Napalunok si Jonas nang sabihin ng doktor ang resulta ng isinagawa nilang pagsusuri. Hindi maganda sa kanyang pandinig ang salitang iyon. "A-ano po ang ibig sabihin noon Doc?"
Huminga muna ng malalim ang doktor saka umupo. "Ah, hindi ko na ipapaligoy-ligoy pa no... May tumor ka sa iyong utak."
Inalis ni Jonas ang tingin sa doktor saka yumuko. Tumango lang siya. Expected na niya iyon.
"Nakuha mo yan simula pa noong bata ka Mr. S-schroeder. Siguro, kung noon mo pa yan napakunsulta, maaring naagapan pa yan kahit sa ilalim lang ng radation. Maaring maging inactive yan. Meron ding sumas ilalim sa stereostatic surgery..." muling huminga ng malalim ang doktor. "Pero dahil ngayon mo lang yan napakonsulta, halos nasa stage three ka na..."
"Sige lang dok, ituloy niyo lang... Gusto kong marinig ang lahat. Kahit wala na akong pag-asa, malaman ko lang kung hanggang saan na lang ako." Naluluhang sabi ni Jonas.
"May mga ilang treatment na maari naman tayong gawin. Radiation, maarin nating mapahaba ang iyong..." tumikhim muna ang doktor. "ang iyong survival... Operation... ang pinaka-maganda mong pagdesisyunan. Sumailalim ka sa operasyon. Susubukang tanggalin ang tumor na kumalat sa iyong utak. Chemotherapy... pero hindi ko masisigurado kung magtatagumpay tayo."
Dahil sa sinabing iyong ng doktor, hindi na napigilan ni Jonas ang maluha.
"Mr. Schroeder..."
"Ok lang ako dok. Don't worry, alam ko ang katayuan ko."
"Well, kung magpapatuloy tayo sa treatment ng iyong... kailangan mong ipaalam ito sa iyong pamilya."
Panay ang hinga ng malalim ni Jonas. Naninikip ang dibdib niya. Ang katotohanan, hindi sarili niya ang naiisip niya, kundi si Jesse na maaring maiwanan niya sa madaling panahon.
-----
"Bakit hindi ka pumunta kahapon?" Napatayo si Justin mula sa sofa ng makitang pumasok si Jonas sa pintuan. Kahapon pa niya ito hinihintay. "Pero, huwag mo nang isipin yun. Ang mahalaga narito ka na."
"Nagbago ang isip ko kuya..."
Magsasalita sana si Justin nang biglang sumulpot ni Yaya Koring.
"Jonas, iho." lumuluhang si Yaya Koring.
Napa-tingin si Jonas sa kuya niya. Nagtatanong ang mga mata niya kung may sinabi ba siya sa kanyang yaya. Pero umiling ang kanyang kuya na itinatangging wala itong sinasabi sa matanda.
"Kamusta ka na, Iho?"
"Maayos naman po Yaya Koring."
"Babalik ka na dito? Matagal ka nang hinihintay ng kuya mo. Lagi ko na lang siyang nakikitang malungkot. Aba'y simula nang mag-alisan kayo rito, wala na yatang kasiyahang nangyari dito sa iyong tahanan. Ako nama'y naghihintay na lang ng kamatayan pero ayoko namang makita kayong parang hindi na nabibiyayaan ng kasiyahan."
"Huwag po kayong mag-alala Yaya, maayos naman kami. Siguro dahil mga busy na kami ngayon sa mga sarili naming buhay."
"Bakit, may asawa ka na ba?"
Napa-tingin si Jonas sa kanyang kuya. Nakita niyang napa-buntong hininga ito at tumingin sa kabilang banda. Halatang hindi nito nagustuhan ang tanong ng matanda. "Oho yaya."
"Oh eh, bakit hindi mo dalhin dito. Alam ko naman na gusto rin ng kuya mong makita ang asawa mo."
Nalunok si Jonas saka bumuntong hininga. "Huwag po kayong mag-alala, pasasaan pa at matatanggap din ni kuya ang asawa ko." saka tumingin si Jonas sa kanyang kuya. Nahuli niya itong umismid. "Ah yaya Koring, na-miss ko kayo sobra pero, gusto kong makapag-usap muna kami ni Kuya."
