Followers

CHAT BOX

Sunday, February 19, 2012

TRUE LOVE WAITS (Last Crescent Moon) Chapter 12



Siniguradong maayos ang mukha ni Jesse bago siya tumayo sa pagkakaupo niya sa sahig malapit sa kanilang gate. Alam niyang mahahalata ni Jonas ang pamumula ng kanyang mga mata. Gagawa na lang siya ng dahilan. Basta ang mahalaga maipakita niyang wala pa rin siyang nalalaman. Maging natural ang lahat. Ayaw niya munang magsalita. Pero sa lalong madaling panahon, kahit bukas, sisikapin niyang makagawa ng paraan para maituloy na ni Jonas ang sinasabi nitong pagpapaopera.

Napa-tingala siya. Sinisikap niyang labanan ang napipintong pagluha na naman. Ilang ulit huminga ng malalim. Saka muling naglakad papasok.

Nagtataka rin siya kung bakit hindi man lang siya napansin ni Jonas kanina. Malamang na nakababa na si Jonas dahil umalis siya nang natapos na ang pakikipag-usap nito. Naisip niyang nasa kusina na ito dumiretso at naghihintay sa kanya.

"Jonas..." tawag niya. Hindi pa kasi siya nakakarating sa pinaka dining area. "Jonas?... Hindi ka pa nababa?" sabi niya nang makarating siya sa dining area na walang Jonas. Napa-buntong hininga siya. "Nasa taas pa siguro, tinamad bumaba dahil sa nangyari kanina." Isa pang buntong hininga.
-----

"Jonas..." Hindi tuluyang pumasok si Jesse sa loob ng kwarto. Kumatok muna siya. "Jonas?" Ilang ulit pang pagkatok at pagtawag at napilitan na rin siyang buksan ang pinto.

Laking gulat niya nang makita si Jonas sa sahig na walang malay. "Jonas..."
-----

Tulala, naghihintay ng impormasyon mula sa doktor,  si Jesse habang nakaupo sa labas ng emergency room. Panay ang agos ng kanyang luha kasabay ang walang awat na dasal na walang mangyaring masama kay Jonas.

"Ah, kayo po ba ang kasama ng pasyente?"

Nagulat pa si Jesse nang biglang magsalita ang doktor sa kanyang likuran. "O-opo. Kamusta po."

"Ah, maayos na ang pasyente... sa ngayon. Lagi mong ipapaalala na huwag siyang laging nag-iisip para hindi dumalas ang pagsakit ng ulo niya. Huwag niyo bigyang ng isipin. Kapag nakapagpahinga na siya maari na rin siyang lumabas."

Napapa-tango lang si Jesse pero ang kanyang isipan ay panay pasasalamat.
-----

Pansamantalang inilipat si Jonas sa ibang kwarto. Hindi naman din sila magtatagal doon. Hinihintay lang ni Jesse na magising si Jonas at kung may lakas na uli itong makalakad. Pero hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala. Alam niyang panandalian lang ang maayos na pakiramdam ni Jonas. Inaalala niya ang susunod na aatake ang sakit nito.

"J-jesse..." unang salitang lumabas sa bibig ni Jonas nang magsimulang magmulat.

"Jonas, nandito lang ako." Agad niyang hinawakan ang kamay ni Jonas.

Nilingon ni Jonas si Jesse. "Nasaan tayo?"

"Sinugod kita dito sa hospital. Nakita kasi kita sa kwarto na walang malay." Naluluhang sabi ni Jesse.

Agad bumangon si Jonas. "Halika na. Ok na ako. Umuwi na tayo."

Napatayo si Jesse. "Ano ka ba, Jonas?" Pinipigilan niya si Jonas pero nauna na itong bumaba sa higaan. "Hindi ka pa nakakapagpahinga ng maayos ano ka ba?"

"Ok na ako. Uuwi na tayo. Oh, bakit ka na naman umiiyak?" Kunot noong si Jonas.

Napatitig ang lumuluhang mga mata ni Jesse. "Ako? Bakit ako umiiyak? Hindi mo alam..."

Niyakap ni Jonas si Jesse. "Tahan na. Uuwi na tayo, Ok na ako."

