Followers

CHAT BOX

Tuesday, February 1, 2011

Flickering Light- Chapter 12



Lulugo-lugo ako nang maka-uwi sa bahay. Nakasalubong ko si papa nang pumasok ako sa pintuan. 

"Oh, bakit nakabusangot yang mukha mo?" nagtatakang tanong ni papa sa akin.

"Wala po pa." dire-diretso akong maglakad. 

"Hoy, nak!" tawag sa akin nang maka-lagpas ako sa kanya. "May problema ka alam ko? Kilala kita. Tandaan mo."

Umikot ako para humarap sa kanya. "Okey lang ako pa." pero naluluha ako. 

Natatakot din naman akong sabihin kay papa ang dahilan. Baka magalit pa nga ito kung malaman niya. Hindi niya inaasahang may anak siyang ang damdamin ay nahulog na sa kapwa lalaki. At kasalukuyang ginigiba ng alalahanin.

"Pero anak, kung gusto mong magsabi dito lang kami ni Mama."

Bigla akong napa-talikod dahil ayokong makita ni papa na naluluha ako. Baka kung ano pa ang isipin nito at magpilit magtanong. 

"Okey lang talaga ako pa." alam kong nahahayag sa tono ko ang problema. Sabay lakad ko ng mabilis paakyat sa kwarto ko.

Nakakahiya ang katotohanang sa likod ng aking pintuan ay naroon akong umiiyak. Hindi ko na kinayang dalhin. Hindi lang ako galit, natatakot din ako at ang higit sa lahat ang nararamdaman ko ay wala na akong mukhang maihaharap sa mga tao. Lalo na sa mga taong ang tingin sa akin ay hindi gumagawa ng mga bagay na taliwas sa pinaniniwalaan namin.

Ano na lang ang sasabihin ng mga kapwa ko kristyano, pasimba-simba pa, naghahatid daw ng mabuting balita tapos heto at nangunguna pala sa kasalanan. Gulong-gulo ang isip ko. Walang na akong ibang maisip kundi puro negatibo. Napapa-paranoid na yata ako.

Hindi ko na nagawang bumaba para kumain. Wala namang kumatok para pababain ako upang kumain. Kahit naman ganon ang mangyari hindi parin ako bababa. Ramdam ko ang bigat ng talukap ng aking mga mata sa luhang naibuhos ko kanina-nina lang.

Nakatitig lang ako sa kisame. Blangko ang isip. Hindi, patuloy kong nilalabanang huwag maalala ang ayoko nang maalala. Pagod na ako sa kakaisip. Gusto ko nang magpahinga. Pakiusap ko na sana makatulog na ako. Nararamdaman ko namang dinadalaw na ako ng antok kaya lang apurang-apura na ako.

Sigok-sigok lang ang naririnig ko sa apat na sulok ng kwarto ko. Gusto kong gumawa ng desisyon pero ang sakit na ng ulo ko. Wala na yantang gumagana sa utak ko. Kaya gusto ko munang makatulog. Bukas pag-gising ko gagawa ako ng paraan para mawala ang lahat ng sakit. Sana nga.
-------

Nagising ako nang hating-gabi. Bumaba ako para tunguhina ng kusina. Nagugutom ako, bahagyang nakakaramdam ako ng sakit sa tiyan. Dumiretso ako sa may lutuan. Baka may naiwan doon na pagkain sa kawali man o rice cooker. Pero kanin lang ang nakita ko. Binuksan ko ang Refrigerator baka may maii-ulam. Puro malalamig.

Wala akong makitang maaaring mai-ulam. Naubusan yata ako. Ang nakikita ko lang ay mga iluluto pa. Ayokong magluto. Tumalikod ako sa refrigerator nang maisara ko. Saka ko lang naisip na sa lamesa maaring may pagkain doon. Nasabihan ko tuloy ang aking sarili ng tanga.

May naka-takip ngang pagkain sa lamesa. Nang buksan ko, nakita ko ang ulam na pritong isda. Natuwa ako na mayroon pala akong maii-ulam. Dali-dali na akong kumuha ng plato at sumandok ng kanin. Tapos ay tinungo kong muli ang lamesa.

Habang kumakain napag-desisyunan kong mag-isip kung paano ko matatakasan ang kinakaharap kong problema. Pumasok sa aking isipan na kalat na sa buong simbahan ang isyu, sigurado ako. Hindi ko mapipigilan ang bawat bibig ng mga nakaka-alam ng isyu.

