CHAT BOX
Wednesday, November 2, 2011
TRUE LOVE WAITS (Last Crescent Moon) Chapter 1
Posted by
(ash) erwanreid
"Jonas!" sigaw ni Jesse nang silipin niya sa pinto si Jonas sa loob ng kwarto. Kasalukuyan pa ring nasa loob ng shower room si Jonas. "Kanina ka pa dyan." may kaunting inis na ang tono ni Jesse. Kanina pa kasi niya pinapakilos ang tinuturing na asawa na ngayon ay nasa loob pa rin ng shower room. "Ano ba?"
Kahit hindi na lumabas pa ng shower room na iyon si Jonas, kitang-kita pa rin ni Jesse ang bulto ng katawan nito dahil salamin ang tumatakip bilang dingding ng banyong iyon. Kaya alam niyang nagbababad ito sa ilalim ng umaagos na tubig. "Lumabas ka na dyan." Nakita ni Jesse na gumalaw si Jonas.
Bahagyang hinila ni Jonas ang sliding door ng shower room para dumungaw. Nakangisi itong tumingin kay Jesse. "Sandali, mainipin ka naman eh. Mmm baka gusto mong dito na lang tayo mag breakfast?"
"Hindi." matigas na tanggi ni Jesse. "Bababa ka at doon tayo kakain. Ok."
Natawa si Jonas. "Ok. Ok."
"Hihintayin kita sa baba, bilisan mo." saka tumalikod si Jesse.
"Opo, asawa kong wala yata sa mood ngayon araw." sabay tawa si Jonas sa pang-aasar niya. Alam niyang kapag nang-aasar siya kay Jesse ay hindi papayag ang huli na hindi makaganti. Pero bumilang siya ng ilang sigundo pero wala siyang natanggap na responce. "Hmmm... himala, hindi umangal." Napangiti siya. Bumalik na lang siya sa loob ng banyo at ginawa ang pinaka huling paglilinis sa katawan.
-----
"Akala mo hindi ko narinig 'yung sinabi mo kanina ah. Kung hindi lang ako may niluluto babalikan sana kita eh."
Natulala si Jonas nang makapasok siya sa kitchen nang salubungin siya ng salita ni Jesse at ang nandudurong spatula na hawak nito. Pagkatapos ay natawa siya. "Akala ko, bago yun? Akala ko for the first time hindi ka gaganti sa pang-aasar ko. Well, napabilib mo ako doon ah. Inabangan mo talaga ako. At around of applause, nagulat talaga ako."
Ganito ang takbo ng buhay nila sa loob ng isang linggo pa lang nilang pagsasama. Walang awat na bangayan at asaran na ang katotohanan ay isang paraan lang nila na paglalambing sa isa't isa.
"Kakain na ako." nakangising si Jonas.
"Bakit ang tagal mong bumaba?" Yung dating may kataasang tono ng papanila ni Jesse ay napalitan ng malambing na boses.
"Gusto ko lang magbabad sa tubig."
"Akala ko, kung ano na nangyari sayo. Kung hindi lang kita nakikita sa loob baka sinugod na kita sa loob ng banyo." Tumabi si Jesse sa kinauupuan ni Jonas sa harap ng lamesa.
Napa-ngiti naman ng todo si Jonas saka pinado ang palad sa likuran ni Jesse. "Anong mangyayari sa akin?"
"Malay ko ba? Nagtaka lang kasi ako kanina pa kita nakitang pumasok sa banyo para maligo..."
"Sabi ko nga gusto ko lang magbabad. Ito naman..." bigla niyang kinabig si Jesse palapit sa kanya. "Salamat sa pag-aalala." saka niya hinalikan ang noo ni Jesse.
"Kumain ka na nga." bahagyang iniba ni Jesse ang mood. "Bilisan mo baka ma-late ka sa pupuntahan mo."
"Opo." sagot naman ni Jonas.
------
"Aalis na ako." paalam ni Jonas kay Jesse.
"Oo, mag-ingat ka." Hinatid ni Jesse si Jonas hanggang pinto.
"'Yung bilin ko sayo ah. Tulad ng dati."