"Paano ba ako tatahan Jonas?"

Inilayo ni Jonas ang katawan kay Jesse saka pinahid niya ang magkabilang pisngi ni Jesse na basang-basa ng luha. "Ano bang sabi ko sayo, ayokong nakikita kitang ganyan."

"Hindi ko yata kaya Jonas."

"A-anong hindi mo kaya? Hindi mo na ba ako kaya? Ano bang ibig mong sabihin?"

Napatitig siya kay Jonas. "P-paano kung ganyan ang ibig sabihin ko?"

Natigilan si Jonas habang nakatitig sa mukha ni Jesse. "Halika, umuwi na tayo. Kung ano-ano na ang iniisip mo." Aktong hihilahin niya ang kamay ni Jesse palabas ng kwartong iyon.

"Jonas." awat ni Jesse. "Hanggang kailan mo ba kasi ililihim ang sakit mo? Kapag naghihingalo ka na? Ang sabi ko, hindi ko na kaya... hindi ko na kayang magpanggap na walang alam. Ayokong isipin na, na may malubha kang sakit dahil ako ang mas nasasaktan. Mahal kita alam mo yan. At mahal mo ako, alam ko yun. Pero bakit hindi mo sa akin sabihin? Para dalawa tayo. Jonas, sinosolo mo... bakit?

Humarap si Jonas kay Jesse. Ipinatong pa niya ang dalawang kamay sa magkabilang balikat nito. "Wala kang alam."

"Alam ko."

Napa-luha si Jonas. "Huwag mo akong kaawaan. Please. Malalagpasan ko rin ito. Malulungkot ka lang kapag iniisip mo yun. Wala akong sakit." Saka niya niyakap si Jesse. "Please, Jesse. Wala kang alam."

"Hanggang kailan Jonas? Hanggang kailan ako dapat na walang alam? Makakaya ko ba? Sa araw-araw na inaatake ka ng sakit mo, tingin mo matatagalan ko bang hindi madurog ang puso ko sa tuwing makikita kitang nahihirapan?" Kumawala siya sa pagkakayakap sa kanya ni Jonas. "Hindi simpleng lagnat lang ang sakit mo Jonas na pwede kitang iwanan kasama ng mga gamot mo. Jonas can-" Hindi na naituloy ni Jesse ang sasabihin dahil tinakpan ni Jonas ang labi niya.

"Ayokong babanggitin mo yan. Wala akong sakit. Sige, oo may malubha akong sakit pero pupunta tayong states para doon ako magpaopera. Ipapakilala kita kay kuya kapag naayos mo na ang passport mo at kung ano-ano para makasama ka. Yun lang ang hinihintay ko Jesse. Ayoko kasing mawala ka sa tabi ko." Mas lalong nanlabo ang mga mata ni Jonas dahil sa luha. "Paano kung hindi ko nakayanan? Paano kung hindi ako makabalik? Ayokong masayang ang mga oras na hindi kita makakasama Jesse. Kaya please, pagbigyan mo ako. Isasama kita. Yun lang, tapos magpapaopera na ako."

Kung gaano ang sakit na nararamdaman ni Jonas, ramdam na ramdam din ni Jesse ang sakit na kanyang nararamdaman. Dahil sa puntong iyon, hindi man tuwirang sinabi ni Jonas  ang kanyang sakit, nasisiguro na niyang may malaki silang dapat harapin. Natatakot siya pero pinipilit niyang sumangayon sa mga sinabi ni Jonas. Doon siya nagtitiwala.

"Uuwi na tayo Jesse. Gusto ko nang magpahinga sa bahay."

Wala nang masabi si Jesse. Sumunod na lang siya kay Jonas.
-----

"Matagal ko na kayong nakikita." sabi ni Tamie habang dina-drive ang sasakyan ni Jonas. Siya kasi ang naghatid kay Jonas sa hospital nang mahingan ng tulong ni Jesse. "Sabi na nga ba, mag-asawa na kayo." sabay tawa. "Kasi, kahit anong isipin kong magkapatid kayo, hindi ko masabi dahil sa kakaibang sweetness niyo sa isa't isa. Hindi iyon karaniwan sa magkapatid saka hindi kayo magkamukha." muli siyang tumawa. "Pasensiya na sa pagiging observant ko."