Kaya ko ba silang harapin? Paano kung magtanong sila sa akin tungkol doon? Kaya ko bang sumagot? O hindi ko nalang papansinin? Parang imposible. Kakayanin ko ba kung makita ko silang nag-uusap? Baka ang isipin ko ako ang kanilang pinag-uusapan. Kaya ko kayang balewalain yun. Hindi yata.

Hindi ko namalayang tumigil pala ako sa pagkain. Napabuntong-hininga ako at muling sumubo at ngumuya. Paano ko ba matatakasan?
-----------

Natapos ako sa pagkain at muli akong umakyat sa taas. Nahirapan na naman akong makatulog. Kahit anong gawin kong higa parang hindi ako komportable. Naiinis na akong kaka-ikot sa aking katawan sa higaan. Saka ko naalala si Arvin.

"Ganun din ba siya? Hindi rin ba makatulog? Iniisip din ba niya ako? Sana..."

Na-isipan ko siyang itxt ngunit nagdalawang isip ako. Hindi rin naman siya nagte-txt sakin eh. Hindi ko alam kung hinihintay niya rin akong mag-txt sa kanya. Hindi na ako naglakas-loob na mag-txt.

Matagal bago ako nakatulog.
------

Nagising ako nang tumunog ang cellphone ko. May mensahe pero hindi galing kay Arvin. Galing sa choir directress namin. Ipinapaalala ang practice mamayang hapon. Kailangan daw naming umatend dahil last practice na namin at bukas na namin aawitin. Nang masagad ko ang mensahe napansin ko ang oras. Alas-otso na pala ng umaga.

Bumaba ako para mag-almusal pero wala akong naabutang kapamilya sa baba. Sabado ngayon pero wala sila. Dumiretso ako sa lamesa para malaman kung ano ang inihandang almusal. Nakita ko lang ay pandesal. Parang nawalan ako ng gana nang makita yung tinapay. Para kasing ang gusto kong kainin ay medyo basa dahil sa nanunuyo kong lalamunan. Dumiretso muna ako sa living room.

Doon ay pasalampak akong umupo at muling kinalikot ang aking cellphone. Parang gusto kong magtxt ngunit hindi ko alam kung kanino ko ipapadala. Naisip ko si Arvin, gusto ko siyang maka-usap pero hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko. Puro natatapos nalang ako sa buntong hininga.

Maya-maya ay pumasok si mama sa pintuan. May dala itong mga plastik. Kasunod na pumasok ang kapatid kong lalaki. Alam ko na kung saan sila galing, sa palengke.

"Nag-almusal ka na?" tanong sa akin ni mama.

"Hindi pa."

"Ayun oh, bumili ang kapatid mo ng sopas dun sa kanto. Makihati ka na."

Tumingin ako kung nasaan ang kapatid ko.

"Hati tayo?" tanong ko sa kanya. Naninigurado ako kung bibigyan ako.

Medyo naka-simangot ang kapatid ko. Naisip kong wag nalang.

Lumabas nalang ako, para bumili ng sarili ko. Naitanong ko na kay mama kung saan makakabili niyon. Sa paglalakad ko, hindi ko inaasahang mabubunggo ko ang isang medyo matangkad na babae.

"Sorry mis." paumanhin ko agad.

Medyo naka-simangot pero nagsabing okey lang siya. Pagkatalikod niya nagsabi uli ako ng sorry. Dire-diretso na siya sa paglalakad.

"Aling Lydia, pabili nga po ng sopas." tawag ko sa kanya dahil naka-talikod ng dumating ako.

"Ay, may bibili." bahagya siyang nagulat.

"Sopas po." sabi ko.

Nangunot ang noo ko nang may lumabas na lalaki galing sa loob ng bahay ni Aling Lydia. May dala itong kaserola. May laman siguro dahil idi-display para maibenta.

"Ren, ito nga pala ang panganay ko. Si Omar, natatandaan mo pa?" pakilala sa akin.

Nanlaki ang mata ko. "Si Omar yan?" gulat ako.

"Ang laki na ng anak ko diba?" pagmamalaki nito. "Elementary pa kasi iyan nang umalis dito. Kararating lang niya kahapon."