"Opo."
"Aalis na ako." sabay halik sa pisngi ni Jesse. Pagkatapos ay tumalikod na si Jonas.
Nakangiting tinatanaw ni Jesse si Jonas palabas ng gate. Kumaway ang paalis bago tuluyang mawala ito sa paningin niya.
Linggo ngayon. Walang pasok si Jesse. Pero kahit may pasok kaya pa rin niyang gawin ang tulad kanina. Ang mag-asikaso kay Jonas tuwing umaga.
Masaya siya sa ginagawa niya lalo na at mahal niya ang pinaglalaanan niya ng oras at pagod. Pero para sa kanya ang magsilbi sa taong mahal niya ay isang kasiyahang hindi matatapatan ng kahit anong pagod. Gusto niya laging mabuti ang kalagayan ni Jonas.
Balak niyang maglinis ng buong bahay. Ayaw sana ni Jonas na si Jesse ang maglilinis ng bahay. Maari naman daw silang umupa ng taga-linis. Pero ayaw naman ni Jesse. Mas gusto niyang siya na ang maglinis lalo na at hindi naman sila magulo o makalat sa loob ng bahay. Sa kalaunan, pumayag na rin si Jonas na naisip ring maganda na rin iyon para solo nila ang bawat sulok ng tahanang iyon.
Simula nang magsama sila nakaraang linggo lang, yung alalahanin nila ay mabilis na nawawala.
Napa-ngiti si Jesse. "Dahil sa pagsasama namin ni Jonas, natulungan ko siya na maka-limot kahit papaano sa mga nangyari. Kahit ako, natulungan niya ako. Nagkaroon ako ng bagong inspirasyon na at hindi lang basta inspirasyon, kundi yung bagay na hindi ko pwedeng balewalain dahil nakasalalay ang kaligayan ko hanggang sa kamatayan ko." Muli siyang napangiti. "Si Jonas ang kaligayan ko..."
Sa loob ng isang linggong pagsasama nila ni Jonas, marami na talaga siyang alam tungkol sa buhay ng binata. Tulad na lang na may kapatid pa ito sa ina pero hindi naman sinabi ang tunay na pangalan. Lumaki si Jonas sa poder ng ama ng kanyang kuya kaya lumaki rin itong independent. Hindi na siya nagtataka kung bakit may magarang kotse si Jonas at sariling bahay. Ang alam niya minana niya ang mga iyon sa yumaong ina. At ngayon nga ay nagtatrabaho daw si Jonas sa isang kumpanya ng isang bangko.
Huwag daw mag-alala si Jesse para sa pamilya niya dahil sisiguraduhin daw ni Jonas na maipapadala niya ang buong sweldo niya sa pamilya niya sa probinsya. Umaasa din si Jonas na maipapakilala siya ni Jesse sa pamilya nito.
"...masaya na ako at kuntento sa kung meron ako ngayon, basta kapiling ko lang si Jonas. Wala na akong mahihiling pa." Ito ang huling binitiwan ng isip ni Jesse bago simulan ang paglilinis.
-----
"Ninong naman, mabuti nga yun at araw-araw na kitang dinalaw." saka ngumisi si Jonas. "Ibig sabihin lang noon na mahal na mahal ka ng iyong inaanak. Tapos papaalisin mo ako dito. Hindi naman ako nakakaabala sayo eh di ba." Tumingin si Jonas sa paligid. "Tignan mo, ang lawak-lawak ng opisina mo, pwede pa nga maglagay ng tatlong kama." Sabay tawa. "Tig-isa tayo Ninong."
Kanina pa natatawa si Mr. Robledo. "Hindi naman sa ayaw kita dito o pinapaalis kita. Nagtataka lang ako, isang linggo ka ng nagtatambay dito. Pati araw ng Linggo hindi mo pinatawad? Alam mo namang ito ang araw ko." sabay tawa. "Ano bang nakain mo at panay ang paglalagi mo rito?"
"Ninong naman eh. Parang nagkakalimutan na tayo. Sinabi ko naman sa inyo na gusto kong magtrabaho dito. Kahit staff, office staff... kahit saan, kahit mababa lang basta may mapagkaabalahan ako, Ninong. Please."