Napapangiti lang si Jesse sa mga sinasabi ni Jesse lalo pa't nararamdaman niyang nauuri rin sa kanilang dalawa ang pagkatao ni Tamie. Naitatago lang sa pananamit at kilos pero nahahalata sa kapag hindi mapigilan ang kasiyahan tulad ngayon na tawang-tawa sa ikinukwento. "Basta maraming salamat sa tulong mo ha? Hindi ka nagdalawang isip nang tawagin kita."

"Maraming salamat nga pala." biglang sabi ni Jonas nang maalala, galing sa pagtanaw sa labas ng bintana.

"Wala iyon. Sino ba ang magtutulungan kundi tayo ring magkakapit bahay. Kayo lang naman kasi ang malihim eh. Mukha naman kayong mababait pero parang ayaw nyo lumabas sa lungga ninyo."

Natawa si Jesse. "Busy lang kami. Kasi pareho kaming nagtatrabaho. Pero si Jonas kailangan muna niyang magpahinga kaya ngayon sa bahay muna siya." sabi niya habang hinihimas ang likod ni Jonas.

Napangiti si Tamie sa ginagawa ni Jesse kay Jonas. "Hayysss, ako kaya? Kailan ako makakahanap ng right guy?" sabay tawa. "Naiinggit ako sa inyo."

Mula sa katahimikan, natawa si Jonas. "Basta ako maswerte. Sigurado yun."

"Ramdam ko." kinikilig na sagot ni Tamie. "O ayan malapit na tayo. Sana pagkatapos nito, magkakaibigan na tayo ah? Welcome na ako sa bahay niyo tapos welcome din kayo sa amin. Kung may kailangan kayo, katukin nyo lang ako sa bahay. Ako lang naman ang palaging nasa bahay. Kapag hindi nyo nakita ang sasakyan ko, ibig sabihin wala ako roon."

"Oo naman, Tamie. Maraming salamat." sagot ni Jesse.

"Ah, Jesse bakit hindi mo siyang yayain na sa atin na magtanghalian? Late na malamang naabala natin ng sobra si Tamie." si Jonas.

Kay Tamie tumuon ng tingin si Jesse. "Oo nga Tamie?"

"Naku, siguro sa susunod na lang. Kasi nariyan ang kapatid ko. Malamang may naghihintay rin na lamesa sa akin."

"O sige. Basta huwag kang mahiyang dumalaw sa amin ha?" si Jesse.
-----

Nakauwi na si Tamie habang si Jesse at Jonas ay tahimik na nakaupo sa sala. Panay lang ang buntong hininga ni Jonas at Jesse tila nagpapakiramdaman sa mga susunod na mangyayari. Niyaya ni Jesse si Jonas na kumain nung una pero nang sumagot itong walang gana, nagsimula na silang manahimik.

Gumalaw si Jonas para kunin ang remote control ng tv para buhayin iyon. Pagkatapos ay humiga siya sa kandungan ni Jesse.

Napangiti naman si Jesse sa ginawa ni Jonas. Kahit kaunti, napanatag ang kanyang alalahanin sa ganoong ayos nila. Hinimas-himas niya ang buhok ni Jonas na parang isang ina sa kanyang anak. Alam niyang nagugustuhan iyon ni Jonas dahil napapikit ito kasabay ang paghinga ng malalim. Umaasa siyang kahit papaano mapanatag ng ginagawa niya ang isip ni Jonas.

Kahit nakapikit, nagsalita si Jonas. "Jesse, ipangako mo, sasama ka sa akin. Huwag mo akong iwan."

"Hindi ako mawawala sa tabi mo." Hindi napigilan ni Jesse ang maluha. Sinikap niyang itago ang kabog ng dibdib. Agad niyang pinunasan ang pisngi. Sinamantala niya iyon habang nakapikit si Jonas.

"Kahit anong sabihin sayo ni Kuya Justin, lakasan mo ang loob mo. Sa akin ka lang maniniwala. Hindi sa iba."

"Oo." matibay na sagot ni Jesse habang nasa isip na Justin pala ang pangalan ng kuya ni Jonas.