Napa-tango nalang ako. Patalikod na si Omar para pumasok sa loob ng bahay at agad ko siyang binati.

"Omar, musta na? Welcome back." nangingiti akong bumati sa kanya.

Lumingon naman siya sa akin at ngumiti pagkatapos ay pumsok na sa loob.

"San po ba siya galing?" nagkaroon ako ng interes. Noong bata pa kasi kami magkalaro na kami kaya lang hindi ko namalayang umalis pala ito. Siyempre dahil bata pa ako noon, parang wala akong pakialam at malay ko.

"Umalis yan para doon mag-aral sa Maynila. Ga-graduate na yan. Bumisita lang yan dito Babalik uli yan bukas nang hapon sa Maynila."

"Ah... kaya pala." nasabi ko nalang.

"Kaya, pag naandito na uli yan, kaibiganin mo Ren ha? Para may kakilala agad. Baka kasi manibago eh. Ang tagal kasing nawala."

"Okey po."

"Ay, teka nakilala na pala siya ng kapatid mo kanina nang bumili ng sopas."

Napatango ako.

"Ay naku! Ano nga pala sa'yo? Sopas? Pasensiya na." natawa ito. "ang daldal ko kasi."

Natawa rin ako. "Opo."

"May bago pala akong magiging kaibigan dito." sa isip-isip ko.

Natuwa naman ako kahit papaano dinagdagan ni Aling Lydia ang binili ko. Sulit.
------

Kumakain ako nang maisip ko ang cellphone ko. Naiwan ko nga pala sa sofa. Iniwan ko muna ang kinakain ko sa lamesa para kunin ang cellphone. May mensahe at hindi lang isa. Tatlong mensahe ang ipinadala sakin. Nagmadali ako para malaman kung kanino galing.

"Ren, punta k b mmya?"

Galing kay Arvin ang unang mensahe.

Natuwa ako dahil si arvin ang nag-txt. HIndi muna ako nag-abalang mag-reply. Tinignan ko muna ang iba. Puro galing kay Arvin.

"Musta n, punta k b mmya?"

Binuksan ko ang pangatlo.

"Punta k mmya, reply"

Bumalik ako sa lamesa na tuwang-tuwa. Saka ako nag-isip nang ire-reply kay Arvin. Masaya ako dahil naalala ako ni Arvin. Hindi siya galit sa akin. Parang gusto kong sumigaw sa katuwaan. At last...

"D q lam e, kaw? :)"

Ang tagal bago siya mag-reply.

"Oo. Punta k ha?"

Pinapapunta ako ni Arvin. "Sabi mo eh, so pupunta ako." nasabi ng isip ko sa katuwaan.

"Sige punta aq. :)"

Pagkatapos mag-reply muli akong nagtipa para muling magpadala sa kanya ng mensahe.

"Vin, okey ka lng ba?" nagtanong ako sa kanya. Nagkaroon ako ng lakas ng loob tanungin ang kalagayan niya dahil sa ginawa niyang pagte-txt sa akin.

Ngunit bumilang ang oras wala na akong natanggap na mensahe.
-----
Mga alas-kwatro ng hapon.

Naliligo ako nang muling tumunog ang cellphone ko. Sinadya kong lakasan ng todo aang tunog para hindi ko ma-miss ang mga mensaheng darating. Sa muling katuwaan nagmadali akong maligo.

Napasimangot ako nang malaman kong hindi pala si Arvin ang nagpadala ng mensahe. Isang young people na naatasang magpadala ng mensahe para sa mga choir members. Naniniguradong ang lahat ay dapat na magpunta sa huling pag-eensayo. Hindi ako nag-abalang replayan.

Nagbibihis ako nang muling tumunog ang cellphone. Dali-dali kong binuksan. Galing kay Arvin.

"D2 n ko." ang laman ng txt message.

Nanginginig pa ang mga daliri ko sa katuwaan habang pumipindot sa keypad.

"Punta q. Bhis n q. W8. :)" reply ko.

"Sige. :)" 

Gusto kong lumundag sa katuwaang nilagyan niya ng smile sa hulihan ng kanyang mensahe.
------

Bumaba ako nang naka-ngiti.

"Ma, may practice." paalam ko kay mama.