Tumango ang matanda at saka umalis.
"Ano?" pagalit na tanong ni Justin. "Ano na naman ang gusto mong mangyari? Akala ko ba nagkasundo na tayo. Ano ba ang gusto mong mangyari sayo?"
"Kuya, pumunta lang ako dito para sabihin sayo na hindi ako sasama sayo hanggat hindi ko kasama si Je-" hindi niya naituloy ang pangalan. "Aasikasuhin ko ang papeles niya para makasakay din siya ng eroplano kung saan ko man balak magpa-opera."
"Jonas!!!" naglabasan ang mga litid sa leeg ni Justin.
"Buo na ang pasya ko."
Naningkit ang mga mata ni Justin. "Talagang wala kang pagsunod sa kuya mo. Sige, ikaw na ang bahala sa sarili mo." Lumakad palabas si Justin.
"Kuya.." tawag ni Jonas. Nasaktan siya sa sinabi ng kanyang kuya. Binabalewala na siya nito. Pero alam niyang kasalanan din naman niya. "Kuya, ang gusto ko lang naman ay tanggapin mo ako kung ano ako. Yun lang kuya, tanggapin mo kami... Kuya, nagmamahal ako. Importante sa akin ang mabuhay kung kasama ko siya..." Pero parang nagsalita lang siya sa kawalan nang tuluyan nang nakalabas ng pintuan ang kanyang kuya Justin.
Hindi kinaya ni Jonas ang dinadalang emosyon kaya napaluhod siya saka umiyak.
-----
"Oh Sir James, consistent yata ang kalungkutan mo ngayon ah..." buo ang loob na salubong ni Jesse sa kanyang boss nang papalabas siya para kumain ng tanghalian.
Napatigil si Justin sa paglalakad nang marinig niya ang sinabi ni Jesse. Natulala siya habang nakatingin dito. "Teka, saan ka pupunta?" kunot-noo nitong tanong.
"Ah, Sir breaktime po kaya?" natawa si Jesse. "Late na kayong pumasok Sir."
"Ah hindi, sinadya kong ngayon lang pumasok. Saan ka ba?"
"Saan?"
"Saan ka kakain ng tanghalian?" pag-uulit ni Justin.
"Ayy, dyan lang po sa tapat."
"Sige mauna ka na." Pagkatapos ay tumalikod na si Justin.
Naiwan si Jesse na nagtataka sa sinabi ng kanyang boss. "Sige mauna na daw ako? Ano yun, tapos sabay alis. Grabe, ibang klase si Sir." napangiti na lang siya saka tumuloy sa karendirya sa kabilang kalsada.
-----
"May gusto lang ako idagdag sa pinagawa ko." agad na sagot ni Jonas nang mapansin niya ang mapagtanong na mukha ng kaibigan niyang abogado.
"Kaya pala nasugod ka."
"Busy ka ba? Gusto ko kasing magmadali eh."
Natawa ang kaibigang abogado. "Basta ikaw pare, wala akong gagawin. Minsan ka lang naman humingi ng pabor."
Napangiti ng maluwang si Jonas.
-----
"Sir Justin? A-anong ginagawa niyo rito?" gulat na gulat si Jesse nang maangatan niya ng mukha ang kanyang boss sa harapan ng lamesang inuukopa niya.
"naka-order ka na agad? Sabi ko mauna ka lang. Hindi maunang kumain."
"P-po?" Napatingin si Jesse sa paligid. Tulad din niya, gulat din ang mga nasa mukha ng mga ibang empleyado ng supermarket nang makita nila ang boss nila sa karendiryang yun.
"Ano bang inorder mo?"
"A-ah eh..." hindi masabi ni Jesse ang inorder niyang ulam.
"Gatang kalabasa?" tanong ni Justin. "Hindi mo ba ako papaupuin?"
"Ay, Sir maupo po kayo." Binawa ni Jesse ang pagkabigla. "K-kasi naman Sir, nakakagulat naman kayo. Hindi ko inaasahang kakain kayo, d-dito sa karenderya."