Dumilat si Jonas saka ngumiti nang humarap siya kay Jesse. "Gusto ko na matulog."

Naka-ngiting tumango si Jesse. "Halika na sa taas."
-----

"Aalis ka na naman? Dapat kasi, magpahinga ka na lang ngayon. O kaya isama mo na lang ako. B-baka kasi..." salubong ni Jesse nang pababa si Jonas nang hagdan nang nakabihis, umaga kinabukasan.

Humalik si Jonas sa noo ni Jesse. "Ok lang ako." saka ipinakita ang boteng hawak kay Jesse. "Dala ko gamot ko."

"Kahit na."

"Babalik ako agad."

"Oh, hindi ka pa kumakain. Dederetso ka agad sa labas?"

"Promise Jesse babalik agad ako."

"Sabihin mo na lang sa akin ang lalakarin mo."

"Pupuntahan ko lang yung kaibigan kong attorney, may usapan kasi kami ngayon. Muntik ko pa nga makalimutan."

Napa-buntong hininga na lang si Jesse. "Sige na nga."

"Huwag kang mag-alala. Promise pagkatapos ng gagawin namin. Mmm may babasahin lang ako tapos pipirma, ganun lang kadali. Tapos babalik na agad ako." Muli siyang humalik sa noo ni Jesse. "Huwag kang mag-alala."

"Hmpt. Hindi ako nag-aalala. Yun kasi ang sabi mo eh. Wala kasi akong kasabay kumain. Yun lang yun."

Natawa si Jonas. "Kaya pala. Well, mas gusto ko na yang ganyan kesa sa kung ano-ano ang iniisip mo."

Muling napabuntong hininga si Jesse. "Ano pa nga bang iisipin ko, eh ayaw mo naman akong mag-isip ng kung ano-ano. Tama?"

"Oo, ganyan nga. Kasi wala naman dapat tayong ipangamba. Magiging Ok ang lahat. Gusto ko pagbalik ko nakangiti ka?"

"O siya sige na. Umalis ka na para makabalik ka agad."

"Mag-ingat ka dyan sa loob ng bahay." paalala ni Jonas.

"Ako pa ang mag-ingat talaga ah?"

"Hmmm... Jesse?"

"Ayy. Opo mag-iingat ako. Saka ikaw din, huwag magpatakbo ng mabilis."

"Sabi ng babe ko. Masusunod." sagot ni Jonas.
-----

Hindi na pumasok si Jesse gaya ng sabi ni Jonas. Hindi naman siya nag-aalala dahil mas inaalala niya si Jonas. Kahit hindi man sabihin ni Jonas na huwag na siyang pumasok. Buo na rin sa isipan niyang huwag munang pumasok ngayon araw.

Naglinis siya ng mga kalat. Hindi naman siya nakakapagod dahil hindi naman sila makalat sa loob ng bahay. Tanging  ang mga hindi maiiwasang alikabok lang ang natural sa buong bahay. Naka-planong isusunod niya ang kwarto nila ni Jonas.
-----

"Umaayon sa plano ko ang lahat." Ito ang mga unang lumabas sa bibig ni Arl habang nakatanaw sa labas mula sa veranda ng bahay. "Habang nasisiguro kong, magbabalik ako." Naka-ngiti ngunit may poot din sa mga labi ni Arl.

"Arl, anak?" tawag ni Juanita na kanyang ina sa kanyang likuran.

"Yes Ma?" lingon ni Arl.

"May naghihintay sayo."

"Sino daw po Ma?"

"T-tam-"

"Kilala ko na Ma. Sige po susunod na ako."
-----

Kasalukuyan nang naglilinis si Jesse ng kanilang kwarto. Wala namang masyadong kalat maliban sa damit na na nakapatong sa ibabaw ng kama. Siguradong mga pinagpilian iyon ni Jonas. Hindi na naasikasong ibalik sa closet.

Sinimulan na niyang ibalik sa closet ang mga damit na naiwan sa kama. Nang maibalik na niya, napansin niya ang isang drawer sa tabi ng kama na bahagyang nakabukas. Hindi niya pinapansin ang drawer na iyon simula pa nung una. Minsan lang niyang nabuksan iyon nang maghanap siya ng susi noong na-lock si Jonas sa loob ng  bathroom.