Hindi  ito kumibo. Nagtuloy-tuloy ako sa labas. Hindi pa ako nakakalabas ng gate nang mapansin kong naka-tambay sa di kalayuan ang bago kong kapit-bahay. Hindi pala, ang nagbabalik kong kapit-bahay. Si Omar.

"Omar." tawag ko sa kanya nang makalabas ako.

Lumapit siya sa akin.

"Mukhang aalis ka ah."

"Medyo." tumawa ako ng bahagya.

"Nagtatambay kasi ako baka makakita ng kakilala. Makipag-kwentuhan."

"Ah ganun ba?." kaya pala. "Dapat mamayang gabi." tumawa ako. "Ang alam ko kasi, tuwing gabi lang sila naglalabasan."

"Ganoon ba?" medyo nalungkot ito sa nalaman. "Eh, ikaw san ang lakad mo?"

"Sa simbahan, may practice eh." para akong nag-aalangang mag-salita. "Ng choir." dagdag ko.

"Hindi ka parin nagbabago ha, laking simbahan ka talaga." tumawa ito pero hindi nakaka-insulto.

"Oo nga eh." ngumiti lang ako dahil bigla kong naalala ang mga nagdaang pangyayari.

"Sige, lakas ka na. Baka ma-late ka pa."

"Sige." pagsang-ayon ko. "Di ba hanggang bukas ka pa?"

"Oo."

"Sana bukas magkaroon ako ng time para makapag-kwentuhan tayo. Sige"

Nagpaalam na ako. Agad akong nakasakay sa jeep.

Si Omar napansin kong ang laki din ng pinagbago. Sa tagal ba naman naming hindi nagkita. Tumangkad siya. Mas pumuti at talagang luminis siyang tignan kaysa noon na maduhin tignan dahil sa kalalaro. Nagbinata na talga siya. Mas matanda nga pala siya sa akin. Ga-graduate na. "ano kayang kurso?" natanong ko sa isip ko. Sa totoo lang magandang lalaki din si Omar.

Sa naisip kong iyon ay biglang kumontra ang aking isipan.

"Mas pogi si Arvin, kaya." natuwa ako sa naisip ko pero bigla ko rin sinaway.

Dahil muli kong naalala ang nakakahiyang pangyayari. Bigla akong kinilabutan. Pero kahit ganoon may lakas ako ng loob para pumunta sa church.
-----

Hindi pa ako nakakababa nang tumunog ang cellphone ko. Hininaan ko na ang volume. Galing kay Arvin.

"san k n?"

"pskay p lng jip. w8" pagsisinungaling ko. Sa totoo lang pababa na ako.

"blis h pra my kausp n q d2."

Para akong naligalig sa txt na iyon ni Arvin. Wala pala siyang maka-usap.

Naglalakad ako nang binabasa ko yun. Tumigil muna saglit para mag-reply.

"w8 lng, ppunta n q." saka ako muling naglakad.

Hindi pa ako nakakalapit nang husto sa gate nakakarinig na agad ako ng tawanan. Gaya ng dati hindi ako dumiretso sa pag-pasok. Gusto ko munag sumilip at lalo na ang makinig sa nag-uusap.

"Ang labo mo naman." sabay tawa. Ito ang naumpisahan kong sinabi ng isang lalaki sa likod ng gate.

"Uy si Arvin oh." sabi nang isa pang lalaki. Para bang palapit sa kanila si Arvin.

"Vin, ano? Masarap ba ang nangyari?" sabay tawanan.

Hindi ko narinig si Arvin na tumawa. Hindi ko alam.

"San ka pupunta?" tanong ng unang lalaki.

"Diyan lang." sagot ni Arvin. Napansin ko ang tono ng pananalita niya ay nananamlay.

"Baka susunduin mo si Ren?" muling nagtawanan.

"Hindi ah."agap na sagot ni Arvin. "Bakit ko naman susunduin yun?"

"Wooo, sino ba sa inyo ang bading?" tawanan. "Biro lang." sabay bawi.

Nangingilid ang luha ko sa aking mga mata. Nanginginig ako sa mga naririnig ko. Paano kung pumasok na akobaka ako naman ang pagbalingan nila at pagtawanan. Hiyang-hiya ako at nawawalan ako ng lakas ng loob para pumasok. Patuloy parin silang tumatawa. Kahit medyo nalihis na ang pinag-uusapan, nakaka-insultoparin ang dating ng kanilang tawanan.

