.

"Tapos ka na bang kumain?" tanong ni Jesse kay Jonas.

"Busog na ako." sagot ni Jonas habang ang mata ay nasa t.v.

"Busog sa kakatawa." 

Natawa si Jonas. "Hindi naman. Busog siguro sa pagmahahal."

"Ano daw?" kasunod ang tawa ni Jesse.

"Kakagatin kita dyan." hamon ni Jonas. "Ako na ang tinatawanan mo imbes na ang pinanonood natin."

"Kasi ikaw nagiging cheesy ka na eh." biro ni Jesse.

Biglang tumawa si Jonas. Akala ni Jesse na siya ang dahilan kung bigla itong tumawa. Saka lang niya napansin na may na namang nakakatawa sa pinanonood. 

"Grabe, ka talaga tumawa no." pansin uli ni Jesse.

"Siguro ngayon lang uli ako nakapanood ng ganyan."

"Pansin ko nga." 

Hinigpitan ni Jonas ang yakap kay Jesse, para bang nang gigil. Sabay tawa. "Manood muna tayo."

"Nanonood naman ako ah." sagot ni Jesse.

Naging seryoso sila sa bawat eksena nang palabas. Bigla na lang silang bubunghalit ng tawa sa mga parteng sadyang nakakatawa. Hindi rin mapigilan ni Jesse ang nararamdamang katuwaan kaya panay rin ang tawa niya. Nang mapansin ni Jesse na hindi na tumatawa si Jonas kaya napatingin siya rito. 

"Wui. Naging seryoso ka naman eh." Napansin ni Jesse ang pilit na ngiti ni Jonas kasabay ang panlalaki ng mga mata. "Anong reaksyon yan?" natatawang si Jesse. Pero napansin nya rin sa mga mata ni Jonas ang nangingilid na luha. Pati na rin ang butil butil na pawis nito. Pumikit ito.

"Jonas." tawag ni Jesse. Saka muling dumilat si Jonas. Inginuso ang lamesa. Agad nalaman ni Jesse ang ibig sabihin ni Jesse. Agad niyang kinuha ang gamot sa gilid ng lamesa. Kinabahan siya. "Bakit hindi ka nagsasabi." Puno na naman ng pag-aalala ang tono ni Jesse. "Dyos ko Jonas."

Kanina pa tinitiis ni Jonas ang ang sakit na nararamdaman. Ayaw niyang ipahalata kay Jesse na muling sumasakit ang kanyang ulo. Pero napansin na rin siya ni Jesse. Muli siyang uminom ng gamot at tuluyang pumikit. 

"Magpahinga ka na." iyak ni Jesse. "Gigisingin na lang kita mamaya." 

Nang tuluyan nang nakatulog si Jonas saka rin tuluyang bumuhos ang tunay na sakit na nararamdaman ni Jesse para sa kalagayan ni Jonas. Lumabas siya ng bahay at doon inubos ang luha. 
-----

"Jesse." tawag ni Tamie.

Agad napatingin si Jesse kay Tamie. "Ikaw pala, pasok." Binuksan niya ang gate.

"Napansin lang kita dito." maarteng sabi ni Tamie.

"Ah, ganun ba?"

"Oh bakit ganyan ang mga mata mo? Nawawala ang pagiging gwapo mo."

Napa-ngiti si Jesse. "Napuwing lang ako. Kinusot ko ng mabuti ang mata ayun." biro niya.

"Kinusot daw." sabay tawa si Tamie. Alam niyang nagbibiro lang si Jesse. "San nga pala si Papa Jonas? Ano na naman ang nangyari at wala parang bumaha na naman ng luha. Nag-away ba kayo?"

Napa-ngiwi si Jesse sa mga tanong ni Tamie. "Ah..."

"Ayy sorry pala, masyado akong intrigero. Balewalain mo na lang." 

"Hindi naman Tamie. Nahiya lang ako sa sinabi mong parang bumaha na naman ng luha. Oo nga pala, nagiging iyakin ako." sabay tawa. "Kalalaki kong tao."

"Naku, naiintindihan ko. Dahil kasi yan sa pag-ibig saka nasa hindi magandang kalagayan ang partner mo kaya natural lang yun. O nasaan si Jonas?"

"Nasa loob nagpapahinga. Natutulog." sagot agad ni Jesse.

"Ah... Ok naman siya?"

Ngumiti ng tipid si Jesse. "Hayss sa totoo nga lang, inatake na naman siya." Muling nagbabadya ang mga luha ni Jesse.

Napa-kunot noo si Tamie. "Oh, hindi ba natin siya itatakbo sa hospital?"