Nakatutok ang mga mata niya sa pinakababang drawer kung alin ang bahagyang nakabukas. Wala namang dapat na ipagtaka. Pero parang may naguutos sa kanyang silipin niya ang nasa loob noon.

Hindi naman siya nagmamadaling buksan iyon. Pero balak talaga niyang maghalungkat ng mga gamit kung ano ang meron sa loob ni yun. "Ano kaya ang kinuha ni Jonas dito?" sabi niya kasabay ng pagyuko niya para maabot at mabuksan ang drawer na iyon.

Nang mabuksan ang drawer na iyon, tumambad sa kanya ang isang photo album. Sa gilid ay mga maliliit na box. Hinawakan niya ang photo album. Inaasahan niyang makikita ang mga litratong noong bata pa si Jonas. Napangiti siya sa naisip. Na-excite siyang buksan. Sinikap niyang sa unang pahina niya mabubuksan ang photo album.
-----

"Pare, hanggang ngayon hindi talaga ako makapaniwala sa mga nalaman at ginagawa ko. Pero kahit nalaman kong... Pare, hindi magbabago ang pagtingin ko sayo. Kaibigan pa rin kita. Walang pagbabago. Alam ko mabait kang tao. Pero hindi ko lang talagang inaasahang iba pala ang dugo mo. Lalaki rin ang minamahal mo." natawa ang kaibigang abogado ni Jonas.

Napapangiti si Jonas. "Basta kung ano man ang mangyari, huwag mo siyang pababayaan. Umaasa akong masusunod ang kung ano man ang napagkasunduan natin."

"Oo naman pare. Kahit hanggang ngayon na parang hindi pa rin ako makapaniwala. Ang kasunduan ay kasunduan. Maasahan mo ako dyan."

Tunango-tango si Jonas. "Kailangan ko nang umuwi. Baka magalit sa akin si Jesse."

"Sige pare. Basta mag-iingat ka."
-----

Natuptop ni Jesse ang bibig nang makilala niya ang kasama ni Jonas sa litrato. "Kilala ko ito." Muli pa niyang inilipat ang pahina ng photo album para makakita ng iba pang litrato. Doon niya napatunayang tama ang hinala niya. "S-si Sir James ang kuya ni Jonas?" Napatayo siya sa mula sa pagkakaupo. Nabitawan niya ang photo album. Gulat na gulat siya sa natuklasan. "Kaya pala noong una, nasabi kong parang may kahawig si Sir James. Hindi ko alam na lagi kong kasama ang tinutukoy ko." Ang lakas ng kabog ng dibdib ni Jesse. Hindi na siya nag-abala pang tignan ang iba pang mga litrato. Muli na niyang ibinalik ang photo album sa kung saan ito nakalagay. Gusto niyang maayos siya at maabutan ni Jonas na walang paghihinala. Kailangan nyang maging normal ang kilos at pananalita.
-----

"Alam mo Jonas, nang alalahanin ko kung paano tayo unang nagkita..." saglit na tumigil si Jesse sa pagsasalita habang nakahiga sila sa kama. "...kung paano mo itinago ang tunay mong pagkatao." Saka siya tumitig sa mga mata ni Jonas. Inalam niya kung ano ang magiging reaksyon nito sa sinabi niya. Tama nga siya, napatingin sa kanya si Jonas tanda ng nabigla ito sa sinabi niya.

"B-bakit. A-nong meron?"

Sinikap ngumiti ni Jesse. "Hmmm kahit ganoon ang mga nangyari, mas matimbang pa rin sa akin ang pinagsamahan natin. Mahal lang talaga kita."

"B-bakit Jesse. Bakit mo naisip yun? Sinasabi ko naman sayo kung sino ako di ba. Alam mo na naman di ba? Bakit kailangan mo pang balikan iyon?" Mga pagtataka ni Jonas. May kung anong kaba sa kanyang dibdib.