Napapataas ang kilay ni Mr. Robledo. "Alam ko matagal mo ng hiniling sa akin yan. Pero hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan. Ano na lang ang sasabihin ng iba kapag nalaman nilang isang stock holder ng bangko na ito ay nagtatrabaho bilang..." Pasimpleng tumikhim si Mr. Robledo. "...encoder." sabay tawa.
Napakamot ng ulo si Jonas. "Ninong naman eh. Pero walang problema. Encoder, e di encoder. Basta masabi ko lang na may trabaho ako.Yung papasok ako ng maaga, araw-araw..." Nakatingin pa si Jonas sa malawak na bintana ng opisina habang nagsasalita. "...yung tipong-" Naiisip niya si Jesse kaya naman napangiti siya.
Pinutol ni Mr. Robledo ang paglipad ng isip ng inaanak. "Kung magsalita ka parang may sinusoportahan ka ng pamilya? Meron na nga ba? Mukhang wala na akong alam sa buhay pag-ibig mo, Jonas?"
Natawa si Jonas at muling humarap sa Ninong. "Wala naman ninong. Gusto ko lang talaga magtrabaho." Pinakatamis-tamisan niya ang pagkakangiti.
"Sige na nga. Pero bukas mo lang alamin kung ano ang magiging trabaho mo rito."
Napatayo si Jonas sa katuwaan. Saka niya pinuntahan ang kinauupuan ng kanyang ninong at ito'y niyakap at hinalikan sa pisngi. "Salamat Ninong."
"Oo na." awat ni Mr. Robledo sa inaanak.
Bumitaw si Jonas. "Ninong, bibigyan niyo rin naman pala ako ng trabaho pinatagal niyo pa ng isang linggo." sabay tawa.
"Oo na. Sige na, umalis ka na at ipagdiwang mo na may trabaho ka na."
"Opo ninong, gagawin ko talaga yan." sabay tawa.
Saka pumasok ang sekretarya ng kanyang ninong. Agad itong sinalubong ni Jonas ng may katuwaan.
"Alam mo bang may trabaho na ako?"
Nagsalubong ang kilay ng sekretarya sa pagtataka. "Po?"
Tumikhim si Mr. Robledo. "Huwag mong pansinin yan. Ilapag mo na dito yang hawak mo."
"Ninong naman?" si Jonas.
"Para ka kasing... hindi ko alam." sabay tawa ang may katandaan ng si Mr. Robledo.
Natawa rin si Jonas habang nagtataka naman ang sekretarya.
------
Makikita sa kilos at mukha ni Jonas ang kasiyahan. Hindi maputol-putol ang ngiti niya sa labi. Excited siyang makauwi at ipagdiwang ang pagkakaroon niya ng trabaho. Pero wala siyang balak na sabihin kay Jesse ang tunay niyang dahilan dahil ang alam ni Jesse matagal na siyang nagtatrabaho at hindi ang nagtatambay lang sa opisina ng kanyang ninong o magpagala-gala sa kung saan-saan. Naka-isip na siya ng dahilan. Kunyari ay napromote siya sa pinagtatrabahuan niya.
Hindi naman sa ayaw niyang sabihin ang katotohanan kay Jesse. Nasimulan lang kasi sa pagsisinungaling noon ang tunay na estado ng kanyang buhay. Kaya ngayon ay may takot siyang magsabi ng katotohanang may yaman siyang kayang buhayin ang isang pamilya kahit magpa-petik-petik lang.
"Tama lalabas kami ni Jesse." naibulalas bigla ni Jonas.
Nasa parking lot na siya kung saan nakaparada ang kanyang kotse. Nang buksan niya ang pintuan ng kotse ay bigla na lang sumakit ang ulo. Napa-ungol siya sa sakit. Nasapo rin niya ang kanyang ulo. Naging alanganin pa ang pagtukod ng isa niyang kamay sa pintuan ng kotse na naging sanhi ng bahagyang pagbaksak niya sa gilid ng kotse.