"Hindi. Hindi na siguro. Nakainom agad siya ng gamot niya kaya umayos na ang pakiramdam niya."

"Ah... Ok. Pero Jesse, hindi man ako kasama nyo noh. Pero, bakit kasi ayaw pang magpa-opera? Nagpapatagal pa."

Napa-yuko si Jesse. Hindi niya masabi ang dahilan. Nahihiya siya. "Hmmm may napagdesisyunan kasi kami eh. Pero sa desisyong iyon magpapaopera talaga si Jonas. May aayusin lang muna kami."

"Ah... kasi kung magpapa-opera lang rin naman. Bakit hindi pa ngayon. Sa lalong madaling panahon. Pasensya na ha... Bilang kaibigan kasi nalulungkot din naman ako. Kahit papaano nasasaktan sa mga nakikita ko."

Napatango-tango si Jesse. "O-ok lang. Salamat kaibigan."

"Wala yun. Ano ka ba?" tinapik-tapik niya ang balikat ni Jesse. 

Maluha-luha si Jesse. Hindi dahil sa ginagawa ni Tamie kundi sa katotohanang bakit nga ba hindi ngayon at kailangan pang ipagpaliban ang pagpapa-opera ni Jonas. "Sa totoo nga lang eh, gusto ko nang puntahan ang kapatid ni Jonas para humingi ng tulong. Yun kasi ang alam kong makakatulong sa kanya lalo pa't kailangan ng pamilya ni Jonas bago siya magpaopera." Nasabi ni Jesse. 

"Oh bakit hindi mo pa gawin."

"Kasi nga gusto ni Jonas na makasam-" naputol niya ang sasabihin nang ma-realize na nagsasabi na siya kay Tamie ng katotohanan.

"Makasama?" 

Huli na para mabawi pa ni Jesse ang sinabi. "O-oo. Gusto kasi ni Jonas na sumama ako sa ibang bansa."

"Ganoon? P-parang... Ito ah. Jesse ang daming paraan. Bakit hindi na siya mauna? Ay! Kung ako sayo, hahanapin ko na yung kuya niya. Tapos sumunod ka na lang."

"Ayaw nga ni Jonas, Gusto niya kasabay ako."

"Jesse, araw-araw nang inaatake si Jonas ng cancer niya. Kailan pa kayo kikilos? Isang linggo? Dalawang linggo? Isipin mo na lang ang pagtitiis niya sa sakit sa araw-araw hanggang maka-kuha kayo ng kailangan nyo."

Napa-iyak nang muli ni Jesse. "Gusto ko lang sundin ang gusto ni Jonas."

"Oo Jesse. Pero hindi naman masama kung minsan ikaw naman ang magdesisyon."

Saka sila nakarinig ng sigaw mula sa loob ng bahay.
-----

Awang-awa si Jesse habang tinitignan ang mukha ni Jonas. Muli na itong nagpapahinga pagkatapos na atakihin na naman ng sakit ng ulo. Agad nilang napainom ng pain reliever si Jonas.

"Alam mo Tamie, hindi ganyan dati si Jonas. Lumulubog na ang kanyang mga mata. May bahid na rin ng pangingitim para na siyang laging walang tulog. Pero gwapo pa rin naman siya." natawa si Jesse pero ang katotohanan pinipigil ang mga luha. "Pero kahit naman pumanget yang si Jonas, mamahalin ko pa rin yan. " Hminga siya ng malalim. "Ayoko man sabihin, pero talagang naawa na ako sa kanya."

"Jesse." Hinawakan ni Tamie ang kamay ni Jesse. "Tama siguro ako. Ikaw na ang gumawa ng paraan."

Napatitig si Jesse kay Tamie. Nababasa niya ang ibig sabihin ni Tamie. "Ayoko siyang mawala."

"Gagawin mo nga ang dapat para hindi siya mawala eh." Napabuntong hininga si Tamie. "Babantayan ko si Jonas."

Nang sabihin ni Tamie na babantayan niya si Jonas, agad ang pag-agos nang luha ni Jesse. Kailangan ba talaga niyang puntahan ang kapatid ni Jonas para ipaubaya ang lahat lahat.

"Jesse. Kung mahal ka ni Jonas, babalik at babalik siya sayo, ano man ang mangyari. Ako ang bahala kay Jonas. Puntahan mo na ang kapatid niya."

Walang masabi si Jesse kundi ang patuloy na pagdaloy ng kanyang luha. Wala siyang lakas na tumayo sa kanyang pagkakaupo.