Yumakap siya kay Jonas. "Alam ko naman na, may mga bagay kang ginagawa na hindi ko alam. Ang iniisip ko na lang, ginagawa mo yun para sa ikabubuti natin. Napansin ko, yung mga nilihim mo sa akin na nalaman ko na, na wala naman dapat akong ikagalit o ika sama ng loob."

"Nagtataka ako? Dahil ba kanina? Dahil hindi ko sinabi sayo kung saan ako pupunta at kung ano ang gagawin ko?"

"Mmm siguro Jonas. Pero wala iyon." Hinimas ni Jesse ang braso ni Jonas. Saka niya inangat ang ulo at tumititig kay Jonas. "Ang ibig kong sabihin... nagtitiwala ako sayo Jonas." saka may nangilid na luha sa mga mata ni Jesse. "Dahil mahal na mahal kita. Huwag mo sana akong bibiguin. Gusto ko gumaling ka."

Napabuntong hininga si Jonas. Naramdaman niya ang dinadalang takot ni Jesse dahil sa kanyang sakit. "Oo. Sinisigurado ko." Pinilit niyang ngumiti kahit nag-aalangan ang kanyang isipan sa kanyang paniniwalang paglaban sa sakit. "Gusto kitang maangkit ngayon."

Napangiti si Jesse. "Ayoko nga."

Napakunot noo si Jonas. "B-bakit? Napagod ka ba kanina?"

"Hapon pa lang kaya."

"Eh ano?"

"Sigurado ka?" paninigurado ni Jesse.

Hindi na sumagot si Jonas. Hinalikan na lang siya si Jesse hanggang tangayin na ang dalawa sa gusto nilang marating.
-----

Nakatulog sila pagkatapos ng ilang ulit nilang pagniniig. Nagising sila nang wala ng sinag ng araw na tumatama sa kanilang kwarto.

"Jesse, doon uli tayo sa rooftop."

"Anong gagawin natin doon?"

"Doon natin ipagpatuloy ang-"

"Ano?" singit agad ni Jesse.

"Pagtulog." Natawa si Jonas.

"Kaya nga. Wala ka bang balak kumain? Hindi pa ako nakakapagluto."

"Ok lang. Ikaw ang gusto kong kainin." sabay tawa.

"Oh sige, ikaw ang maglatag."

"Oo ba." sagot agad ni Jonas.
-----

"Ang lamig naman ngayon." reklamo ni Jesse. Pareho na silang nakahiga sa inilatag nilang higaan sa rooftop.

"E di yakapin mo ko para mag-init ka." sabay tawa.

"Anong klaseng init ba yan?"

"Kahit ano."

"Ang lakas mo talaga." si Jesse.

"Siyempre." bilib sa sarili.

"Kayabangan."

"Kasi totoo."

"Sino may sabi?"

"Ikaw."

Nanlaki ang mga mata ni Jesse. "Ako? Nananaginip ka pa yata."

Natawa si Jonas. "Kasi kahit hindi mo sabihin. Nararamdaman ko sa mga kilos mo, sa mga ngiti mo, sa mga mata mo... na ako ang pinamagandang lalaki na namumukod tangi sa puso mo." sabay tawa.

Napangiti si Jesse. "Ang kapal. Akala ko ba ang pinaguusapan natin ang pagiging malakas?"

"Oo nga. Malakas ako."

"Oh nasaan doon ang magandang lalaki?" natatawa si Jesse.

"Basta. Basta malakas ako magyabang." sabay tawa.

"Eeee..." napangiwi si Jesse. "Mayabang nga."

"Ito naman nagbibiro lang."

Natawa si Jesse. "Ewan ko sayo, Naku, kahit maging kasing lakas ng hangin ngayon gabi ang kayabangan mo, maiintindihan ko. Ano ka ba? Sige lang pagpatuloy mo lang kayabangan mo." pinagkadiinan niya ang salitang kayabangan, sabay tawa.

"Parang gusto kong umurong. Nanghahamon ka yata eh."

"Halata ba?"

Natawa si Jonas. "Sandali, sisiguraduhin ko munang nakabawi na ako. Mag-iipon lang."

"Ayy ang bagal."

"Ano? Mmm ganun pala ah." Dinakma ni Jonas si Jesse sa pamamagitan ng pagyakap saka siniil ng halik.