Nang maka-bawi, agad siyang pumasok sa kanyang kotse at hinanap ang itinagong botelya ng gamot. Nang mahanap, kumuha siya ng isang capsule at nilunok. Isinandal niya ng kanyang ulo sa headboard at saka pumikit. Hinintay niyang gumaan ang pakiramdam bago patakbuhin ang sasakyan.
-----
"Oh bakit parang ang aga mo yata ngayon?" takang tanong ni Jesse nang makababa ng sasakyan si Jonas.
"Susunduin lang kita." May kasiyahan sa pananalita ni Jonas pero hindi tulad noong una niyang naramdaman. Dahilan ang may kaunting sundot ng kirot sa kanyang sintido.
"Bakit?" Kumunot-noo si Jesse.
Ngumiti muna si Jonas. "Wala naman. Gusto ko lang na yayain kang lumabas. Kain tayo sa labas. Ganun."
Bahagyang natawa si Jesse. "Talaga? Oh bakit ka naman biglang nagyaya? May celebration bang dapat na maganap? Bakit, na-promote ka na sa trabaho mo?" biro ni Jesse.
"Ang lakas naman ng banat mo. Pero buti na lang tama ka." sabay tawa si Jonas.
Muling napakunot noo si Jesse. "Ha? Tama ako? Ibig sabihin..."
"Oo. Na-promote ako. Dapat sana mamaya ko pa sasabihin sayo eh. Kaso, mukhang naka-amoy ka na at namention mo agad."
"Ayos yan." Lumapit si Jesse kay Jonas at yumakap. "Masaya ako para sayo."
"Walang kiss?"
Natawa si Jesse. "Sure." Sabay halik sa pisngi.
"Sa pisngi lang?"
"Ok." Saka nagbigay si Jesse ng isang halik sa labi ni Jonas.
"Ang sarap."
Pabirong hinampas ni Jesse ang likod ni Jonas. "Sandali, magbibihis lang ako."
"Huwag muna." Hindi hinayaan ni Jonas na makawala si Jesse sa pagkakayakap.
Natawa si Jesse. "Sige, dito na lang tayo magdamag."
"Pwede naman. Basta kasama kita."
"Hindi ako mawawala. Magpapalit lang ako ng damit. Samahan mo na lang ako, dali. Gusto kong gumala. Ang tagal mo akong kinulong dito sa bahay mo."
Natawa si Jonas. "Kinulong? Sobra ka naman. Parang hindi ka lumalabas kapag oras ng trabaho mo ah?"
"Biro lang." sabay tawa.
"Sige sasamahan kitang magpalit."
"Tara dali."
-----
"Parang natatandaan ko ito ah?" biro ni Jesse nang mag-park ang kotse ni Jonas sa parking lot ng isang restaurant.
"Malamang." sagot ni Jonas. Dahil sa kabilang kalsada ang market mall kung saan nagtatrabaho ni Jesse.
"Wow siryoso yata bigla ang asawa ko."
"Loko, hindi ah. May iniisip lang kasi ako." nakangising sabi ni Jonas.
"Ano yun?"
"Mamaya mo malalaman."
"Ang daya." kunyaring nalungkot si Jesse.
Iniba ni Jonas ang usapan. Ibinalik sa banat kanina ni Jesse. "Sabi mo di ba natatandaan mo itong lugar na ito?"
"Oo naman. Maliban sa dito sa lugar na ito ako nagtatrabaho..." saka sumilay ang ngiti sa labi ni Jesse.
Nabasa ni Jonas ang ibig sabihin ni Jesse."Na dyan sa restaurant na yan tayo unang nagdate?"
Natawa si Jesse. "Nag date? Date na ba yun? Nagkataon lang yun."
"Ganun ba? Hmmm o sige ngayong tanghaling tapat date kita ngayon. Kung saan tayo nagkakilala."
Kinilig si Jesse doon.
-----
"Alam mo, may naalala ako." si Jesse nang makapwesto na sila sa isang table kung saan dati nilang napwestuhan.
Kumunot noo si Jonas "Ano?" habang naghihintay sa susunod na mga salita ni Jesse.
"Hanggang ngayon, hindi pa ako nakakabawi sayo."