"Papasok pa ba ako?" parang gusto ko nang umatras at umuwi nalang.

Nagulat ako nang magbukas ang gate. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung magtatago ba o magpapakita sa lalabas.

Nanlaki ang mata ko nang makita si Arvin ang iniluwa ng gate. Nanlaki din ang mga mata nito. Bigla itong pumasok muli nang makita ako.

"Bakit?" tanong ko sa sarili ko.

Hindi ko alam ang sagot. Ang alam ko lang lalo akong nawalan ng lakas ng loob na tumuloy. Tumalikod ako at tinungo ang daan pauwi.-wakas.
-----




Ang alam ko lang noon, wala na akong mukhang maihaharap sa mga taong nakaka-alam ng isyu. Batay sa mga nalaman ko at narinig ko, hindi ko kayang harapin ang problemang ibinabato sa akin. Gusto kong maglaho nang mga oras na iyon. Parang sasabog ako pagna-aalala ko ang mga tawanan, bulong-bulungan at tuwiran nilang pagpaparinig sa akin. Pagna-iisip ko ang kanilang mga mukha, ang nakikita ko, pinagtatawanan nila ako.Ayoko ko na silang makita pang muli. Ayoko ko nang bumalik sa simbahan kung saan ako lumaki.

Hindi ko maisip si Arvin sa masasayang sandali dahil sa tuwing naiisip ko siya lalo akong nangingilabot sa sa tindi ng kahihiyan.

Kaya kong sabihing mahal ko si Arvin. Pero dapat kong kalimutan kasama sa desisyon kong makalimot, magbago at umalis.

Hindi na ako nag-simba, simula noon. Nag-txt sa akin si Arvin pagkaraan ng ilang sandali. Pero hindi ko nagawang replayan. Punong-puno ako ng hinanakit na kahit hindi sa kanya. Pagkatapos noon, hindi na muling nag-txt pa sa akin si Arvin.

Dumaan ang ilang linggo. Naka-tanggap ako ng mga mensahe kung nasaan ako at bakit wala ako pero binalewala ko ang lahat. Natapos ang pasukan, hindi na talaga ako nagpakita sa kanila. Nakapag-desisyon na akong hindi na babalik.

Pupunta ako sa tita ko sa Laguna para doon makalimot. Hindi ako mag-iistay doon ng ilang araw kundi hanggang sa kung kelan pwede akong maglagi doon.


-REN
----

Sa mga sumusubaybay sa aking likha, ito ang katapusan ng "Flickering Light." Maaaring natapos ang kwento sa hindi "happy ending" na paraan. Hindi ko alam kung mali ang naging desisyon, ngunit itinuloy iyon dahil natakot ang pangunahing karakter.


ABANGAN ninyo ang kanyang pagbabalik.

5 comments:

Anonymous said...

Awwwwwww...umiyak ako para kay ren.. Para kasing kulang ewan ko... Grrr.. Napamahal ako sa kwento...




Dj

Anonymous said...

Wakas na po b2 kase parang betan yung end..

Anonymous said...

parang ako kwento ng buhay ko ito ah. hehehe. kaibahan lng d ako lumayo. pero d ko rin naman inamin. hahaha. nawawala din naman ang tsismis sa kalaunan. d man naging kami magkaibigan pa din kami hanggang ngaun. at kung nagkainuman at nalalasing minsan nagkakatoooooot pa din. hahaha

Anonymous said...

i was so sori for ren....medyo naka relate ako sa kanya kasi when i was in college i belonged to a christian group and then i had a best friend na super close friend ko talaga sa church...pero walang nangyari sa amin hah hehehe...kahit anong gawin kong contradiction sa feeling ko inlove talaga ako sa kanya pero hindi ko to sinabi sa kanya baka mailang sya...but i guessed he knew it kasi napaka close nga namin...it was so hard on my part tlga, tapos ang dami pang nagkagusto sa kanya kasi husband material sya hehehe....the hardest thing is hnggang ngayon sya pa rin ang nilalaman ng puso ko...gustuhin ko mang mag move on but i cant help to compare him with others...character pa rin nya ang panalo para sa akin...gusto ko ng magmahal ng iba pero ang hirap nyang ialis grrrr....

Anonymous said...

Aww. Sad :) Sana habaan pa tong story na toh. :) I wanna see how Ren face them and Arvin as well. :)