"S-sandali naman." natatawang si Jesse. "Nambibigla ka naman eh. Hindi pa ako ready."

"Tignan mo 'to. Siya pala ang hindi pa ready."

Muling tumawa si Jesse ng malakas. "Maya-maya na kasi. Maghanap muna tayong falling stars. Gusto ko mag-wish."

Napakunot noo si Jonas. "A-anong iwi-wish mo?"

Tumitig ng matamis si Jesse kay Jonas. "Na magsama tayo ng sobrang tagal."

"Wish granted." sagot agad ni Jonas.

"Ang bilis ah."

Natawa si Jonas. "Hindi kasi kita papatulugin. Tignan mo, tamang-tama nanonood na naman sa'tin yung... ano nga iyon." Kunyari nakalimutan niya ang ang tawag sa buwan na iyon.

"Crescent moon."

"Ang galing ah. Akalain mo yun, hindi mo nakalimutan."

"Ano ka ba? Never ko yang makakalimutan. Di ba sabi mo hangga't may nakikita tayong ganyan, magpapatuloy ang pagmamahalan nating dalawa?"

"Maniwala ka sa sinabi ko." paniniguro ni Jonas.

"Matagal na akong naniniwala Jonas."

Sa puntong iyon muling naglapat ang kanilang mga labi. Mas matamis, mas maalab gaya ng nadarama nilang pag-ibig sa isa't isa. Na para bang iyon na ang huling pagiging isa ng kanilang katawan. Na para bang sinasaulo ang bawat bahagi ng katawan sa pamamagitang ng pagdampi ng labing sabik sa pagmamahal.

"Mahal na mahal kita Jesse." namutawi sa mga labi ni Jonas gaya ng tunay na sinisigaw ng kanyang puso.

"Mas mahal kita Jonas." ungol ni Jesse na kasing ingay ng pagtibok ng pusong tunay na umiibig.
-----










8 comments:

Anonymous said...

sa wakas.... mr. author... may update na... nakakaiyak talaga ang story...lalo na sa lagay ni jonas....nakakaawa talaga sya...talagang mahal na mahal nila ang bawat isa..... sana makapunta na sila sa amerika para ma makaopera na si jonas.... im still afraid of the major surgery ni jonas but still believing in miracle.... hope na makayanan ni jonas...tapos ano kaya ang masabi ni justin nito kapag nalaman na si jesse pala ang kinakasama ni jonas...sana walang mag bago sa pakikitungo ni justin kay jesse kapag malaman nito...

ramy from qatar

--makki-- said...

kamusta na pala si Jessica?

hula lang ha.. malamang last will of testament ang insikaso ni Jonas sa kaibigang abogado nito..

mamamatay siguro si Jonas.. feeling ko lang.. sa time na magsasakabilang buhay siya ay yun din ang last crescent moon na makikita nilang magkasama..

pagkatapos si Justin na ang sasalo kay Jesse.

Salamat po sa update! :)

Gerald said...

Ang ganda ng kwento. Yun nga lang dahil sa matagal ang update parang mabagal masyado ang phasing. Ang dami pang revelations ang naghihintay. Ibig kong sabihin kahit matagal ang update mabilis naman ang kwento (na may laman).

RJ said...

nakakalungkot talaga :( pero sana talaga gumaling si jonas.

di ko rin maintindihan ang dahilan ni arl kung bakit niya gustong paghigantihan yung magkapatid kahit alam niyang wala namang kasalanan yun. haist.

waah ang lungkot talaga. :(

Anonymous said...

ang tagal kong inantay to.. araw araw tsinetsek ko kung may bago hehehe.

galing mo mr. author.. sana di ka busy para masundan agad hehehe

fresno

--makki-- said...

ako din RJ bakit kaya gusto niyang paghigantihan ang magkapatid? bat pumunta si Tamie kina Arl? Kasabwat kaya siya sa paghihiganti nito?

daming twist ng story na ito.. hehehe

Anonymous said...

thanks for the update..

super nice..

can't wait for the revelations.. hehe

God bless.. -- Roan ^^,

wastedpup said...

Cant wait for the next chapters... :)