Dumapo ang kamay niya sa mukha ni Jonas na mahimbing ang tulog ngunit kita sa mukha ang sakit na nararamdaman. "J-jonas. Mahal na mahal kita. Gagawin ko 'to para sayo dahil mahal kita. Huwag mo sanang isipin na kaya kita hindi sinunod sa gusto mo dahil hindi kita mahal. Mahal na mahal kita. Ayaw ko lang na nakikita kang naghihirap sa sakit mo. Masakit din sa akin."

Tumabi si Tamie kay Jesse. Inalo niya si Jesse. Alam niyang nahihirapan ito sa gagawing desisyon.
-----

"Alam mo Jonas, ang swerte mo. Nakakita ka ng lalaking tunay na nagmamahal sayo. Ako rin eh. Matagal na akong naghahanap." natawa si Tamie. Kinakausap niya ang tulog na si Jonas. "Kasi yung mga naging BF ko, sinaktan lang nila ako. Kaya nga nang makilala ko kayo, na-inspire akong umibig muli. Kung ako sayo, pakikinggan ko ang mga sinasabi ni Jesse. Para din kasi sayo yun eh at, ang mas kalalabasan noon, eh para sa inyong dalawa rin ni Jesse. Tsk, ikaw na lang lagi ang iniisip ni Jesse kahit nga sa gagawin niya ngayon, para sayo at sa inyong dalawa talaga yun. Kaya isipin mo rin naman siya, kung paano siya hindi masasaktan. Huwag kang magagalit sa kanya. Tama lang ang ginawa niya."

Tinignan ni Tamie si Jonas mula ulo hanggang paa saka bumuntong hininga. "Pero kailangan niyo rin talagang magkahiwalay. Yun kasi ang plano." Tumayo si Tamie sa pagkakaupo. Pumunta siya sa may pinto pero tanaw pa rin niya ang mahimbing na natutulog na si Jonas. Kinuha niya ang cellphone sa bulsa saka nagdial. Maya-maya pa ay may kausap na siya sa kabilang linya.

"Ok na Arl. Magaling ka talaga. Napilitan na nga si Jesse na puntahan ang kuya ni Jonas..."
-----































































               



9 comments:

Gerald said...

How dare u Arl and Tamie. Bakit kailangan nyong paghiwalayin silang dalawa? Jonas is dying for Pete's sakes. I can feel Jesse's agony.

Anonymous said...

aww.. nabitin ako dun.. bitin na bitin.. hehehe


fresno

--makki-- said...

bakit kaya ganon na lang katindi ang galit ni arl kay jonas at sa kapatid nito?

(magkasabwat nga ang dalawa!)

Mapanglinlang naman tong si Tamie oh! grabe ka!

hirap na hirap na nga si Jesse eh! nakaya mo pang manira ng buhay ng may buhay! ang sama talaga ng budhi!

dahil sa natagalan na ang operasyon ni Jonas lalo itong lumala.. lumiit na maxado ang chance niyang mabuhay pa. ( feel ko lang) sana nga mali ako.. i want Jonas to live more at sila dpat ni Jesse ang magkatulyan hanggang sa kataousan..

sa tingin ko may magaganap na conflict between Jonas and Justin, because of Jesse..

ChuChi said...

kaya ganoon ang galit nila kay jonas its because sa mga naunang chapters, pinatay ng daddy nila jonas and james ang umampon kay arl, which makes arl mad at the brothers,

for short, " ITS PAYBACK TIME!!! "

hahahaha!!!


infairness! nakakamiss tong story nito!!!

keep up the good work mr. author!

:)


- ChuChi -

Lyron said...

What! Why? Bakit ganon? Oh my, excite na ako tuloy sa next chapter...


Cheers!:)

RJ said...

waaaaaaaaaah :(

grabe naman. hays.

Anonymous said...

bakit may masamang plano si arl kina jonas at jesse...kawawa si jesse hahamakin nya talaga ang lahat para lang kay jonas.... sana kapag naging ok na lahat at maging matagumpay ang operation ni jonas walang mag bago sa kanilang dalawa ni jesse...im sure lalong masasaktan si jesse sa d pag tupad sa kasunduan nila ni jonas...excited na ako sa tagpo na mag sasabi si jesse about sa relasyun nya kay jonas lalo na kaharapin si justin...

ramy from qatar

Anonymous said...

WOWW........two thump-up ako d2, nice mr. author, keep up d good work sir.

Anonymous said...

i knew it.. paghihiganti ang motibo nitong si Arl... bwiseeett..!!

next na please.. hehehehe.. (lambing lang po)

God bless.. -- Roan ^^,