Imbes na sagutin ni Justin ang sinabi ni Jesse, nagtanong siya kung paano umorder ng pagkain. "Paano nga ba?"
"Ay Sir walang waiter dito, pupunta po talaga kayo sa mga nakadiplay doon magsabi tapos dadalhin na lang dito."
"Ah ganon ba? Sandali." Tumayo si Justin para umorder ng kanyang kakainin.
"Anong problema ni Sir?" naisip niya. Saka siya kinalabit ng ka-trabaho sa kalapit lamesa.
"Jesse, anong meron bakit napakain mo dito si Sir?"
"Ay, hindi ko alam. Nagulat nga ako na nasa harapan ko na eh." sagot ni Jesse.
"Napansin ko lang yan kanina si Sir, masama na naman ang hitsura, pero ngayon parang walang problema. Natural na seryoso lang."
Bahagyang natawa si Jesse. "Basta hindi ko alam. Nagkataon lang siguro na naisipan ni Sir na kumain dito at sa lamesa ko natyempuhan. Paano wala akong katabi."
"Oo nga swerte mo."
"Swerte?"
"Swerte mo dahil mukhang ang daming inoorder ni Sir oh, imposibleng hindi ka niyang hahatian."
"Loko ka. Malakas lang siguro kumain."
"Sige na pabalik na si Sir." saka tumalikod ang katrabaho.
Hininay ni Jesse ang kanyang boss na na maka-upo. Hindi siya maka-imik dahil bigla siyang nahiya rito.
"Anong sinabi sayo?"
"Po?"
"Teka, iwasan mo nga na mag-po sa akin. Ok na yung pagtawag ng sir. Ano nga ang sabi sayong ka-trabaho mo?"
"S-sige Sir. Pero wala naman pong sinasabi."
"Kahit nakatalikod ako sa inyo nakikita ko kayo sa salamin."
Napatingin si Jesse sa direksyon kung saan nakikita ang kanilang reflection. Napa-ngiwi siya nang mapagtantong nagsasabi nga ng totoo ang kanyang boss. "Oo nga." Natawa siya.
"Oh anong sabi?"
"Katulad ko kasi Sir, nagtataka kung kayo narito ngayon."
"Bawal ba kumain dito ang may ari ng pinagtatrabahuan niyo?"
"Ay hindi naman po." agap ni Jesse.
"Po?"
"Ay Sir, kasi karaniwan sa restaurant kayo nakain."
"Gusto ko dito. May problema ba?"
"Wala naman po. Ay Sir ayan na yung inorder nyo." paalala ni Jesse nang mapansing parating na sa likuran ng boss inorder nito.
"Mmm napansin ko kasi na mura lang pala ang mga pagkain dito kaya, umorder na ako ng mga-" Hindi naituloy ni Justin ang sasabihin nang magsalita ang nagsilbi sa paghahatid ng pagkain.
"Sir, mukhang hindi po kakasya dito sa lamesa ang mga inorder niyo. Mukhang wala pong bakanteng lamesa." sabi ng serbidora.
"Ah lagyan mo lang kami dito ng iba't ibang putahe tapos sa ibang lamesa mo na lang ilagay." sagot ni Justin.
Agad may nag-react sa likuran ni Jesse. "Sir James, totoo ba yung narinig ko?"
"Huwag nang sumigaw." Paalala ni Justin.
"Wow, thank you Sir."
Maya-maya pa ay hindi na napigilan mailabas ang kasiyahan nang sa bawat lamesa ay may inilapag na putahe. Habang si Jesse ay hiyang-hiya sa kaharap dahil dalawa lang sila sa lamesang iyon. Naalala niya si Jonas. "Parang ganito lang kami ni Jonas kapag kumakain sa katabing restaurant, bumabaha sa pagkain. Ang pinagkaiba nga lang dito mas mura ang pagkain."
"Kain na." paalala ni Justin.
Parang nagising sa katotohanan si Jesse nang pansinin siya ng kanyang boss. "Ay oo nga pala."
"Kung saan-saan kasi lumilipad ang isip mo." sabi ni Justin habang inuumpisahan na niyang padapuin ang pagkain sa kutsara't tinidor nito.