"Ha?" mas lalo ang kunot noo ni Jonas ngayon.
Natawa si Jesse. "Grabe ka naman magkunot-noo. Pero pogi ka pa rin."
Napa-ngiti si Jonas. "Bakit nga kasi? Anong bawi?"
"Hmmm nasabihan lang ng pogi kumalembang na ang mga tenga. Oo, hindi pa ako nakabawi kasi naalala mo yung umorder ka ng marami tapos ikaw rin ang nagbayad. Imbes na ako dapat ang manlibre kasi bilang pasasalamat ko nang pa-angkasin mo ako sa kotse mo nang wala akong masakyan."
Natawa si Jonas. "Ah yun ba? Hanggang ngayon iniisip mo pa rin yun? Mag-asawa na tayo, at hindi mo pa rin makalimutan yun. Nilista ko kaya yun sa tubig."
"Kahit na. Yun yung mga bagay na hindi ko makakalimutan. Doon kita minahal eh." sagot ni Jesse.
"Ah.. so ibig sabihin pala. Noon pa lang mahal mo na aklo. Naku naman, ang tagal kong naghintay kelan mo lang ako sinagot." biro ni Jonas.
"Ano? Parang ang tagal mong nanligaw ah?" sabay tawa si Jesse. "Saka may sinabi ba akong noon pa lang na-inlove na ako sayo?" naghahanap ng lusot si Jesse.
"Oo, dinig na dinig ko. Kakasabi mo lang nakalimutan mo agad."
"Wala akong sinabi." pilit ni Jesse.
"Ok, basta ako masaya." sabay tawa. "Order ka na."
------
Masaya ang dalawa nang pagsaluhan ang sandaling iyon. Habang kumakain, hindi nila mapigilan ang mapahalakhak sa tuwing babalikan ang mga nakaraan nila kung saan nagkaroon ng kilig, saya at pag-ibig sa una nilang pagkikita.
Para kay Jonas, si Jesse na ang mamahalin niya at gustong makasama sa habang buhay niya. Pipilitin niyang maibigay ang lahat ng kasiyahan na para kay Jesse. Sobra niya itong mahal.
Hindi ito ang huling sandali sa araw na ito, may mga inaasahan pa si Jonas na mangyayari sa susunod nilang pupuntahan. Kung saan sigurado niyang magbabalik ang dati kung saan lumago ang pag-ibig nila para sa isa't isa.
-----
LIKE our fanpage on FACEBOOK. Here's the link >>>
http://www.facebook.com/bgoldtm
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
hay salamat at eto na ulit :D pero bitin ako sir haha! mukhang yung sakit na ni jonas ang focus nitong part na to. sana hindi tragic ending hehe.
ingat sir, keep it up :)
exciting ang mga susunod na mga chapters, sana po may kasunod na agad heehehe
At last! The First Chapter of "TRUE LOVE WAITS (Last Crescent Moon)" is here!
The flow of the story is so smooth for the beginning. Nice!
For me, this chapter symbolizes the little gestures that people do for their love one
s that makes them love that person more. The sweet little gestures that sends those tingling feelings to your spine or the "kilig" feeling.
For the part of Jonas, I am okay with Jonas' doings on the part of his job. He is a stock holder at a bank and can live happily at ease without having to worry about even breaking a single drop of sweat from his body.
I said I am okay with it because it shows that the person who will love him or loves him is not merely just after his money but what that person really is after is real love from Jonas. Without him telling his real state wherein he is well-off and can do anything so as he pleases, he knows that the person who will love him so not just after his money or is a gold digger but is really after his love.
What I am really concerned about is what happened to Jonas when he had a headache and he swallowed a pill to relieve the pain. It's really bothersome knowing that that might have a major effect on the character's performance in the story (concerning Jonas' health in the story).
--------
What I can say most about this chapter is... "How sweet..."
But the real events which will really shake or change the current motion of the story is just about to come.
This is really something to look forward to once again!
Nice work Kuya Ash(erwinreid)! :)
Can't wait for the next chapter! :D
Go! lang ng Go! Kuya Ash! :)
-Jay! :)
Post a Comment