Natawa si Jesse. "Hindi naman Sir. Ikaw nga itong ang daming iniisip."
"Kumain na."
"Opo." Natuptop ni Jesse ang bibig. "Ay oo."
-----
"San ka galing?" tanong ni Jesse nang makasakay na sya kotse ni Jonas.
"Wala naman. Nagpa-ikot-ikot lang bago kita sunduin."
"Natatawa ako kanina nang tumawag ka eh."
"Bakit?" takang tanong ni Jonas. "Masaya kaya ngayon?"
"Kasi kanina kung makatawag, Jesse, huwag aalis, susunduin kita... para naman kung makabilin tatakbuhan ko siya." sabay tawa.
Natawa rin si Jonas. "Kasi naman baka magkasalisi pa tayo."
"Oo, yun nga rin ang naisip ko kung bakit ganun ka tumawag eh. Kamusta pala pakiramdam mo?"
"Wag kang mag-alala magaling na ako."
Dinaan ni Jesse sa biro ang sasabihin niya. "Weh sinong niloko mo..."
Kahit biro hindi nakalagpas iyon kay Jonas. Natahimik siya.
Hindi na rin naman nagsalita si Jesse dahil nakakaramdam siya.
-----
"Sa lunes huwag ka na pumasok, aasikasuhin nating magkaroon ka ng passport." sabi ni Jonas habang kumakain sila.
"Huwag na pumasok?"
"Gusto ko sanang mag-resign ka na."
"Jonas, isang buwan na lang. Wala na nga sa isang buwan eh."
"Gusto ko kasi maasikaso na agad yun para makaalis na tayo."
"Ano bang meron sa pupuntahan natin bakit parang atat na atat ka?" tanong ni Jesse.
"Huwag ka na magtanong. Kain na lang tayo."
"Lagi mo na lang akong binibitin." Tatayo sana si Jesse.
"Saan ka pupunta?" Pigil agad ni Jonas.
Natawa si Jesse. "Kukuha lang ako baso."
"Akala ko kasi nagagalit ka." si Jonas. "Ako na kukuha, ako malapit eh."
"Nakakatawa ka. Bakit naman ako magagalit eh wala naman ginagawa ang nambibitin kong si Jonas." sabay tawa.
"Nambibitin pala. Mamaya hindi kita bibitinin." Hawak-hawak ni Jonas ang baso nang bigla siyang mawalan ng panimbang. Dahil doon nabitawan niya ang baso. Nabasag ito sa sahig.
Napatayo si Jesse sa gulat. "Bakit?" Agad siyang sumaklolo kay Jonas. "Ano na naman ang nararamdaman mo?"
"Na-nahihilo lang ako. Dumilim kasi bigla paningin ko."
"Jonas?"
"Ok na ako. Sandali kukuha lang ako ng pandakot."
"Hindi, ako na. Umupo ka na. Ako na." Inalalayan ni Jesse si Jonas makaupo. "Dahan-dahan matapakan mo ang mga bubog... Ayan, sandali. Huwag kang aalis dyan kukunin ko lang ang dustfan saka walis."
Nang makatalikod si Jesse kay Jonas halos hindi na niya mapigilan ang kanina pang tinatagong emosyon. Hindi niya nagugustuhan ang mga nangyayari kay Jonas. Nahawakan niya ang kanyang dibdib dahil naninikip ito sa pinipigil emosyon. Natatakot na siya. Pero ayaw niyang ipakita kay Jonas. Kahit alam niyang may dustpan sa malapit sa kusina, mas minabuti ni Jesse na dumiretso sa may pinto sa labas para doon kumuha ng gamit.
Ilang ulit muna siyang huminga ng malalim at pinagbuti ang pakiramdam ng mga mata bago siya muling pumasok.
"Jesse, bakit parang ang tagal mo?"
"H-ha? Kasi may pusa, kinakalat yung basura sa labas. N-napansin ko kasi kanina kaya doon na ako dumiretso para kunin itong dustpan at walis."
"Pasensiya na Jesse."
"Ano ka ba? Hindi mo kailangan humingi ng pasensiya. Natural lang na makabasag ka ng baso kasi nahilo ka. Alangan namang mag-circus ka pa." nagpapatawa siya. "Tigilan mo na yang kaka-sorry mo ha? Wala yan."
Napabuntong hininga na lang si Jonas.
Habang napapalunok naman si Jesse.
-----
Kinabukasan ng umaga...
"Jonas, kung hindi ko pa napansing gagamit ng cellphone si yaya koring hindi ko pa malalaman na nag-iwan ka sa kanya ng cellphone number mo. Bakit hindi ako ang binigyan mo? Wala ka ba talagang balak na humingi ng tulong sa akin ha Jonas? Kung alam mo lang kung gaano ako nag-aalala, kung ano-ano na ang ginagawa ko para kahit papaano hindi sumakit ang ulo ko kakaisip sayo, pero ikaw parang wala ka talagang awa sa sarili mo." Ito ang sunod-sunod na salita ni Justin gamit ang cellphone.
"Inaayos ko lang ang passpport ng asawa ko sa lalong madaling panahon para makaalis na ako."
"Kailan pa yan kapag namumuti na yang mata mo? Jonas, hindi ka hinihintay ng sakit mo..."
"Kuya, huwag ka na lang mag-alala. Magpapa-opera ako. Sigurado yan, gusto ko pang mabuhay. Pero sisiguraduhin kong kasama ko si Jesse."
"Letseng Jesse na yan. Gaano ba kalaki ang pagkalalaki niya na yan at hindi mo maiwan-iwanan?"
"Natatakot lang akong hindi maging maganda ang resulta. Ayokong mawala siya sa tabi ko."
Sunod-sunod na mura ang pinakawalan ni Justin.
"Kuya..." Pero wala nang sumasagot sa kabila ng phone.
-----
Nangingig ang mga kalamnan ni Jesse habang patakbong tinutungo niya ang labas ng pinto. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya. Parang hindi siya maka-hinga. Parang sasabog ang ulo niya. Nawawalan siya ng panimbang na para bang sa kahit anong sandali ay mawawalan siya ng ulirat.
Tatawagin sana niya si Jonas para bumama. Tapos na niyang ihanda ang almusal at ready na siyang pumasok. Hindi niya inaasahang sa likod ng pinto ay may kausap si Jonas na sa pagkakaintindi niya ay tinawag niya itong kuya. Pero hindi iyon ang dahilan ng ikinabigla niya.
"S-si Jonas, magpapa-opera? May malalang sakit si Jonas..." Natuptop niya ang kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala sa nasabi niya. Iyon ang paulit ulit na sumisiksik sa kanyang isipan. "Hindi ako naniniwala..." hindi na niya napigilan ang nagaalpasang mga luha.
Nawawalan siya ng lakas para tumindig. Ibinagsak na lang niya ang sarili sa lapag.
-----
6 comments:
alam mo im so sad sa mga nangyayari kay jonas....while reading this i cant hold my tears to fall down...sobrang lungkot talaga....bakit ba naman nangyari lahat kay jonas....kung saan pa na naging masaya na buhay nya sa piling ni jesse....sana maging matagumpay ang pag papaopera nya sa ibang bansa....im praying that GOD will give him a miracle...
ramy from qatar
I feel sad for jonas too. When was the last time he was free from stress that maybe triggered more on his illness? Though, happy otherwise on Justin/jessee growing friendship. Someone will depart and somene will arrived in Jesse's life.
hangga't may pag-asa, pwedeng maniwala. :)
iniisip ko lang kung anong magiging reaction ni Justin pag nalaman niya kung sino talaga si "Jesse" ni Jonas.
keep it up sir ;) mukhang maraming chapter ka atang naihanda e haha :D
Nakaka iyak naman. Bumaha ang luha ko dito. :)
sobrang lungkot nmn ng chapter na ito, kakaiyak, tahimik lang ako habang nagbabasa,,,, sana lang matagumpay ang pagpapaopera ni jonas, good chapter mr author, keep it up!
excited na ako sa paghaharap ni jesse at justin... kelan po uli update nito?
Post a Comment